Martes, Disyembre 14, 2021

Kwento: Turok at kamatayan sa COVID-19

TUROK AT KAMATAYAN SA COVID-19
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa opisina ako sa Pasig nitong Agosto nang malaman ko sa pesbuk na sabay-sabay na namatay ang aking tiyahin, na ang asawa'y kapatid ni Tatay, at ang dalawa niyang pamilyadong anak, dahil sa COVID-19. Namatay sila nang minsang magsama-sama sa kasal ng pamangkin sa pinsan. Kaya kagulo ang aking mga kamag-anak sa Batangas nang malaman ito.

"Ano ba naman iyan? Ano nang nangyayari sa atin? Bakit gayon ang nangyaring biglaan ay marami pa sila?" ang himutok naman sa pesbuk ng isa ko pang pinsan sa ama. Sina Nanay Charing Bituin, at kanyang mga anak na sina Kuya Esmer Bituin at Ate Evelyn Bituin-Alipio ang nadale ng COVID. Kaya naulila si Tatay Pablo, at mga asawa't anak nina pinsang Esmer at Evelyn. Buti na lang at hindi pumunta roon ang aking kapatid na babae at asawa niya, na naimbitahan din sa kasalan.

Nitong Agosto 26, 2021 ay naturukan ako ng first dose sa Pasig. Akala ko ay dalawang linggo lang ay matuturukan na ako ng second dose. Subalit sabi sa akin ay tatlong buwan pa ang second dose dahil Aztrazeneca ang itinurok sa akin. Ganoon pala iyon.

Nitong Setyembre 3 ay sumabay ako kay bayaw sa pag-uwi sa La Trinidad, Benguet, kung saan naroon naman ang aking asawang si Liberty na nag-aalaga sa inang maysakit. Ayon kay Liberty, nagyaya ang aking biyenang babae na magtungo ako roon sa kaarawan nito sa Setyembre 5. Magkasunod lang sila ng aking ina na ang bertdey ay Setyembre 6.

Umalis kami ni bayaw, kasama ang kanyang drayber, ng madaling araw sa Cubao. Nakarating kami ng La Union, patungo sa kanyang kamag-anak roon ng bandang ikawalo ng umaga. Nagkumustahan at nagkwentuhan muna sila bago umalis bago magtanghali. Nakarating kami sa La Trinidad ng bandang ikalawa ng hapon. Pumunta muna kami sa Benguet State University dahil may pulong doon si bayaw. Ako naman ay nagtungo sa katapat nitong Benguet General Hospital pagkat naroon si misis. Katatapos lang niyang magpaturok ng second dose ng Pfizer matapos ang two weeks after first dose. Bandang gabi ng araw na iyon ay napansin ni misis na para akong may trangkaso. Setyembre 5, kaarawan ni Nanay Sofia, maayos pa ang lagay ko ng umagang tirik pa ang araw. 

Kinagabihan, hindi na ako pinayagan ni misis na sumama kina bayaw sa pagluwas sa Maynila dahil tumindi ang trangkaso ko. Setyembre 9 ay nagtungo kami ni misis sa BenguetGen upang magpatingin. Setyembre 12 ay nai-text kay misis na ako'y positibo sa COVID-19. Setyembre 11 ay nagpabakuna naman ang isa ko pang bayaw at ang kapatid nilang Bunso sa Benguet diyan nang mapadala na ang isked nila. Naturukan sila ng Sinovac.

Setyembre 14, isinugod si Bunso sa BenguetGen. Namatay ng araw na iyon si Kokway. Nagulat si Nanay Sofia na nasa ospital din ng araw na iyon, kasama ang isa kong pamangkin, dahil sa COVID. Umaga ng Setyembre 20 ay namatay na rin si Nanay Sofia.

Limang kamatayan sa loob ng dalawang buwan. Tatlo sa bahagi ng kapatid ni Tatay. Dalawa sa bahagi ng aking asawa. Nakalulungkot at nakakatakot na pangyayari sa panahong may COVID din ako at inaalagaan ng aking asawa sa bahay, pagkat puno na ng pasyente sa BenguetGen.

Sinabihan ako ni Mam Lou, na ninang namin ni misis sa sa kasal at siyang nagturo sa amin ng pageekobrik, na itigil ko muna ang pagiging vegetarian ko at kumain akong muli ng karne habang nagpapagaling. Sinunod namin ang payo kaya minsan ay nagbubulalo kami ni misis.

Oktubre 26 ay naiekedyul ako sa second dose sa Pasig. Ang sinabi nilang tatlong buwan ay dalawang buwan lang pala. Dahil nasa Benguet ako at nagpapagaling sa COVID ay hindi ako makaluwas. Kaya nagpasabi na lang ako na magpapaturok ng second dose pag may iskedyul.

Naalala ko ang Disyembre 27 na kababago pa lang kadedeklara na International Day on Epidemic Preparedness nito lang panahon ng pandemya. Marahil dapat magkaroon ng pagkilos sa araw na ito, hindi man sa kalsada, kundi kahit selfie sa pesbuk na may hawak na plakard na nagpapaalala sa araw na ito. Yayakagin ko ang mga kasama na makibahagi sa araw na ito.

Lampas na ako ng 21 days na na-COVID. Kaya nagpasya kami ni misis na lumuwas ng Maynila. Nagpa-antigen muna kami at nagpa-checkup sa BenguetGen bago lumuwas. Nang makuha na namin ang resulta ng anti-gen at general check-up, lumuwas kami ni misis ng Nobyembre 16 ng gabi at nakarating sa Cubao, sa bahay ng aking biyenan, ng madaling araw. 

Napuno ng tula hinggil sa pagkakasakit ko ang aking pesbuk at blog. Patunay ng matindi kong karanasan at alaala ng COVID.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.

Linggo, Nobyembre 14, 2021

Pagdatal ng bagyong Ulysses


PAGDATAL NG BAGYONG ULYSSES
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang hagupit ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 na nagpalubog sa maraming lugar sa Metro Manila at karatig-pook. Subalit tila ba naulit ang bagyong Ondoy nang inilubog ng bagyong Ulysses ang maraming lugar sa Metro Manila at karatig pook noong Nobyembre 11-12, 2020.

Kaluluwas ko lang mula sa Benguet kung saan tagaroon ang aking napangasawa. Oktubre 31, 2020 ay lumipat na ang opisina ng paggawa mula Lungsod ng Quezon sa Lungsod ng Pasig. Nagsilbi akong tagabantay ng opisina. Halos magdadalawang linggo pa lang ako sa opisinang iyon nang manalasa si Ulysses. Mataas naman ang lugar sa may Barangay Palatiw kaya sa kasagsagan ng bagyong Ulysses ay hindi naman kami binaha. Subalit ang katotong si Benny, na isang lider-manggagawa, at naninirahan sa San Mateo, Rizal, ay matindi ang ikinwento sa akin. 

Sa kasagsagan ng bagyong Ulysses, umabot sa ikalawang palapag ng kanilang inuupahang bahay ang baha. Kaya silang mag-anak na naroroon sa unang palapag ay napilitang umakyat sa ikatlong palapag, at umakyat ng bubong dahil pataas ng pataas ang tubig.

Nang may dumating na saklolong bangka, pinasakay niya ang kanyang misis at mga anak. Nagdalawang-isip pa siya dahil mayroon pa siyang alagang aso, at maraming kagamitang maiiwan.

Mabuti't nakinig siya sa kanyang misis na sumama na siya sa dumating na bangkang sumaklolo sa kanila. Naiwan niya ang aso nila na sa kalaunan ay hindi na nila nakita. Marahil ay nalunod na sa kasagsagan ng bagyo. 

At kung hindi siya nakinig sa kanyang misis, malamang ay hindi na siya nasaklolohan pang muli, at marahil ay hindi na siya nasagip, tulad ng kanyang asong mahal na mahal niya.

Marami pang kwento akong napanood sa telebisyon. Nagbabalik ang alaala ng Ondoy, pati na ng bagyong Yolanda, na naging dahilan upang mapasama ako sa mga lakaran hinggil sa klima, tulad ng pagkakapunta ko sa Thailand, dalawang araw matapos ang Ondoy. Setyembre 21, 2009, Lunes, nang mag-aplay ako ng ikalawa kong pasaporte, nakuha iyon ng Setyembre 25, 2009, Biyernes. Sumapit ang bagyong Ondoy, biglaan, kinabukasan, Setyembre 26, 2009. 

Lumubog ang opis ng paggawa kung saan ako natutulog, at mabuti't nasa ibang opis ako natulog nang araw na iyon kaya hindi nabasa ang aking bagong pasaporte. Dahil kung hindi'y tiyak na hindi ako makakasama patungong Thailand para dumalo sa pagpupulong hinggil sa usaping climate change. Setyembre 28, 2009 ay nakalipad na kami ng tatlo pang kasama patungong Bangkok.

Nanalasa ang matinding bagyong Yolanda ng Nobyembre 8, 2013, at isang taon matapos iyon ay nangampanya kami sa pamamagitan ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong 2014. Hanggang mapasama sa French leg ng Climate Walk mula Rome hanggang Paris noong 2015, ang panahong nilagdaan ang Paris Agreement, kung saan ang usaping klima'y pinag-isipan, pinag-usapan, pinagkaisahan at nilulutas.

Nang dumating ang bagyong Ulysses, nagbabalik ang mga alalahanin. Ano nang mangyayari sa ating daigdig? Noong 2018 nga, inilabas na ng mga siyentipiko na labingdalawang taon na lang ay hindi na mababalik sa dati ang klima ng mundo kung hindi magbabawas ng emisyon ang maraming bansa. At ngayon, 2021 na. May siyam na taon pa. May climate emergency na.

Hanggang ngayon, sumisigaw pa rin kami ng Climate Justice Now! upang dinggin ng iba't ibang bansa na magbawas na ng emisyon at huwag nang gumamit ng dirty energy tulad ng coal plants. Patuloy din ang aming pagbibigay ng pag-aaral sa iba’t ibang samahan upang magpaliwanag hinggil sa usaping klima. Patuloy pa rin ang pangangalsada. Subalit hanggang kailan tayo sisigaw?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2021, pahina 13-14.

Biyernes, Oktubre 29, 2021

Kwento: Kahalagahan ng tubig

KAHALAGAHAN NG TUBIG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, nag-iipon kami ng tubig sa malaking dram mula sa tubig-ulan upang may maipambuhos sa inidoro o kaya'y panglinis sa sahig at sasakyang pampasaherong dyip ng tiyo.

Isang araw, biglang nawalan ng tubig sa kahabaan ng kalsadang kinatitirikan ng aming mga bahay, kaya ang mga magkakapitbahay ay nagsipilahan sa pag-igib ng tubig sa isang posong binuksan ng barangay. Poso iyong ginagamit ng mga bumbero para maglagay ng tubig sa kanilang trak. Inaayos daw ang daluyan ng tubig sa kabilang kalsada dahil pulos kalawang ang lumalabas, sabi ng isang kapitbahay. Pag natapos na raw iyon ay saka magkakaroon ng tubig sa gripo.

Kami namang magkakapatid, naiwan naming nakabukas ang gripo kahit hindi tumutulo. Umaasang pag pumatak na ang tubig sa gripo ay may tubig na. Nakipila rin kami, at nagdala ng mga balde upang maigiban ng tubig.

Kinagabihan, nakatulugan na naming magkakapatid na hindi naisasara ang gripo sa lababo at sa banyo.

Nagising kami ng madaling araw na umawas na ang tubig sa dram sa banyo. Tulo naman ng tulo ang tubig sa lababo gayong walang anumang nakasahod na timba o palanggana. Buti na lang at nagising si Itay. Pinatay niya ang mga gripo. Nagising din kami. Nasermunan kami ni Itay. "Kayong mga bata kayo, bakit iniwan ninyong nakabukas ang gripo? Tulo tuloy ng tulo ang tubig at umawas pa sa ating sahig."

"Hala, linisin ninyo iyan," sabi ni Itay. Kaya kinuha naming magkapatid ang map. Ako ang gumamit ng map habang ang kapatid kong mas bata sa akin ang kumuha ng palanggana upang doon pigain ang tubig sa map.

Yaon namang tubig-ulan sa dram ay ginamit din namin upang tuluyang luminis ang sahig, di lang malapit sa banyo kundi sa sala. Kumuha kami ng tubig-ulan, nilagay sa timbang may sabon, at ibinuhos namin sa sala upang walisin at tuluyang linisin ang sahig.

Nakita iyon ni Itay. "Bakit kayo nagbuhos ng ganyan?"

"Tubig-ulan naman po iyan, 'Tay. Libre galing sa langit," ang sabi ko.

"Nangangatwiran ka pa. Porke ba libre ang tubig ay aaksayahin na lang ninyo?" ang sabi ni Itay. "Kung tubig dagat iyan o tubig sa ilog, libre iyan. Subalit pag nasa gripo na, libre pa ba iyan? May bayad na iyan, at dapat lagi tayong may nakahandang pambayad diyan. Baka pag nawalan tayo ng tubig, aba'y malaking perwisyo iyan! Di tayo makakaligo, di makakainom ng tubig, di makakapagsaing. Aba'y pag hindi ginagamit ang gripo, isara ninyo!"

Tinandaan namin ang sinabi ni Itay, dahil tama siya. Kung libre ang tubig ay gamitin namin ng tama. Kung may bayad ang tubig, lalo nang dapat naming gamitin ng tama. Dahil ang mahirap ay kung mawalan kami ng tubig.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-21, 2021, pahina 17.

Linggo, Agosto 29, 2021

Kwento: Mataas na upa, sa iskwater tumira

MATAAS NA UPA, SA ISKWATER TUMIRA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baguhan lang sa Maynila si Igme. Galing siyang lalawigan at lumuwas lang ng Maynila upang maghanap ng trabaho. Nakahanap naman ng trabaho si Igme. Hindi sa pabrika kundi bilang magbabasura. Iyon bang kumukuha ng basura sa bahay-bahay at inilalagay sa trak.

Gaano lang ang sinasahod ni Igme sa isang buwan. Sapat lang sa pagkain, na minsan ay kulang pa nga. Paano na ang pambayad sa upa sa bahay? Noong una ay nakipisan muna siya sa pamilya ng kanyang pinsan noong bagong salta pa lang siya sa lungsod. Subalit tila kinaiinisan na siya ng asawa ng kanyang pinsan kaya nagpasya siyang mangupahan na lang.

Kaytataas ng mga upa ng kwarto. Kaya nag-bed spacer muna siya. Kahit paano ay kaya pa niya ang upa. Hanggang manligaw si Igme sa isang may di gaanong kagandahang dilag na nagtitinda ng gulay sa palengke. Nagkaibigan sila hanggang sila’y ikasal. Hindi na mag-isa si Igme sa kanyang kama, at di na bed-space, kundi kwarto na ang kanyang inupahan bilang mag-asawa. Mahal na ang upa. Hanggang sa abutan sila ng pandemya. Nawalan sila ng trabaho nang mag-lockdown.

Nang lumuwag na ang lockdown, nagbalik siya sa pagtatrabaho bilang basurero, habang ang buntis niyang asawa ay hindi na makapag-tinda sa palengke. Subalit tumutulong sa asawa sa pamamagitan ng paglalabada. Hindi naman maganda ang kinikita nilang dalawa, kaya napilitan si Igme na maghanap ng mauupahang mas mura hanggang mayaya siya ng kanyang mga katrabaho na magtayo ng barungbarong na pansamantala nilang matitirahan sa malapit sa tambakan ng basura. 

Doon muna sila pansamantalang nagtirik ng tirahan kasama ang kanyang mga katrabaho. Doon sa tabi ng tapunan ng basura ay libre silang makatira dahil walang upa, walang maniningil sa kanila. Kaya doon sila nagtayo ng kanilang paraiso - isang munting barungbarong.

Libre ang paninirahan. Walang upa. Libre rin ang magkasakit dahil nasa tabi ng basurahan. Marahil ay ganyan ang kapalaran ni Igme at ng iba pang mahihirap na tulad niya. Ayaw nila ng hirap, tulad ng marami sa atin. Nais nila ng ginhawa, tulad ng marami sa atin.  Subalit dahil sa mahal na upa ng kahit maliit na kwarto na hindi kaya ng kanilang sinasahod, napilitan silang tumira sa iskwater, sa tabi pa ng tambakan ng basura.

Naalala ko tuloy ang awitin ni Gary Granada na may pamagat na “Bahay.” Tila ganuon ang nangyari kina Igme. Nagtayo ng tagpi-tagping barungbarong na pinatungan ng bato. 

Hanggang magkasarilinan ang mag-asawa at nagkausap.

“Hanggang kailan ba tayo titira rito, Igme?” tanong ni Teresa. “Dito ba natin palalakihin ang ating mga magiging anak?”

Nakatunganga sa kawalan si Igme. Hindi niya mawari ang kanyang kapalaran. Ang nasabi na lang niya sa kanyang asawa na aalis din sila doon kung makakaluwag-luwag na sila. Naisip niyang umuwi sa lalawigan, ngunit anong trabaho ang madadatnan niya roon kundi magsaka na mas mabigat na trabaho kaysa pagtatapon ng basura.

“Kailan ba tayo makakaluwag-luwag? Kakarampot lang naman ang sinasahod mo, kontraktwal ka pa. Hindi pa sigurado kung kailan ka mareregular sa trabaho mo?” ungkat muli ng kanyang asawa.

“Hindi ko alam, Teresa. Basta ang alam ko, aalis tayo rito. Ayoko rin namang itira ka rito. Basta makaluwag-luwag tayo, hahanap ako ng mas maayos-ayos na kwartong uupahan natin. Basta hindi mahal o mataas ang presyo. Baka mapunta na lang sa upa ang sahod ko at hindi na tayo makakain.” Ito na lang ang malungkot na nasabi ni Igme.

“Makakaraos din tayo.” Muling sabi ni Igme sa kanyang asawa. Tila baga pagbibigay ng pag-asa sa walang kapaga-pag-asang kinabukasan.

“Tara, mahal ko, matulog muna tayo. Mag-aalas-dose na pala ng hatinggabi,” ang nasabi na lang ni Igme habang nakatitig sa kawalan.

Umalingawngaw sa di kalayuan ang isang mahinang awitin sa radyo. Tila ba batid ni Gary Granada ang kanilang sinapit. Hanggang unti-unting nakatulugan ni Igme ang pakikinig.

“Isang araw, ako'y nadalaw sa bahay-tambakan
Labinlimang mag-anak ang doo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barong-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansiyon, halos walang nakatira
Sa init ng tabla't karton, sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan, bakit ang tawag sa ganito ay bahay?
Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan, ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam
Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
At ang pinagpala sa mundo, ang diyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito ay bahay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2021, pahina 16-17.

Lunes, Hunyo 14, 2021

Kwento: Bakit may kahirapan?

BAKIT MAY KAHIRAPAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit may kahirapan?” Isa ang tanong na iyan sa ayaw tugunan ng nasa kapangyarihan o kaya’y ayaw nilang pag-usapan. Mas nais lang nilang maglimos kaysa malaman ang ugat ng kahirapan. Natatandaan ko pa ang sinabi ni Bishop Helder Camara ng Brazil, "When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist. (Kapag nagbibigay ako ng pagkain sa mahihirap, tinatawag nila akong santo. Kapag tinatanong ko kung bakit walang pagkain ang mga mahihirap, tinatawag nila akong komunista.)"

Kaya nang minsang magkaroon ng pag-aaral ng mga maralita hinggil sa ugat ng kahirapan, ibinungad agad ng tagapagpadaloy ang sinabing ito ni Obispo Camara. “Balido ang sinabi ni Obispo Camara, may tumututol ba rito?” Walang nagtaas ng kamay, pawang nag-iisip.

Hanggang sa tumayo si Mang Igme, isang lider-maralita sa Tondo, “Kayganda ng sinabi ng Obispo. Talagang mapapaisip tayo. Pag nagbigay ka ng pagkain sa dukha, banal ka, subalit pag tinanong mo ang dukha bakit sila mahirap, aba’y masama ka na! Komunista agad ang tingin sa iyo! Aba’y magaling kung komunista ka pala pagkat palatanong ka, at hindi tango nang tango na lang sa kung anong dikta sa iyo.”

“Aba’y maganda ang iyong tinuran, Manong Igme,” sabi naman ni Mang Inggo. “Natandaan ko tuloy ang kwento ng binatang si Archimedes Trajano, na biktima ng marsyalo! Alam n’yo ba ang kwento niya. Aba’y nang tinanong lang niya noon sa isang talakayan si Imee Marcos kung bakit siya ang pangulo ng Kabataang Barangay, aba’y nairita si Imee, at ang kanyang mga tao ay biglang dinaluhong si Archimedes. Itinapon pa raw sa bintana kaya namatay. Aba’y masama pala magtanong kung kaharap mo ay may kapangyarihan!”

“Kaya nga dapat baguhin ang bulok na sistema. Ito ang panawagan namin noon pa, upang maitayo natin ang isang lipunang makatao,  walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang pang-aapi, kundi lipunang kumikilala sa dignidad ng bawat tao kahit pa siya’y maralita. Subalit bago natin iyon magawa nang sama-sama, dapat ay nauunawaan natin bakit nga ba may kahirapan. Magtanong kayo dahil diyan magiging mabunga ang ating talakayan.” Sabad ni Mang Kulas, ang tagapadaloy.

“Alam n’yo, noong ako’y bata pa, nagisnan ko nang mahirap ang buhay nina Itay at Inay. Hindi nila ako napag-aral noon, subalit kahit paano naman ay nakaabot ako ng Gred Wan.” Sabi ni Isko.

“Ang ganda pa naman po ng pangalan ninyo, Mang Isko, Parang iskolar ng bayan. Subalit iyan ba ang dahilan bakit kayo mahirap, gayong may karunungan kayong di basta nakukuha sa pag-aaral sa eskwelahan. Karunungang mula karanasan. Ang sinabi ninyo’y di ugat na kahirapan. Dii lang po kayo nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.” Ani Kulas.

Nagtaas ng kamay si Iking, “Sabi po ng iba, katamaran daw po ang ugat ng kahirapan. Kaya lang po, hindi ko maubos-maisip na tama nga iyon, dahil si Tatang naman ay kaysipag sa bukid. Maagang gumigising upang mag-araro at magtanim, ngunit kami’y mahirap pa rin. Si Kuya Atoy naman ay kay-agang pumasok sa pabrika at hindi lumiliban sa trabaho ngunit mahirap pa rin kami.”

“Tama ka, Iking, ang katamaran ay hindi ugat ng kahirapan.”

“Populasyon po ba?” Tanong ni Aling Telay, “Pag maraming anak ay naghihirap. Pag kaunti ang anak ay kaunti lang ang pakakainin. O kaya kapalaran na talaga naming maging mahirap.”

“Pag naniwala kang ang populasyon at kapalaran ang ugat ng kahirapan, aba’y hindi na pala uunlad ang may maraming anak, kahit anong sipag pa ang kanyang gagawin.” Ani Kulas.

“Ang totoong ugat ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng isang tao o grupo ng mga pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng pabrika, makina at mga lupain. Tulad sa lugar natin, ang nag-aari ng lupa ay si Don Ogag, na imbes na tayo ang makinabang sa ating pinagpaguran, ibibigay pa natin ang mayorya ng pinagpawisan natin sa kanya, dahil lang sa pribilehiyo niyang siya ang may-ari. Upang mawala ang kahirapan dapat mawala ang ganyang konsepto ng pribadong pag-aari upang makinabang ang lahat sa kanilang pinagpaguran. Tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring yamang kinamkam nila upang ang lahat naman ay makinabang.”

Tatango-tango lahat ng naroon. Naunawaan na nilang ang pribadong pag-aari pala ng mga pabrika, makina’t lupain ang ugat ng kahirapan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Biyernes, Mayo 14, 2021

Kwento - Pagbaka sa Kontraktwalisasyon


PAGBAKA SA KONTRAKTWALISASYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nakakainis talaga. Nagtatrabaho ka sa kumpanya tapos dahil kontraktwal ka, hindi ka ituturing na manggagawa ng kumpanya! Hay, naku, grabe na talaga ang pagkasalot ng salot na kontraktwalisasyon.” Gigil na sabi ni Inggo habang pigil ang kamaong nakakuyom.

“Sinabi mo pa. Problema talaga natin iyan sa kumpanya.” Pagsang-ayon ni Isko. Nag-uusap sila habang nakaupo sa karinderya ni Aling Iska.

Napamulagat naman ang nakikinig na si Aling Iska, “Ano na naman ba iyang pinag-uusapan ninyo? Buti nga, may trabaho kayo. Kahit ba kontraktwal ay may naiuuwi naman kayo sa pamilya ninyo, ah.”

“Hindi mo nauunawaan, Iska. Ang kontraktwalisasyon, kaya salot, ay iskema ng mga kapitalista upang bawasan o matanggalan ng mga benepisyo ang mga manggagawa. Imbes na dapat maregular na sa trabaho ang manggagawa ay hindi ginagawang regular.” Sagot agad ni Inggo. “Ang kontraktwal, kumbaga, ay pansamantalang trabaho, na bago sumapit ang ikaanim na buwan ay tatanggalin na lang sila sa trabaho, kahit gaano ka pa kahusay. Iniiwasan talaga ng kumpanya na maging regular ang mga manggagawa. Meron namang ilang taon na sa kumpanya, tulad ko, limang taon na subalit kontraktwal pa rin. Walang kasiguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal.”

“Ang nais namin ay maging regular na manggagawa naman kami sa kumpanyang matagal na naming pinaglilingkuran.” Sabi naman ni Isko.

“Paano mangyayari iyan? Hihilingin ba ninyo sa kapitalista o sa manedsment n’yo na gawin kayong regular? Aba’y paano kung hindi kayo pakinggan? Pag nagprotesta kayo, baka tanggalin naman kayo sa trabaho.” Sabad muli ni Aling Iska. “Baka magandang humingi kayo ng tulong sa unyon, at baka naman makatulong ang mga regular na manggagawa sa inyong mga kontraktwal.”

“Magandang ideya iyan, Iska.” Sabi ni Inggo. “Dapat makatulong nga sa problema natin ang mga regular na kamanggagawa natin, di ba?”

“Diyan natin simulan. Kausapin natin ang pangulo ng unyon na si Ka Igme, at tanungin hinggil sa ating suliranin.” Sabi ni Isko. Kinabukasan, bago ang simula ng trabaho ay kinausap na nina Inggo at Isko si Ka Igme hinggil sa kanilang kalagayan.

“Limang taon na akong kontraktwal, habang si Isko naman ay apat na taon na. Anim na buwan lang ay dapat regular na kami, di ba? Kayong mga regular, paano ba ninyo kami matutulungan. Aba, ayaw naman naming habambuhay kaming kontraktwal at wala kaming kasiguruhan sa trabaho. Bukod sa mababa na ang sahod, wala pa kaming benepisyo, di tulad ninyong mga regular.” Ani Inggo kay Ka Igme.

“Tama ka, Inggo. Panahon na talagang mag-usap tayo. Salamat sa inisyatiba ninyo. Dapat talagang magsama ang mga regular at kontraktwal upang labanan iyang salot na kontraktwalisasyon. Ngunit dapat magsimula muna tayo sa isang pulong-pag-aaral upang suriin natin at pag-aralan kung bakit nga ba may kontraktwalisasyon, at ano ang mga dahilan niyan.” Ang agad tugon ng pangulo ng unyon.

“Aba’y talagang dapat naming malaman, mapag-aralan at maunawaan kung bakit nga ba sa tagal naming nagtatrabaho sa kumpanyang ito ay kontraktwal pa rin kami. Sige, kailan iyan upang sabihan ko ang ibang kontraktwal para sa pag-aaral nang maipaglaban namin, kung kinakailangan, na magkilos-protesta kami, o sa anumang paraan upang maparating namin sa kinauukulan na gawin kaming mga regular na manggagawa.” Sabi ni Inggo, habang tatango-tango si Isko.

Mungkahi ni Ka Igme ay sa susunod na Linggo, kung kaya ng mga kontraktwal, dahil walang pasok iyon. Isakripisyo muna ang araw ng pamilya upang mag-aral hinggil sa usaping kontraktwalisasyon. 

“O, paano, magkita-kita tayo sa Linggo.” Sabi ni Ka Igme. At agad nagtanguan ang dalawa na nangakong kakausapin nila ang kanilang mga kapwa manggagawang kontraktwal upang dumalo sa pag-aaral at talakayan.  Dama nila, iyon na ang simula ng kakaharapin nilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Huwebes, Abril 29, 2021

Kwento: Ayuda


AYUDA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. 

Panahon iyon ng pandemya. Hindi makalabas ang mga tao. Kaya ang magkakapitbahay sa isang looban ay doon lang nagkakakwentuhan. Bawal lumabas ng looban, maliban sa mga tagabili ng makakain. Kung may pambili, o kung kukuha ng ayuda.

"Grabe na ang nangyayaring ito sa atin, ano? Aba’y hindi na tayo makapagtrabaho." Angal ni Mang Inggo. "Kailan ba tayo magkakaayuda? O sasagpangin na naman ng mga pulitiko ang mga ayudang para sa tao? O pipiliin lang ang kakampi nila’t ipamimigay lang ang ayuda sa tao nila?"

Napatingin si Mang Kulas, at agad nagpaliwanag. "Alam mo, pare, ayon sa right to good o karapatan sa pagkain, may dalawang dahilan lang daw upang mamigay ng pagkain ang pamahalaan sa kanyang mga mamamayan - pag may digmaan o pag may kalamidad. At ang pandemya ay nasa kategorya ng kalamidad, kaya dapat lang mamigay ng ayuda ang pamahalaan sa mamamayang di makalabas dahil sa lockdown."

Ipinaliwanag naman ni Mang Kulot, na isang manggagawang talaga namang palabasa, "Alam n'yo, ayon sa World Health Organization o WHO noon pang 2010, na pag sinabing pandemya, ito ang pandaigdigang paglaganap ng isang bagong sakit. Sa nakaraang sandaang taon, tatlong pandemya na ang nagdulot ng pinakamataas na bilang ng mga namatay. Nariyan ang Spanish Flu noong 1918-1920. Nasa tantiya'y 500 milyon katao ang nagkasakit nito at mga 50 milyon naman ang namatay. Ang tinaguriang H1N1 na virus ang dahilan ng pandemyang ito. Nariyan din ang AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome mula pa 1981 hanggang sa kasalukuyan. Ang HIV o human immunodeficiency virus ang dahilan ng AIDS. Mula noong 1981, tantiyang nasa 35 milyon na ang namatay sa AIDS.”

"Grabe pala, ano?" Sabi ni Mang Igme.

Nagpatuloy si Mang Kulot, "Nariyan din ang Asian Flu mula 1956 hanggang 1958 kung saan dalawang milyon ang tinatantyang namatay. Nagmula naman ito sa H2N2 na virus. At ngayon nga ay itong COVID-19."

"Ang tanong, nakatanggap na ba kayo ng ayuda?" sabat ni Inggo. “Ika nga ni Kulas, karapatan natin ang magkaayuda lalo na’t nasa ganito tayong kalagayan. Lockdown, hindi makalabas, hindi makapagtrabaho, hindi makadiskarte, gutom ang pamilya.”

Balik na tanong ni Mang Pekto, “Nakalista ba kayo sa barangay?”

“Iyon lang. Di lang natin alam kung nakalista tayo sa barangay. Lalo na't hindi ko ibinoto ang mga nakaupo ngayon diyan.” Ani Igme. “Aba’y pulitika pa rin yata kahit sa ayuda, kahit nagugutom na ang pamilya ng masa. Hay, naku!”

Maya-maya’t may kumatok sa looban. Trabahador sa barangay. May ayuda raw. Kung sino daw ang nakalistang kukuha sa barangay ang siyang kukuha ng ayuda dahil bawal daw ang siksikan doon. Ibinilin pang magsuot ng facemask, face shueld, at mag-social distancing.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko.” Agad na himutok ni Igme.

“Papuntahin na natin si Kulas, siya naman ang itinalaga nating kukuha ng anumang ayuda. At pag nakuha na niya, e di, hatiin natin.” Ani Inggo.

“Bakit hindi nila ibahay-bahay, upang makakuha talaga ang bawat pamilya? Kahit na yaong hindi bumoto sa kanila? Baka pag nalamang di tayo bumoto sa kanila ay di nila tayo bigyan nhg ayuda?” Si Igme uli.

“Bakit? Ipapaalam mo ba? Saka ka na maghimutok, puntahan ko muna.” Ani Mang Kulas, “May limang pamilya tayo rito sa looban. Ako lang ang pupunta dahil kada looban ay isang kukuha. Dapat nga bawat pamilya, may kinatawan. Sige, puntahan ko muna.” Ikasiyam pa lang iyon ng umaga, at tumungo na si Kulas sa barangay.

Hindi naman talaga mahaba ang pila sa barangay, subalit dahil sa social distancing na isang metro sa bawat nakapila roon, nagmukhang mahaba ang pila.

Dumating si Mang Kulas nang mag-aalas-dose na ng tanghali. Tamang-tama sa pananghalian, may dala siyang limang kilong bigas, isang dosenang delata, asukal, kape, at noodles.

Bati agad ni Inggo, “Aba’y para pala tayong nasunugan sa klase ng ayudang bigay nila. Akala ko pera ang bigay nila. Pangkalamidad pala talaga. Pero mabuti na rin iyan, kaysa wala.”

“Paano magkakasya iyan kung paghahatian nating lima, e, limang pamilya tayo rito.” Ani Igme.

Sumagot si Mang Kulas, “Pumila rin kayo roon, may pangalan pala kayo roon. Pangpamilya ko lang ang ibinigay sa akin.” Kaya nagkatinginan sina Igme, Kulot, Pekto at Inggo. Tila nagpapatotoo sa kasabihang marami ang namamatay sa akala.

“Nakupo, sana pala, naipaliwanag sa atin nang maaga iyan para nakapila rin tayo ng maaga. Paano, aba’y punta na tayo sa barangay, at baka magkaubusan ay wala tayong mapala.” Ani Igme.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2021, pahina 17-18.

Biyernes, Abril 9, 2021

Kwento: Ang umano'y kantyaw ng unggoy




ANG UMANO’Y KANTYAW NG UNGGOY
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkwentuhan ng mga manggagawa kung ano ang sinasabing kantyaw ng unggoy sa kanilang pagtalakay sa ARAK o Aralin sa Kahirapan. Isa iyong aklat na may ilang kabanata na inakda ni Ka Popoy Lagman, dating pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ayon kay Ka Igme, ang tagapagpadaloy ng talakayan, "Alam n'yo, mga kasama, pag inaral natin ang kasaysayan ng sandaigdigan, hindi man umunlad ang mga unggoy sa gubat matapos ang daang milyong taon ng pag-iral, wala naman maituturing na "mayaman" at "mahirap" na mga unggoy. Pare-parehas lang sila sa kanilang katayuan sa gubat. Habang sa ating lipunan, hindi masasabing pare-parehas ang katayuan ng tao. May "mayamang" tao at "mahirap" na tao. Kung "humirap" man ang buhay ng mga unggoy sa kagubatan, kung nasa bingit man sila ng ekstinksyon, ito’y hindi nila kasalanan kundi kagagawan pa rin ng tao."

"Oo nga, ano, walang mayaman o mahirap sa daigdig ng mga unggoy sa totoong buhay." Sabi naman ni Inggo, isang manggagawa sa pabrika. "Kaiba iyan sa sineng napanood ko na may pamagat na Planet of the Apes. May naghaharing unggoy sa kanilang daigdig."

"Ito pa," pagpapatuloy ni Ka Igme, "at nais kong basahin: Kung ang unggoy ay marunong tumawa, ito’y maluluha sa kakatawa sa tao. Ang tao ay may kung anu-anong aparato sa produksyon. Siya’y intelihente, imbentor at produktibo. Nagtatayo ng nagtataasang mga gusali at magagarbong mga syudad. Maunlad ang imahinasyon, emosyon at lenggwahe. May konsepto ng moralidad, relihiyon at sibilisasyon. May syensya, sining at teknolohiya. May industriya, agrikultura at komersyo. May mga eroplano’t barko, may mga makina’t kompyuter. Lahat ng ito ay wala ang unggoy. Pero hindi maiingit ang unggoy sa klase ng paghihirap ng mayorya ng tao sa daigdig."

"Grabe naman po iyan, Ka Igme," sabi ni Teresa, na mananahi sa katabing pabrika. "Ikinukumpara ninyo ang ating lipunan sa unggoy. syempre, dahil hindi nakakapag-isip ng syensya ang unggoy, hindi sila nakakapagpatayo ng mga building o nakakagamit ng selpon o kompyuter. Tao lang ang nakakapag-isip."

"Iyon nga ang punto, iha." Sabi ni Ka Igme, “Dahil sa daigdig ng mga hayop ay walang pagsasamantala kaya walang mahirap at mayaman sa kanila. Hindi tulad sa ating mga tao na may mahirap at mayaman sa kabila ng kaunlarang inabot ng lipunan. Nakapunta na nga ang tao sa buwan at nakagawa na tayo ng sinasabi mong selpon at kompyuter, subalit hindi pa rin malutas ng tao ang laksang kahirapan. Kung kaya mang lutasin ay ayaw lutasin dahil may tatamaan sa kanila. Iyan ang punto, kaya kung makikita tayo ng unggoy ay baka tawanan lang tayo dahil may naghihirap na tao sa kabila ng pag-unlad ng buong lipunan.”

“Nauunawaan ko na po, Ka Igme, maraming salamat sa paliwanag. Kung masosolusyonan man ang kahirapan, dapat po hindi parang limos, di po ba? Limos sa mahirap, limos sa pulubi. Parang band aid solution lang po iyon, di po ba? Ang tanong ko na lang, paano natin malulutas ang kahirapang ayaw lutasin ng mayayaman kung sila ang tatamaan?”

“Hindi ang mayayaman ang lulutas, Ineng, dahil kontento na sila sa narating nila. Maliban doon sa mayayamang masisiba na di makuntento sa kung anong meron sila. Para iyang isang puno na punong-puno ng bunga, na ang lahat ng maparaan doon ay nakikinabang. Subalit nang inagkin na ng isang mangangalakal ang lupain ng mga punong iyon, at ibenta ang bunga ng mga puno, hindi na nakikinabang ang lahat sa bunga ng kalikasan, kundi ang dupang na mangangalakal na ang nakikinabang. Pinagtubuan niya ang punong iyon.”

“Kung tutuusin po, hindi naman masama iyon, di po ba?” Si Teresa.

“Hindi masama kung sa punto de bista ng mga mayayaman, dahil kumikita sila. Subalit masama dahil binakuran niya ang lupaing mapunong iyon at inangkin, kaya ang dating masaganang pamayanan, ngayon ang mga tao ay naghihirap, dahil hindi makakuha ng bunga ng puno. Kaya ang dapat tanggalin sa kamay ng masiba ang pribadong pagmamay-ari ng punong iyon upang muling makinabang ang pamayanan, at walang nagugutom,” ang mahabang paliwanag ni Ka Igme.

Natapos ang talakayan na nauunawaan nila kung bakit kantyaw ng unggoy ang paksa ng talakayan. Umuwi silang may dalang pag-asang may pagbabago pa kung sila’y kikilos ng sama-sama tungo sa pangarap nilang lipunang makatao at pantay-pantay na dapat maitayo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2021, pahina 16-17.

Lunes, Marso 29, 2021

Kwento - Ang Lipunang Alipin


ANG LIPUNANG ALIPIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkaroon ng munting pag-aaral sa isang samahang maralita. Tinalakay nila ang mga uri ng lipunang pinagdaanan sa mahabang kasaysayan. Naipaliwanag ng tagapagturo mula sa samahang paggawa na may iba't ibang lipunan, at una niyang binanggit ang lipunang primitibo komunal. Sunod ay ang lipunang alipin. Sunod ay lipunang pyudal at ang lipunang kapitalista. Nabanggit din niya ang maaaring pangaraping uri ng lipunan sa hinaharap.

"Alam n'yo, mga kasama," sabi ng tagapagturo, "na dumaan tayo sa pagkakapantay-pantay ng kalagayan ng tao sa lipunan. Noong panahon ng primitibo komunal, sa isang tribu, pag nakahuli ang mga mangangagaso ng isang baboydamo, ito'y paghahati-hatian ng buong tribu, walang lamangan, patas ang palakad, kaya lahat ay nakakakain."

"Aba’y may ganyang lipunan pala noon." Sabi ni Igme, maralitang nangunguha ng mga tirang pagkain sa Jolibe at Makdo, at huhugasan upang iluto muli, na mas kilala sa pagpag.

"Oo, subalit nagbago ito nang lumitaw ang lipunang alipin. Nang ang isang tribu na ay nagugutom habang ang kabilang tribu ay nakakakain ng maayos, nilusob ng tribung gutom ang tribung busog, at nang matalo nila ito ay ginawa nilang alipin. At sinakop ang mga pook na maraming bunga at tanim. Dito nagsimula ang lipunang alipin." Napatango si Mang Igme.

Nagpatuloy ang tagapagturo. "Ang pang-aalipin ay uri ng sapilitang paggawa na kung saan tinuturing o tintratro ang isang tao na pag-aari ng iba. Inaari ang mga alipin nang labag sa kanilang kalooban mula nang sila'y nabihag, nabili o isinilang, at inaalisan ng karapatan na magbakasyon, tanggihang magtrabaho, o tumanggap ng bayad, katulad ng sahod. Alam nyo ba, dumaan din ang pang-aalipin sa kasaysayan na hindi tinuligsa kundi sinang-ayunan pa. Noong panahong wala pang Deklarasyon ng Karapatang Pantao, na nito lang 1948 naisulat matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan. Sa Bibliya nga, ang pang-aalipin ay pinapayagan. Nakasulat ito  sa  Lumang   Tipan  (Exodus  21:1-11,  Exodo 21:20-21, Deuteronomiya 21:10-14, Exodo 21:1-7, Leviticos 25:44-47) gayundin sa Bagong Tipan (Efeso 6:5, I Timoteo 6:1). Ang mga talatang ito at hindi pagkokondena ng pang-aalipin sa Bibliya ang pangangatwirang ginamit ng mga tagapagtaguyod ng pang-aalipin sa Estados Unidos upang ipagtanggol ang pang-aalipin sa bansang ito. Ayon sa Levitico 25:44-47, ang mga Israelita'y pinapayagang bumili ng alipin. Ang mga anak ng biniling alipin ay maaari ring bilin at gawing alipin. Ang mga ito ay maaaring ipamigay ng bumili sa mga anak nito at gawing alipin. Ayon sa Exodo 21:1-6, ang isang biniling lalakeng aliping Israelita ay pinapayagang lumaya pagkatapos ng anim na taong pagsisilbi sa may-ari nito. Kung ang lalakeng aliping ito ay binigyan ng asawa ng may-ari, ang asawa at mga naging anak nito ay mananatiling pag-aari ng may-ari kahit lumaya na ang lalaking alipin. Kung ang lalakeng alipin ay ayaw nang umalis dahil mahal nito ang asawa at mga anak at ang amo, ito at ang pamilya nito ay habang buhay na magiging alipin. Sa Exodo 21:7, ang babaeng ipinagbili ng ama nito bilang alipin ay hindi maaaring palayain tulad ng isang aliping lalake. Sa Deuteronomiyo 21:10-14, ang babaeng bihag na kaaway ng mga Israelita sa digmaan ay maaaring pakasalan at sipingan kung ito ay magugustuhan. Kung ayaw na ng lalaki sa babaeng bihag, saka lang ito pinapalaya.“

Pailing-iling na lang ang mga mag-aaral. Maya-maya ay napataas ang kamay ni Igme, “Napanood ko ang pelikulang Spartacus na pag-aaklas ng mga alipin noon sa Roma. Palagay ko, tamang mag-aklas sila.”

Nagtaas ng kamay si Inggo at nagtanong. "Hindi ba pang-aalipin din ang pangangamuhan? Binabayaran ka upang gawin ang anumang gusto ng inyong amo? Ilan na bang OFW natin ang nagpaalipin sa ibang bansa ngunit umuwing bangkay?"

“Ay, tama kayo,” sabi ng tagapagturo. “Dahil sa tulad ni Spartacus ay nabatid natin na bilang tao ay dapat tayong lumaya sa pang-aalipin at magkaroon ng dignidad. Nang magkaroon ng Universal Declaration of Human Rights, naisulat sa mga unang talata pa lang ang “All men are created equal”. Ngunit bago iyan ay naisulat na sa Kartilya ng Katipunan ang mga katagang: “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao”. 

“Maraming salamat po sa inyong itinuro at natutunan namin sa paksang ito. Ah, dapat tayong lumaya sa pagkaalipin at pagsasamantala ng tao sa tao.” Sa ganitong punto ay natapos na ang araling nagbigay ng panibagong inspirasyon sa kanila, at nangakong babalik sa susunod.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2021, pahina 18-19.

Linggo, Marso 14, 2021

Kwento; May isang puno


MAY ISANG PUNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

May matandang salaysay na ikinukwento ng aking mga nuno na halos di ko na matandaan subalit parang ganito: Sa isang ilang na pook ay may isang namumungang puno, kung saan sinumang mapadaan doong manlalakbay ay nakakakain at nabubusog sa bunga nito. 

Anang nuno, "Basta kunin mo lang ang kaya mong kainin habang ikaw ay napaparaan doon patungo sa iyong pupuntahan. Madali kasing mabulok ang bunga pag hindi agad kinain." Maraming manlalakbay ang napapadaan sa ilang na pook na iyon at namimitas ng masarap na bunga sa nag-iisang puno, lalo na't kainitan ng araw ay doon na rin sila sumisilong at kumakain. Hanggang magpatuloy sila sa paglalakbay.

Kaya kilala ang punong iyon na nagbibigay ng ginhawa sa mga manlalakbay. Patuloy iyong namumunga sa anumang bahagi ng taon. Ibinibigay ng kalikasan sa sinumang tao ang pagkaing nakakatugon sa kanilang gutom.

Marami rin mangangaral ang naringgan ko ng matalinghagang kwentong ito noong kabataan ko. Hanggang mapag-isip ko, paano kaya kung  mayroong  mag-angkin ng iisang punong ito? Kaya naman dinugtungan ko ang kanilang kwento.

Isang araw, naisipan ng isang ganid at tusong manlalakbay na nakakabatid ng ginhawang dulot ng puno sa sinumang maparaan doon na angkinin ito at bakuran. At sinumang manguha ng bunga ng puno ay kailangang magbayad, kundi man bilhin ito sa kanya.

Samakatwid, inangkin niya't ginawang negosyo ang bunga ng punong sinasabi ng mga tao'y di nawawalan ng bunga.

Kaya ang nangyari, bawat manlalakbay na magdaan sa pook na iyon, na sa layo ng nilalakbay ay nagugutom at nais kumain ng libreng bungang bigay ng kalikasan, ay napipilitan nang bumili ng pagkaing bunga sa tusong manlalakbay upang maibsan ang kanilang gutom.

Yaong mga may di sapat na salapi ay hindi makabili ng bunga kaya nagpapatuloy na lang sa paglalakbay sa kabila ng nadaramang gutom. 

Yaong mga maralitang napapadaan lang ay di na rin makapitas ng bunga ng puno upang maipakain sana sa kanilang anak na nagugutom. 

Hanggang napagpasyahan ng mga manlalakbay na nakakaunawa sa kabaitan ng kalikasan sa kanila na sila'y makapag-usap-usap. 

Anang isang manlalakbay, "Dati ay nakakakain tayo ng bigay ng kalikasan, subalit ngayon ay inangkin iyon ng isang ganid para sa kanyang sariling kapakinabangan. Bigay iyon ng kalikasan sa bawat manlalakbay, subalit bakit niya iyon inangkin? Ah, pinaiiral niya ang sistemang walang dangal, ang magkamal ng limpak na salapi, at pagtubuan ang kalikasan."

Anang isa pa, "Ginawa niyang pribadong pag-aari ang kalikasan upang siya lang ang makinabang. Dapat tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring dapat ay para sa taumbayan upang lahat ay makinabang."

Nagsipag-aklas ang mga manlalakbay at binuwag ang bakod sa puno at dinakip ang tusong nangamkam ng puno at pinalayas ito. Napakabait pa nila't pinalayas lang ang sakim at hindi pinaslang.

Nang mabuwag na ang bakod, ang bawat manlalakbay na dumaan sa punong iyon ay nakakapitas na ng bunga, nabubusog at nakadarama ng ginhawa. Natatamasa nila ang libreng bungang bigay ng kalikasan.

Makalipas pa ang maraming taon, nagkaisa ang mga mamamayan sa pook na iyon na alagaan ang puno at protektahan iyon laban sa mga pusong ganid na nais ditong umangkin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2021, pahina 18-19.

Sabado, Pebrero 27, 2021

Kwento: Paggunita sa Unang Pag-aalsang EDSA

PAGGUNITA SA UNANG PAG-AALSANG EDSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-aral at grumadweyt ako ng elementarya sa paaralan ng mga madre sa Nazareth School sa Sampaloc, Maynila, 1981. Nag-aral at grumadweyt ako ng high school sa paaralang pinamumunuan ng mga pari sa Letran sa Intramuros, Maynila, Abril 1985. Pumasok ako sa kolehiyo kung saan kayraming aktibista, na pinagtapusan naman nina Tatay at Nanay, sa kursong BS Aeronautical Engineering, Hunyo 1985.

Kaya nasa sapat na gulang na ako upang masaksihan ang unang pag-aalsang EDSA. Labingpitong gulang ako at nasa unang taon na sa kolehiyo. Panahon iyon na wala nang pasok sa aming unibersidad na FEATI University dahil sa rali at pag-aaklas ng mga estudyante mula pa ng kalagitnaan o magtatapos na ang taon ng 1985. Hindi pa ako aktibista noon kaya hindi ko pa nauunawaan talaga ang mga nangyayari. 

Di ako makapasok sa pamantasan dahil hinaharang ng mga estudyanteng nagrarali, kaya nakikinig na lang ako sa iba’t ibang isyung binibigkas ng mga naka-megaphone at may mga dalang plakard.

Naging kasapi ako noon ng Catholic Youth Movement (CYM) sa Our Lady of Loreto Parish sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila, nang makatapos ako ng tatlong araw na seminar ng CYM noong 1984. Ang aking ama naman ay kasapi ng Holy Name Society sa simbahang iyon.

Noong Pebrero 1986, kasagsagan na ng pagkilos ng mga tao sa EDSA. Sumama ako sa ilang kasapi ng Holy Name Society na magbigay ng mga pagkain sa EDSA. Nangalap naman ang aking ama ng tinapay sa mga bakery na nagbigay naman, pati bakery ng kanyang pinsan sa Project 8. Nagbigay sila nang malamang ibibigay sa mga tao sa Edsa ang tinapay.

Sa Edsa ay naging saksi ako sa mga naroong sundalong armado at mga pari’t madreng nagdarasal, at mga karaniwang tao. Saksi ako nang ibaba ng mga armadong nakasakay sa tangke de gera ang kanilang baril at inabot ang rosaryo at bulaklak na bigay ng mga tao.

Sumama ako nang malaman kong nagkakaisa ang mga tao upang labanan ang diktadura at upang mapaalis si Marcos sa Malakanyang. Sumama ako dahil noong bata pa ako’y tinanggal ng pamahalaang Marcos ang kinagigiliwan namin noong palabas na cartoon sa telebisyon – ang Mazinger Z at ang Voltes V. Kaya sa mga nakapuntang kabataan sa Unang Pag-aalsang Edsa, di ko itinuturing na isa akong bayani, kundi saksi at kaisa ng bayan. Mas itinuturing ko ang sarili kong kabilang sa Voltes V generation na nagpalayas sa halimaw na diktador. Let’s volt in! 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2021, pahina 14.

Linggo, Pebrero 14, 2021

Kwento: Babae ka! Hindi babae lang...


BABAE KA! HINDI BABAE LANG...
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Lumabas ako ng bahay upang pumunta ng botika para bumili ng gamot nang makasalubong ko ang isa kong kaklaseng babae noong elementarya. Namumugto ang kanyang mga mata. Marahil maghapong umiyak. 

Nagkatinginan kami, nagbatian. Kinumusta ko siya. Sabi niya, okay lang, sabay ngiti ng matipid. Hanggang tumungo siya at mukhang iiyak. 

Isa iyong araw na hindi kaiba sa karaniwan. Subalit para kay Magdalena, ang araw na iyon ay parang kanyang kamatayan. Dahil binugbog na naman siya ng kanyang kinakasama. Kaya niyaya ko muna siya sa isang restoran sa kabilang kanto. Umorder ako ng paborito kong tapsilog. Softdrinks na lang daw sa kanya. Hanggang kinumusta ko ang kanyang buhay may-asawa. Matagal bago siya umimik. Para bang naghahanap ng tapang na isiwalat ang nasa dibdib.

Barkada ko siya noong elementarya. Lagi kong kalaro, at minsang nakatabi sa klase. Matalino siya, maganda, at magaling. Subalit hindi gayon ang nangyari sa kanyang buhay-pag-ibig. Naipagtapat niya sa akin na malimit siyang bugbugin ng kanyang kinakasama. Ipinakita niya sa akin ang mga pasa sa kanyang braso at likod.

Sinabi ko, "Mali ang ginagawa niya sa iyo. Bakit hindi mo siya iwan?"

Anya, "May anak kami. Siya lang ang kumakayod para sa amin. May mali din kasi ako, minsan ay hindi agad ako nakakapagluto ng hapunan. Nakatulog kasi ako dahil sa pagod sa maghapong paglalaba at sa pag-aalaga kay Baby."

Sabi ko uli, "Mali naman na bugbugin ka agad dahil hindi ka nakapagluto ng hapunan."

Sabi niya, "Wala akong magawa. Babae lang ako. Sa kanya ang bahay at siya ang nabgtatrabaho. Hindi ko naman siya maiwan dahil paano na kami ng anak ko? Saan kami pupunta? Matagal nang patay sina Papa at Mama."

Sabi ko, "Alam mo, klasmeyt, noong magkaklase tayo sa elemtarya, hanga ako sa iyo dahil laging mataas ang grado mo kumpara sa akin. Naalala ko pa nang tinulungan mo ako sa ilang subject, tulad ng Pilipino at Araling Panlipunan."

Bahagya na siyang umimik. Sabi niya, "Wala iyon, nakaraan na iyon. Nagkita nga kami minsan ng ilan nating klasmeyt noon. Bakt wala ka sa reunion?"

"Hindi ko agad nalaman iyon. Tapos na nang malaman ko sa mga litrato n'yo sa pesbuk. Siyanga pala, 'yung kaninang sinabi mo, hindi ako kumporme roon."

"Saan?"

"Sa sinabi mong babae ka lang. Alam mo, klasmeyt, babae ka! Hindi babae lang. Kayo ang kalahati ng daigdig. Kung hindi dahil sa inyo, wala kaming mga lalaki. Kung hindi dahil sa inyo, wala tayong lahat dito. Kaya huwag mong sabihing babae ka lang. Babae ka!"

Matagal na katahimikan. Napaisip siya. Maya-maya ay nagsalita siya.

"Ano namang gagawin ko?" anya.

"Tanda mo ba ang mga bayaning pinag-aralan natin noon sa Araling Panlipunan. Sina Gabriela Silang, Teresa Magbanua, Trinidad Tecson, Tandang Sora, Gregoria de Jesus? Hindi ba't sila'y mga matatag na kababaihan ng kanilang panahon, lider ng kanilang henerasyon upang ipagtanggol ang bayan mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhan at kababayang naghahari-harian sa lipunan? Ikaw pa nga ang nagturo sa akin niyan noon sa Araling Panlipunan kaya nakapasa ako, di ba? Tanda mo?"

Napangiti siya.

"Kung okay lang sa iyo, may pulong ang mga kababaihan tulad mo para sa pagkilos ng mga kababaihan sa Marso Otso. Nais kong makasama ka roon. Okay ba sa iyo? Nais kitang tulungan. Pwede mo ring isama ang anak mo kung walang magbabantay. Ano?"

"O, sige, sasama ako. Kailan ba ang miting na iyon?"

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2021, pahina 16-17.

Linggo, Enero 24, 2021

Kwento: Pagpapakatao



PAGPAPAKATAO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

“Iisa ang pagkatao ng lahat.” Ito ang aking nabasa sa akdang Liwanag at Dilim ng ating bayaning si Gat Emilio Jacinto. Napakaganda ng isinulat niyang ito, na halos kawangki ng isinulat niya sa Kartilya ng Katipunan. “Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.”

Kaya naiisip ko kung marahil ang lahat ng tao ay nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, baka wala nang pagsasamantala ng tao sa tao, baka wala nang sistemang kapitalismo na ang pangunahing layunin ay lagi nang pagsamantalahan ang manggagawa upang magkamal ng limpak-limpak na tubo. Tinanong ko ang ilang sektor hinggil dito, at anong pakahulugan nila sa pagpapakatao.

“Kung ako ang kapitalista,” sabi ng manggagawang si Kulas, “aba’y gagawin kong regular ang aking mga manggagawa, at babayaran ko ng tama ang kanilang lakas-paggawa. Sa ganito man lang ay makita nilang kahit ako’y kapitalista, ako’y makatao at mahusay makipagkapwa.”

“Aba, kung ako naman ang manedsment sa isang kumpanya,” ang sabi naman ng regular na manggagawang si Igme, “Ipapantay ko ang minimum na sahod sa living wage o nakabubuhay na sahod na nakasaad sa Konstitusyon ng bansa.”

“Ang gaganda ng inyong panukala,” ikako naman, “kung kayo ang kapitalista o manedsment ng kumpanya, kaso hindi eh. Kaya panaginip lang ang lahat ng iyan. Kalikasan kasi ng kapitalismo na durugin at lamunin ang kanyang mga katunggali sa negosyo. Kaya nga pinatatanggap nila sa atin ang salitang kumpetisyon, imbes na kooperasyon. Hindi kasi sila kikita ng malaki o magkakamal ng limpak-limpak na tubo kung pulos kooperasyon sila sa kanilang katunggali. Aba’y pababaan nga sila ng sahod ng manggagawa. Iyan ang kumpetisyon sa kanila. Kung ganyan ang kalikasan ng isinusuka nating sistema, paano ang sinasabi nating dapat silang magpakatao o makipagkapwa?”

“Tama ka,” sabat naman ni Aling Tikya, “hangga’t bulok ang sistema, hangga’t nangingibabaw ang patriyarkal na sistema, mananatili pa ring second class citizen kaming mga babae. Itinuturing na pambahay lang at tagapag-alaga ng mga bata. Disin kasi kami’y nagbubuntis at kayong mga diyaskeng lalaki ay hindi! Aba’y dapat lang baguhin ang sistemang bulok!”

“Kung nagpapakatao ang mga taong gobyerno, dapat mas buwisan nila ang mga mayayaman, kaysa mahihirap. Sa ngayon, dahil sa VAT, pare-pareho lang ang kaltas sa mga binili ng mahirap at mayaman. Tax the rich, not the poor. Sa totoo lang, ang pulubing maghapong kumita sa panlilimos, pag bumili ng pamatid-gutom na noodles para sa kanyang pamilya, aba’y may buwis agad. May 12% VAT agad na kaltas kasi sa bawat produkto,” sabi naman ng gurong si Mang Ramon.

“Pati nga ang karapatan sa edukasyon at kalusugan ay may presyo sa ilalim ng ganitong sistema ng lipunan. Karapatan na iyon, ha?” dagdag pa ni Mang Ramon. “Kaya ano ang sinasabi nating magpakatap at makipagkapwa tao ang mga nasa educational system natin, gayong sila ang hindi kikita o sasahod kung hindi magbabayad ng mahal sa edukasyon ang mga estudyante. Lalo na ang mga ospital na nais isapribado. Ang matindi pa sa ganitong sistema, pag isinugod mo sa ospital ang misis mong maysakit, hindi kayo agad tatanggapin kung wala kayong pandeposit, iyan ba ang pagpapakatao at pakikipagkapwa?

“Kung talagang nagpapakatao at nakikipagkapwa ang kapulisan, o mismong pamahalaan natin, sana’y buhay pa ang aking anak. Sana dinaan nila sa wastong proseso ang ginawa nilang pagsupil sa mga nagdodroga, upang makita nilang hindi nagdodroga ang anak ko. Kung may kasalanan man siya, dapat siyang makulong, at bilang ina ay nais ko siyang madalaw kahit sa kulungan upang ipakita ang pagmamahal ko bilang ina, hindi ang madalaw siya upang tirikan ng kandila sa sementeryo,” may halong galit at luha ang mahabang paliwanag naman ni Aling Nanette.

Natahimik kaming lahat sa kanyang tinuran.

Matitindi ang samutsaring ideyang nagsisilabasan na talaga namang nakapupukaw ng kaisipan. Malayo pa ang ating tatahakin upang talagang matamasa natin ang tunay na pagpapakatao at pakikipagkapwa.

Nakasakay ako sa dyip minsan patungo sa isang pulong nang mapansin ko kung paano ba nagpapakatao at nakikipagkapwa ang bawat isa. Sa loob ng dyip ko iyon nakita: Sa pagbabayad ng pamasahe at pag-aabot ng sukli ng mga taong hindi magkakakilala subalit kapwa naglalakbay. Aabutin ang bayad at ibibigay sa drayber, at ibabalik naman ang sukli sa pasahero nang hindi kinukupit ang pera. May katapatan sa puso’t diwa na ibalik ang sukli. Ah, naisip ko lang, may pag-asa pa.

Kung sa bayad-sukli ay may tapat na pagdadamayan na ang mga tao, hindi malayong ang inaasam nating pagkakatao at pakikipagkapwa tao ay masilayan natin talaga. Baka hindi sa panahon ng pananalasa ng bulok na sistemang kapitalismo, kundi sa susunod na yugto nito. Sa ibang sistema.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2021, pahina 16-17.

Huwebes, Enero 14, 2021

Kwento: Pagsalubong sa Bagong Taon


PAGSALUBONG SA BAGONG TAON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Sinasalubong ng mamamayan ng daigdig, saanmang bansa nagmula, anumang lahi ang pinanggalingan, anumang kulay ng kanilang balat, ang pagsapit ng Bagong Taon. Sinasalubong nila ito sa pamamagitan ng mga makukulay na paputok. Madalas na Enero a-Uno ng madaling araw ay ipalalabas na sa balita sa telebisyon ang mga Bagong Taon sa iba’t ibang panig ng mundo, na ang madalas ipakita ay pawang mga paputok.

Habang sa Pilipinas, mapapanood mo sa mga ulat sa telebisyon ang mga kabataang naputukan ng daliri. Halos taun-taon na lang ay nadarag-dagan ang bilang ng mga naputukan. Maaaring mas mababa ang bilang ng naputukan ngayon kumpara noong nakaraang taon subalit walang nabawas sa bilang. May Bagong Taon pang may nabaril na bata. Namatay. Ah, dapat ngang ipagbawal ang pagpapaputok ng baril pag Bagong Taon.

Tingnan natin ang kwento ng dalawang kakilala ko. Magkaiba sila ng dahilan kung paano sila nawalan ng daliri. Si Inggo ay nawalan ng daliri noong nakaraang Bagong Taon dahil naputukan ng malakas na paputok, iyon bang Goodbye Philippines kung tawagin. Kaya iyon, Goodbye Daliri rin siya. Si Igme naman ay nawalan ng daliri nitong nakaraang taon din lang, bagamat hindi Bagong Taon, Kalagitnaan ng taon nang maipit ng makina ang kanyang tatlong daliri, ang hintuturo, ang hinlalato at ang palasinsingan. Naiwan na lang sa kanya ang hinlalaki at kalingkingan. Ah, paano ba natin sinasalubong ang Bagong Taon? Nagtanong-tanong ako.

Sabi ni Aling Rosa, “Dapat sa media noche pa lang ay marami na kayong mga prutas na bilog sa inyong lamesa. Tapos, magsuot din kayo ng mga kamisetang may tatak o disenyong bilog-bilog. Ito kasi ang sabi ng mga matatanda sa amin noong araw. Swerte raw ang mga bilog-bilog.”

Ayon naman kay Mang Kiko, “Noong araw, noong bata pa kami, asayment namin sa eskwela ang pagsulat ng mga New Year’s resolution. Ginagawa naman namin, hindi ang pagsasabuhay ng resolusyon, kundi ‘yung asayment, para makapasa naman kami at tumaas ang grado.”

“Nagpapahula naman ako pag Bagong Taon,” ani Impong Nena, “Ano bang kakaharapin ko ngayong taon? Bakasakaling tumama sa lotto ang mga numero ko.”

“Alam mo, Utoy,” ani Tata Bestre, “Kaya nagpapaputok ang mga tao sa Bagong Taon, dahil sa paniwalang tinataboy nito ang mga masasamang espiritu, at mawala ang mga kamalasan. At salubungin natin ay swerte.”

Marami pang mga kwentong kaugnay sa Bagong Taon. At ito ang matindi, nang makausap ko na’y manggagawa, tulad ni Ka Pilo, isang lider-manggagawa at pangulo ng isang unyon ng manggagawa sa Pasig.

“Bagong Taon? Bagong petsa lang naman iyan sa kalendaryo. Pero lumang sistema pa rin! Kung nuong nakaraang dalawa o limang taon ay kontraktwal na manggagawa ka, kontraktwal ka pa rin naman ngayon. Hindi nasusunod ‘yung patakarang pag nakaanim na buwan ka na, dapat maging regular ka nang manggagawa. Kaya nga walang pagbabago sa Bagong Taon. Pagbabago lang iyan ng petsa, hindi pagbabago sa buhay at kalakaran ng bulok na sistema ng lipunan!” Ito ang mariing sinabi ni Ka Pilo nang aking makausap.

Ayon naman kay Ka Miguel, na kanyang bise-presidente sa unyon, “Wala talagang pagbabago kahit Bagong Taon. Tingnan mo na lang ang sahod ng manggagawa, napakababa kumpara sa sinasabing living wage sa Konstitusyon na dapat sahod na makabubuhay. Ano pa? Magkakaiba rin ang pasahod sa bawat rehiyon. Kung dito sa NCR ay P519 ang minimum wage o natatanggap ng manggagawa, sa Laguna ay P400 lang, sa Visayas ay P310 lang, at sa Davao ay P300 lang. Aba’y dahil iyan sa mga Regional Wage Board na nagtatakda ng sahod. Aba’y nakokontrol ng pamahalaan ang sahod ng mga manggagawa ngunit hindi nila makontrol ang presyo ng mga bilihin. Nakakapikon, di ba? Kaya anong ipagsasaya natin sa Bagong Taon maliban sa nagbagong petsa?”

“Kung nais nating ipagdiwang ang Bagong Taon,” hirit ko, “dapat pala bago na rin ang sistema. Pag naipanalo na ng uring manggagawa ang inaasam niyang pandaigdigang lipunang makatao, isang lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao, isang lipunang nangangalaga sa kalikasan at kapaligiran, isang lipunang ang bawat isa’y nagpapakatao at nakikipagkapwa tao.”

“Iyan, tama ka, iho.” Sabi ni Ka Pilo, “Kaya patuloy tayong magmulat at mag-organisa upang makamit natin ang lipunan nating pinapangarap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 13-14.