PAGGUNITA SA UNANG PAG-AALSANG EDSA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nag-aral at grumadweyt ako ng elementarya sa paaralan ng mga madre sa Nazareth School sa Sampaloc, Maynila, 1981. Nag-aral at grumadweyt ako ng high school sa paaralang pinamumunuan ng mga pari sa Letran sa Intramuros, Maynila, Abril 1985. Pumasok ako sa kolehiyo kung saan kayraming aktibista, na pinagtapusan naman nina Tatay at Nanay, sa kursong BS Aeronautical Engineering, Hunyo 1985.
Kaya nasa sapat na gulang na ako upang masaksihan ang unang pag-aalsang EDSA. Labingpitong gulang ako at nasa unang taon na sa kolehiyo. Panahon iyon na wala nang pasok sa aming unibersidad na FEATI University dahil sa rali at pag-aaklas ng mga estudyante mula pa ng kalagitnaan o magtatapos na ang taon ng 1985. Hindi pa ako aktibista noon kaya hindi ko pa nauunawaan talaga ang mga nangyayari.
Di ako makapasok sa pamantasan dahil hinaharang ng mga estudyanteng nagrarali, kaya nakikinig na lang ako sa iba’t ibang isyung binibigkas ng mga naka-megaphone at may mga dalang plakard.
Naging kasapi ako noon ng Catholic Youth Movement (CYM) sa Our Lady of Loreto Parish sa Bustillos St., sa Sampaloc, Maynila, nang makatapos ako ng tatlong araw na seminar ng CYM noong 1984. Ang aking ama naman ay kasapi ng Holy Name Society sa simbahang iyon.
Noong Pebrero 1986, kasagsagan na ng pagkilos ng mga tao sa EDSA. Sumama ako sa ilang kasapi ng Holy Name Society na magbigay ng mga pagkain sa EDSA. Nangalap naman ang aking ama ng tinapay sa mga bakery na nagbigay naman, pati bakery ng kanyang pinsan sa Project 8. Nagbigay sila nang malamang ibibigay sa mga tao sa Edsa ang tinapay.
Sa Edsa ay naging saksi ako sa mga naroong sundalong armado at mga pari’t madreng nagdarasal, at mga karaniwang tao. Saksi ako nang ibaba ng mga armadong nakasakay sa tangke de gera ang kanilang baril at inabot ang rosaryo at bulaklak na bigay ng mga tao.
Sumama ako nang malaman kong nagkakaisa ang mga tao upang labanan ang diktadura at upang mapaalis si Marcos sa Malakanyang. Sumama ako dahil noong bata pa ako’y tinanggal ng pamahalaang Marcos ang kinagigiliwan namin noong palabas na cartoon sa telebisyon – ang Mazinger Z at ang Voltes V. Kaya sa mga nakapuntang kabataan sa Unang Pag-aalsang Edsa, di ko itinuturing na isa akong bayani, kundi saksi at kaisa ng bayan. Mas itinuturing ko ang sarili kong kabilang sa Voltes V generation na nagpalayas sa halimaw na diktador. Let’s volt in!
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2021, pahina 14.