Martes, Pebrero 28, 2023

Usapang Wika, Kaliwa Dam, Pagsasalin at KWF

USAPANG WIKA, KALIWA DAM, PAGSASALIN AT KWF 
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa mga nakasamang maglakad sa siyam na araw na Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Malakanyang noong Pebrero 15-23, 2023. Pebrero 14 pa lang ay nag-date na kami ni misis dahil anibersaryo ng aming civil wedding at hapon ay bumiyahe na ako patungong General Nakar dahil doon ang simula ng lakaran, at Pebrero 24 na kami naghiwa-hiwalay matapos ang Alay-Lakad.

Bukod sa matingkad na isyu ng Kaliwa Dam na wawasak sa 291 ektaryang kagubatan, bukod sa maaapektuhan ang ilang libong pamilya ng katutubong Dumagat-Remontado, bukod sa mawawasak pati Agos River sa Gen. Nakar, isa sa pinakamatingkad na tumatak sa akin ay ang sinabi ni Nanay Conching, na isa sa lider ng mga katutubo, nang sinabi niya noong dumating kami sa Ateneo, Pebrero 22 ng gabi, na ang pinababasa sa kanilang mga dokumento ay pawang nakasulat sa Ingles, kaya hindi nila agad iyon maunawaan, kaya sila naloloko, kaya may ibang pumirma sa dokumento ng MWSS na pumapayag na umano sa Kaliwa Dam, gayong mahigpit nila itong tinututulan.

Matingkad sa akin ang usaping wika. Ako bilang manunulat at makata ay nagsasalin din ng mga akda, subalit paano kung isalin na’y mga dokumento’t batas ng bansa natin? Tayo ang bansang nagsasalita sa sariling wika ngunit mga dokumento’y nasa dayuhang wika. Tayo ang bansang mas iginagalang ang mga Inglisero dahil mataas daw ang pinag-aralan. Tingin ko, Pinoy na Inglisero’y sa Ingles nanghihiram ng respeto.

Matagal ko na itong napapansin at sa aking panawagan ay walang pumapansin. Mayroon tayong ahensya ng wika, subalit wala talagang ahensya ng pagsasalin, bagamat may sinasabing may naitayong Filipino Institute of Translation o FIT. Ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 507, ang Institute ay 1: samahan sa pagtataguyod ng agham, edukasyon, at iba pa; 2: ang tawag sa gusali nito; 3: paaralang nagtuturo ng teknikal o espesipikong larangan ng pag-aaral. Kaya ang FIT ay masasabi nating paaralan at hindi ahensya ng pamahalaan.

Ano nga bang nais kong sabihin? Dapat may ahensyang nagsasalin ng lahat ng batas ng Pilipinas mula sa Ingles tungo sa wikang Filipino, Tagalog man, Ilokano man, Cebuano, Ilonggo, at iba pa, kung saan bawat salin ng batas ay tatatakan na “Opisyal na Salin” at may seal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sa ngayon ay walang ganito. Kaya ang mga batas natin ay inuunawa natin sa wikang di agad nauunawaan ng ating mga kababayan, ng simpleng mamamayan, ng mga maralita. Mali ito. Dapat may gawin ang KWF dahil siya ang ahensyang nararapat sa gawaing pagsasalin. Bagamat sa batas na nagtayo sa kanya, ang Republic Act 7194, ay walang ganitong probisyon.

Kung may ahensyang naatasang magsalin ng lahat ng mga batas ng ating bansa at tatatakan na iyon ang Opisyal na Salin, mas makakatulong iyon sa ating bansa. Napakaraming batas na dapat isalin sa sariling wika. Pangunahin na diyan ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, na kung may opisyal na salin ay hindi agad basta maloloko ang mga katutubo. Sa mga dukha o maralitang lungsod naman ay ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) sa karapatan nila laban sa demolisyon at ebiksyon. Gumawa kami ng sariling salin niyon upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. Sa manggagawa ay ang Labor Code. Nariyan din ang RA 9003 o National Solid Waste Management Act, ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang RA 11313 o Safety Spaces Act upang mas maunawaan kung paano nababastos ang kababaihan sa simpleng paghipo lang ng balakang at may katapat palang parusa, ang Civil Code, ang Family Code, ang Local Government Code, at marami pang batas na dapat isalin sa wika natin.

Maraming naaapi at nagpapaapi dahil akala nila ay matatalino ang mga nag-iinglesan, gayong pinagsasamantalahan na pala sila, inaagaw na pala ang kanilang lupang ninuno ay hindi pa nila nalalaman.

Kaya ang mungkahi ko na dapat maisabatas, at maging tungkulin ng ahensya ng pamahalaan na Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), na  maging opisyal na tagasalin ng pamahalaan ng lahat ng batas ng ating bansa. At tatakan ito ng imprimatur na “Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”. Amyendahan ang Republic Act 7194 na nagtayo sa KWF, at isama sa kanilang tungkulin ang pagiging Opisyal na Tagasalin ng lahat ng batas sa bansa. Maaari rin itong gawin sa pamamagitan ng Executive Order ng Pangulo ng Pilipinas. Nawa’y makaabot sa mga kinauukulan ang munting mungkahing ito ng abang makata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2023, pahina 16-17.

Lunes, Pebrero 27, 2023

Kwento - Sariling wika at kapatid na katutubo

SARILING WIKA AT KAPATID NA KATUTUBO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Gamit nating mga maralita ay sariling wika. Nag-uusap tayo sa ating sariling wika. Nagkakaunawaan tayo sa ating sariling wika. Bagamat sinasalita natin ay sariling wika, lahat naman ng mga dokumento at batas ay nakasulat naman sa wikang banyaga, sa wikang Ingles.

Nang sumama ako sa Ala-Lakad Laban sa Laiban Dam ay narinig kong sinabi ni Nanay Conching, isa sa mga lider ng mga katutubong Dumagat-Remontado, ang ganito, “Kaming mga katutubo ay hindi maramot. Subalit kami ay niloko. Lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Kahit ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) na dapat nauunawaan naming katutubo, ay nakasulat sa Ingles. Kaya kami naglakad ng higit isandaan apatnapung kolometro upang ipaunawa sa pamahalaan na kami ay tutol sa Kalwa Dam.” Halos ganyan ang natatandaan kong sinabi niya nang makarating na kami sa Ateneo sa Katipunan, sa Lungsod ng Quezon.

Naalala ko tuloy ang isa sa mga turo ng Kartilya ng Katipunan, kung saan nasusulat, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Malalim subalit mauunawaan: ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Tagos na tagos sa aking pusong makata ang sinabing iyon ni Nanay Conching. Naisip kong minsan nga’y ginagamit ang wikang Ingles upang maisahan at maloko ang ating kapwa, tulad nilang mga katutubo, tulad naming nasa sektor ng maralita, tulad nating mga mahihirap.

May ginagawa ba ang pamahalaan kung paano ba mas mauunawaan ng mamamayan ang ating mga batas? Bakit ang lahat ng dokumento ay nakasulat lagi sa wikang Ingles, mula birth certificate, diploma, SSS, PhilHealth, hanggang death certificate? May ahensya ng pamahalaan na dapat gumagawa ng pagsasalin nito mula wikang Ingles tungo sa wikang Filipino. Ito ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Sila ang ahensya sa wika, subalit wala ang pagsasalin sa kanilang mandato. Kaya mungkahi kong italaga ang KWF bilang tagasalin ng lahat ng mga batas, pati dokumento, ng ating bansa. At tatakan ng “Opisyal na salin ng KWF.”

Siyam na araw kaming naglakad, ngunit labing-isang araw talaga mula sa simula hanggang bago umuwi. Una’y sa Isang dalampasigan, pito naman sa mga tinuluyan namin ay pawang basketball court, at tatlo ang simbahan. Sa isa sa huling tinulugan naming basketball court ay napag-usapan namin ng isang kasama ang hinggil sa sariling wika.

Ikinwento ni Ka Rene ang maraming beses na niyang pakikisalamuha sa mga katutubo. Minsan, nakasama rin siya sa pagsakay sa bangka subalit tumaob dahil sa lakas ng alon. Kwento pa niya, may sariling kultura ang mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno at mga sagradong lugar. Mayroon ding silang tinatawag na punduhan kung saan nag-aaral ang kanilang mga anak. Maaaring itinuturo roon ay hindi Ingles, kundi sariling wika ng mga katutubo na marahil ay iba sa wikang Filipino.

Nang sumama ako sa kanilang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam ay nakausap ko muli ang ilang nakasama sa naunang Lakad Laban sa Laiban Dam, na nais ko muling gumawa ng mga tula sa mahabang lakbaying iyon. Paraan ko ito upang itaguyod ang wikang Filipino, bilang makata, bilang maralita, bilang manunulat, bilang manggagawa, bilang isang mandirigmang nagtataguyod ng kagalingan ng bayan at nangangarap ng isang lipunang patas at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Kayraming kwento ng tunggalian na dapat mapagtagumpayan ng mga katutubo, lalo na ang paggamit ng wikang Filipino sa maraming usapin, lalo na sa mga dokumento, upang mas magkaunawaan, at hindi sila matakot makipagbalitaktakan hinggil sa kung ano ang tama at mali, kung ano ang makatarungan para sa mga katutubo, kung paanong hindi masisira ang Sierra Madre, kung paanong hindi na muli silang maloloko ng mga Ingleserong nanghihiram ng respeto sa wikang Ingles, na kung hindi sila magsasalita ng wikang Ingles ay baka bansagan silang walang pinag-aralan. Subalit sa tulad kong makata, patuloy nating ipaglalaban ang wikang Filipino. Upang mas magkaunawaan pa tayo. Hanggang maisabatas na ang KWF ang maging opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng bansa, kahit sa pamamagitan ng Executive Order ng Pangulo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-28, 2023, pahina 18-19.

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Kwento - Ito ang ating isyu! Ito ang ating laban!

ITO ANG ATING ISYU! ITO ANG ATING LABAN!
SAMA-SAMA NATING IPANALO ITO!
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-usap ang iba’t ibang sektor ng lipunan hinggil sa iba’t ibang isyu nilang kinakaharap.

Ayon sa isang lider ng mga vendor, “Madalas kaming hinahabol sa aming paglalako ng kalakal. Masama bang mabuhay sa sariling sikap. Nais pa nilang sunugin ang aming mga kalakal. Bakit? Sila ba ang namuhunan dito? Inutang nga lang namin ito sa Bumbay!”

Sabi naman ng isang lider-maralita, “Karapatan sa paninirahan ang aming ipinaglalaban. Subalit lagi kaming nangangamba sa mga banta ng ebiksyon at demolisyon. Madalas pang pag dinemolis ang aming bahay ay biglaan at wala man lang negosasyon. Hindi ba kami tao tulad nila? May dignidad din kami kahit mahirap. Paano na ang aming pamilya pag nawalan kami ng tahanan?”

Anang isang lider-manggagawa, “Nais naming maregular sa pinagtatrabahuhan ngunit hanggang ngayon kontraktwakwal pa rin kami. Paano ba maaalis ang salot na kontraktwalisasyon? Mas mataas pa sa minimum wage sa NCR ang isang kilong sibuyas. Aba, paano na namin mabubuhay ng maayos ang aming pamilya?”

Ayon naman sa isang lider ng transportasyon, “Nakaamba sa amin ang PUV modernization kung saan nais ng pamahalaan na palitan na namin ang aming mga sasakyan dahil mausok daw, at dapat bumili kami ng bagong dyip, na itsurang minibus na milyon naman ang presyo. Aba’y saan naman kami kukuha ng ganoong kalaking salapi? Uutangin pa sa Tsina ang mga bagong dyip. Bakit hindi ang nga gawang sariling atin, na mura na, mas matibay pa?”

“Pamahal ng pamahal taun-taon ang presyo ng edukasyon o ng aming matrikula? Hindi ba prayoridad ng pamahalaan ang abotkaya, siyentipiko, ngunit mataas na kalidad ng edukasyon? Nais pa nilang kursong ipakuha sa atin ay yaong magiging alipin tayo sa ibang bansa? Tama ba ang mga ito?”

Sabi ng isang lider ng mga pulubi, “Kami namamalimos lang pero nagbabayad din kami ng buwis pag bumili kaming noodles.”

Sabi naman ng isang lider-kababaihan, “Hindi lang double burden kundi triple-triple burden ang isyu naming kababaihan. Nagtatrabaho na kami, nag-aalaga pa ng mga anak. Nagluluto pa kami habang heto’t ilang buwan nang buntis. Mahal pa naman ang paospital ngayon. Dapat may naipon ka talagang pera, kundi’y mangungutang ka. Buti kung laging may mauutangan. Gipit din ang mga kakilala ko.”

Ayon naman sa isa pang lider-kababaihan, “Napakamahal na rin ng presyo ng kuryente. Hindi ko na mapagkasya ang sweldo ng asawa ko.”

“Tumitindi pa ang kinakaharap nating pabago-bagong klima,” ayon sa isang kabataan. “Hanggang ngayon ay hindi pa nagbabawas ng kanilang emisyon ang mga Annex I countries. May sinasabing naaprubahang Green Climate Fund subalit paano natin ito matatamasa? Kailan pa magdedeklara ng climate emergency ang pamahalaan? Balita ko po’y may mga nakabinbin pang aplikasyon upang magtayo ng coal plants?”

Sinuri nila ang kanilang mga karaingan, at nagtutugma ang nakita nilang problema. Isang lider-manggagawa ang naglagom ng kanilang mga karanasan. “Ang pamahalaang ito talaga ay hindi nagsisilbi sa kanyang mamamayan kundi sa negosyo. Lahat ng ating problema, tulad ng demolisyon, kontaktwalisasyon, mataas na presyo ng pangunahing bilihin, at iba pa, ay dahil ang sistema natin ay kapitalismo. Ito ang salot. Nangayupapa ang ating pamahalaan sa altar ng globalisasyon, kaya nais isapribado ang mga ospital upang lumaki ang tubo ng mga pribado. Kaymahal ng presyo ng tubig, kuryente, at iba pang serbisyo tulad ng kalusugan, dahil bahala na ang merkado. Wala na kasing kontrol ang gobyerno sa mga bilihin. Nariyan ang Oil Deregulation Law na anumang oras na gustong itaas ang presyo ng langis, itataas. Walang kontrol ang pamahalaan. Habang sa sahod ng manggagawa, kontrolado kung hanggang saan lang ang gusto ng kapitalista na isweldo sa manggagawa, dahil may Regional Wage Board, hanggang doon lang. Kapitalismo talaga ang problema. Kaya magsama-sama tayo at kumilos upang ilantad talaga ang kasamaan ng sistemang ito!”

Nagtanguan ang iba’t ibang lider ng sektor at nagkaisa silang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Ayon pa sa kanila, “Isyu natin ito! Ipaglaban natin ang mas makabubuti sa higit na nakararami. Sama-sama tayong kumilos upang kamtin ang isang lipunang patas para sa lahat!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 1-15, 2023, pahina 18-19.