Biyernes, Oktubre 25, 2024

AI chatbox, dahilan ng suicide? (Pangsiyam sa balitang nagpatiwakal)

AI CHATBOX, DAHILAN NG SUICICE?
(PANGSIYAM SA BALITANG NAGPATIWAKAL)
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ikasiyam na balitang nabasa ko hinggil sa pagpapatiwakal mula Setyembre 20 hanggang ngayong Oktubre 25, 2024. Bagamat sinasabi sa isang balita sa Inquirer na ang pagpapatiwakal ng isang 14-1nyos na kabataan ay naganap noon pang Pebrero. Subalit kakaiba ito. 

Isang robot ang nambuyo sa isang batang 14-anyos upang magpakamatay ang bata. Ayaw nang mabuhay ang bata sa tunay na mundo.

Kaya isinakdal ng nanay ng nagpatiwakal na bata ang AI chatbox company dahil ito ang dahilan ng pagpapakamatay ng bata. Ang pamagat nga ng balita ay "Mother sues AI chatbot company over son's suicide", Inquirer, Octunre 25, 2024, pahina B6.

Narito ang isang talata subalit mahabang balita:

A Florida mother has sued artificial intelligence chatbot startup Character.AI accusing it of causing her 14-year-old son's suicide in February, saying he became addicted to the company's service and deeply attached to a chatbot it created. In a lawsuit filed Tuesday in Orlando, Florida federal court, Megan Garcia said Character.AI targeted her son, Sewell Setzer, with "anthropomorphic, hypersexualized, and frighteningly realistic experiences". She said the company programmed its chatbot to "misrepresent itself as a real person, a licensed psychotherapist, and an adult lover, ultimately resulting in Sewell's desire to no longer live outside" of the world created by the service. The lawsuit also said he expressed thoughts of suicide to the chatbot, which the chatbot repeatedly brought up again. "We are heartbroken by the tragic loss of one of our users and want to express our deepest condolences to the family," Character.AI said in a statement. It said it had introduced new safety features including pop-ups directing users to the National Suicide Prevention Lifeline if they express thoughts of self-harm, and would make changes to "reduce the likelihood of encountering sensitive or suggestive content" for users under 18. - REUTERS.

Ito naman ang malayang salin sa Filipino ng nasabing balita upang mas magagap ng ating mga kababayan ang ulat:

Idinemanda ng isang nanay sa Florida ang artificial intelligence chatbot startup na Character.AI na inaakusahan itong naging sanhi ng pagpapakamatay ng kanyang 14 na taong gulang na anak noong Pebrero, na nagsasabing naging gumon ang anak sa serbisyo ng kumpanya at malalim na inugnay ng anak ang sarili nito sa isang chatbot na nilikha ng nasabing kumpanya. Sa isang kasong isinampa noong Martes (Oktubre 22) sa Orlando, Florida federal court, sinabi ni Megan Garcia na pinuntirya ng Character.AI ang kanyang anak, si Sewell Setzer, ng "anthropomorphic, hypersexualized, at nakakatakot na makatotohanang mga karanasan". Sinabi niyang pinrograma ng kumpanya ang chatbot nito upang "mHindi tunay na katawanin ang sarili bilang isang tunay na tao, isang lisensyadong psychotherapist, at isang adultong mangingibig, na sa huli'y nagbunga upang hindi na naisin ni Sewell na mabuhay sa labas (o sa  totoong mundo)" kundi sa mundong nilikha ng nasabing kumpanya. Sinabi rin sa pagsasakdal na ipinahayag ng bata ang saloobing magpakamatay sa chatbot, na inuulit-ulit muli ng chatbot. "Nalulungkot kami sa trahedyang pagkawala ng isa sa aming gumagamit at nais naming ipahayag ang aming pinakamalalim na pakikiramay sa pamilya," sabi ni Character.AI sa isang pahayag. Sinabi nitong nag-introdyus ito ng bagong feature na pangkaligtasan kabilang ang mga pop-up na nagdidirekta sa mga gumagamit sa National Suicide Prevention Lifeline kung nagpapahayag sila ng mga saloobing saktan ang sarili, at gagawa sila ng mga pagbabago upang "bawasan ang posibilidad na makatagpo ng sensitibo o nagpapahiwatig na nilalaman" para sa mga gumagamit na wala pang 18 taong gulang. - REUTERS.

PAGNINILAY

Bakit nangyayari ang gayong pagpapatiwakal? Naiibang kasong ayaw nang mabuhay sa tunay na daigdig? Ang nanay ba niya, o pamilya ng bata'y hindi siya mahal? Kaya ibang daigdig ang kinawilihan?

Naiibang kaso, kaya isa rin ito sa dapat pagtuunan ng pansin kung paano maiiwasan ang pagpapakamatay.

Sa talaan sa loob ng 36 na araw ay ikasiyam ito sa aking nabasa hinggil sa mga nagpatiwakal. Tingnan natin ang ibang ulat:

(1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024
(4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, pahayagang Bulgar, Setyembre 27, 2024
(5) Tatay, Nagbigti, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024
(6) Napagalitan ng ina, 14-anyos, adik sa ML, nagbigti, patay, pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024
(7) Kolehiyala, Tumalon sa MRT footbridge, patay, headline sa pahayagang Pang-Masa, at nasa pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Oktubre 19, 2024
(8) PWD, Tumalon sa Pasig River, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 24, 2024, p.2
at (9) Mother sues AI chatbox company over son's suicide, mula sa Inquirer, Oktubre 25, 2024, sa pamamagitan ng ulat ng Reuters

Isa itong kakaibang kaso, kaya dapat aralin din ng mga kinauukulan ang ganito upang hindi na ito maulit. Bagamat nangyari iyon sa Florida sa Amerika, hindi mapapasubaliang maaaring mangyari ito sa ating bansa. Bagamat mayroon na tayong Mental Health Law o Republic Act 11036, at may nakasalang ding panukalang batas na Youth Suicide Prevention Act o Senate Bill No. 1669, ay maidagdag ang pagtugon hinggil sa nasabing kaso ng batang nagpakamatay dulot ng AI.

NAGPAKAMATAY DULOT NG AI.CHATBOX

ang AI.Chatbox ba ang nambuyong magpatiwakal
sa isang labing-apat na anyos na kabataan?
balitang pagpakamatay niya'y nakagigimbal
tila nambuyo'y robot? bakit nangyari ang ganyan?

kinasuhan na ng nanay ang nasabing kumpanya
nang magumon dito ang nagpakamatay na bata
AI, bata'y inuto? sige, magpakamatay ka!
nangyari ang di inaasahan, siya'y nawala

sa AI chatbox nga'y nagumon na ang batang ito
nawiling mabuhay sa loob ng Character.AI
ayaw nang mabuhay ng bata sa totoong mundo
nabuyo (?) ng AI kaya bata'y nagpakamatay

kaybata pa niya upang mangyari ang ganoon
anong dapat gawin upang di na maulit iyon?

10.25.2024

Huwebes, Oktubre 24, 2024

Ikawalong nagpatiwakal sa loob ng 35 araw

IKAWALONG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 35 ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napakaraming paksa ang dapat itula, subalit hindi ako mapakali sa isang paksang laging lumilitaw ngayon sa balita, lalo na sa pahayagang Bulgar - ang isyu ng mga nagpakamatay.

Isa sa dapat pagtuunan ng pansin ng mga kinauukulan, o ng pamahalaan, ay ang dami ng mga nagpapatiwakal. At nasubaybayan ko sa balita ang ganito, lalo na sa pahayagang Bulgar. Mula Setyembre 20 hanggang Oktubre 24 ay walo na ang nagpakamatay. Labing-isang araw ng Setyembre, kasama sa bilang ang a-20, o 30-20+1 = 11 araw, at 24 araw ng Oktubre, 11+24=35. Halos isa tuwing apat na araw ang nagpapatiwakal.

Paano nga ba iiwasang magpasyang magpatiwakal ang isang tao? Kung siya ay biktima, siya rin ang suspek dahil siya ang nagdesisyon. Maliban kung may foul play. Tingnan natin ang talaan ng mga nagpakamatay, ayon sa ulat ng Bulgar.

Isa-isahin natin ang mga pamagat ng walong balita:
(1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024
(4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, pahayagang Bulgar, Setyembre 27, 2024
(5) Tatay, Nagbigti, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024
(6) Napagalitan ng ina, 14-anyos, adik sa ML, nagbigti, patay, pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024
(7) Kolehiyala, Tumalon sa MRT footbridge, patay, headline sa pahayagang Pang-Masa, at nasa pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Oktubre 19, 2024
(8) PWD, Tumalon sa Pasig River, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 24, 2024, p.2

Sa ikawalong ulat, na siyang pinakahuling balita, ay ngayong Oktubre 24, 2024. Iniulat ng pahayagang Bulgar: "PWD, Tumalon sa Pasig River, Dedo". Ating basahin ang ulat:

PATAY na nang lumutang ang isang Person With Disability (PWD) na tumalon sa Pasig River dahil hindi na umano kinaya ang karamdaman.

Positibong kinilala ng kanyang pamangkin na si Jeffrey Reyes, 21, ang biktimang si Adrian, 49, PWD, ng Makati City.

Alas-10 ng umaga, isang concerned citizen ang nakakita sa bangkay na palutang-lutang kaya agad niyang ipinagbigay-alam sa Philippine Coast Guard (PCG) na siyang tumawag sa Manila Police District - homicide section.

Nang maiahon, nabatid na walang saplot pang-ibaba subalit nakuha sa kanyang damit pang-itaas ang isang leather wallet na naglalaman ng mga identification card at dito nakita ang pangalan ni Reyes na nakasulat sa kanyang emergency contact.

Sa impormasyong nakuha ni PMSg. Roderick Magpale, na-stroke ang biktima at patay na ang kalahating katawan nito, bukod pa sa epileptic ito.

Huling nakitang buhay ang biktima, alas-4 ng hapon at bago pumunta sa kanyang doktor para sa regular check-up ay nagpaalam kay Reyes na pupunta muna sa kanyang kaibigan pero 'di na bumalik.

Ilang beses na umanong nagtangka ang biktima na wakasan ang kanyang buhay dahil sa kalagayan.

(Ulat ni Mylene Alfonso)

ILANG PAGNINILAY

Ang ibang kaso ng pagpapakamatay na nabanggit sa itaas ay hinggil sa problema sa pamilya, subalit ang isang ito'y dahil di na nakayanan ang karamdaman, ayon sa ulat.

Pang-apat siya sa mga tumalon mula sa mataas na bahagi, tatlo ang nagbigti, at isa ang nagbaril sa ulo.

Wala pa akong nakakausap na sikolohista o psychologist kung paano ba mapipigilang magpakamatay ang isang tao. Maliban sa pagsasabatas ng Mental Health Law o Republic Act 11036, at yaong nakasalang na panukalang batas na Youth Suicide Prevention Act o Senate Bill No. 1669.

Nakababahala. Lagi akong bumibili ng pahayagang Bulgar, Abante, Pang-Masa at iba pang diyaryong tabloid, subalit sa mga balitang pagpapatiwakal ba'y anong solusyon ang ginagawa ng mga kinauukulan? Paano ito mapipigilan upang wala nang pagpapatiwakal?

Isa ba talaga itong isyung dapat pagtuunan ng pansin?

IKAWALONG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 35 ARAW

walong tao na ang nagpasyang tapusin na
ang sariling buhay, nakapag-aalala
anong paliwanag kung pakasusuriin
dinaramdam ay di na kaya ng damdamin

wala tayong balitang ito'y nilulutas
gayong may Mental Health Law na ganap nang batas
marahil nga'y di lang iyon nababalita
ngunit mayroon pala silang ginagawa

ngunit parang wala pag may nagpatiwakal
pangwalong gumawa'y sadyang nakagigimbal
di na napigilan ang nadaramang sakit
upang ibsan ay nagpatiwakal, ang lupit

mga sikolohista'y anong matutulong
upang magpatiwakal ay di maging tugon
sa mundo'y isang beses lang tayong mabuhay
mahalagang mapigil ang magpakamatay

10.24.2024

Lunes, Oktubre 21, 2024

Ikapitong aklat ni Karlo Sevilla

IKAPITONG AKLAT NI KARLO SEVILLA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr,

Pagpupugay kay kasamang Karlo Sevilla, isang mahusay na makata mula sa Lungsod Quezon at isa ring mambubuno, mambabalite o wrestler. Pagpupugay sa kanyang ikapitong aklat na pinagamatang "The Boy on the Hill" na inilathala ng International Human Rights Art Movement (IHRAM).

Bilang pambungad, matatagpuan sa kawing na: https://humanrightsartmovement.org/international-fellows/karlo-silvera-the-boy-on-the-hill ang kanyang pagninilay hinggil sa paglikha niya sa nasabing aklat.

“I began imagining this long poem way back in 2018, then with only its germ, i.e., the initial versions of its first and last stanzas. I even mentioned “working on it” in three different interviews around that time. Being chosen as a 2024 International Fellow of the International Human Rights Art Movement - coupled with deeply disturbing and compelling international news - has provided me the strongest impetus to finally realize this long-held dream. I’m eternally grateful to IHRAM for the opportunity to produce poetry projects. (Sinimulan kong pagnilayan ang mahabang tulang ito noong 2018, pagkatapos ay ang mikrobyo lang nito, ibig sabihin, ang mga unang bersyon ng una at huling mga saknong nito. Binanggit kong "kasalukuyang ginagawa pa ito" sa tatlong magkakaibang panayam noong mga panahong iyon. Ang pagkakapili sa akin bilang 2024 International Fellow ng International Human Rights Art Movement - kasabay ng labis na nakapag-aalala at makabagbag-damdaming internasyonal na balita - ay nagbigay sa akin ng pinakamatinding sigla upang tuluyang maisakatuparan ang matagal nang pangarap kong ito. Walang katapusan ang aking pasasalamat sa IHRAM dahil sa ibinigay na pagkakataon upang makagawa ng mga proyektong tula.)”

Sa aking pagsasaliksik, nakita kong nakatala ang pangalan ni Karlo Sevilla sa internasyunal na websayt na Poets and Writers na nasa kawing na: https://www.pw.org/directory/writers/karlo_sevilla 

Halina't alamin natin kung sino si Karlo Sevilla, ayon sa nasabing pook-sapot o websayt:

Si Karlo Sevilla, mula sa Lungsod Quezon,  sa Pilipinas, ay 2024 International Fellow ng International Human Rights Art Movement (IHRAM) para sa tula. Siya ang may-akda ng pitong aklat ng tula: “You” (Origami Poems Project, 2017), “Metro Manila Mammal” (Soma Publishing, 2018), "Outsourced! . . ." (Revolt Magazine, 2021), "Recumbent" (8Letters Bookstore and Publishing, 2023), "Figuratively: A Chapbook of Shape Poems" (Gorilla Printing, 2024), "Datuterte: Imagined Confession, 2024" (IHRAM, 2024), at "The Boy on the Hill" (IHRAM, 2024). Tatlong beses siyang nahirang para sa Best of the Net Anthology - sa Ariel Chart noong 2018, Collective Unrest noong 2019, at Woolgathering Review noong 2021⁠ - unang nalathala ang kanyang mga tula sa Philippines Free Press noong 1998 at Philippines Graphic noong 2000. Sa mga sumunod na taon, hindi siya gaanong aktibo sa pagsulat at pagsusumite ng mga tula para sa publikasyon. Noong 2014 lang muling nabuhay ang kanyang gana sa pagsulat ng tula at noong 2015 ay nalathala ang kanyang mga tula sa Pacifiqa at muli sa Philippines Graphic. Kaya naman, mayroon siyang halos 300 tulang nalathala na sa iba't ibang pampanitikang magasin, antolohiya, at iba pang plataporma sa pandaigdigan. Noong 2020, isa siya sa mga nag-ambag sa "Pandemic: A Community Poem," na napili ng Muse-Pie Press para sa Pushcart Prize sa taong iyon. Siya ay kabilang sa unang batch ng mga mag-aaral (school year 2018) ng programang Malikhaing Pagsulat sa Filipino ng Center for Creative Writing ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, at kasapi rin siya ng Rat's Ass Review online poetry workshop. Nag-coach din siya ng wrestling at Brazilian Luta Livre, at nanalo ng gintong medalya sa 2016 ADCC Southeast Asia – Philippine International Submission Fighting Open at sa Greco-Roman wrestling event ng 2011 Philippine National Games.

Mababasa ang iba pa tungkol kay Karlo sa nasabing websayt lalo na ang iba pa niyang nakamit na gantimpala. Magpatuloy lang si Karlo Sevilla sa kanyang mga ginagawa, di malayong balang araw na siya'y maging National Artist for Literature sa ating bansa, tulad ng ating mga dakilang makatang sina Jose Garcia Villa, Cirilo F. Bautista, at Gemino H. Abad.

Huli kaming nagkita ni Karlo nito lang Oktubre 4, 2024 sa Maynila, nang magpasa ng kandidatura para senador ang aming kamanggagawang sina Ka Leody de Guzman at Ka Luke Espiritu.

IKAPITONG AKLAT NI KARLO SEVILLA

taaskamaong pagbati sa kamakata
sa pampitong aklat niya ng mga tula
sa Ingles, internasyunal na nalathala
siya na'y nababasa ng mga banyaga

mabuhay ka, Karlo Sevilla, pagpupugay
sa mga nakamit mong premyo at tagumpay
pagkat pinakita mo ang totoong husay
sa kapwa makata'y inspirasyon kang tunay

si kasamang Karlo ay tunay na mabigat
pananalinghaga'y di agad madalumat
nais kong mabasa ang kanyang mga aklat
kolektahin iyon bilang pasasalamat

ngalang Karlo Sevilla'y naukit nang husto
sa pantiyon ng mga makata sa mundo
katulad nina Robert Frost, Edgar Allan Poe,
John Keats, Yeats, Byron, Shelley, Neruda, at Sappo

basta't magpatuloy siyang tula'y likhain
balang araw, di malayong magawaran din
siya ng pambansang karangalan sa atin
National Artist for Literature ay kamtin

muli, ako'y nagpupugay, Karlo Sevilla
isa kang buhay na halimbawa sa masa
sa hilig mong pagtula ay magpatuloy ka
dapat kang ikarangal ng bansa talaga

10.21.2024

Pinaghalawan:
litrato mula sa entri sa pesbuk ni Karlo Sevilla 

Sabado, Oktubre 19, 2024

Pampito sa nagpatiwakal sa loob ng isang buwan

PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wala pang isang buwan ay pampito na ito sa kaso ng pagpapatiwakal na nasubaybayan ng inyong lingkod sa pahayagang Bulgar, at ngayon ay headline sa pahayagang Pang-Masa, petsang Oktubre 19, 2024. Ayon sa headline: Kolehiyala, tumalon sa MRT footbridge, patay. Nasa pahayagang Bulgar din ang balitang ito na ang pamagat ay: Coed, tumalon sa MRT footbridge, utas.

Mula sa pagsubaybay ng inyong lingkod, pangatlo siya sa napaulat na tumalon mula sa mataas na bahagi, habang tatlo naman ang nagbigti at isa ang nagbaril sa ulo.

Isa-isahin natin ang mga pamagat ng pitong balita:
(1) 16-anyos na estudyante, tumalon mula sa 7th flr. ng Tenement, Dedbol, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(2) Tserman, nagbaril sa ulo sa Brgy. Hall, pahayagang Bulgar, Setyembre 20, 2024
(3) Bebot, tumalon sa tulay, patay, pahayagang Bulgar, Setyembre 26, 2024
(4) Kolehiyala, 'Di Naka-Graduate, Nagbigti, pahayagang Bulgar, Setyembre 27, 2024
(5) Tatay, Nagbigti, Dedo, pahayagang Bulgar, Oktubre 7, 2024
(6) Napagalitan ng ina, 14-anyos, adik sa ML, nagbigti, patay, pahayagang Bulgar, Oktubre 16, 2024
(7) Kolehiyala, Tumalon sa MRT footbridge, patay, headline sa pahayagang Pang-Masa, at nasa pahina 2 ng pahayagang Bulgar, Oktubre 19, 2024

Pag inaral ang pitong kasong ito, ito'y dahil di na nakayanan ang dala-dala nilang problema, na nauuwi sa pagpapatiwakal. Ang nagpasya'y damdamin at hindi na naisip ang kahalagahan ng isa nilang buhay.

Subalit paano nga ba maiiwasan ang ganitong pagpapatiwakal? Planado ba ito o padalos-dalos na desisyon dahil di na kaya ng kanilang kalooban ang mga ipinagdaramdam nila, at naiisip na lang ay matapos na ang lahat. Ayaw natin silang husgahan, subalit wala nga ba silang pagpapahalaga sa sariling buhay?

Anong maitutulong ng Mental Health Law o Republic Act 11036, at ng nakasalang na panukalang batas na Senate Bill No. 1669, o ang tinatawag na Youth Suicide Prevention Act, upang mapigilan ang ganitong mga pagpapatiwakal?

PAMPITO SA NAGPATIWAKAL SA LOOB NG ISANG BUWAN

bakit tumalon ang kolehiyala 
sa footbridge ng MRT sa Taft-Edsa
ayon sa ulat, posibleng problema
sa pamilya ang dahilan ng pasya

pampito siya sa nagpakamatay
sa loob ng wala pang isang buwan
na inulat sa pahayagang Bulgar
akong nagbabasa'y di mapalagay

umaga pa'y bibili na ng dyaryo
kaya ulat ay nasubaybayan ko
wala bang kakayanan ang gobyerno
gayong batas na iyang Mental Health Law

kung sinong biktima'y siya ring suspek
bakit magpatiwakal ang sumiksik
sa isipan, sa kanila bang hibik
ay walang nakinig, walang umimik

kailangan nila ng tagapayo
sa problema ngunit walang umako
sa mga dinaramdam ay nahapo
at sa kanila'y walang umaalo

nakalulungkot pag sa payo'y kapos
sa problema'y walang kakamping lubos
kaya nagpasyang buhay ay matapos
kaya buhay nila'y agad tinapos

10.19.2024

Biyernes, Oktubre 18, 2024

Ang dalawa kong aklat ni Apolonio Bayani Chua

ANG DALAWA KONG AKLAT NI APOLONIO BAYANI CHUA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakilala ko si Ginoong Apolonio Bayani Chua, o Apo Chua, sa grupong Teatro Pabrika, isa sa mga grupo ng mang-aawit ng pawang mga nawalan ng trabaho sa pabrika, na bahagi rin ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Siya ang adviser ng mga iyon. Si Apo ay isa ring guro sa UP Diliman.

Nakatutuwa na nagkaroon ako ng dalawa niyang aklat.

Ang una'y ang SIMULAIN: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). May sukat ang aklat na 9" x 6" at naglalaman ng 326 pahina (kung saan 16 dito ay naka-Roman numeral).

Ang aklat na ito'y ibinigay sa akin ni Apo Chua noong Hulyo 21, 2009, kasabay ng paglulunsad ng 12 aklat ng 12 manunulat ng UP Press na ginanap sa UP Vargas Museum. Ang aktibidad ay pinamagatang "Paglulunsad 2009: Unang Yugto."

Sa ikalawang aklat naman, isa siya sa mga patnugot ng "Mga Luwa at iba pang Tula ni Jose A. Badillo". May sukat din itong 9" x 6" at naglalaman ng 390 pahina (kung saan 30 dito ay naka-Roman numeral).

Ang aklat na ito'y natsambahan ko sa booth ng UP Press sa ikatlo't huling araw ng 25th Philippine Academic Book Fair na inilunsad sa Megatrade Hall I, SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong noong Hunyo 7, 2024. Nabili ko ito sa halagang P100, kasama ang iba pang pampanitikang aklat na may presyong P30 at P59.

Ilang buwan na o taon ang nakararaan nang mabanggit sa akin ni Ka Apo ang tungkol sa nasaliksik ngang mga tula ni Jose A. Badillo sa Taal, Batangas. Aniya, may mga makata rin pala sa Batangas. Matagal na pala iyon at ngayon ay nalathala na bilang aklat, at natsambahan kong mabili iyon sa booth ng UP Press. 

Isa ang makatang si Jose Atienza Badillo (1917-1986) sa dapat kilalanin at bigyang parangal ng lalawigan ng Batangas bilang makata ng bayan, tulad ni Francisco Balagtas sa bayan ng Bulacan.

Ang kanyang mga sinulat na Luwa ay hinggil sa patulang tradisyon sa Batangas, sa lalawigan ng aking ama, na binibigkas pag may pista sa nayon, at madalas ay sa tapat ng tuklong (kapilya) iyon binibigkas ng isang binibini matapos iparada sa buong baryo ang Patron. Ang Luwa ay mga tula hinggil sa Patron ng nasabing lugar o nayon. Kaya pag nakakauwi ako ng Balayan, lalo pag pista ng Mayo sa nayon, ay sumasabay na kami sa prusisyon hanggang dulo ng nayon at pabalik muli sa tuklong upang makinig sa mga naglu-Luwa.

Kaya magandang saliksik ang dalawang nasabing aklat, ang dulamnbayan at ang Luwa, na dapat magkaroon din nito ang mga manggagawa, pati na yaong nakasaksi na sa Luwa, at mabigyan o mabentahan ang mga paaralan, at iba't ibang aklatan.

Huli kaming nagkita ni Ka Apo nang siya'y ginawaran bilang Pambansang Alagad ni Balagtas nang dumalo ako sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado. Siyam silang tumanggap ng pagkilala bilang Pambansang Alagad ni Balagtas ng taon 2024.

Isang karangalan sa akin na makilala si Ka Apo, at magkaroon ng kanyang mga aklat.

ANG DALAWA KONG AKLAT NI KA APO CHUA

ang una kong aklat na sinulat ni Apo
ay tungkol sa dulambayan ng manggagawa
mula militanteng kilusang unyonismo
na nagsaliksik ay talagang kaytiyaga

ikalawa'y hinggil sa Luwa ng Batangas
na napanood ko't nasaksihan na noon
mga patula sa Patron at binibigkas
sa kapistahan ng barangay o ng nayon

nakilala natin ang makatang Badillo
na sinilang at tubo sa bayan ng Taal
tulad din ng awtor na Domingo Landicho
si Jose Badillo sa Taal din ay dangal

mga aklat ni Apo ay pananaliksik
sa dulambayan at sa Luwa ng probinsya
na mahihinuha mong sadyang masigasig
pagkat nasulat na detalye'y mahalaga

Ka Apo, sa mga saliksik mo'y salamat
lalo sa mga naganap na dulambayan
at mga tula ni Badillo'y nahalungkat
salamat sa binahagi mong kaalaman

10.18.2024

* unang litrato ang dalawa kong aklat ni Ka Apo Chua
* ikalawang litrato naman ay kuha nang ginawaran siya bilang Pambansang Alagad ni Balagtas, katabi ni Ka Apo ang inyong lingkod

Huwebes, Oktubre 17, 2024

Kaibhan ng kapayapaan at katahimikan

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang krosword o palaisipang sinagutan ko, ang tanong sa 10 Pahalang: Kapayapaan. Naisip ko agad, Katahimikan kaya ang sagot? Sa akin kasi, magkaiba ang kapayapaan at katahimikan. Kaya sinagutan ko muna ang iba pa, pahalang at pababa, at nang matapos, ang lumabas ngang sagot ay: Katahimikan. Tila ba sa palaisipang iyon ay magsingkahulugan ang kapayapaan at katahimikan. Ang krosword na iyon ay nasa pahayagang Abante, may petsang Oktubre 16, 2024, at nasa pahina 10.

(Bago iyon, makikita sa 5 Pababa ang sagot na Ahusto, na baka akalain nating Ihusto. Ang ahusto ay mula sa salitang Kastilang ajuste na ang kahulugan ay pag-aayos, pag-aangkop o pagkakama. Mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 21.)

Sa usaping kaibhan ng kapayapaan at katahimikan, sa tingin ko'y para bang pilosopikal na ang kahulugan, na di tulad sa krosword na tingin marahil dito'y pangkaraniwan. Bakit ko naman nasabi?

Marahil, pag payapa ang isang lugar ay tahimik doon at walang pangamba ang mga tao. Subalit paano sa lugar na tahimik nga subalit ang mga tao roon ay balisa? Alerto maya't maya. Nagigising sa munting ingay ng daga o kaluskos ng butiki.

Halimbawa, sa isang lugar ng labanan, pag wala nang labanan o nagkaroon ng tigil-putukan, ramdam ng taumbayan doon ang katahimikan sa kanilang lugar. At tingin ng mga hindi tagaroon ay payapa na sa lugar na iyon. Wala na kasing naririnig na putok.

Subalit magkaiba ang kapayapaan sa katahimikan. Ang katahimikan, sa palagay ko, ay sa tainga, habang ang kapayapaan ay sa puso't diwa. Paano iyon?

Maaari kasing tahimik sa isang lugar, subalit hindi payapa dahil sa malupit na pinuno o diktador na namumuno sa lugar. Tahimik dahil wala kang naririnig na nagbabakbakan o naglalabanan, subalit hindi payapa dahil takot ang mga tao. Tahimik subalit ang kalooban ng tao'y hindi payapa. Walang kapanatagan. Tahimik subalit naghihimagsik ang kalooban.

Halimbawa, noong panahon ng batas-militar, tahimik ang lugar subalit nagrerebelde ang mga tao dahil ang karapatang pantao nila'y nasasagkaan.

Tahimik na kinukuha o dinudukot ang tao subalit ang kamag-anak nila'y hindi payapa. Laging balisa kung saan ba sila makikita. Mga iwinala. Mga desaparesidos.

Tahimik na nirarampa sa ilog ang mga tibak o mga nagtatanggol sa karapatang pantao. Subalit hindi payapa ang kalooban ng mga tao, dahil maaari silang maging biktima rin ng 'salvage' na kagagawan ng mga hindi kilalang rampador.

Tahimik na kumikilos ang mga tropa ng pamahalaan, gayundin ang mga rebelde. Walang ingay na nagpaplano at naghahanda. Magkakabulagaan lang pag nagkita o nagpang-abot. Subalit habang di pa nagkakasagupaan, ramdam ng taumbayan ang katahimikan ng gabi. Subalit ang puso't diwa ng bayan ay hindi matahimik, hangga't hindi pa sumisikat ang araw ng kalayaan. Nais nila'y kapayapaan ng puso't isipan at wala nang iniisip na pangamba sa kanilang buhay.

May katahimikan sa karimlan subalit walang kapayapaan sa kanilang kalooban. Sila'y laging balisa at marahil ay hindi batid ang katiyakan ng kaligtasan ng kanilang pamilya. Madalas, nakaririndi ang katahimikan.

Kaya ang kapayapaan at katahimikan ay sadyang magkaiba. Ang kapayapaan at kapanatagan ang magsingkahulugan dahil ang puso at isip ang payapa at panatag.

Ang mungkahi kong ipalit na tanong sa 10 Pahalang ay: Kawalan ng ingay o gulo.

KAIBHAN NG KAPAYAPAAN AT KATAHIMIKAN

tahimik ang lugar ngunit di payapa ang tao
subalit dapat walang pangamba ang mga ito
tahimik sila, di makapagsalitang totoo
may mga takot sa dibdib, di makalaban dito

paano ilalahad ang kanilang pagdurusa
pinatahimik na ang ibang myembro ng pamilya
tila pusong halimaw ang namuno sa kanila
anong lupit at sila'y di makatutol talaga

may katahimikan ngunit walang kapayapaan
sinagila ng takot ang puso ng taumbayan
ngunit di dapat laging ganito, dapat lumaban
lalaban sila tungo sa kanilang kalayaan

ayaw nila ng katahimikang nakabibingi
na sa diwa't puso nila'y sadyang nakaririndi
sa panahong iyon, mga nag-aklas ay kayrami
layunin nilang payapang bayan ang mamayani

10.17.2024

Miyerkules, Oktubre 16, 2024

11 bansa na pala ang kasapi ng ASEAN

11 BANSA NA PALA ANG KASAPI NG ASEAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Labing-isa na pala ang bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN). Ang alam kasi ng karamihan, tulad ko, na napag-aralan pa noon sa eskwelahan, ay sampu ang bansa sa ASEAN. 

Narito ang sampung bansang unang kasapi ng ASEAN: Philippines, Malaysia, Indonesia, Thailand, Brunei, Singapore, Vietnam, Cambodia, Laos, at Burma (na Myanmar na ngayon).

Nabatid kong nadagdag ang East Timor nang makita ko ang litratong kapitkamay ng mga pinuno ng ASEAN sa pahayagang Philippine Star na may petsang Oktubre 10, 2024. Inaasahan ko'y sampu ang mga lider ng ASEAN subalit labing-isa ang nasa larawang nagkapitkamay. Binilang ko at natanong: Bakit kaya labing-isa?

Kaya binasa ko ang kapsyon sa ibaba ng nasabing larawan. Ito ang nakasulat: "Leaders of the Association of Southeast Asian Nations pose during the opening of the 44th Asean Summit in Vientiane yesterday. From left: "Myanmar Permanent Secretary of Foreign Affairs Aung Kyaw Moe, President Marcos, Singapore Prime Minister Lawrence Wong, Thailand Prime Minister Paetongtarn Shinawatra, Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh, Laos Prime Minister Sonexay Siphandone, Malaysia Prime Minister Anwar Ibrahim, Brunei Sultan Hassanal Bolkiah, Cambodia Prime Minister Hun Mamet, Indonesia Vice Prime Minister Ma'ruf Amin and East Timor Prime Minister Kay Rala Xanana Gusmao."

Natatandaan ko ang pangalang Xanana Gusmao dahil isa siya sa mga nagtungo sa ating bansa, at nakita ko sa UP Diliman, noong unang panahon, nang hindi pa lumalaya sa pananakop ng Indonesia ang East Timor o sa kanilang salita'y Timor Leste. Prime Minister na pala siya.

Ang nag-iisang babae sa larawan ay si Thailand Prime Minister Paetongtarn Shinawatra na 38 taong gulang pa lang. Aba'y siya rin ang pinakabata sa mga lider ng ASEAN. Isinilang siya noong Agosto 21, 1986, saktong tatlong taon ng pagkapaslang kay Ninoy sa tarmac, at bata siya ng dalawang taon sa aking maybahay.

Ngayon, sa mga quiz bee sa telebisyon, pag tinanong tayo kung ilan ang mga bansa sa ASEAN ay agad nating masasabing labing-isa at hindi sampu.

Subalit kailan nga ba naging kasapi ng ASEAN ang East Timor? Ayon sa pananaliksik, opisyal na nagpahayag at nagbigay ng aplikasyon ang East Timor upang maging kasapi ng ASEAN noong Marso 4, 2011. At noong Nobyembre 11, 2022, ang East Timor ay tinanggap na kasapi ng ASEAN "sa prinsipyo" o "in principle". Kung "in principle" ba'y di pa ganap na kasapi? Gayunman, nakita natin sa litrato ng mga pinunong nagkapitkamay, labing-isa na ang kasapi ng ASEAN.

LABING-ISANG BANSA SA ASEAN

labing-isang bansa na pala ang nasa ASEAN
ito'y nabatid ko lamang sa isang pahayagan
sa litrato, pinuno ng bansa'y nagkapitkamay
at doon ang East Timor na'y kasama nilang tunay

labing-isa na sila, ngayon ay atin nang batid
mga Asyano silang animo'y magkakapatid
nagkapitbisig upang rehiyon ay pumayapa
nagkakaisang magtutulungan ang mga bansa

nawa'y lalong maging matatag ang buong rehiyon
ASEAN Charter ang bumibigkis sa mga iyon
sabi: "To unite under One Vision, One Identity
and One Caring and Sharing Community" ang mensahe

sana'y kamtin ng ASEAN ang mga minimithi
mabuhay lahat ng labing-isa nitong kasapi

10.16.2024

Mga pinaghalawan:
Philippine Star, na may petsang Oktubre 10, 2024

Martes, Oktubre 15, 2024

Si Stephen King at si Stephen Hawking

SI STEPHEN KING AT SI STEPHEN HAWKING
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa balarilang Filipino, dapat ang pamagat ay "Sina Stephen King at Stephen Hawking", subalit iyon ay ginagamit pag magkasama ang dalawang tauhang nabanggit. Tulad ng "Sina Pedro at Jose ay nagtungo sa Luneta" at hindi "Si Pedro at si Jose ay nagtungo sa Luneta." Pinaghiwalay ko at ginawang "Si Stephen King at si Stephen Hawking" na marahil ay di dapat sa balarilang Filipino, subalit kailangang gawin upang idiin o bigyang emphasis na hindi naman sila magkasama o magkakilala, dahil magkaiba sila ng larangan.

Subalit sino ba sila? Magkapareho ng unang pangalan - Stephen, at magkatugma ang kanilang apelyido - King at Hawking. Si Stephen King ay kilalang nobelista habang si Stephen Hawking naman ay kilalang physicist.

Si Stephen King ay Amerikano habang taga-Oxford sa Inglatera naman si Stephen Hawking.

Bilang manunulat at makata, kinagiliwan ko ang panulat ni Stephen King, lalo na ang kanyang paglalarawan hinggil sa paligid upang ipadama sa mambabasa ang pakiramdam nang nasa lugar na iyon. Kung ang pook ba'y Manila Bay, Luneta, karnibal o haunted house. Una ko siyang nabasa sa kanyang nobelang Pet Sematari. At nitong kaarawan ko'y niregaluhan ako ni misis ng kanyang librong On Writing. Sinusundan ko si Stephen King dahil, bukod sa husay niyang magsulat, ay nais ko pang mapaunlad ang aking panulat.

Bilang dating estudyante ng B.S. Mathematics sa kolehiyo (undergraduate at kursong iniwan ko dahil nag-pultaym sa pagkilos bilang tibak), kinagiliwan ko rin si Stephen Hawking, na tulad ni Albert Einstein, ay kilala ring physicist. Nakita ko noon sa book store ang kanyang librong A Brief History of Time, subalit hindi ko nabili dahil sa kawalan ng sapat na salapi. Hanggang nang balikan ko iyon ay wala na, ubos na. Halos magkaugnay naman ang sipnayan (matematika) at liknayan (physics) kaya nais ko ring mabasa ang kanyang akda. Marami siyang sulatin sa physics na nais kong mabatid.

Dahil sa pagbabasa ng nobela ni Stephen King ay nakagagawa ako ng maikling kwento hinggil sa buhay at pakikibaka ng mga maralita at api sa lipunan. Kadalasang nalalathala ang mga kwento kong iyon sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Kalakip ng sanaysay na ito ang kuha kong litrato ng kanilang aklat at aklat hinggil sa kanila.

Nabili ko ang aklat na The Green Mile Part 5: The Night Journey ni Stephen King sa BookSale sa Fiesta Carnival sa Cubao noong Disyembre 28, 2019. Nabili ko naman ang aklat na Stephen Hawking: A Life in Science nina Michael White at John Gribbin sa BookSale, SM Megamall noong Hunyo 8, 2024.

DALAWANG IDOLONG MAGAGALING

Stephen King at Stephen Hawking
dalawang idolo kong bigatin
sa larangan nila'y magagaling
pati na sa kanilang sulatin

inaaral ko ang magnobela
si Stephen King ang binabasa
sinubukan kong maging kwentista
pag nahasa, sunod na'y nobela

ang hilig ko noon ay sipnayan
sa kolehiyo'y pinag-aralan
kinagiliwan din ang liknayan
akda ni Stephen Hawking naman

salamat sa mga inidolo
sa pag-unlad ng kakayahan ko
ngayon nga'y nagsusulat ng kwento
sa Taliba nalathala ito

mithing panulat pa'y mapahusay
kaya sinusundan kayong tunay
Stephen King at Hawking, mabuhay
ako'y taospusong nagpupugay

10.15.2024

Lunes, Oktubre 14, 2024

Ang natanggal na 19 na tula sa Bagong Edisyon ng Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula

ANG NATANGGAL NA 19 NA TULA SA BAGONG EDISYON NG JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagagalak akong nasa aking munting aklatan na ang dalawang edisyon ng aklat na JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA. 

Ang una ay nabili ko sa National Book Store sa Gotesco Grand Central sa Lungsod ng Caloocan noong Disyembre 23, 2003, sa halagang P250.00. Ito'y unang inilathala noong 1984 ng Aklat Balagtasyana na proyekto ng Samahang Balagtas at Felix Antonio Ople Foundation, Inc. Muli itong inilathala ng De La Salle University Press noong 1995.

Makalipas ang dalawampu't isang taon, nabili ko ang ikalawang edisyon sa Gimenez Gallery ng UP Diliman noong Abril 17, 2024, sa halagang P350.00 habang inilulunsad doon ang 50th UMPIL National Writers Congress at ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas na aking dinaluhan. Ang nasabing aklat ay inilathala ng San Antelmo Press noong 2022.

Subalit sa aking pagbabasa sa ikalawang edisyon ay napansin kong nagkulang ang mga tula.

Kalakip pa sa unang edisyon ang Paunang Salita ng noon ay buhay pang si Blas F. Ople, na naging kalihim ng Paggawa. Subalit nawala na iyon sa ikalawang edisyon. Humaba naman at nirebisa ni national artist Virgilio S. Almario ang kanyang sanaysay na pinamagatang "Mga Kuwintas ng Bituin at Luha: Isang Pagbabalik sa Buhay at Tula ni Jose Corazon de Jesus", na sa ikalawang edisyon, ang Tula ay naging Pagtula.

Hinati sa apat na bahagi ang mga tula ni de Jesus, na kilala rin bilang makatang Huseng Batute. Ito'y ang:

(a) Ibong Asul;
(b) Ang Pamana;
(c) Sa Siyudad ng Ilaw; at
(d) Bayan Ko.

Sa unang edisyon, may tatlumpu't dalawang tula sa Ibong Asul, may tatlumpu't walong tula sa Ang Pamana, may tatlumpu't dalawang tula sa Sa Siyudad ng Ilaw, at may dalawampu't siyam na tula sa Bayan Ko. Ang sumatotal ay isandaan tatlumpu't isang tula. (32+38+32+29=131)

Sa ikalawang edisyon naman, may dalawampu't siyam na tula sa Ibong Asul, may tatlumpu't dalawang tula sa Ang Pamana, may dalawampu't apat na tula sa Sa Siyudad ng Ilaw, at may dalawampu't pitong tula sa Bayan Ko. (29+32+24+27=112)

Kaya may labingsiyam na tulang tinanggal sa ikalawang edisyon. (131-112+119) Sa Ibong Asul, nawala ay apat na tula subalit nadagdagan ng isa pang tulang wala sa unang ecdisyon, pitong tula ang nawala sa Ang Pamana subalit ang tulang Sa Dati Ring Perya na nasa Sa Siyudad ng Ilaw ay nailipat sa Ang Pamana, pito sa Siyudad ng Ilaw at dalawa sa Bayan Ko. (3+7+7+2=19)

Ano-ano ang mga pamagat ng mga tulang nawala? Isa-isahin natin:

(a) Ibong Asul
1. Kalupi ng Puso (Taliba, Agosto 27, 1926)
2. Agaw-Dilim (Taliba, Disyembre 13, 1927)
3. Tagpi (Taliba, Abril 10, 1929)
4. May mga Tugtuging Hindi Ko Malimot (Taliba, Hulyo 23, 1929)

32 tula sa unang edisyon minus apat sa ikalawang edisyon ay 28, plus nadagdag sa ikalawang edisyon ang tulang Ang Pag-ibig (Taliba, 20 Disyembre 1920). Iba pa ito sa tulang Pag-ibig (Taliba, 14 Agosto 1926) na nasa Ibong Asul din. Kaya 29 lahat ng tula sa Ibong Asul sa ikalawang edisyon.

(b) Ang Pamana
1. Ang Balangkas ng Buhay (Liwayway, Enero 8, 1926)
2. Katiwasayan (Taliba, Enero 31, 1927)
3. Pagtatanghal (Taliba, Pebrero 1, 1927)
4. Kamantigi (Taliba, Marso 18, 1927)
5. Ang Pangako (Taliba, Disyembre 16, 1927)
6. Ang Himala ng mga Mahihina (Taliba, Setyembre 6, 1928)
7. "Nahawakan Ko Rin" (Taliba, Oktubre 6, 1928)

Muli, ang tulang Sa Dati Ring Perya na nasa Sa Siyudad ng Ilaw ay nalipat sa Ang Pamana. Kaya 38 tula sa unang edisyon minus 7 tula equals 31 tula, plus isang nalipat na tula, equals 32 lahat ng tula sa Ang Pamana sa ikalawang edisyon.

(c) Sa Siyudad ng Ilaw
1. Triptiko Anormal (Taliba, Enero 25, 1921)
2. Nang Mamoda ang Kamisetang Seda (Taliba, Enero 28, 1924)
3. Ang Pook na Nalimot ng Konsehal (Taliba, Nobyembre 11, 1924)
4. Bodabil Istar (Taliba, Abril 23, 1929)
5. Ang mga Anak ni Sela (Taliba, Hulyo 26, 1929)
6. Ang Lintik na Tubig Ay Ayaw Tumulo (Taliba, Setyembre 27, 1929)
7. Beauty Parlor ng mga Lalaki (Taliba, Pebrero 27, 1930)

32 tula sa unang edisyon minus 8 tula ay 24 na tula sa ikalawang edisyon. Subalit nailipat lang pala mula sa Sa Siyudad ng Ilaw tungo sa Ang Pamana ang tulang Sa Dati Ring Perya, kaya pito lang ang nawala.

(d) Bayan Ko
1. Tila Ka Gagamba (Taliba, Setyembre 12, 1927)
2. Ang Kayumanggi (Taliba, Abril 5, 1928)

Sa pagsusuma:

Ibong Asul = 32 - 4 + 1 = 29
Ang Pamana = 38 - 7 + 1 = 32
Sa Siyudad ng Ilaw = 32 - 8 = 24
Bayan Ko = 29 - 2 = 27

Kaya kung may 131 tula sa Unang Edisyon, minus 19 tula, ay may 112 tula na lang sa Ikalawang Edisyon.

Kaya kaypalad ng may mga Unang Edisyon, tulad ko, sapagkat mayroon pa kaming kopya ng labingsiyam na tula ni Huseng Batute na nasa Unang Edisyon. Ang tanong ko na lang: Bakit kaya tinanggal ni Almario ang labingsiyam na tula ni Batute sa Ikalawang Edisyon? Wala siyang paliwanag sa aklat. O marahil kaya hindi na niya iyon ipinaliwanag dahil baka tingin niya'y hindi na kailangan. Marahil mababatid lang natin ang sagot pag siya'y kinapanayam. Ang mahalaga'y nababasa natin ang mga tula ni Jose Corazon de Jesus.

Tara, atin nang basahin ang mga tula ng makatang Huseng Batute.

ANG LABINGSIYAM NA NATANGGAL NA TULA NI HUSENG BATUTE

kayganda nang pamana / ang sangkaterbang tula
ni Corazon de Jesus / na dakilang makata
sa dalawang edisyon / ito na'y nalathala
pananaludtod niya'y / sadyang kahanga-hanga

ngunit aking napuna / nang binabasa iyon
may nabawas na tula / sa ikal'wang edisyon
kaypalad ko't nabasa / ang nawawalang iyon
pagkat mayroon ako / ng una pang edisyon

labingsiyam na tula'y / natanggal nang sinuri
kaya ramdam ko agad / ay hinayang at hikbi
mga tulang nawala / sana'y pinanatili
nang mabasa rin iyon / ng bagong salinlahi

gayunman, sa puso ko'y / taos-pasasalamat
na tula ni Batute'y / nailathalang sukat
kadakilaan niya'y / sadyang naisiwalat
patunay itong siya'y / makatang maalamat

10.14.2024

Linggo, Oktubre 13, 2024

Mga natanggap na ecobag sa nadaluhang pagtitipon

MGA NATANGGAP NA ECOBAG SA NADALUHANG PAGTITIPON
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa loob lang ng wala pang isang buwan ay nakatanggap na ako ng tatlong ecobag mula sa tatlong pagtitipon. Nakakatuwa at mayroon silang pabaon sa mga nagsidalo. Maganda ang ganito lalo na't madaling mapansin ng sinuman ang mga nakatatak na sadyang mapagmulat.

Natanggap ko ang isa bilang representante ng aming organisasyon sa 13th National Congress ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) noong Setyembre 17-18, 2024. Bawat dumalo ay mayroon din nito. Ang nakatatak sa ecobag ay "Uphold, assert & defend! all human rights for all!" at "52 Years Later: Remembering Martial Law and Upholding the Rule of Law", na may logo ng PAHRA at The May 18 Foundation.

Ang isa pa sa natanggap ko ay ang maliit na ecobag na nakasulat ay "Say No to Plastic" na ginawa kong lagayan ng charger ng laptop at selpon. Ito'y mula naman sa General Assembly ng Green Convergence for Safe Food, Healthy Environment and Sustainable Economy noong Oktubre 4, 2024. Kinatawan naman ako roon ng Saniblakas ng Inang Kalikasan (SALIKA).

Nang dumalo ako sa 6th General Assembly ng iDefend noong Oktubre 7-11, 2024, ay natanggap naman ng mga nagsidalo ang ecobag na may logo at nakasulat na iDefend at sa ibaba niyon ay ang ibig sabihin niyon: In Defense of Human Rights and Dignity Movement, at sa ibaba pa'y malaking nakasulat ang Human Rights Defender (HRD). Natanong ko lang sa sarili: Bakit kaya walang 's' sa dulo ng Defender? Marahil, dahil isang tao lang ang may dala ng ecobag kaya walang 's' sa Human Rights Defender. Palagay ko lang naman.

Bukod sa mga kaalamang ibinahagi at balitaktakan mula sa mga nasabing pagtitipon, magandang souvenir ang ecobag na madadala kahit saan, at maaaring makapagmulat pa sa makakasalamuhang mamamayan. Maraming salamat sa mga ito!

ECOBAG

samutsaring ecobag ang aking natanggap
mula sa mga dinaluhang pagtitipon
pawang alaala mula sa pagsisikap
ng sinamahang mabuting organisasyon

mula sa PAHRA, Green Convergence at iDefend
ecobag nila'y kayraming mapupuntahan
tungo sa kagalingan ng daigdig natin
at pakikibaka para sa karapatan

simpleng souvenir man ang kanilang naisip
iyon ay regalong sa puso'y tumatagos
may islogang sa buhay ay makasasagip
upang danas na dilim sa mundo'y matapos

islogan sa ecobag, ang dala'y liwanag
para sa karapatan, pag-iwas sa plastik
pasasalamat sa natanggap na ecobag
mapagmulat ang islogang dito'y natitik

10.13.2024

Sabado, Oktubre 12, 2024

Limang ulat ng nagpatiwakal sa loob ng 18 araw

LIMANG ULAT NG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 18 ARAW
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahayagang Bulgar na madalas kong binibili, napansin kong marami ang nagpapatiwakal. Akala ko, nabasa ko na o naulit lang ang ulat, kaya hinanap ko. Hanggang matipon ko ang limang ulat. Sa loob ng labingwalong araw, may limang nagpakamatay.

Hindi ako sikolohista o psychologist, subalit ang isyung ito'y nakababahala. Noong kabataan ko, dumating din ako sa puntong nais kong magpatiwakal dahil sa kabiguan sa pag-ibig. Subalit dahil sa aktibismo, tumibay ang loob ko't paninindigan.

Tinipon ko ang limang balitang nabasa ko mula sa pahayagang Bulgar, mula Setyembre 20 hanggang Oktubre 7, 2024, o labingwalong araw. (Set.30 - Set.19 ay 11 araw, kasama ang Setyembre 20 sa bilang, kaya hindi Set.30-Set.20, plus 7 araw ng Oktubre.) Wala pang tatlong linggo. 

Batay sa mga ulat sa pahayagan, sila'y nagpatiwakal, maliban kung maimbestigahang may foul play. Dalawa sa balita ay magkasama sa isang pahina.

Isa-isahin natin ang mga balita, at sinipi ko rito ang ilang talata ng ulat:

Setyembre 20, 2024:

(1) 16-ANYOS NA ESTUDYANTE, TUMALON MULA 7TH FLR. NG TENEMENT, DEDBOL

Hinihinalang tumalon mula sa ikatlong palapag ng isang gusali ang isang 16-anyos na estudyante nang bumagsak sa isang parking lot sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.

Ayon sa saksi, habang may ginagawa siya sa loob ng bahay ay may narinig siyang nahulog mula sa itaas ng tenement na inakalang malaking bagay ang nahulog at nang silipin ay nakita ang binatilyo na nakalugmok at duguan sa parking lot.

Inireport ng saksi sa kanilang barangay ang pangyayari at ipinaalam sa Taguig Police Sub-Station 2.

May hinalang tumalon ang binatilyo dahil wala naman itong ibang kasama.

Sa kuha umano ng CCTV sa lugar, nagtungo sa tenement ang biktima at ipinarada ang dalang bisikleta at nakitang may kausap sa cellphone.

Hindi umano residente ng tenement building ang binatilyo.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

(Ulat ni Gina Pleñago)

(2) TSERMAN, NAGBARIL SA ULO SA BRGY. HALL

Patay ang isang barangay chairman matapos magbaril sa ulo sa Brgy. Lumbangan, Nasugbu, Batangas.

Base sa ulat, alas-8:35 ng umaga habang nasa loob ng kanyang opisina sa barangay hall ang biktima nang makarinig ng isang putok ng baril ang mga kasamahan nito.

Tinungo nila ang opisina ng biktima kung saan pwersahan nilang binuksan ang pinto.

Laking gulat nila nang makitang nakahandusay at duguan ang biktima. May tama ito ng bala sa ulo gamit ang isang cal.45 baril na agad nitong ikinasawi.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon kung walang foul play sa insidente.

(Ulat ni Levi Gonzales)

Setyembre 26, 2024:

(3) BEBOT, TUMALON SA TULAY, PATAY

Nasawi ang isang teenager na babae matapos tumalon mula sa Bancal Bridge sa Brgy. San Gabriel, GMA, Cavite, kamakalawa ng hapon.

Ang biktima, na tinatayang nasa edad 12 hanggang 16, ay hindi pa nakikilala.

Mayroon siyang mahabang buhok at nakasuot ng pink na t-shirt at asul na jogging pants.

Sa pahayag ng saksi, alas-2:10 ng hapon, nagbibisikleta siya nang makitang nasa tulay ang biktima habang umiiyak at kinakagat pa ang kuko. Pero laking gimbal umano niya nang tumalon ang biktima kaya pilit pa niyang hinabol pero hindi na rin naabutan.

Sinusubukan pa rin ng mga otoridad na tukuyin ang pagkakakilanlan ng tinedyer at inaalam ang posibleng dahilan ng pagpapakamatay.

(Ulat ni Janice Baricuatro)

Setyenbre 27, 2024:

(4) KOLEHIYALA, 'DI NAKA-GRADUATE, NAGBIGTI

Isang kolehiyala ang nadiskubreng patay at nakabitin sa kanilang silid sa Brgy. Camohaguin, Gumaca, Quezon. Batay sa report, pasado alas-4 ng madaling araw nang bumulaga sa lola ang bangkay ng biktimang si alyas Rose, 23.

Agad na humingi ng tulong sa mga kinauukulan ang lola nito.

Posible umanong dinamdam ng biktima ang hindi niya pagkakasama sa pag-graduate sa kolehiyo, kung saan naging malulungkutin umano ito.

Wala namang nakitang foul play sa insidente.

(Ulat ni Levi Gonzales)

Oktubre 7, 2024:

(5) TATAY NAGBIGTI, DEDO
Nag-send sa anak ng selfie na may cord sa leeg

Patay na nang madiskubre ang 44-anyos na technician makaraang magbigti nitong Sabado ng gabi sa loob ng kanyang kuwarto sa Punta Sta. Ana, Maynila.

... alas-10:30 ng gabi nang madiskubre ni 'Reiner' ang ginawang pagbibigti ng biktimang si 'Edmund'.

Ani 'Reiner', yayayain sana niyang mag-inuman ang biktima nang paglapit sa kuwarto nito ay may masamang amoy dahilan para sumilip sa butas sa dingding at dito nakita ang nakabiting biktima gamit ang electric cord.

Ayon sa 17-anyos na anak ng biktima, nakipag-chat umano sa kanya ang ama noong Oktubre 3 kung saan nagpadala ito ng kanyang larawan na may nakapulupot na electric cord sa leeg at nag-iwan ng mensahe na "Magiging masaya na kayo pag wala na ako."

Binalewala umano ng anak ang mensahe ng ama dahil pangkaraniwan na umano ang ginagawa nitong pagbabanta na siya ay magpapakamatay.

(Ulat ni Mylene Alfonso)

ILANG PUNTO

Dalawa sa napaulat ay mga kabataang tumalon mula sa mataas na lugar upang magpakamatay. Ang isa'y edad 16 at ang isa pa'y tantiyang nasa edad 12 hanggang 16. Ang isa'y tumalon mula sa 7th flr ng isang tenement, habang ang isa'y lumundag naman mula sa isang mataas na tulay. 

Dalawa naman ang nagbigti. Ang isa'y dalagang 23 anyos na hindi umano naka-graduate kaya nagbigti, habang isa pa'y 44 anyos na technician na nagbigti gamit ang electric cord.

Ang isa naman ay nagbaril sa ulo.

Ang dalawa sa ulat ay isang reporter lang ang nag-ulat habang tatlo pang reporter ang nakapagbalita.

PAGNINILAY

Masasabi ba nating biktima ang nagpatiwakal kung siya mismo ang nagpasiyang wakasan ang sarili niyang buhay? Kung siya ay biktima, sino ang suspek?

Bakit ba nagpapatiwakal ang isang tao? Dahil ba hindi na niya makayanan ang mga matitinding problema niyang nararanasan ay nais na lang niyang wakasan ang kanyang buhay? Paano inisip ng nagpatiwakal ang kanyang magulang, kapatid, anak, mahal sa buhay? Nabigo ba sila sa pag-ibig? Wala ba silang matalik na kaibigan o best friend na mahihingahan nila ng sama ng loob? Lagi ba silang mapag-isa? Wala ba silang kaibigan?

Anong nakita sa kanila ng kanilang kamag-anak, kaklase, guro, kaibigan, o kasama sa komunidad, bago sila magpakamatay? May senyales ba kung sinong magpapatiwakal? Paano ito mapipigilan?

Silipin natin ang una at ikatlong balita, na pawang kabataan ang nagpatiwakal.. Ayon sa unang ulat, "Sa kuha umano ng CCTV sa lugar, nagtungo sa tenement ang biktima at ipinarada ang dalang bisikleta at nakitang may kausap sa cellphone." At sumunod doon ay ang pagtalon mula sa 7th flr. ng isang tenement. Sino ang kanyang kausap? Ang pinag-usapan  ba nila ang siyang dahilan ng pagpapatiwakal?

Ayon naman sa ikatlong balita, "Sa pahayag ng saksi, alas-2:10 ng hapon, nagbibisikleta siya nang makitang nasa tulay ang biktima habang umiiyak at kinakagat pa ang kuko. Pero laking gimbal umano niya nang tumalon ang biktima kaya pilit pa niyang hinabol pero hindi na rin naabutan." Bakit siya umiiyak habang kinakagat ang kuko? Napagalitan ba siya ng magulang o hiniwalayan ba siya ng kanyang pinakamamahal?

Posible bang hindi napagbigyan ang hiling ng nagpatiwakal sa kanyang kausap kaya siya nagpakamatay? Posible bang nakipag-break ang kanyang kasintahan at hindi na niya nakayanan iyon kaya nagpakamatay? Wala sa mga ulat ang kasagutan.

Sa ikaapat na ulat naman, na kabataang 23 anyos ang nagpatiwakal, ay nakasaad: "Posible umanong dinamdam ng biktima ang hindi niya pagkakasama sa pag-graduate sa kolehiyo, kung saan naging malulungkutin umano ito." Hindi ba kinaya ng kolehiyala ang hindi niya pagkakasama sa graduation kaya naging malulungkutin siya? Nahihiya ba siyang humarap sa ibang tao, maging sa kanyang mga guro at kaklaseng naka-graduate kaya mas pinili niyang magpakamatay kaysa magpasyang sa susunod na taon na lang ga-graduate? Nahihiya ba siya sa kanyang lola, na nakakita ng kanyang bangkay, dahil pinag-aral siya nito subalit hindi siya naka-graduate? Hindi natin batid ang kasagutan.

Ang ikalawa'y kapitan ng barangay ang nagpakamatay. May kaugnayan kaya ang kanyang katungkulan kaya sa barangay hall pa siya nagpakamatay? Anong dahilan? Marahil, maitatanong ko'y nakadispalko kaya siya ng malaking salapi ng barangay na hindi niya maipaliwanag? Dahil kung usaping pampamilya naman, bakit sa barangay hall pa siya nagpatiwakal? Marahil may mas malalim na dahilan, kaya dapat itong imbestigahan.

Ang ikalimang ulat ay talagang may problema sa pamilya ang nagpatiwakal kaya planado at pinili nitong magpakamatay, na nag-iwan pa sa anak ng litratong may cord na nakatali sa leeg at ng mensaheng "Magiging masaya na kayo pag wala na ako." Nakakakilabot ang mensaheng iyon dahil tingin nito sa sarili'y pabigat lang siya sa pamilya, at marahil ay lagi pang sinisisi ng mga anak at asawa sa kanilang problema.

Sa pagbasa ko sa limang ulat na ito, na pawang nasa pahayagang Bulgar, nabubulgar na pawang pagdaramdam ang dahilan ng kanilang pagkamatay. Puso o damdamin ang nananaig, saka sumunod ang isip. Nagpasiya lang ang isip dahil hindi na kinakaya ng puso ang dinaramdam.

Kaya masasabi nating ang bawat pagpapatiwakal ay sariling pasiya ng nagpakamatay dahil hindi na kaya ng damdamin nila ang nararanasan at problemang kinakaharap. Kung gayon, paano sila mapipigilang magpatiwakal kung tingin nila'y wala nang solusyon sa kanilang dinaramdam. Paano ba maiiwasan ang pagpapatiwakal?

May maipapayo ba ang ating mga sikolohista sa ganito bago pa mahuli ang lahat? Paano ba makikita o ano ang mga senyales na magpapakamatay ang isang tao at ang pasiyang pagpapatiwakal ay mapipigilan?

Kung ang intelligent quotient o I.Q. ay nasusukat, masusukat din kaya ang emotional quotient o E.Q. upang mabatid kung sinong kayang tumangan ng problema o sinong di kaya ang problema't marahil ay magpapakamatay?

ANG RA 11036 O MENTAL HEALTH LAW

Ang isyung ito ng pagpapatiwakal ay dapat talagang suriin at pag-aralan, lalo na ngayong mayroon na tayong Mental Health Law o ang Republic Act 11036. Nabatid ko ito nang makadalo ako sa forum na Orientation and Awareness on Mental Health and Well-Being, na inilunsad sa Room Pardec A and B, ng Commission on Human Rights (CHR) noong Mayo 31, 2024 mula ikasiyam ng umaga hanggang ikaapat ng hapon. Pinangunahan ang aktibidad na ito ng Freedom from Debt Coalition (FDC) at ng Medical Action Group (MAG). Naging matingkad sa akin ang tinalakay ni Mam Ces De Joya, program manager ng MAG, ang sesyon sa pamamagitan ng paggamit ng metacard. Tinanong niya kami. Isulat kung saan ka masaya? At sa isa pang metacard, saan ka malungkot?

Tumimo sa aking diwa ang ikinwento niya hinggil sa isang estudyanteng babae, na sumagot din sa gayong metacard. Ang sagot ng bata, "Masaya siya pag kasama niya ang nanay niya, at malungkot siya kung wala ang nanay niya?" Marahil iisipin ng iba, mama's girl ang bata. Subalit nag-imbestiga ang mga nagtanong. Ang sagot ng bata, masaya siya pag kasama ang nanay niya, dahil pag wala ang nanay, ginagalaw pala siya ng tatay. Nakakalungkot na salaysay.

Binalikan ko ang aking kwaderno, at tinalakay din sa forum na iyon ang isyu ng Understanding the Mental Health and Well-being;  Defining Mental health and well-being;  Type of stress, coping and defense mechanism; State of mental health; at Negative effect on mental health condition: Compassion fatigue, Vicarious trauma and Burn-out.

Sa isyu ng pagpapatiwakal, may maitulong sana ang nasabing Batas Republika 11036 o Mental Health Law upang maiwasan ang ganitong desisyon ng pagpapatiwakal, lalo na't ilan sa nagpatiwakal, ayon sa ulat sa Bulgar, ay mga kabataan.

Ang isyung ito'y ginawan ko ng tula bilang pagninilay:

LIMANG ULAT NG NAGPATIWAKAL SA LOOB NG 18 ARAW

sa ulat, lima'y nagpakamatay
sa loob ng labingwalong araw
bakit pinugto'y sariling buhay?
ang mundo na ba nila'y nagunaw?

hilig kong magbasa ng balita
ngunit ako na'y nababahala
kayraming krimen sa ating bansa
kayraming dinaanan ng sigwa

umaga pa, ako na'y bibili
ng dyaryo sa newsstand o istante
na babasahin ko lang sa gabi
o habang nagpapahinga dine

bakit ba nagpatiwakal sila?
ito ba'y basta nilang pasiya?
di ba nila danas ang sumaya?
di kinaya ang problema't dusa?

kumpara sa intelligent quotient
na nilulutas ang suliranin
nagpatiwakal ba kung isipin
kaybaba ng emotional quotient?

mababatid ba natin kung sino
ang magpapatiwakal na tao?
paano mapipigilan ito?
may magagawa pa kaya tayo?

10.12.2024

* ang mga ulat at litrato ay kuha ng makatang gala mula sa pahayagang Bulgar