Lunes, Hulyo 29, 2024

Kwento - Bigong-Bigo ang Masa

BIGONG-BIGO ANG MASA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang nagrarali pa lang sa tapat ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Lungsod Quezon, kung saan doon nagtungo ang bulto ng mga maralitang nagrali muna sa tapat ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) sa Kalayaan Ave., ay napansin ko na ang plakard na tangan ni Aling Ising. Ang nakasulat doon ay daglat ng BBM, na sa paniwala ko at ng may dala ng plakard ay tunay na kalagayan ng maralita - Bigong Bigo ang Masa.

Kaya nilapitan ko si Aling Ising, habang naroon din ang mga kasama niyang sina Aling Isay, Aling Ines, Mang Igme, at Mang Inggo, na siya niyang kagrupo. Agad kong bungad: “Aling Ising, natumbok po ng inyong plakard ang tunay na kalagayan ng masa sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. Saludo po ako.”

Sumagot si Aling Ising, “Aba’y bigong bigo naman talaga ang masa sa gobyernong ito. Mantakin mo, pinangakuan tayong may bente pesos na kilo ng bigas, subalit ang nangyari, pamahal ng pamahal ang presyo ng bigas. Iyon ngang nabili ko noong isang araw, P20 ang 1/3 na kilo ng bigas. Ibig sabihin, P60 ang kilo.”

Sumabad naman si Aling Isay, “Ano pa bang aasahan natin sa mga pulitiko kundi pulos pangako. At pangakong napapako. Ibinoboto kasi natin ang mga dinastiya at mga pulitikong di naman natin kauri, na ang tingin sa maralita ay boto lang nila dahil marami tayo, subalit kaytagal nang panahong wala tayong napapala sa kanila kundi pulos pangako.”

“Aba’y nakakakuha naman tayo ng ayuda sa mga pulitikong iyan, ah!” Ang sabi naman ni Mang Inggo. “Kung hindi dahil sa ayudang iyan, wala tayong kakainin.”

“Aba, aba!’ Si Mang Igme, “Tayo’y matagal naging manggagawa sa pabrika, at tayo noon ang nagpapakahirap upang makakain ang ating mga anak. Kailan lang naman sila namimigay ng ayuda, noong nanalasa ang COVID-19. Nakita lang ng mga pulitiko na magandang mamigay sila ng ayuda para sa kanilang boto. Gayong tayong mga manggagawa ang tunay na dahilan kaya umuunlad ang bayan. Tayo ang nagpapakahirap kaya umuunlad ang ekonomya. Hindi ang mga pulitiko.”

“Siya, tama na iyan,” ani Aling Ines. “Maganda naman at napansin mo ang plakard na hawak ni Aling Ising. Pinag-usapan talaga namin iyan, iho, upang masabi naman natin ang talagang kalagayan ng masa, ng kapwa natin maralita.” Ang sabi niya sa akin.

“Oo nga po, Aling Ines, nais ko po sana itong isulat sa aming pahayagang Taliba ng Maralita, na ang totoo po palang kalagayan ng masa ay kitang-kita sa kahulugan ng BBM - Bigong Bigo ang Masa. Kaya marami pong salamat at hinayaan ninyong kunan ko ito ng litrato.” Sabi ko.

“Ikaw pa ba naman. Eh, hindi ka na iba sa amin, at matagal ka rin naman naming nakasama sa laban ng kapwa natin maralita, lalo na sa demolisyon sa Mariana na pinanggalingan namin.” Sabi naman ni Mang Igme.

Si Aling Ising naman, “Etsapuwera pa rin naman tayong maralita. Minsan lang  tayo salimpusa, pag may halalan na naman. Sa usapin pa lang ng 4PH o Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ay hindi na tayo kasama. Dapat may regular kang trabaho at pay slip, at dapat may Pag-ibig ka rin, kung nais mong magkaroon ng maliit na pwesto sa ala-condo na pabahay. Kung talagang kasama tayo roon, dapat batay sa capacity to pay ng maralita at hindi batay sa market value ng mga kapitalista ang pabahay.” 

Napaisip ako sa kanyang mga tinuran. Naputol ang aming pag-uusap nang magsalita na ang lider ng bulto. “Lalakad na tayo, mga kasama, patungo sa SONA.” Kaya kami na’y sama-samang naglakad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Post-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Hulyo 19, 2024

Kwento - Budul-Budol sa Maralita

BUDUL-BUDOL SA MARALITA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa papel na binasa sa press conference ng mga maralita ay ilang ulit na binanggit ang Budul-Budol sa Maralita, na animo’y BBM kung iisipin. Budul-Budol sa Maralita ang administrasyon ni BBM. Pinakinggan naming mabuti ang pahayag na binasa ni Ka Orly, pangulo ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO).

Nang tinanong naman ng nag-iisang taga-midya na dumalo si Ka Kokoy, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung ano ang iskor na ibibigay ng maralita sa administrasyong BBM sa paparating na SONA, walang kagatol-gatol na sinabi ni Ka Kokoy ay “Zero!” Ibig sabihin, walang napala ang maralita.

Kaya nang papalabas na ang mga maralita sa presscon, nakinig ako sa usapan nina Mang Igme, Igor, Aling Isay, Lola Inez, at Inggo, hinggil sa naganap na presscon. Tila isa iyong pagtatasa ng naganap na presscon.

Nagsalita si Mang Igme, lider ng isang samahan, “Mahusay na nasabi ng ating mga tagapagsalita ang ating paninindigan. Para sana sa malawak na masmidya iyan upang pakinggan naman nila ang maralita, subalit iisang midya nga lang ang dumating. Aba’y etsapuwera pa rin ang maralita kahit na nagpa-presscon tayo.”

Sumagot naman si Aling Isay, “Ano na naman bang aasahan natin sa lipunang ito, kung laging tingin sa maralita ay ayuda lang. Tingin ng mga pulitiko, pag nabigyan na tayo ng ayuda, tapos na ang problema natin, may boboto na sa kanila. Ang pakinabang lang naman ng mga pulitiko sa atin ay ang ating bilang, kaya sila nalalagay sa pwesto.”

Sumabad si Igor, “Iyan nga po ang isang problema nating mga maralita. Imbes na kauri natin ang dapat iboto, tulad ni Ka Leody de Guzman na tumakbo noong nakaraang halalan, at Luke Espiritu na lider-manggagawa para sa pagkasenador, ang ibinoto natin ay pulitikong di naman natin kauri, pulitikong mayayaman at bahagi ng political dynasty. Matagal nang napakababa ng tingin ng mga trapo sa ating maralita. Tagatanggap lang tayo ng ayuda. Dapat matigil na ang ganito at ipakita natin ang ating nagkakaisang pwersa upang labanan ang ganitong klase ng sistema at ipakitang tayo’y may dignidad din kahit na tayo’y dukha.”

“Para ka nang lider kung magsalita, Igor, ah!” sabi ni Lola Inez, “Kung sabagay, tama ka, mababa ang tingin sa atin ng lipunang ito. Tama rin si Igme. Di lang tayo salimpusa kundi etsapuwera talaga.”

"Ang tanong ay paano?" Ang sabi ni Aling Isay. "Pag nabigyan na ng ayuda ng kung sinong diyaskeng pulitiko ang mga iyan ay para bagang malaking utang na loob na nila upang iboto ang mga trapong iyan. Kapalit ng limang daang piso at boto ay tatlong taon namang pahirap, dahil sa kampanyahan lang naman tayo kilala ng mga iyan. Pagkatapos nilang manalo, hindi na tayo kilala. Mamatahin pa tayo. Haynaku."

Sumabad si Aling Inez, "Sa tanong mong paano ay napapaisip tuloy ako. Paano nga ba tayong magkakaisang maralita kung tayo mismo ay nagkakanya-kanya?"

Nagsalita uli si Igor, "Bakit ba walang nangyayari sa buhay natin gayong ilang beses na nating paulit-ulit ibinoboto ang mga iisang apelyido, iyang mga dinastiya, na hindi naman natin kauri. Tapos pag nanalo muli ang dinastiya na di natin kauri, saka natin sasabihin na nabudol na naman ang mga maralita.”

“Anong gusto mong mangyari, Igor?” Tanong ni Mang Igme.

“Simple lang naman, Ka Igme. Hindi sapat ang pagkilos natin dito sa ating komunidad. Patuloy pa rin tayong mag-organisa sa labas ng ating komunidad at ipaunawa sa kapwa natin maralita na dapat tayong magkakauri ang magdamayan at huwag ipaubaya sa mga pulitiko ang ating kinabukasan. Akala ng mga trapong iyan, hanggang ayuda lang tayo, na mabigyan lang tayo ng ayuda, iboboto na natin sila. Hindi na tayo pabubudol sa mga mapagsamantala. Dapat tayong kumilos at mamulat. Sabi nga sa kanta, 'Habang may tatsulok at sila ang nasa tuktok, di matatapos itong gulo.’ At ang bilin sa atin, 'Totoy, kumilos ka, baliktarin ang tatsulok. Tulad ng dukha ang ilagay mo sa tuktok.”

Sa gayon natapos ang kanilang pag-uusap. At nag-uwian na sila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pre-SONA isyu, Hulyo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Hulyo 14, 2024

Kwento - Bakit laban din ng maralita ang sahod, eh, wala nga silang regular na trabaho?

BAKIT LABAN DIN NG MARALITA ANG SAHOD, EH, WALA NGA SILANG REGULAR NA TRABAHO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pulos diskarte na lang ang mga maralita, o yaong mga mahihirap, isang kahig, isang tuka. Lalo na’t wala naman silang regular na trabaho. Nariyan ang mga nagtitinda ng bananakyu at kamotekyu, ng mga tuhog-tuhog tulad ng pusit, isaw, atay, at barbekyu. May pedicab driver, barker sa dyip, atbp. Ang matindi ay ang mga nagbabantay ng tinapong pagkain mula sa mga fastfood, pinipili ang pwede pa, pinapagpag, hinuhugasan, saka muling iniluluto upang maging pamatid-gutom ng kanilang pamilya.

Ang karamihan ay pawang dating manggagawang kontraktwal, na matapos ang kontrata, ay hindi na nakabalik sa kanilang trabaho, at nauwi na lang sa pagtitinda, magbabalut, o dumiskarte sa kalsada. Dating may tiyak na sinasahod, subalit ngayon ay kumikita na lang sa diskarte sa araw-araw. Noong nasa pabrika pa sila, bagamat kontraktwal, ay may regular na sahod sa loob ng limang buwan nilang kontrata. Ngayong natapos na ang kontrata at hindi na sila kinuhang muli ng kumpanya, wala na silang sahod.  Ang iba’y natutong mamasada ng traysikel o dyip. Hanggang nagtungo sa kanila ang isang dating katrabaho, si Igme,  upang hingan ng tulong sa kampanya para sa pagtaas ng sahod.

Nagtanong si Inggo, “Kasamang Igme, wala na kaming regular na trabaho ngayon, kaya wala na rin kaming regular na sahod. Kumikita na lang kami sa pabarya-baryang diskarte sa kalsada. Ako nga ay naglalako na lang ng mani sa araw at penoy-balot at tsitsarong bulaklak sa gabi. Bakit sasama ako sa pangangampanya at pagkilos para sa dagdag-sahod gayong wala na akong sweldo? Pasensya na. Di ko lang maintindihan.”

Sumabad naman si Isay, katabi ang katsikahang si Ines, na dati ring katrabaho ni Igme, “Ako rin ay nahihiwagaan. Dapat ilinaw sa amin ang panawagang iyan. O baka dahil wala nang manggagawang sumasama sa pagkilos ninyo ay yaong mga hindi na manggagawa ang napapakiusapan ninyong sumama sa laban na iyan? Ano ba talaga, Igme?”

Sumagot naman si Igor na kasama ni Igme sa pangangampanya para sa dagdag-sahod. “Hindi naman sa ganoon, Isay. Sa totoo lang, ang laban sa sahod ng mga manggagawa ay laban din ng maralita. Alam n’yo kung bakit? Pag tumaas ang sahod ng mga manggagawa, may sapat na siyang pambili ng pangangailangan. Kanino naman karaniwang bumibili ang mga manggagawa, kundi sa mga vendor na katulad ninyo, sa kagaya nating maralitang nabubuhay ng marangal. Kaya iikot ang ekonomiya natin dahil sa ating pag-uugnayan. Isa pa, umuuwi ang mga manggagawa sa komunidad ng maralita. Iisa lang ang ating interes, ang guminhawa ang buhay nang walang pinagsasamantalahan, walang inaapakan, walang kaapihan, at walang pagsasamantala ng tao sa tao.  Sino pa bang magtutulungan kundi tayong walang pribadong pag-aari kundi  ang ating lakas-paggawa.”

“Sabagay, tama ka naman, Igor. Isa rin iyan sa napag-aralan namin noon sa pabrika. May polyeto ba kayong dala?” Sabi ni Aling Isay. 

Sumagot si Igme, “Meron. Mungkahi ko, magpatawag na tayo ng pulong upang masabihan ang mga kapitbahay hinggil sa isyu ng sahod at nang maipaunawa sa kanilang kahit tayo’y maralita ay laban din natin ang laban ng manggagawa, lalo na sa isyu ng sahod! Magandang ipatampok ang usaping magkakauri tayo, hindi burges, hindi kapitalista, kundi KAURI! Mungkahi ko, sa araw ng Linggo, ikalawa ng hapon, ay magdaos dito ng pulong dahil narito ang mga manggagawa.”

Kumasa sina Isay. “Sige, sa pulong sa Linggo, dadalo kami.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hulyo 1-15, 2024, pahina 18-19.