Martes, Hunyo 3, 2025

Dalawang lider ng KPML, namatayan

DALAWANG LIDER NG KPML, NAMATAYAN

Ngayong Hunyo ay dalawang lider ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) ang namatayan. Namatayan ng apo na limang taong gulang si Kuya Tek, ang bise pangulo ng KPML, at namatayan naman ng kapatid si Ate Vicky, ang deputy secretary general ng KPML.

Kahapon, pagkapanggaling ko sa PACe sa Maynila para sa Guarantee Letter para kay misis na nasa ospital pa ng dalawang buwan ay nilakad ko ang Ayala Bridge hanggang Herran at doon na sumakay pa-San Andres. Sabi ko nga kay Kuya Tek, baka dahil tensyonado na ako kaya nilakad ko na lang.

Nakarating ako sa burol ng kanyang anak na nasa labas ng bahay, nasa kalsada. Kwento niya, dahil sa kapabayaan ng mga doktor sa isang ospital sa Maynila kaya namatay ang bata. Hindi na naagapan ang appendix. Nasa operating room na subalit hindi umano naasikaso hanggang pumutok ang appendix ng bata at namatay.

Nai-chat naman ni Ate Vicky na dumaing ang kanyang kapatid na masakit ang dibdib. Kaya dadalhin niya sa pagamutan. Subalit pagdating sa bahay ng kapatid, at nang gisingin na ito ng anak, ay patay na pala.

Plano pa naman ng pamunuan ng KPML na ilunsad ang Pambansang Kongreso nito ngayong taon, subalit sa ganitong kalagayan ay baka hindi matuloy. 

Bilang sekretaryo heneral ng KPML, ako po'y nananawagang mabigyan natin ng tulong ang ating mga lider na ito, lalo na sa gastusin sa burol at pagpapalibing.

Taospusong pakikiramay kina Kuya Tek at Ate Vicky!

- gregoriovbituinjr.
06.03.2025

dalawang lider ng aming samahan
ay magkakasunod na namatayan
yaong apong limang taon ng bise
at ang kapatid ng aming deputy

dumaraan ang ganitong panahon
sa buhay, nawa sila'y makabangon
sa naranasan nilang pagkawala
ng mahal sa buhay, tigib ng luha

anumang tulong ay ibigay natin
lalo sa gastos sa pagpapalibing
mapuntahan sila kung makakaya
bilang pagdamay sa buong pamilya

kami'y taospusong nakikiramay
sa magigiting na lider na tunay

- gregoriovbituinjr.
06.03.2025

Lunes, Hunyo 2, 2025

Hindi raw stroke(?)

HINDI RAW STROKE(?)

Laking ginhawa ang sinabi ni Doktora G. kaninang umaga hinggil sa kalagayan ni Liberty, ang aking asawa. Hindi raw stroke ang nangyari kay misis, dahil iba ang stroke kaysa venous thrombosis. Sa stroke daw, ang tinamaan ay arterial o ang ugat, samantalang kay misis ay may blood clot sa pagitan ng artery at vein.

Sa medical certificate niya ay nakasulat na sanhi ay Acute Intracerebral Hemorrhage, Left Parietal, bukod iyong abscess. Ang paliwanag naman sa internet research ko: Intracerebral hemorrhage (ICH) is caused by bleeding within the brain tissue itself — a life-threatening type of stroke. A stroke occurs when the brain is deprived of oxygen and blood supply. ICH is most commonly caused by hypertension, arteriovenous malformations, or head trauma. https://mayfieldclinic.com/pe-ich.htm#:~:text=Intracerebral%20hemorrhage%20(ICH)%20is%20caused,arteriovenous%20malformations%2C%20or%20head%20trauma.

Ang left parietal naman ay: A parietal lobe stroke affects the part of the brain responsible for spatial awareness and language processing. A stroke in this part of the brain can cause problems with speech and language, difficulty with proprioception, a loss of spatial awareness, impairment of executive functioning, and visual disturbances. https://www.verywellhealth.com/parietal-stroke-3146463#:~:text=A%20parietal%20lobe%20stroke%20affects%20the%20part%20of%20the%20brain,executive%20functioning%2C%20and%20visual%20disturbances

Sa mga paliwanag na iyon, ang nangyari kay misis ay isang tipo ng stroke. Subalit ibang punto ang sinabi ni Dra. G. na nakapagbigay ng ginhawa sa amin. Iba ang stroke na tinatamaan ay arterial at iba ang blood clot sa pagitan ng artery at vein, o  venous thrombosis na, ayon kay Dra. G., ay tumama kay misis. Bagamat ang epekto'y kapwa may napaparalisang bahagi ng katawan. Ayon sa pamangkin kong nagbabantay din kay misis, similar siya sa stroke, iba lang ang location. Kaya na-categorize siya as stroke.

Batay sa research sa internet, ang venous thrombosis "is the blockage of a vein caused by a thrombus (blood clot). A common form of venous thrombosis is deep vein thrombosis (DVT), when a blood clot forms in the deep veins." https://en.wikipedia.org/wiki/Venous_thrombosis

Noong dinala namin si misis noong Abril 3 sa emergency room (ER) ng ospital, ang agad umattend na mga doktor at/o nars sa kanya ay may nakasulat sa likod ng jacket nilang blue na STROKE TEAM. Hindi na maigalaw ni misis ang kanyang kanang balikat, kanang braso, kanang kamay, kanang hita, kanang binti hanggang kanang paa. Kinagabihan nang inadmit na siya sa NCCU (NeuroCritical Care Unit). Hindi kami pinayagang magbantay doon.

Abril 8 nang inoperahan siya sa ulo dahil nakitang namamaga na ang utak at kailangang tanggalin ang buto sa kaliwang bahagi ng ulo, at isinabay na rin ang operasyon sa pagtanggal ng abscess o nana sa loob ng tiyan, na halos kalahating bote ng 330 ml na mineral bottle ang nakuha, nang pinakita ni Doktora C. ang litrato ng nakuhang abscess.

Abril 13 ng gabi ay inalis na siya sa NCCU at dinala sa Progressive Care Unit (PCU), at Abril 16 ay dinala na siya sa regular room. Abril 19 ay inilipat din ng kwatro na kinatigilan namin hanggang ngayon.

Nang tinanong ako ng panganay kong kapatid na babae, kung stroke ba ang nangyari kay Libay, ang sinagot ko ay oo. Dahil nga ang umattend sa kanya noong nasa ER pa siya ay nasa Stroke Team, at hindi na maigalaw ang kanang bahagi ng kanyang katawan. Tinanggal pa ang isang buto sa kaliwang bahagi. 

Nasa dalawampu't limang doktor pala ang salitan na tumingin kay misis, batay sa kasalukuyang Statement of Account o SOA. Mas marami ito kaysa labing-apat na doktor niya noong nakaraang taon nang maospital siya ng 49 na araw dahil sa blood clot sa bituka.

Iba daw ang kalagayan ni misis. Kaya pala sinasabi ni Dra. G. na special case ang nangyari sa kanya nang maospital siya noong nakaraang taon sa blood clot sa bituka, at ngayon ay blood clot sa pagitan ng artery at vein.

Dahil kung arterial ang tinamaan ay baka hindi raw kaagad siya naka-recover. Kailangan talaga nating maunawaan at mabatid ang ganitong mga kaibahan, lalo na sa usaping medikal o kalusugan. 

Pinagnilayan ko ito at ginawan ng tula:

HINDI RAW STROKE (?)

kaylaking ginhawa ang ipinaliwanag
ni Doktora na di raw istrok ang tumama
kay misis kundi may namuo roong dugo
sa ulo sa pagitan ng artery at vein

bagamat may pagkakapareho sa stroke
dahil naparalisa ang kanang bahagi
ng katawan, iba lamang daw ang lokasyon
salamat po, Dok, sa paliwanag na iyon

bagamat matagal ang rehabilitasyon
at physical at occupational therapy
dapat din naming aralin ang mga iyon
upang magamit at lagay niya'y bumuti

aktibistang Spartan man ako'y magiging
nars ni misis nang siya'y tuluyang gumaling
subalit dapat ding kumita ng salapi
upang may panggastos sa gamot at therapy

- gregoriovbituinjr.
06.02.2025

Linggo, Hunyo 1, 2025

Ang Kawasaki at ang pinasukan kong PECCO

ANG KAWASAKI AT ANG PINASUKAN KONG PECCO

Mahigpit akong nakikiisa sa mga manggagawa ng Kawasaki United Labor Union (KULU) na nakawelga ngayon na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan! Taaskamaong pagpupugay sa inyo! Uring manggagawa, hukbong mapagpalaya!

Malapit sa akin ang mga manggagawa ng Kawasaki dahil tatlong taon din akong pumapasok sa gate ng Kawasaki nang nagtatrabaho pa ako. Nasa loob kasi ng compound ng Kawasaki ang aming pabrika, o nasa loob ang right of way patungong trabaho.

Naging manggagawa ako ng tatlong taon bilang machine operator sa Metal Press Department ng Precision Engineered Components Corporation (PECCO) sa Alabang, Muntinlupa noong Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992. Kagagaling ko lang ng training ng anim na buwan sa isang pabrika sa Japan, Hulyo 1988 - Enero 1989. Tinawagan ako ng kumpanya upang magtrabaho sa PECCO at nag-umpisang magtrabaho roon. Edad 20 ako noon.

Bibiyahe ako mula Sampaloc, Maynila, at sasakay ng Pasay Rotonda, at mula roon ay magdi-dyip biyaheng Alabang - Kaliwa. Mula sa dyip ay sa harap ng Kawasaki ako bababa papunta sa aming pabrika kaya hindi iba sa akin ang Kawasaki. Nag-resign ako matapos ang tatlong taon upang mag-aral sa kolehiyo. At sa unibersidad ko na natagpuan ang landas na akin ngayong tinatahak bilang aktibistang Spartan.

Kaya marubdob ang aking pakikiisa sa laban ng mga manggagawa ng Kawasaki bagamat hindi pa ako nakakapunta sa kanilang welga dahil sa pagbabantay kay misis sa ospital dahil siya'y na-stroke. 

Matapos ang anim na buwan ay naging regular na manggagawa ako sa PECCO, 1989, sa taon nang maipasa ang Herrera Law, na dahilan kaya lumaganap ang sistemang kontraktwalisasyon.

Nabatid ko kalaunan na napalitan na ang pangalang PECCO, kaya wala na ang PECCO ngayon.

Mabuhay ang mga manggagawa ng Kawasaki! Mabuhay ang uring manggagawa!

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025

* litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/LukeEspirituPH 

Sa ika-60ng araw namin sa ospital

SA IKA-60ng ARAW NAMIN SA OSPITAL

Karaniwan ang ikalawang buwan ay itinatapat natin sa petsa ng araw. Tulad nito, Abril 3 kami ni misis nagtungo sa ospital at naadmit siya roon dahil sa stroke. Sa Hunyo 3 ang ikalawang buwan namin sa ospital. Subalit kung bibilangin sa daliri, ang Hunyo 3 ay ika-62 araw.

Kailan, kung gayon, ang ika-60ng araw, kung ang bawat buwan ay binibilang ng 30 araw, na tila tulad sa bilang ng araw sa pasahod? Bagamat batid nating sa isang taon, pag di leap year, pitong buwan ang may 31 araw, apat na buwan ang may 30 araw, at ang Pebrero ay 28 araw.

Kung ika-62 araw ang Hunyo 3 minus 2, Hunyo 1 ang ika-60ng araw. 

Ginawan ko ng pormula ang bilang ng araw sa Abril. Kasama sa bilang ang Abril 3, kaya hindi Abril 30 minus Abril 3 ang pagbibilang. Kundi dapat Abril 30 minus Abril 2. Subalit hindi kaagad natin maiisip ito kung hindi natin titiyakin sa pagbilang sa daliri. Kaya ginawan ko ito ng pormula na madaling matandaan. Ito ang pormula:

(x - y) + 1 = n

Given:
x = huling araw ng buwan
y = araw ng pagpasok sa ospital

(30 - 3) + 1 = n
27 + 1 = 28 araw

Abril = 28 araw
Mayo = 31 araw
Hunyo = 1 araw

Total = 60 araw

Oo, animnapung araw. Ganyan na kami katagal sa ospital. Animo'y nakatira na kami rito ng halos dalawang buwan. Matagal pa ang gamutan. Araw-araw ang pagtungo ng physical therapist, at ng occupational therapist niya. At wala pang araw ng discharge.

Nito lang nakaraang tatlong araw - Mayo 29, 30, at 31, ay tatlong beses siyang nagpa-ultrasound. Ang dalawa'y sa tiyan, at kagabi'y sa vagina na request ng kanyang obgyne, dahil malakas ang pagdurugo niya o mens.

SA IKA-60ng ARAW NAMIN SA OSPITAL

narito pa rin kami sa ospital
animnapung araw, ganyan katagal
hanggang ngayon, ako'y natitigagal
paggaling niya ang lagi kong usal
babayara'y pamahal nang pamahal

sa gabi'y di makatulog, iidlip
lamang dahil antok na'y nahahagip
gayunman, may pag-asang nasisilip
gagaling din siya, huwag mainip
ito ang madalas kong nalilirip

mahalaga'y buhay si misis, buhay!
sa mga doktor at nars, pagpupugay!
sa nag-ambag sa gastusin, mabuhay!
sa nagdasal, sa lahat, taos-pugay!
hindi kayo malilimutang tunay!

- gregoriovbituinjr.
06.01.2025