Martes, Marso 29, 2022

Kwento - Rali para sa P750 minimum wage

RALI PARA SA P750 MINIMUM WAGE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa sumali sa rali ng mga manggagawa upang madagdagan ang sahod ng bawat manggagawa bawat araw, hindi lamang dito sa Pambansang Punong Rehiyon o NCR, kundi sa buong bansa. Sa ngayon kasi, iba-iba ang sahod ng manggagawa sa rehiyon. Kausap ko ang isang kasama at ipinaliwanag niya sa mga nagraraling tulad ko bakit nga ba pitumpu't limang daang piso ang dapat maging sahod ng manggagawa. Minimum wage pa lang daw iyon, hindi pa iyon living wage o nakabubuhay na sahod? Ha? Sabi ko. Magkaiba pa pala iyon...

Sabi ng kasama, "Minimum na sweldong P750 sa buong bansa para sa ating kapwa obrero! Di gaya ngayon, umiiral pa ang Regional Wage Board kaya iba ang sahod ng manggagawa sa probinsya. Sa N.C.R. nga, P537 na, habang P300 lang doon sa Cordillera. P420 sa Gitnang Luzon at P400 naman sa CALABARZON. Sa MIMAROPA, P320. Sa Bicol, P310!"

Patuloy niya: "Mas mataas sa BARMM kaysa Bicol ng kinse pesos. Parang Eastern Visayas, three hundred twenty five pesos. Sa Western Visayas ay three hundred ninety five pesos. Sa rehiyon ng Davao, three hundred ninety six pesos. Gayong halos pare-pareho ang presyo ng bigas sa lahat ng rehiyon, kahit presyo ng sardinas. Bakit sweldo'y magkaiba pa, dapat iparehas. Ganito ang nais natin, isang lipunang patas."

Napaisip ako, "Ibig sabihin, dapat buwagin ang Regional Wage Board." At sagot ng kasama, "Kung iyan ang nararapat, dahil matagal nang instrumento iyan ng kapitalista upang pagsamantahan ang mga manggagawa. At mula sa rali, kami'y umuwing dala ang adhikaing ipanalo ang P750 minimum wage across the board. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2022, pahina 16.

Linggo, Marso 27, 2022

Libingan at kapak

LIBINGAN AT KAPAK

Talinghaga nina Gat Emilio Jacinto at Huseng Batute animo'y pinagtiyap. Ayon sa bayaning Jacinto sa ikatlong paksa ng kanyang akdang Liwanag at Dilim:

"Tayo'y huwag mainaman sa balat pagkat di kinakain at karaniwang magkalaman ng masaklap. Ang mga libingang marmol ay maputi't makintab sa labas; sa loob, uod at kabulukan."

Ayon naman sa makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, sa ikalawang saknong ng kanyang tulang pinamagatang "Pagtatanghal" sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 82:

"Ano ang halaga ng ganda ng malas,
di gaya ng tago sa pagkakatanyag,
huwag mong tularan yaong isdang kapak, 
makisap ang labas, sa loob ay burak."

Anong tindi ng pagkakawangki ng kanilang talinghaga, kaya ako'y napaisip, at sa tuwa'y napagawa ng tula:

dalawa kong iniidolo
talinghaga'y halos pareho
bayaning Emilio Jacinto
at makatang Batute ito

sa labas, bagay na maganda
ay hinahangaan tuwina
ngunit huwag tayong padala
pagkat loob ay bulok pala

anong tindi ng pagmamasid
pagsusuri'y kanilang batid
pamanang sa atin ay hatid
upang sa dilim di mabulid

mga gintong palaisipan
para sa ating kababayan
nagmula sa kaibuturan
ng kanilang puso't isipan

taospusong pasasalamat
sa nabanggit na mga aklat
na kung iyong mabubulatlat
may gintong diwang masasalat

- gregoriovbituinjr.
03.27.2022

Lunes, Marso 14, 2022

Kwento: Saan Patungo ang Maralita?


SAAN PATUNGO ANG MARALITA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Saan nga ba nanggaling ang mga maralita? Bakit nga ba kayraming mga maralita? Ayon sa PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod, ang mga maralitang lungsod ay nagsulputang kabute matapos ang Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na nakasanayang gamitin ngunit maling salin ng World War Two). Mula sila sa mga malalayong lalawigan na sinira ng digmaan. 

Tinawag silang maralitang lungsod dahil sila’y mahihirap na pamilyang napunta sa marangyang lungsod. Sila ang mga mahihirap na walang kakayanang mabili ang pangunahing pangangailangan, kung hindi man sapat, kulang o gipit sa salapi o sinasahod, o kita mula sa diskarte upang maipanggastos at mabili ang mga kailangan, pangunahin na ang pagkain at gamot.  Sila’y mga maralitang walang pag-aaring lupa kaya nakikitirik sa lupa ng pamahalaan o sa pribado.

Mas marami akong nalaman sa laban ng maralita nang ma-deploy ako bilang staff sa pambansang samahan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001 na nakikibaka na ang lider nitong si Ka Roger Borromeo o KR, at nakikinig ako sa kanyang mga sinasabi hinggil sa buhay, karanasan at kasaysayan ng mga maralita.

Ayon sa kanya, maraming nagugutom, at maraming maralitang ang mga bahay ay dinedemolis. 1997 nang pormal ko siyang makadaupang palad sa laban ng mga maralitang taga-North Triangle, na kinatatayuan ng TriNoMa ngayon. Bagamat una ko siyang nakita sa basketball ball court ng Estella Maris College sa ikalawang Kongreso ng KPML noong Nobyembre 27, 1994 kung saan lider-kabataan pa ako noon bilang Basic Masses Integration (BMI) officer ng KAMALAYAN (Kalipunan ng Malayang Kabataan). Napunta ako bilang staff ng Sanlakas noong ikalawang Kongreso nito noong Agosto 1996. 

Hulyo 1997 ay muli kong nakadaupang palad si KR sa matinding labanan sa Sitio Mendez sa Lungsod Quezon, kung saan nademolis ang mga bahay at napalayas ang mga maralita sa kanilang mga tahanan. Hanggang sila’y magkampo sa Quezon City Hall. Matapos ang isang buwan ay nakabalik ang mga maralita sa Sitio Mendez at nagmartsa sila sa tinaguriang Martsa ng Tagumpay noong kalagitnaan ng Agosto 1997. Iyon ay sa tulong ng KPML, Sanlakas, at iba pang samahan ng maralita, pati na ni QC Mayor Ismael Mathay na siyang naging daan upang makabalik sa kinatitirikan ng kanilang lupain ang mga maralita.

Subalit saan nga ba patungo ang mga maralita? Mula 2001 hanggang 2008 ay naging staff ako ng KPML. Matapos ay napunta ako sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) bilang staff. Nang mahalal akong sekretaryo heneral ng KPML sa ikalimang pambansang kongreso nito noong Setyembre 2018 ay pormal akong nakabalik sa KPML at patuloy na naglilingkod sa maralita.

Ang pagiging maralita o mahirap ay isang matinding suliraning kinakaharap natin sa kasalukuyan. Bagamat nakakasabay ang bansa sa pag-unlad ng teknolohiya, ang mga maralita ay nakakasabay din, lalo na’t may mga selpon din silang gamit. Ito ay naging mahalagang gamit upang makontak at makausap ang mga mahal sa buhay. Gayunpaman, marami pa rin ang nagugutom, hindi sapat na nakakakain, mababa ang sahod, ang iba’y walang trabaho. Samutsari talaga ang dahilan ng kahirapan.

Ano ang dapat nating gawin? Marahil, bukod sa isa-isang maghanap ng pagkakakitaan o trabaho, dapat kolektibong kumilos ang maralita na hingin sa pamahalaan na mabigyan sila ng trabaho. 

Bagamat naniniwala naman tayong huwag iasa sa pamahalaan ang lahat, subalit dapat tayong mag-organisa upang palitan ang sistema ng lipunang wala namang pakialam sa ating abang kalagayan. 

Kumilos tayo tungo sa isang lipunang makatao, na walang pagsasamantala ng tao sa tao dulot ng hayok sa tubong sistemang kapitalismo. Sa bagong sistemang iniisip natin, hindi indibidwalismo ang iiral kundi kolektibismo. Pag-aaralin natin ang lahat ng walang itinatangi kung mahirap man siya o mayaman. Gayundin naman, matuto tayong gamitin ng tama kung ano ang bigay ng kalikasan at huwag sirain ito. Ang mga magsasakang gumagawa ng pagkain ay hindi dapat naghihirap. Ang mga masisipag na manggagawa ay hindi dapat kontraktwal bagkus gawing regular sa trabaho. Tanggalin ang mga linta na manpower agencies na wala namang ambag sa produksyon. 

Kung maitatayo natin ng wasto at ganap ang lipunang makataong pangarap natin, baka wala nang tawaging maralita, kundi tatawagin silang kapwa. At ang lahat ay nagpapakatao at nakikipagkapwa.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2022, pahina 15-16.

Biyernes, Marso 4, 2022

Ang nobelang "The Solitude of Prime Numbers" ni Paolo Giordano

ANG NOBELANG "THE SOLITUDE OF PRIME NUMBERS" NI PAOLO GIORDANO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa katulad kong nag-aral noon ng BS Mathematics, subalit hindi natapos dahil agad nag-pultaym sa kilusang mapagpalaya, agad akong naakit sa pamagat pa lang ng isang nobelang nabili ko - The Solitude of Prime Numbers, ng Italyanong manunulat na si Paolo Giordano.

Binili ko agad ang aklat, bagamat may pilas ng kaunti ang pabalat, dahil na rin sa pagpapakilala ng aklat kung sino ba si Paolo Giordano. Umaabot iyon ng kabuuang 288 pahina, at nabili sa halagang P125.00 kanina sa BookSale ng SM Megamall. 

Nakakaakit ang paglalarawan sa likurang pabalat ng aklat, "This brilliantly conceived and elegantly written debut novel by the youngest winner ever of the prestigious Premio Strega award has sold more than one million copies in Italy."

At sa ikatlong pahina ng aklat ay ipinakilala naman ang may-akda sa ganito: "Paolo Giordano is the youngest ever winner of Italy's prestigious award, the Premio Strega, for the Solitude of Prime Numbers, his critically-acclaimed debut novel, which has been translated into more than forty languages. Giordano has a PhD in particle physics and is now a full-time writer. His new novel, The Human Body, is published by Pamela Dorman Books/Viking. He lives in Italy."

Pamilyar kasi ako sa Prime Numbers. Ito 'yung numero na hindi maidi-divide ang kanyang sarili kundi sa numerong isa (one). Ayon sa aklat na Think of a Number ni Johnny Ball, pahina 40, "A prime number is a whole number that you can't divide into other whole numbers except for 1." Halimbawa nito ang mga numerong 2, 5, 7, 11, 13, 17, 19, 23 at 29. Ito pa ang padron na inilarawan sa nasabing aklat:

31 is a prime number.
331 is a prime number.
3331 is a prime number.
33331 is a prime number.
3333331 is a prime number.
33333331 is a prime number.
333333331 is a prime number.
But what about 333333331? It turns out not to be, because:
17 x 19607843 = 333333331

Ito pa: "73939133 is an amazing prime number. You can chop any number of digits off the end and still end up with a prime. It's the largest known prime with this property."

Ayon naman sa librong "How Mathematics Work" ni Carol Vorderman, pahina 38: "Prime numbers are numbers that are exactly divisible only by themselves and 1. Primes were first discussed, 200 years after Pythagoras' death, by the Greek philosopher Euclid. The smallest prime, and the only one that is an even number, is 2 (1 is not viewed as prime). Euclid proved that an infinite number of primes exists."

Dagdag pa: "There are still some questions about primes that remained unanswered. For example, can every even number greater than 2 be written as the sum of two primes? This has never been proven formally, but a famous statement, known as the "Goldbach conjecture" states that the answer is "yes"."

Ano nga ba ang gamit ng prime numbers? Ayon pa sa How Mathematics Work: "Because large primes are so hard to find, they are often used by institutions, such as hospitals and banks, when they need confidential messages. The senders can scramble information using two large primes known only to themselves and the intended receiver - rather like personal identification numbers, or PINs, in banking. Because only part of the information are known to any one person in the chain, this makes it practically impossible for anyone but the receiver to decipher it."

Kaya nakakatuwa para sa akin na matutunan ang mga numero, tulad ng perfect numbers at prime numbers, dahil marami itong gamit sa iba't ibang teknolohiya, tulad ng mga nabanggit sa itaas. Para rin itong jigsaw puzzle o sudoku games na nais kong laging nilulutas. Kaya nang makita ko ang aklat na The Solitude of Prime Numbers, na nobela ni Paolo Giordano, agad akong nagka-interes. Anong relasyon ng prime number sa nobela? Nobela ba ito ng mga numero? Nasagot ito sa likurang pabalat ng nasabing aklat: "The Solitude of Prime Numbers is a stunning meditation on loneliness, love, and what it means to be human."

Dahil kabibili ko lang ng aklat kanina sa BookSale ng SM Megamall, hindi ko pa ito talagang nababasa. Bagamat binasa ko ang ilang pahina nito, maliban sa mismong nobela. Nais kong matapos ang pagbabasa nito, at babalitaan ko na lang kayo kung ano nga ba ang kwento, at bakit The Solitude of Prime Numbers ang pamagat ng nobela. Ginawan ko ito ng tula:

ANG NOBELA HINGGIL SA PRIME NUMBERS

The Solitude of Prime Numbers ay aking natunghayan
sa BookSale, mumurahing libro'y doon ang bilihan
nahalina sa pamagat, hinggil ba sa sipnayan?
textbook ba iyon, na gamit sa mga paaralan? 

pamagat pa lang ay hinggil na sa matematika
ngunit nakasulat doong isa iyong nobela
oo, nobela, di siya textbook mong mababasa
ibig sabihin, may kwento ng saya't pagdurusa

"The Solitude" o nag-iisa, nobelang malungkot?
ano kayang sa mambabasa nito'y idudulot?
may aral ba sa prime numbers na ating mahuhugot?
animo sa nobelang ito'y di ka mababagot

lalo't nabentahan ng libro'y higit isang milyon
sa apatnapung wika pa'y ginawan ng translasyon
kaakit-akit ang pamagat, di na maglimayon
basahin ko sa libreng oras sa buong maghapon

maraming salamat at natagpuan ko ang aklat
na marahil sa matematika'y makapagmulat
sa akin, at inspirasyon ito sa pagsusulat
nang makapag-akda rin ng nobela kung magluwat

- gregoriovbituinjr.
03.04.2022