Biyernes, Marso 31, 2023

Ituturo na sa Harvard ang Tagalog

ITUTURO NA SA HARVARD ANG TAGALOG
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang pahayagang Tabloid ang nabili ko nitong Marso 29, 2023 - Bulgar at Tempo. Basta binili ko lang upang may mabasa ako. Nang nasa dyip ako'y aking binuklat ang mga pahayagan. Aba'y nakakatuwa ang mga pamagat ng balita. Ulat sa Tempo: "Harvard to offer Tagalog course". Wow! Ang bigat! Teka, kailan pa nila napansin ang wika natin?

Ang headline sa Bulgar: "Pang-4 sa pinaka-ginagamit sa U.S. TAGALOG, ITUTURO SA HARVARD". Ah, kaya pala. Marahil sa dami ng migranteng Pilipino na nag-uusap sa Tate ay pang-apat ang Tagalog sa sinasalita roon.

Kaya binasa ko na ang mga ulat na nasa front page at pahina 2. Sa Tempo, inanunsyo noong Lunes, Marso 27, ng The Harvard Crimson, na publikasyon ng mga estudyante sa Harvard, na sa unang pagkakataon ay mago-offer ang pamantasan ng Tagalog Language Course. Ayon pa sa Crimson, kukuha ng tatlong magtuturo ang Department of South Asian Studies upang magturo ng Tagalog, Bahasa Indonesia, at Thai para sa academic year 2023-2024. Ito'y tatlong taon ang termino at maaari pang palawigin nang dagdag na lima pang taon.

Sinabi umano ni Executive Director Elizabeth K. Liao na nakakuha ng pinansyal na suporta ang Harvard University Asia Center para sa mga nabanggit na posisyon sa pamamagitan ng fund raising.

Sinabi naman ni James Robson, propesor ng East Asian Languages and Civilizations, at direktor ng Asia Center, na umaasa siyang maipakitang may pangangailangan para sa kursong ito at may mga mag-enroll na estudyante rito upang mas makumbinsi pa ang administrasyon ng pamantasan na patuloy pang suportahan ang Southeast Asian studies sa pangkalahatan at ang pagtuturo ng wika sa partikular. May isang kurso lang umano tungkol sa Pilipinas ang ino-offer ng pamantasan. Ito ang survey course hinggil sa kasaysayan ng Asya.

Ayon naman sa Bulgar, "Nabatid na naghahanap ang Harvard ng native speaker o fluent sa pagsasalita ng Tagalog."

Mabuti naman at may balitang ganito na nakakapagbigay sa tulad kong makata at tagapagtaguyod ng sariling wika. Nais kong magturo at aplayan iyon subalit ang problema, hindi naman ako guro kaya walang kasanayan sa pagtuturo. Kung pagtuturo ng tulang may sukat at tugma ay baka pa.

Sa ngayon, interesado ang mga Kano sa pagtuturo ng Tagalog, habang tayong nasa Pilipinas, nag-uusap man sa Tagalog o sa wikang Filipino, ang lahat naman ng ating mga dokumento ay nasa wikang Ingles. Mula sa birth certificate, diploma, wedding cerificate, lisensya sa pagmamaneho, aplikasyon at pagbabayad sa SSS, GSIS, Pag-ibig, PhilHealth, resibo ng tubig at kuryente, application form sa trabaho, at iba pa, ay nakasulat lahat sa wikang Ingles. Para bang nakakahiya pag isinulat ito sa wikang Filipino.

Buti pa minsan ang mga apidabit hinggil sa mga kasong kinasasangkutan, halimbawa sa palupa, ay naisusulat sa wikang Filipino, subalit ang mga papeles pa rin sa korte ay nakasulat sa Ingles.

Bagamat sa ating Saligang Batas ng 1987 ay nakasulat sa Artikulo XIV, Seksyon 7, ang mga salitang: “For purposes of communication and instruction, the official languages of the Philippines are Filipino, and until otherwise provided by law, English." (Para sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga opisyal na wika ng Pilipinas ay Filipino, at hangga't hindi itinatadhana ng batas, Ingles.)

"Until otherwise provided by law" pala, saka lang gagamitin ang Ingles. Kaya pangunahin ang wikang Filipino sa komukikasyon at pagtuturo, marahil sa pananalita lang at hindi sa nakasulat na dokumento. Dahil ang attendance ni titser, nakasulat sa Ingles. Ang mga class card, nakasulat sa Ingles. Maliban lang yata kung ang eksam ay sa paksang Filipino, saka nagsusulat sa wikang Filipino.

Sa ating bansa, lahat ng nakasulat na batas, mula Constitution, Executive Order, Republic Act, Implementing Rules and Regulations, City Ordinance, Barangay Ordinance, court proceedings, at iba pa. Pati mga pangalan ng lansangan na sa dulo ay may St. na ibig sabihin ay Streer, Ave. o Avenue, Blvd. o Boulevard, o kung eskinita ay ingles pa rin, Alley. Talagang maka-Kano ang ating kultura, at parang tinuturing na bakya ang mga nagsasalita ng wikang Filipino.

Isa sa mga isyu ko bilang manunulat at makata ang usaping wika. Dahil wika ang daluyan ng aming mga tula. Kaya nang makarinig ako ng mga katutubong nakasama ko sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, na hindi nila maunawaan ang mga dokumentong nakasulat sa Ingles, akin nang ikinampanya na dapat lahat ng batas sa Pilipinas ay may Opisyal na Salin, at ang ahensyang pinakamalapit sa gawaing pagsasalin ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino. At bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Napakaraming batas na dapat isalin sa sariling wika. Pangunahin na diyan ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act, na kung may opisyal na salin ay hindi agad basta maloloko ang mga katutubo. Sa mga dukha o maralitang lungsod naman ay ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) sa karapatan nila laban sa demolisyon at ebiksyon. Gumawa kami ng sariling salin niyon upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. Sa manggagawa ay ang Labor Code. Nariyan din ang RA 9003 o National Solid Waste Management Act, ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act, ang RA 11313 o Safety Spaces Act upang mas maunawaan kung paano nababastos ang kababaihan sa simpleng paghipo lang ng balakang at may katapat palang parusa, ang Civil Code, ang Family Code, ang Local Government Code, at marami pang batas na dapat isalin sa wika natin.

Napalawig na ang usapan. Gayunpaman, salamat sa nabasa kong mga balita hinggil sa Tagalog na ituturo sa Harvard. Subalit bago tayo magsaya ay simulan natin ito sa ating sarili, sa ating bansa. At hikayatin natin ang ating mga mambabatas na gumawa ng panukalang batas hinggil sa pagiging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng KWF.

Magagawa kayang ang lahat ng ating pampublikong dokumento ay masulat sa sariling wika? Halimbawa na lang ang birth certificate, marriage certifivcate, lisensya, at iba pa. O mananatili ang mga itong nakasulat sa Ingles sa mahabang panahon? Kung ganito, ano nang kahihinatnan ng ating wikang Filipino?

Rights of Nature, isyu ng wika, POs, NGOs, gawaing pagsasalin at KWF

RIGHTS OF NATURE, ISYU NG WIKA, POs, NGOs, GAWAING PAGSASALIN, AT KWF
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Marso 2023 ay dalawang seminar hinggil sa Rights of Nature ang aking dinaluhan. Ang una'y ang dalawang araw na kumperensya ng Commission on Human Rights (CHR) at Philippine Miserior Partnership Inc. (PMPI) hinggil sa Dignity and Rights for ALL noong Marso 14-15, 2023. Ang ikalawa'y ang Rights of Nature General Assembly (RoN GA) noong Marso 21-23, 2023. Kapwa ko dinaluhan iyon sa pamamagitan ng zoom, at nag-participate, bagamat may face-to-face. 

Sa ikatlong araw ng RoN GA, habang kinikritik at ineedit ng mga dumalo ang inihandang pahayag na nakasulat sa Ingles, dito'y narinig kong muli sa isang katutubo ang usaping wika. Sinabi niyang hindi nila maintindihan ang ginagawang pahayag sa RoN GA dahil nakasulat sa Ingles. Kaya sinabi na lang niya ang hinaing ng mga katutubo.

Sa isa pang naunang artikulo ay nabanggit ko ang pangangailangan ng isang ahensya ng gobyerno na mungkahi ko'y maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino ng mga batas ng bansa na nakasulat kadalasan sa wikang Ingles. Dahil naloloko ang mga katutubo dahil lahat ng dokumento ay nakasulat sa Ingles. Halimbawa ng dapat isalin ay ang IPRA (Indigenous People’s Rights Act) upang mas maunawaan pa ng mga katutubo, ang Safety Spaces Act para sa mga kababaihan, at ang UDHA (Urban Development and Housing Act) para sa mga maralita. Gumawa ng sariling salin ng UDHA noon ang KPML upang maunawaan ng maralita ang batas na iyon, subalit hindi iyon opisyal na salin. Baka sa korte ay matalo kami kung hindi angkop ang mga salitang naisalin. 

Bukod sa mga batas na nauna na nating naipahayag sa isang artikulo, dapat pati mga IRR o  Implementing Rules and Regulations ng bawat batas ay isalin din sa wikang Filipino, pati na sa wika ng mga rehiyon, tulad ng Ilokano, Igorot, Kapampangan, Ilonggo, Cebuano, Meranao, at iba pa. At ang ahensyang opisyal na tagasalin dapat ay ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Kaya dapat amyendahan ang RA 7104 na nagtayo ng Commission on the Filipino Language (na orihinal na pangalan ng KWF batay sa batas) upang iatas sa ahensyang ito na, dahil sila ang komisyon sa wika, ay sila na ang dapat opisyal na tagasalin ng lahat ng batas ng ating bansa, mula sa wikang Ingles tungo sa wikang Filipino.  At  bawat batas na naisalin ay dapat tatakan ng "Opisyal na Salin ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)”.

Isa pa, saan mang  pagtitipon, gaya ng RoN GA, ay hindi naman sa wikang Filipino nakasulat ang mga dokumento, kundi laging nasa Ingles. Ito kasi ang nakagisnan nating wika ng akademya, wika ng umano'y may pinag-aralan, ng elitista, ng makapangyarihan sa lipunan, habang ang wikang Filipino ang wika ng karaniwang tao, tulad ng maralita, manggagawa, mahihirap sa iskwater, atsay, pulubi, o marahil ay walang pinag-aralan. Paano pa ang mga katutubo na may sariling kultura at pinag-aralan, ngunit hindi wikang Ingles ang gamit kundi sariling wika? 

Ayon nga sa Kartilya ng Katipunan, “Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.” Ibig sabihin, ang wika ay dangal natin at pagkatao.

Simulan natin ito sa mismong hanay natin. Pagdating sa mga batas ng bansa, dapat ang KWF ang maging opisyal na tagasalin sa wikang Filipino. Habang sa mga POs (people’s organizations) at NGOs (non-government organizations), dapat pag-usapan din ang pagsasalin sa sariling wika ng mga dokumentong ating ipinababasa sa madla. Hindi lang sa wikang Filipino kundi sa wika rin ng mga rehiyon, na nabanggit na natin sa unahan. Paano ang mekanismo upang nagkakaisa tayo sa pagsasalin ng mga dokumento sa wikang nauunawaan ng mas higit na nakararami? Huwag nating hayaang ituring na bakya ang ating wika, ang wikang Filipino. Bagkus ay paunlarin pa natin ito, di lang sa pasalita kundi maging sa mga dokumento, kahit  thesis pa iyan sa pamantasan.

Maraming salamat sa katutubong Dumagat-Remontado na dumalo sa RoN at naihayag niya ang usaping wika. Dahil may batayan na ang tulad kong makata upang payabungin at itaguyod ang pagsasalin at pagsusulat sa sariling wika para sa at kagalingan ng higit na nakararami.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 14-15

Miyerkules, Marso 29, 2023

Kwento - Kapitbisig laban sa demolisyon

KAPITBISIG LABAN SA DEMOLISYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagulantang kami sa tawag na may demolisyong nagaganap sa isang pamayanan sa Maynila, at kailangan daw nila ng tulong upang masawata ang nasabing demolisyon. Sa ganitong mga pagkakataon ay dapat maagap ang pagkilos at mabilis ang isipan dahil buhay at karapatan ang nakataya. Pag biglang nawalan ng tahanan ang isang pamilyang maralita, tiyak na malaking suliranin ito sa kanila. Saan na sila tutuloy pansamantala habang inaayos ang gusot na ito? Saan na ba titira ang kanilang mga anak? Paano ang eskwela ng mga bata?

Hindi ba’t kaya naman naroon sa iskwater ang pamilyang dukha ay dahil malapit iyon sa kanilang trabaho? Hindi sila titira roon kung malayo iyon sa pinakukunan nila ng ikabubuhay. Subalit nakatira sila sa nakatiwangwang na lupa, na noong una’y tinirhan ng kanilang mga magulang, na mula sa lalawigan ay umalis doon dahil sa hirap ng buhay. 

Nakakita ng trabaho o anumang mapagkakakitaan sa lungsod na umampon sa kanila, sa lungsod ng mga pangarap. Kaya sa lungsod ding iyon nila napiling manirahan kung saan malapit sa pinagkakakitaan nila.

Napakaraming kwento ng pakikipagsapalaran ng maralita upang maabot ang pinapangarap na buhay na maginhawa. Ngunit ngayon…

“Magbarikada tayo, mga kapitbahay! Hindi tayo papayag pasukin nila tayo upang wasakin ang ating mga tahanan at itaboy tayong parang mga daga sa malayo! Dito na tayo isinilang, nagkaisip, nagkaasawa, nagkaapo. Dito natin nakagisnan ang ating mga magulang, tapos ay basta na lang tayo palalayasin dahil nabili na ng isang malaking kumpanya ang kinatitirikan ng ating bahay? Ni wala man lang pag-uusap na naganap kung paano na tayo, kung may relokasyon bang malapit sa ating trabaho? Wala! Tayong mga maralita kasi ay masakit sa kanilang mga mata kaya para tayong hayop na tatanggalan nila ng karapatan at tahanan! May dignidad tayo bilang tao na di dapat binabalewala!” Ito ang mariing sabi ni Ate Lona sa kanyang talumpati sa magkakapitbahay.

Sang-ayon naman ang mga tao. At sinabi naman ni Mang Gusting, “Tama si Ate Lona, tayo ay mga taong may dignidad, may karapatan, may mga pangarap sa ating mga anak. Na kahit tayo’y mahirap, tayo ay may dangal na iniingatan. Kung tatanggalan nila tayo ng ating tahanan, winawasak nila ang ating buhay, kabuhayan at kinabukasan ng ating mga anak. Papayag ba tayo! Hindi! Tara na sa barikada, at ipagtanggol ang ating karapatan sa paninirahan at kinabukasan ng ating mga anak!”

Nasa gayon silang pagkilos nang dumating ang mga lider-maralita mula sa kabilang barangay sa pangunguna ni Ka Linda. Lumakas ang loob ng mga tao. Sina Ka Linda ang isa sa mga nagtagumpay sa pakikipaglaban noon laban sa paggiba sa kanilang kabahayan sa Brgy. 143. Muli nilang itinayo ang kanilang bahay at buhay. Dumating din sina Ka Igme ng Brgy. 147. 

Nakaamba na ang demolition team sa pangunguna ng isang malaking tao. Inihatid nito ang liham na diumano’y order na pinaaalis na sila sa kanilang mga tahanan dahil gigibain na ang mga ito upang bigyang daan ang pagtatayo ng malaking mall sa lugar. Nakapalibot sa kanya ang demolition team na mukha rin namang galing sa iskwater, tulad nilang maralita.

“Hindi kami papayag na mapaalis sa aming mga tahanan!” Sabi ni Ka Lona. Nagkapit-bisig na ang mga tao. Habang naghahanda naman ang iba ng kanilang pandepensa tulad ng binalot na tae at ihi upang ibato sa mga demolition team sakaling umatake na ang mga ito.

Umawat sina Ka Linda at Ka Igme at kinausap ang nagpapademolis na mukhang goons. “Bakit hindi man lang kinausap ang mga maralita tungkol sa proyekto? Wala silang kaalam-alam na may ganyang proyekto. Labag iyan sa UDHA! Dapat may negosasyon muna bago demolisyon! Saan sila titira, kakain at matutulog? Sa kalsada? Paano ang mga bata?” Ani Ka Igme.

“Bahala kayo! Basta sabi ng aking amo, dapat lumayas na kayo sa lupaing ito dahil nabili na niya ito. Maghabol na lang kayo sa korte! Sige, layas!” At sinenyasan ang demolition team na pumasok na. Dumating ang mga midya at kinunan ang nagaganap na tensyon. Patuloy pa ring kapitbisig ang mga maralita. Tila bato silang hindi matinag, habang nasa likod nila ang mga nakaalalay pang maralita sakaling magkaduguan.

Pumagitna si Ka Lona. Nakahanda na rin ang mga tao. Subalit…

Nahupa lang ang tensyon nang dumating ang isang taga-City Hall na pinahihinto ang demolisyon. “Huwag ituloy ang demolisyon, inatasan kami ni Mayora, ihinto na ang demolisyon. May negosasyong naka-iskedyul. Hintayin muna iyon.” Ilang sandali pa’y umalis na ang demolition team. 

Alam nila, pansamantala lang ang tagumpay na iyon. Kailangan pa rin nilang maghanda at maging mapagbantay. Dahil anumang sandali ay maaari pang bumalik ang mga iyon sa araw na hindi nila inaasahan. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2023, pahina 18-19.

Linggo, Marso 19, 2023

Maling tanong, kaya walang tamang sagot

MALING TANONG, KAYA WALANG TAMANG SAGOT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa nakaraang palaisipang Aritmetik, petsang Marso 18, 2023, Sabado, pahina 7, sa pahayagang Pang-Masa, nahirapan akong sagutin ang isang katanungan, na sa kalaunan ay wala palang kasagutan. Sa palaisipang Aritmetik, may apat na kahon sa tatlong linya, kung saan ang ikalawa at ikatlong kahon ay magkadikit. Doon ilalagay ang dalawang integer, mga factor (multiplier times multiplicand) at ang dalawang addends, kung saan ang unang kahon ay product, at sa ikaapat na kahon ay sum o total ng nasabing ikalawa at ikatlong kahon.

Madaling masagot ang una, ikalima at ikawalo, dahil idi-divide lang o ima-minus ang isang integer ay masasagutan mo na nang walang gamit na calculator, kundi sa isip lang. Subalit sa ayos ng ikalawa, ikatlo, ikaapat, ikaanim at ikapitong puzzle, kailangan talaga ng matamang pag-iisip upang makuha mo ang tamang factor o addends.

Halimbawa, sa ikatlo at ikaapat ay parehong 17 ang sum o total, subalit magkaiba ang product, 60 at 72. Ang sagot sa ikatlo ay 12 at 5. 
12 + 5 = 17
12 x 5 = 60

Sa ikaapat naman ay 9 at 8.
9 + 8 = 17
9 x 8 = 72

Subalit sa ikaanim na tanong, ang product ay 56 at ang sum o total ay 13. Walang tamang sagot na lalapat sa product at sum. Integer dapat ang sagot o whole number, hindi fraction. Kaya hindi ko na hinanapan ng sagot na fraction.

Tiningnan ko ang factor ng 56. Ito ay 7 x 2 x 2 x 2.
7 x 8 = 56
4 x 14 = 56
2 x 28 = 56

Nag-manual solution ako. Dapat ang addends at factor ay 1 hanggang 16, at hindi na lalampas doon dahil 17 ang sum o total.
1 + 12 = 13; 1 x 12 = 12
2 + 11 = 13; 2 x 11 = 22
3 + 10 = 13; 3 x 10 = 30
4 + 9 = 13; 4 x 9 = 32
5 + 8 = 13; 5 x 8 = 40
6 + 7 = 13; 6 x 7 = 42
and vice versa.

Walang sagot, dahil hindi nga umabot sa 56 ang product. Kaya mukhang may mali sa tanong. Kaya iniwan kong blangko ang puzzle.

Marso 19, 2023, Linggo, tiningnan ko kung anong sagot. Aba'y mali nga ang given problem. Ang sagot: 8 at 7. Ang factor ng 56: 8 x 7 = 56. Tama! Subalit mali ang addends na 8 at 7, dahil 8 + 7 = 15 at hindi 13.

Kaya mali ang puzzle, na-puzzle ako kung anong tamang factor at addends, subalit mali pala ang tanong. Dapat ay 56 sa product at 15 sa sum o total. Sana'y ni-rebyu muna ng gumawa ng puzzle ang kanyang puzzle o may ibang magri-rebyu. Kumbaga sa assembly line, dapat may quality control bago ilabas ang produkto. Kumbaga sa diyaryo, dapat nasala rin ito ng editor.

Gayunman, nakakatuwa na nakita natin ang mali sa given puzzle, dahil hindi natin makita ang solusyon. Na kung may solusyon pala sa nasabing puzzle ay bakit hindi natin nakita gayong ginawa na natin ang factoring at iba pang mekanismo upang masolusyunan ang given problem.

MALING TANONG, KAYA WALANG TAMANG SAGOT

di ko naisip na may mali sa palaisipan
na pilit kong hinanapan ng tamang kasagutan
nalaman ko na lamang sa dyaryo kinabukasan
isa sa dalawang numero'y mali pala naman

ngalan ng palaisipang iyon ay Aritmetik
na pag sinagutan mo'y pawang numero ang salik
bukod sa Sudoku, sasagutan kong buong sabik
na sa isipan ay ehersisyo't pampatalisik

ang puzzle ay nasa apat na kahon, tatlong linya 
produkto ng dalawang integer, sagot sa una
factor at addend ang ikalawa't ikatlong kaha
kung saan sa ikaapat na kahon yaong suma

pinagsisikapang sagutin, sadyang nagsisikhay
masagutan lahat iyon ang masaya kong pakay
ngunit may mali sa palaisipang naibigay
na sa sagot kinabukasan nabatid na tunay

di ko nasagutan bagamat nagbakasakali
gayunman, maraming salamat, nakita ang mali
sa tanong, kumbaga sa pasahe'y kulang ang sukli
buti na lamang, ang pluma'y di nagkabakli-bakli

Martes, Marso 7, 2023

Paano binibilang ang araw sa nakatakdang petsa?

PAANO BINIBILANG ANG ARAW SA NAKATAKDANG PETSA?
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam na araw ang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, mula Pebrero 15-23, 2023. Iyan ang nakasulat sa mga press release at tarpouline.

Sumama ako sa mahabang lakad na iyon mula General Nakar hanggang Malacañang, hanggang mag-uwian mula sa tinuluyan sa Paco noong Pebrero 24. Nang nasa tinuluyang covered court na kami sa Antipolo, nakita kong may inilabas ang ilang support group na tarpouline hinggil sa nasabing alay-lakad na ang petsa ay Pebrero 15-24, 2023. Marahil, tulad ko, ay may magtatanong, bakit iba ang petsa nila?

May ilang sumagi sa aking isipan. Baka dahil siyam na araw ang lakad na nagsimula ng Pebrero 15, idinagdag nila sa petsa 15 ang numero nuwebe, kaya 15 + 9 = 24. Kaya akala nila at pinagawa sa tarp ay Pebrero 15-24, 2023. Lumalabas na sampung araw ang lakaran.

Marahil naisip nilang di pa naman tapos sa Pebrero 23 ang Alay-Lakad dahil tumuloy pa kami sa Paco Catholic School hanggang Pebrero 24, na petsa naman na kami'y nag-uwian. Kaya nga may Welcome na nakasulat. Gayunman, maraming salamat sa kanilang pagsuporta sa laban ng mga katutubo.

Gayunman, pag binilang talaga natin, hindi nila isinama ang petsa 15 sa bilang kung siyam na araw talaga. Datapwat kung isinama nila ang petsa 15 sa siyam na araw, na ang 15 ang unang araw, papatak na 23 ang ikasiyam na araw. Subukan mo, bilangin mo sa daliri. (1) Feb 15; (2) Feb 16; (3) Feb 17; (4) Feb 18; (5) Feb 19; (6) Feb 20; (7) Feb 21; (8) Feb 22; (9) Feb 23; at pangsampung araw ang Feb 24.

Hindi ko isinulat ang sanaysay na ito upang manlibak o mamuna ng pagkakamali, kundi makagawa ng pormula sa matematika pag nakasalubong muli natin ang ganitong pangyayari.

Napaisip ako. Anong pormula sa matematika upang sa bilang ay naisasama nila ang unang araw, at hindi basta mina-maynus lang o ina-add lang ang bilang ng araw sa petsa? Tulad ng petsa 15 plus siyam na araw kaya naging 24. Na pag binilang mo sa daliri, mali. Dahil sa pormulang iyon ay hindi nila isinama ang unang araw. Paano kung mahabang lakaran na tulad ng sinamahan ko noong Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014? Ilang araw talaga iyon?

Balikan natin ang ating paksa:
Petsa 15 + 9 na araw = Petsa 24
Petsa 24 - 9 na araw = Petsa 15.

Sa pagtingin ko, pag nagbibilang ng araw sa isang nakatakdang bilang ng petsa, dapat ay ganito ang pormula:

Given:
A = petsa ng unang araw
B = bilang kung ilang araw 
C = petsa ng huling araw

Formula 1:
A + (B - 1) = C

Feb 15 + (9 - 1) = C
Feb 15 + 8 = C
Feb 15 + 8 = Feb 23

Iyung minus 1 ay upang maisama ang unang araw. Kaya maaaring ganito rin ang formula.

Formula 2:
(A - 1) + B = C

(Feb 15 - 1) + 9 = C
Feb 14 + 9 = C
Feb 14 + 9 = Feb 23

Subukan naman natin ang pormulang ito sa siyam na araw na Lakad Laban sa Laiban Dam noong Nobyembre 4-12, 2009 na nilahukan ko rin noon.

Given:
A = petsa ng unang araw
B = bilang kung ilang araw 
C = petsa ng huling araw

Formula 1:
A + (B - 1) = C

Nov 4 + (9 - 1) = C
Nov 4 + 8 = C
Nov 4 + 8 = Nov 12

Formula 2:
(A - 1) + B = C

(Nov 4 - 1) + 9 = C
Nov 3 + 9 = C
Nov 3 + 9 = Nov 12

Paano naman pag ginamit ang pormulang iyan sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014? Una, dahil dalawang magkaibang buwan ang nabanggit, paghiwalayin muna natin.

Formula 3: para sa Oktubre
(C - A) + 1 = B
(Okt 31 - Okt 2) + 1 = B
(31 - 2) + 1 = B
29 + 1 = 30 days

Formula 3: para sa Nobyembre
(C - A) + 1 = B
(Nov 8 - Nov 1) + 1 = B
(8 - 1) + 1 = B
7 + 1 = 8

30 days + 8 days = 38 days

Kaya 38 days ang nilakad naming Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban. Ang Nobyembre 8, 2014 ang unang anibersaryo ng superbagyong Yolanda.

Maraming salamat sa munting pagkakamaling iyon na nabanggit sa unahan ng sanaysay na ito, at nakaisip ako ng pormula na maaari ring pagnilayan ng iba. At nagawan ko pa ito ng tula.

HUWAG KALIMUTAN ANG UNANG ARAW SA BILANG

pagkakamali sa petsa'y napagnilayan
at nakagawa ng pormula sa sipnayan
o matematika kaya puso'y gumaan
at nagamit pa ang mga napag-aralan

mabuti't napuna ko ang pagkakamali
pinagnilayan ito't maiging sinuri
gamit ang sugkisan sa paglilimi-limi
pormula'y nagawa upang di magkamali

ang unang araw ay di dapat malimutan
tandaang laging kasama iyon sa bilang
bilangin man ng daliri'y nagtutugmaan
buti't nagawa'y pormula o panuntunan

nagawang pormula'y ambag na sa pagsulong
ng sipnayan, at nawa ito'y makatulong

sipnayan - matematika
sugkisan - geometry

Kwento - Bayanihan sa dyip

BAYANIHAN SA DYIP
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Mama, bayad po,” sabi ng babae sa dulo ng sinasakyan kong dyip. Inabot naman ng katabi niyang lalaki sa akin ang isang lukot na bente pesos, na iniabot ko naman sa tsuper ng dyip. Ang ruta niyon ay mula Tayuman hanggang Lardizabal sa Maynila.

“Ito po ang sukli,” ang sabi naman ng tsuper, at iniabot ko naman mula sa tsuper patungo sa lalaki ang baryang otso pesos, hanggang iyon na’y kunin ng babaeng nakaupo sa dulo ng dyip.

Mayroon na namang nagbayad. At ganoon muli ang naging proseso. “Bayad po. Diyan lang sa may España.” “Sukli po, ale.” “Bayad. Pakibaba lang po sa Honradez.” “Para! Ito po ang bayad,” sabay baba.

Minsan, sa tapat ng Pantranco ay sumakay ako ng dyip na may karatulang Quiapo-SM West upang makarating sa SM North. Paano nangyari iyon? Ang West ay kalye, habang mall ang North.

Napansin ko sa araw-araw kong pagsakay ng dyip, rutang Bustillos patungong Divisoria, Pasig-Palengke-Quiapo, Balic-Balic-España, Cubao-Welcome Rotonda,  aba’y ganoon pa rin lagi ang proseso.  Bayad-sukli-bayad-sukli ng mga hindi naman magkakakilala. At saka ko napagtanto na ito ang kasalukuyang bayanihan. Ang alam kasi natin sa bayanihan ay yaong pagtutulungan ng mga magkakanayon sa sama-sama nilang pagbubuhat at paglilipat ng bahay. Subalit bihira na ito ngayon dahil karamihan lalo na sa lalawigan, ay kongkreto na ang mga bahay. Kaya bihira nang nagaganap ang ganoong uri ng bayanihan. Subalit sa loob ng dyip ay kitang-kitang buhay na buhay ang bayanihan.

Matindi pa, ang nagtutulungan at kusang nag-aabot ng bayad at sukli ay mga di magkakilala at doon lang sa dyip unang nagkasama. 

Makikita mo ang diwa ng tiwalaan, dahil di nila ibinubulsa ang iniabot na bayad o sukli ng kapwa pasahero, kundi iniaabot talaga sa tsuper ang bayad at ibinabalik naman ang sukli sa pasaherong nagbayad.

Minsan pa, pag nasiraan ang dyip ay nagkukusa na ang tsuper na ibalik ang bayad ng mga pasahero. Dahil na rin hindi niya nakumpleto ang serbisyo, o hindi niya naihatid ang pasahero sa dapat nitong babaan. Para bang may batas na hindi nakasulat subalit madalas nangyayari. At alam na alam nila iyon. Walang lamangan. Parehas sila kung lumaban.

Sinabi ko ang aking ideya o nakita sa ilan kong mga tula, at nag-usap kami ng isang magaling na guro hinggil dito. Sabi ko’y may makabagong bayanihan na dapat maisalibro rin, at ito nga ang bayanihan sa loob ng mga pampasaherong dyip. Ang mga taong hindi magkakakilala ay nag-aabutan ng bayad at sukli nang walang samaan ng loob, o wala nang anumang usapan. Ang nasabi ng guro, “Tama. Iyan nga ang buhay na halimbawa ng bayanihan na dapat nating ituro sa mga estudyante.”

Subalit sa nakaambang jeepney modernization, imbes na mukhang dyip, ay parang minibus na ang itsura. Ngayon nga sa mga nasasakyan kong ejeep o electronic jeep ay may konduktor na sa dyip, tulad ng biyaheng Cubao-Antipolo. Hindi tulad ng mga dyip sa Maynila na bihira ang konduktor. Ang tanong agad na sumagi sa aking isipan, “Mawala kaya ang makabagong bayanihan ng mga pasahero sa dyip?”

Habang isinusulat ito’y nagaganap ang isang linggong protesta ng mga tsuper at opereytor ng dyip upang iparating sa pamahalaan na tutol sila sa PUV modernization, dahil bukod sa uutangin sa Tsina ang dyip, hindi pa kaya ng mga tsuper na bayaran ang milyones na halaga ng bagong dyip. At nakita rin natin sa mga balita na ang Francisco Motors ay handang gumawa ng mga dyip na kailangan. Ngunit bakit di masuportahan ang gawang sariling atin? Dahil ba wala ritong limpak na kickback?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2023, pahina 18-19.Kwento - Bayanihan sa dyip

Sabado, Marso 4, 2023

Nakalilibang na palaisipang aritmetik

NAKALILIBANG NA PALAISIPANG ARITMETIK
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maliban sa dalawang Tagalog krosword, sudoku at hanap-salita, isa sa kinagigiliwan ko at unang sinasagutan sa pahayagang Pang-Masa ay ang palaisipang Aritmetik kaya lagi akong bumibili nito. Hindi mo na kailangan ng calculator lalo't unawa mo at sinunod lang ang panuntunan o instruction paano sagutin ito:

1. Isulat ang product sa unang box. 2. Ano ang factors ng product sa itaas ng kahon? Ito rin ay dapat sum o total ng box sa ibaba. 3. Isulat ang sum o total sa huling box.

Nais ko pang i-edit ito sa ganito: Isulat ang dalawang numero sa dalawang gitnang kahon na tutugma bilang product sa itaas na box, at tutugma rin bilang sum o total nito sa ikaapat o nasa ilalim na box.

Sa tatlong magkakaparehong litratong naririto, na una'y wala pang sagot, ang ikalawa'y sinagutan ko muna ang mga madadali, at ikatlo'y buo na ang walong palaisipan.

Ang una, ikatlo, ikaanim at ikawalo ang anyong talagang pag-iisipan mo. Dahil madali lang sagutan ang iba pa, basta nariyan na ang isang numero o integer sa dalawang gitnang kahon. Magdi-divide ka lang, o magsu-subtract ka lang ay kuha mo na ang sagot.

Subalit paano mo sasagutan kung ang given ay ang product at sum. Pag-iisipan mo talaga ang dalawang numero o integer o factor. Diyan ako nagtatagal dahil kailangang magtugma ang integer ng product at sum. At iyan ang mas kinagigiliwan kong sagutan dahil talagang hinahanap mo ang sagot.

Halimbawa, kung ang product ay 20 at ang sum ay 9, tiyak na ang dalawang integer ay 4 at 5. (4 x 5 = 20; 4 + 5 = 9). Paano pag malalaking numero na? Diyan ka talaga hahawak ng bolpen at papel kung di mo makuha sa isip lang.

Tingnan natin ang product na 304 at sum na 46. Marahil 6 ang isang integer kung iisiping i-round-off ang 304 at 46 sa 300 at 50. Kaya random thought. 45 x 6 = 270, 46 x 6 = 276; 45 x 7 = 315. Mukhang mahirap ang ganitong random thought. Matagal.

Buti pa, factoring muna ng 304. 304 / 2 = 152; 152 / 2 = 76; 76 / 2 = 38. Kaya masusuri natin, 38 x 2 x 2 x 2 = 38 x 8 = 304. Kaya ang dalawang integer ay 38 at 8. I-tsek natin. 38 + 8 = 46; 38 x 8 = 304.

Sa product naman na 427 at sum na 68. I-factoring muna natin ang 427. 4 + 2 + 7 = 13, hindi divisible by 3. Subukan natin kung divisible by 7. 427 / 7 = 61. Ayos, nakuha. Next, 61 + 7 = 68. Ayos. Kaya ang dalawang integer sa product na 427 at sum na 68 ay 61 at 7.

Sagutin naman natin ang product na 105 at sum na 22. Kita mo agad na divicible by 5 ang 105. 105 / 5 = 21. Subalit ang 5 + 21 = 26. Kaya hindi 21 at 5 ang sagot. Ang factor pa ng 105 ay 5 x 3 x 7. Kung hindi 5 x (3 x 7) o 5 x 21 ang sagot, subukan natin ang (5 x 3) x 7 o 15 x 7 = 105. Ayos, nasapul muli natin. Dahil angh 15 + 7 ay 22. Kaya ang dalawang integer sa product na 105 at sum na 22 ay 15 at 7.

Ang pangwalong puzzle naman ang sagutan natin, na may product na 231 at sum na 80. Ang 80 x 3 = 240, ilang numero na lang at malapit na sa 231. Kaya nag-random thought muli tayo. Dahil divicible sa 3 ang 231 (2 + 3 + 1 = 6), dinibayd muna natin ang 231 sa 3. 231 / 3 = 77. Ayos na naman. Dahil 77 + 3 = 80. Kaya ang sagot na dalawang integer ay 77 at 3.

Kaya sa ayos na given ang product at sum ay talagang mapapaisip ka. Kumbaga, challenging. Kaysa given ang isang factor, na madali mo nang masasagot. I-divide lang at i-subtract, masasagot mo na.

Hanggang ngayon, bukod sa logic puzzle na gumagamit ng numero na sudoku, na maaari ring palitan ng letra, mas nakakatuwang libangan ang Aritmetik sa pahayagang Pang-Masa. Maraming salamat sa lumilikha ng puzzle na ito. Pinag-iisip ka man ay talagang nakalilibang.

PALAISIPANG ARITMETIK

nakalulugod ang palaisipang Aritmetik
sa pahayagang Pang-Masa, sadyang nakasasabik
sa kasiyahan nitong handog ay namumutiktik
sa ganitong puzzle nalululong at naaadik

nag-B.S. Math kasi ako noon sa kolehiyo
pagkat kinagigiliwan ko ang mga numero
sinasagutan pa ang aklat at app ng sudoku
ngayon pa'y natagpuan ang Aritmetik sa dyaryo

dahil dito'y nagbabalik ang mga karanasan
minsan, tinutula'y matematika o  sipnayan,
o sangay nito katulad ng bilnuran, sugkisan,
palatangkasan, palautatan, at tatsihaan

salamat sa ganitong palaisipan o tikmo
may pinaglilibangang sadyang nakararahuyo
inaaral muli ang sipnayan ng buong puso
baka balang araw, paksang ito'y maituturo

* Kahulugan ng ilang salita
sipnayan - mathematics
bilnuran – arithmetic
sukgisan – geometry
palatangkasan – set algebra
palautatan – statistics
tatsihaan – trigonometry

Biyernes, Marso 3, 2023

Maling clue sa puzzle

MALING CLUE SA PUZZLE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 24, 2023 pa ang puzzle na ito sa tabloid na Pilipino Star Ngayon, pahina 10, at ngayong Marso 3, 2023 ko lang nasagutan. Hindi ko ma-decipher noon nang una kong subukang sagutin ito batay sa inilatag na clue.

Ang panuntunan sa Quotes in the Puzzle ay ito: Buuin ang English quotation sa ibaba. Ang bawat numero sa kahon ay may katumbas na letra. Para matulungan kang mabuo ito, narito ang ilang clue: 3=M, 8=R, 17=Y.

Sinundan ko ang clue, nahirapan akong sagutan iyon. Hanggang sa iniligpit ko na ang dyaryo. Isang buwan din ang nakaraan, at muli kong nahalungkat ito kanina, at sinubukan muling sagutin. Hindi ko pa rin makuha ang sagot. Hanggang sa mapagtanto kong baka mali ang clue nilang ibinigay. Ah, inililigaw nila tayo sa kagubatan. Ingat, baka may leyon doong nakaabang at silain tayo.

Tinitigan ko ang ikasampung salita na may apostrophe o kudlit matapos ang ikatlong letra. Mukhang _ _ _'RE ito, at tiyak hindi _ _ _'LL. Hindi tumatama ang clue na R sa numero 8.

Kaya ang nangyari, hindi ko na sinunod ang clue. Baka nagkamali ang gumawa ng puzzle (o baka sinadya upang iligaw tayo o kaya'y pinaglalaruan ng mga kutong lupa). Kaya ginawa ko ang dati kong ginagawa. Hindi ko na pinansin ang ibinigay na clue, kundi sinubukan ang iba pang letrang maaaring sumakto. Nakuha rin. Ang tamang clue ay 3=A, 8=Y, 17=P.

Tingnan mo ang litrato ng puzzle. Tumama na ang sagot, at nabasa na natin kung ano ang quote ni Bill Murray: Whatever you do, always give one hundred percent, unless you're donating blood.

Anong aral mayroon sa karanasang ito? Huwag laging sundan ang ibinigay na clue, dahil minsan, iminamali ka nila upang hindi mo masagutan ang puzzle, upang maligaw ka ng landas, upang hindi ka magpatuloy sa pagresolba sa suliraning kinakaharap, kundi ang lumayo.

Tulad din sa buhay, maraming may karanasan na subalit sablay ang mga payo nila. Ang karanasan nila noon ay maaaring hindi na umubra sa panahon ngayon. Nagbabago ang panahon. Noon, pag wala kang telepono, tatawag ka sa tindahan, at magbabayad ka sa bawat tawag mo. Ngayon, may selpon ka na, hindi mo na kailangang pumunta ng tindahan upang tumawag. May chat na rin sa socmed.

Napaniwala nila tayo na iyon nga ang clue. Subalit sa pamamagitan ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ay napagtanto nating hindi iyon ang tamang clue. 

Nabigyan ka man ng maling clue, hindi iyon dahilan upang sumuko ka na lang. Hindi iyon dahilan upang hindi ka magpatuloy.

Huwag mong sundan ang kanilang clue, at baka inililigaw ka lang nila. Baligtarin mo kaya ang suot mong damit o kamiseta at baka paikot-ikot ka na lang diyan sa kasukalan ay wala kang napapala. Masukal ang kagubatan kung paanong masukal din ang kalooban ng lungsod.

Maghagilap ka ng sarili mong clue upang mahanap mo ang tamang kasagutan. Kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan upang hindi ka sumablay sa iyong pagtunton sa nararapat na kalutasan sa mga kinakaharap na suliranin.

MALING CLUE SA PUZZLE

mali ang clue sa palaisipan
anong letrang itatapat diyan
sa numerong nasasa kahunan
nang pangungusap ay mahulaan

nahirapan dahil mali ang clue
at nagpasyang huwag sundan ito
kundi sadyang hanaping totoo
ang letrang katumbas ng numero

ginawa'y kongkretong pagsusuri
sa kalagayang di dali-dali
natukoy ang sinabog na binhi
hanggang makamtan ang minimithi

kaya pangungusap ay nabuo
nagsuri't di nagmula sa buho
pag ginawa ng buong pagsuyo
ang sagot ay iyong mahuhulo

03.03.2023