Biyernes, Hulyo 4, 2008

Pambungad sa nobelang Banaag at Sikat (1906)

PAUNAWA

[Ang sumusunod ang Pambungad ni Macario Adriatico sa nobelang Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos, Maynila, Disyembre 1906. Ni-retype ni Greg Bituin Jr., ng pahayagang Obrero upang maipalaganap sa kasalukuyang henerasyon at basahin din ang nobelang nabanggit.]


Hindi lihim sa kaibigan kong Lope K. Santos , na ako’y di lubhang sang-ayon sa nilalayon o inaadhika ng BANAAG AT SIKAT. Mula pa nang mapuna ko ang pakikipagtalo ni Delfin at ni Felipe kay Don Ramon, sa “Batis ng Antipulo,” ay akin nang nasabi sa ilang kamanunulat sa wikang Tagalog, na, sa ganang akin, ay totoong napakasulong o totoong napakaaga ang “pamamanaag at pagsikat” ng nakapapasong init ng “Araw ng Sosyalismo,” dito sa mga bayang silanganin. Ang lahat ng ito ay pawang talastas ng aking kaibigan.

Datapwa’t isang kataka-taka! Walang napili, walang napitang hingan ng kaunting pagod, upang malagdaan ng Paunawa ang kanyang BANAAG AT SIKAT, maliban sa akin. Dahil dito’y sumilid sa gunamgunam ko na wala ngang makapangangahas sumulat ng BANAAG AT SIKAT kundi si G. Lope K. Santos. Karaniwang ugali ng mga manunulat ang pumili ng isang bunyi at lantad na ginoo, upang lagyan ang isang katha ng isa namang Paunawang ipagkakapuri ng kumatha. Si G. Lope K. Santos ay lumihis sa dati o luma nang tuntuning iyan, at siya’y lumihis, marahil, sapagkat ang BANAAG AT SIKAT ay ibang iba sa “mga aral at sulit, mula pa sa utos ni Moises,” kung dito rin lamang sa Sangkapuluang Pilipinas. At dahil dito naman, nang malubos ang kabaguhan ng palakad, pinili niya’t pinakiusapang magbigay-paunawa akong maramot magkaloob ng walang wastong papuri.

Tutupdin ko ang pangako, pangakong matibay na isiwalat ang buong katotohanan, – sa sarili kong pagmumunimuni – na mapupuna sa BANAAG AT SIKAT.

Napansin ko agad ang pangalan ng katha. Pagkabasa ko na ng una pang lathala o labas ng pahayagang Muling Pagsilang, ay naalaala ko ang maraming bansag na katha naman sa Europa, katulad ng Aurora Social, Aurora Roja, Trabajo, atbp., samakatwid, ay ipinalalagay kong may inihahayag na ritong “salitang-katha” o novela, na bagung-bago o di pa kilalang gawin sa kapilipinuhan: Novela Socialista!

Di ako nagkamali. Ang BANAAG AT SIKAT ay isang pagbubukang- liwayway ng “Araw ng Sosyalismo” dito sa Pilipinas. Ang ano mang aklat ay isang pagkain ng pag-iisip at damdamin, na inihahandog sa mambabasa, at palibhasa’y bagong pagkain ang BANAAG AT SIKAT, akin munang pinagmalas-malas, saka tinikman, tuloy nilasa at pinakiramdaman sa aking sarili at sa iba pang mambabasa, kung nakabubusog at di naman nakasisira. Ang kawikaan ko baga’y di ganoong-ganoon lamang ang maghayag o kumatha ng isang salaysaying sosyalista. Kinakailangang bihasa at matalinong pilosopo, masuri at mawilihin sa Istorya, at lalo pa sa lahat ng bagay na ito, kailangang ang kumakatha’y may kabatirang ukol sa pasuluk-sulok ng buhay, pag-uugali at pangangailangan, una-una, ng sangkatauhan; ikalawa’t higit pa, ng bayang kinaaaniban ng manunulat. – Ang lahat ng hiyas na ito ng pag-iisip, ay mapapanood kaya natin sa BANAAG AT SIKAT? Kayo, mga mambabasa, ang bahalang magmasid at magkuru-kuro. Wala akong ipinahahayag kundi ang sarili kong palagay, palagay na imbi sapagkat bunga ng kaunti kong kaya.

Mahusay at maliwanag ang pagkakalathala ng mga buhay-buhay at salitain sa bawat bahagi ng katha; dalisay ang mga pangungusap; maayos ang pagkakapanig ng mga tugmang ukol sa mga personahe. Bawat bahagi ay nasasabugan ng masasamyong bulaklak, ng maayos na pananalita, at nahihiyasan ng mahahalagang pagkukuro at pagninilay-nilay. Sa akala ko, ito’y isang halimbawang ipinakita ng kumatha, at dapat tularan. Ang BANAAG AT SIKAT ay hindi masasabing isang pagkakatagni- tagni lamang ng sari-saring salaysayin; hindi nga, ang bawat bahagi niya ay isang pamukaw ng damdamin at paliwanag sa isip, kaya nga’t di nagkasiya ang kumatha na pawilihin lamang ang mga mambabasa sa maririkit na pananalita, o sa pagsasalaysay ng mga maligayang udyok o handog ng buhay, kundi naman inihahanay ang mga mahahalagang suliraning dapat litisin at bigyang-pasiya upang maging palatuntunang dapat sundin sa ikapagttamo ng lalong maginhawa, kung di man ng maligayang pamumuhay.

Isang bagay, sa akala ko, ang nakalingatan ng kumatha. Wari’y sa pagkawili niya nang labis sa mga maririkit na damit at hiyas nina Delfin, Felipe at Meni, ay di pinakabuti ang pagbanghay sa kani-kanilang pagkatao at katayuan. Nakaliligayang malasin ang karangalan ng ugali at kadakilaan ng mga damdami’t pangangatwiran ni Delfin at Felipe, datapwat di ipinaliwanag na mabuti sa atin ang kanilang inuugali pagkabata na’t magkaroon ng pag-iisip, hindi ibinalita sa atin ang katutubong hinggil sa kanilang mga nasa, ang kanilang pinag-aralan at ang mga iba’t ibang pagkakasiga- sigalot ng buhay ng isang tao upang mapanibulos at matutong gumawi ng di-karaniwang mamalas sa mga kinakasama. Dahil dito’y pagkatapos purihin ko, sa aking loob man lamang, ang pagmamatwid ni Delfin kay Don Ramon at kay Abugado Madlang-layon, ay di ko maabot-isipin kung anong kababalaghan ang nangyari, at ang isang dukha – bagamat peryodista at nag-aaral ng Derecho – at bagong-taong nakakaibig sa isang bathala ng dilag (si Meni), ay makapangahas magsalita sa isang kagalang-galang na ginoo, mayamang ama ng kasi at sinta, ng bala-balaking matatapang at matutulis na pangangatwiran, katulad baga nang sabihing:

“– Hindi po ako – anya – ang una-una lamang nakapagsabi ng ganyan, kundi ang pantas na si Goethe, nang isulat niya ang sagutan ng isang maestro at isang alumno, tungkol sa buong pinagmulan at kasaysayan ng yaman o pag-aari.

Itinanong daw ng nagtuturo: ‘Turan mo, saan galing ang kayamanan ng iyong ama?’ – ‘Sa ama po ng aking ama,’ itinugon daw ng nag-aaral. – ‘At ang sa ama ng iyong ama?’ – ‘Sa ama ng ama ng aking ama.’ – ‘At ang sa ama ng ama ng iyong ama?’ – ‘Ninakaw p……’

Ganoon din naman, si Felipe ay namulat sa kaginhawahan at kabunyiang handog ng kayamanan; ngunit nahigtan pa niya si Delfin sa paglalathala ng nilalayon ng Sosyalismo; si Felipe, na anak ng mayaman, ay siyang mahigpit na kaaway ng kayamanan…

Naroon na rin ako sa katwiran, na ang nobela ay nagsasalaysay ng isang kabuhayan na di man nangyari o nangyayari, ay di naman maliwanag mangyari; ngunit katungkulan ng nobelista ang kathain yaong mga pagkakataon na nagiging sanhing malaki ng ikapangyayari ng kinathang buhay.

Bagaman, kung sa tayo ng Araw, ang buhay ko’y unti-unti nang lulubog at lilisanin ang masayang halamanan ng pakikipagsintahan, ang puso ko, wari ay napupukaw ng mapanintang mga salitaan ni Meni at ni Delfin, noong gabing palarin silang tulungan sa gloryeta ng DILIM upang magkabuhol ang kanilang kapalaran na di namalas ng balawis na paninginni Don Ramon. Ngunit labis sa galak ng aking puso ang pagsuri ng aking mapansining bait; kaya’t di malirip kung anong dahila’t si Meni, na may hiyas ng kagandahan, kayamanan, katalinuhan, karangalan; si Meni, na sukat makita sa kasing-uri ang pagka-Adonis o pagka-Narcisong isang peryodistang Pilipino, laki sa hirap ay… matutong maging isang Julieta ng isang Romeong nagkatawang- tao at pinanganlang Delfin…. Oo na nga’t ang pagsinta’y bulag, ngunit kailangang ipakita ang pagkabulag at ipatanto ang ikinabulag ni Meni. Bukod sa rito, kung si Delfin ay likas na sosyalista, bago niya makilala, bago pagnasaang pintuhuin ang isang Meni ay hahanapin na muna ang kapalaran sa kinalalagyan ng isang Tentay, na kasi at sinta ni Felipe.

Ang ibig kong sabihin, ay malabo ang pagkakapinta sa mga personaheng Delfin at Felipe, at dapat magkaganito, sapagkat ito’y dalawang tipong hindi pa natin nakikilala sa Pilipinas. Saksing pagkatotoo ng palagay kong ito, ang mahusay at ganap na pagkayari sa mga personaheng Don Ramon, Madlang-layon, Don Filemon at Ñora Loleng, sapagkat ang mga tipong ito’y talagang mga buhay sa kapisanang Pilipino, na, sa aking pagkapuna, ay totoong pinagmasdan at inusig ng kumatha ng BANAAG AT SIKAT.

Sinabi ko na. Ang ipinagkaganito ni G. Lope K. Santos ay sa pagkahilig ng kanyang loob sa mga bagong munakala. Bukod sa rito, dapat nating isipin na ang BANAAG AT SIKAT ay isang (tendencia) nilalayon, munimuni o panagimpan ng isang anak-bayang uhaw sa kalayaan at katwiran, na babahagyang ganapin sa mga sinupil ng yaman at puhunan.

Hanggang dito ang masasabi ko sa biglang pagmamalas at bagong bunga na inihahandog ng kumatha; marikit, mabango at wari’y ikinabubusog… .

Maaaring ikabusog, maaari namang ikamatay. Palibhasa’y di pa bihasa ang ating bayan sa Sosyalismo, kailangang huwag bibiglain ang pagkain ng laman ng BANAAG AT SIKAT. At dapat kilanlin, limiin at pag-aralang kanin, sapagkat katulad ng sabi ni Felipe’y, “saanman may mamumuhunan at manggagawa, may maylupa at magsasaka, panginoon at alila, mayaman at dukha, ang mga aral ng Sosyalismo ay kailangan, sapagkat diyan kailanman namumugad ang pagkaapi ng mahina at pagpapasasa ng iilan sa dugo ng karamihan….”

Ang pinakabuod ng BANAAG AT SIKAT…. ah! totoong mapakla, hindi wari bagay sa ating ngalangala. Sa dakong huli ay sinasabi ni Felipe: “Ah! sapagkat sa tibay ay lakas lamang ang makapagguguho; sa kapangyarihan ay kamatayan lamang ang makasusupil. Kaya ang mga hari, ang mga pangulo, ang mga puno ay sinusunod ng buu-buong bayan, ay sapagkat may hawak silang lakas ng kapangyarihan: makapagpaparusa sa sumusuway. Kaya makunat baguhin ang masamang samahan ngayon ng Samba-sambayanan, ay dahil sa pagmmatigas ng mga pamunuan….”

Sa aking sarili, ang mga aral at pangungusap na ito ni Felipe ay dapat ipahatid sa Rusya. Sukat na ang balita sa atin, subali pa nga’t ang sabay at huling pasiya ni Delfin at ni Felipe ay “Iwan nati’t palipasin ang Dilim ng Gabi”…

Palipasin ang dilim ng gabi! Ito ay isang malaking katotohanan at mahalagang katwiran. Sayang ang tayo’y maglakad, kung dahil sa kadiliman ng gabi ay di natin matutuhan ang landas. Tayo muna’y mag-isip-isip bago ikilos ang kamay at paa. Ang ano mang malalaking bagay na nangyari o ginawa ng isang bayan ay nagbuhat muna sa isang pagmumunakala. Bago dumating o nagkatawang- tao si Hesukristo, ay… ginanap muna ang paglalathala ng mga propeta. Bago natin nakamtan ang mga ilang biyaya ng kalayaan, ay pinukaw muna ang ating damdamin at binuksan ang ating pag-iisip ng mga mahahalagang lathala ni Rizal!

Sang-ayon ako sa palagay ni Delfin na “ang Sosyalismo….. ay isang daan o landas lamang na lalong maaliwalas at matuwid, kaysa kasalukuyan nating nilalandas.” Sakali man na ang Sosyalismo ay matuwid at maaliwalas na landas, humimpil muna tayo; kailangan muna ang maliwanag na ilaw ng ating pag-iisip at kailangan din naman ang sariling lakas, upang makatagal sa paglakad. Ang ilaw na lubhang kailangan nati’y ang pagkilala sa tunay na katwiran. Ang pag-iisa, pagdaramayan, pagtitinginan at pag-iibigan, ang siyang tunay na lakas. Yamang malimit banggitin ng kumatha si Juan Grave, mangyayari namang ilagay sa bibig ng matimping loob ni Delfin, ang isang pananagot sa mapusok na si Felipe. Ganito: “Siya na ang kapangyarihan ng karunungan, siya na rin naman ang dahas ng kalakasan. Ang taong marunong (ganoon din ang mayaman) ay di dapat humigit ng pangangailangan, kaysa mahirap.” At dugtungan pa natin ng ganitong sabi: “Lahat ay may katwirang humanap ng ikagiginhawa, lahat ay bahagi lamang ng kapisanan; ang malakas ay tumulong sa mahina, ang marunong ay magturo sa mangmang, nang ang lahat ay tumamo ng kaginhawahan. Kapag ang karunungan at kayamana’y ipinagkait o ipinagmalaki ng iilang mapapalad, libu-libong mahihirap ang maghihimagsik.”

Mga anak-bayan, mga manggagawa, basahin niya ang BANAAG AT SIKAT at malasin kung tapat na sa inyong loob ang bagong landas na kanyang itinuturo sa inyo. Kung sakali at minamagaling, hanapin ninyo at gamitin ang liwanag ng katwiran.

Mga marurunong, mga mayayama’t may-impok na pag-aari, basahin din naman ninyo ang BANAAG AT SIKAT; dito ninyo mapapakinggan ang kalunus-lunos na daing ng mahihirap. Kung kayo ang dahil ng kanilang makamandag na damdamin, huwag ipagkait, madaling igawad ang kaunting lunas na taglay ng labis labis ninyong kaginhawahan.

Huwag katwiranan, nino pa man, na wala pa sa panahon ang pananim ng BANAAG AT SIKAT. Sinasabi sa Florante na:

“Kung maliligo ka’y agad nang aagap

nang di ka abutin ng tabsing ng dagat.”

Noong taong 1902, nang binabalak pa lamang ang pagtatatag ng Kapisanan ng mga Manggagawa, ako’y napamaang at sinasabi ko rin na di pa panahon; ngunit nakikita na natin ang mga nangyayari. Naragdagan na ang upa sa mga manggagawa, marunong na silang magsitutol, malimit na ang aklasan, may kapisanan na silang maayos.

Ang mundo’y lumalakad, ang sabi ng isang paham. Dahil dito’y di mapawawaglit ang Pilipinas sa kilos at paglakad ng Sangkatauhan. Kailanma’t inilathala ang mga pangaral, walang sala at sisibul ang mga damdamin. Ang mga manunulat ay di na nasisiyahan sa pagsasalaysay ng mga palasintahan lamang. Ngayon, bawat katha ay may nilalayon o tinutungo na mahahalagang bagay. Lumipas na ang panahon ng Mil y una noches; di na lubhang pansin sina Esrich, Dumas, atbp. Ngayo’y kapanahunan nina Zola, Tolstoy, Baroja, Kropotkine, Grave, Marx, Reclus, Antich, Malato, Bakounine….

Namamanaag na ang Sosyalismo. Kung kailan ito lalaganap sa Kapilipinuhan, ay di pa natin masasabi, at di naman ito sukat pagtalunan. Ang di natin maipagkkaila ay totoong kumakapal ang bilang ng mga dukha, at saanma’y itinatatag ang kanilang kapisanan ng mga manggagawa.

May nagsasabi – parte interesada – na ang BANAAG AT SIKAT ay parang isang lasong inihalo sa pulot, upang marapating lasapin at lunukin ng mga anak-bayan. – At sa anong dahil? – Anya’y ikagugulo ng bayan, ikapaparam ng kapayapaan. Ito’y maling akala at pagpapalagay na walang wasto. Dapat ipabatid sa mga manggagawa ang lahat ng bagay at pangaral na nasasaklaw ng Sosyalismo. Ang masama’y papanatilihin ang mga taong-bayan sa kamangmangan, sapagkat kung magkaganito, ay padadala sa mga tampalasang udyok ng mga mapagpanggap na manunubos. Ang mga taong-bayan, sa ganang sarili nila, ay maibigin sa kapayapaan. Ibig nilang mabihisan sa kahirapan; ngunit hanggang makaiilag, ay lumalayo sa sigalutan.

Sa madaling sabi: ang BANAAG AT SIKAT ay maaaring huwaran ng mga manunulat ng nobelang tagalog, tungkol sa maayos at magaang pagsasalaysay, ganoon din sa pagkakatnig ng puno at dulo ng salita. Ang mga bahaging “Sa Batis ng Antipulo” at “Sa Isang Pasulatan,” ay mapagkukunang halimbawa ng mabuting halimbawa ng mabuting pagsasalaysay, bagamat maminsan-minsa’ y may mapupunang salitang anaki’y lagdang kastila, katulad ng sinasabi sa bilang 67, bahaging V, na ganito: “Huwag kang matakot: higit kailanma’y ngayon maipakikita sa akin ang tunay mong pagdamay sa dinaramdam ko!” Marahil ako ang namamali; ngunit ang karaniwang bigkas natin ay ganito: “Ngayon ko lamang makikita ang iyong pagdamay at tunay na pagdaramdam”. Ganoon man, ang mga kabiglaang ito’y maipalalagay na dahon ng maririkit at mababangong bulaklak.

Dapat ding tularan ang adhika ni G. Lope K. Santos na hiyasan ang bawat bahagi ng mga pagkukuro at pagpapalagay, upang mawatasan ang tinutungo ng salita. Walang pakikinabangan sa isang salaysaying walang ibinabalita kundi ang mga nangyari: dapat bigyan ng kahulugan ang nangyari, ihanay ang katwiran kung bakit nangyayari at ipahalumatyag ang mangyayari. Kung payak na palasintahan lamang ang mapupuna; kung wala nang gagawin kundi magsalaysay ng buhay na katuwa-tuwa, o dili kaya’y kagulat-gulat, ang katulad nati’y naghehele lamang sa isang sanggol.

May palagay ako na sa ibang OBRA ay ipakikilala ni G. Lope K. Santos na siya’y mabuting retratista ng kanyang mga personahe. Tila mandin kailangang tularan niya ang ginagawa ng mga dakilang maestro na gaya ni Zola: siyasatin at panooring mabuti ang buhay, bago isulat ang ibubuhay.

Ang BANAAG AT SIKAT ay panganay na anak ng nobelista. Magandang tindig, at matalino. Kulang pa lamang ng pagkilala sa lakad ng panahon at tinutungo ng Sangkatauhan. At ang lalong mabuti sana’y isilid sa puso’t pag-iisip ni Delfin at ni Felipe ang tunay na damdamin ng Inang Bayan: ang maging nasyong malaya’t may kasarinlan.

MACARIO ADRIATICO

Maynila, Disymbre, 1906