Huwebes, Nobyembre 29, 2018

Kwento - Ang Karapatan sa paninirahan


ANG KARAPATAN SA PANINIRAHAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano nga ba ang karapatan sa paninirahan? Isa ito sa mga isyung nakaharap ko nang maging staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001. At ngayong nahalal na ako bilang sekretaryo heneral ng KPML nitong Setyembre 2018, mas lumaki ang responsabilidad ko upang ituro sa mga kapwa maralita kung ano nga ba ang karapatan sa paninirahan.

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya? Katunayan, ilan sa mga labanang nasaksihan ko ay ang demolisyon sa Sitio Mendez, North Triangle at sa Brgy. Mariana, na pawang nasa Lungsod Quezon. Taon 2013, ayon sa pagkakatanda ko, nang mademolis sina Ka Sandy sa kanilang lugar sa Mariana. Subalit nalipat na sila sa kung saan may kapayapaan ang kanilang isip. Taon 1997 nang sina Ka Linda ng Sitio Mendez ay nademolis at muling nakabalik sa kanilang lugar matapos ang higit isang buwan sa Quezon City Hall matapos idemolis.

May mga ilan akong natutunan na nais kong ibahagi, di lang sa kanila o sa kapwa dukha, kundi sa malawak na mamamayan. Ayon sa aking mga pananaliksik, sa ilalim ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) ng United Nations, may APAT NA OBLIGASYON ang bawat gobyerno hinggil sa karapatan para sa sapat na pabahay:

1. To recognize - PAGKILALA - obligasyon ng Estado na kilalanin ang karapatan sa pabahay ng sinuman at tiyaking walang anumang batas o patakarang sasagka sa karapatang ito;

2. To respect - PAGGALANG - tungkulin ng Estado na igalang ang karapatan sa sapat na pabahay, kaya dapat nitong iwasan ang pagsasagawa o pananawagan ng sapilitang pagpapaalis o pagtanggal ng mga tao sa kanilang mga tinitirhan;

3. To protect - PAGPROTEKTA - tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan sa pabahay ng buong populasyon, kaya dapat nitong tiyakin na anumang posibleng paglabag sa mga karapatang ito na gagawin ng ikatlong partido (third party) tulad ng mga landlord at developer ay maiiwasan;

4. To fulfill - PAGGAMPAN - ang obligasyon ng Estado na magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ay positibo at may pakikialam, kaya pumapasok dito ang tungkulin ng Estado hinggil sa isyu ng pampublikong gastusin (public expenditure), regulasyon ng gobyerno sa ekonomya at pamilihan sa lupa (land market), mga probisyon sa pampublikong serbisyo at kaugnay na imprastruktura, paggamit ng lahat ng available resources, at iba pang positibong obligasyong lilitaw para positibong magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ng lahat.

Kailangang kabisado natin ang mga ito lalo na sa pagtalakay nito sa mga taga-gobyerno at sa mga samahang maralita. Lalo na’t marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Madalas batay sa market value ang presyo ng pabahay, habang hindi pinag-uusapan ang capacity to pay ng maralita.

Sinabihan nga ako ni Ka Pedring, “Ipalaganap natin ang karapatan sa paninirahan at ipamahagi natin ito sa mga erya ng KPML at sa labas ng ating pinamumunuan. Hindi man naipapabatid sa atin ng pamahalaan ang ating mga karapatan sa paninirahan, tayo ang magbabahagi nito sa pamahalaan at sa ating kapwa maralita.”

Sumang-ayon naman kami sa National Executive Committee (NEC) na mahalagang maipalaganap ang karapatan sa paninirahan. Ah, dadagdagan ko pa ang pananaliksik hinggil dito lalo na’t marami palang pandagdigang kasunduan hinggil sa ating karapatan sa pabahay.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 2018, pahina 18-19.

Lunes, Oktubre 29, 2018

Kwento - Pagbabalik ng Taliba, pagbabalik sa Taliba


PAGBABALIK NG TALIBA, PAGBABALIK SA TALIBA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang dekada na rin nang mawala ako bilang staff ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Marso 2008, at nakabalik lamang sa KPML nang mahalal na sekretaryo heneral nito noong Setyembre 16, 2018.

Kaya nang mahalal ako’y agad kong sinabi kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, na muli kaming maglabas ng dyaryo ng KPML, ang Taliba ng Maralita.

“Sige, Greg, ilathala muli natin ang Taliba ng Maralita,” ani Ka Pedring, “ikaw naman ang dating gumagawa niyan. Ikaw na humawak diyan.”

“Okay po, mas maganda po kung may kolum kayo, Ka Pedring.” Sabi ko, na sinang-ayunan naman niya.

Kaya isinama na namin sa plano ang paglalathala ng Taliba. Kung noon ay isang beses kada tatlong buwan, o apat na isyu ng Taliba kada taon, ang balak ko ay isang beses sa isang buwan upang labingdalawang isyu ng Taliba sa loob ng isang taon. Palagay ko’y kaya naman dahil sa dami ng paksang matatalakay at dami ng laban at isyung kinakaharap ang maralita.

Ang kasanayan ko bilang manunulat mula sa kampus o sa kolehiyo bilang editor ng pahayagan ng mag-aaral, hanggang sa paglalabas ng dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas, hanggang sa pagsusulat at pagle-layout ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), hanggang sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), marami na rin akong karanasan bilang isang dyarista. Bukod pa ang hilig sa pagkatha ng maikling kwento at tula, alamat at pabula, at marahil sa mga susunod na panahon ay maging isang ganap na nobelista. Nais kong kumatha ng nobelang ang bida ay ang uring manggagawa. O mas pinatatampok ay ang kolektibong pagkilos ng sambayanan.

Isang maramdaming tagpo para sa akin ang ipahawak sa akin muli ang pagsusulat at paglalathala ng Taliba ng Maralita, dahil natigil na ang paglalathala ng Maypagasa, Obrero at Ang Masa, at tanging ang Taliba ng Maralita na lamang ang aking pinagsusulatan sa ngayon kaya sabi ko sa sarili ko, paghuhusayin ko ang pagsusulat dito.

Isa sa mga maikling kwentong nalathala ko sa Taliba ay ilang ulit nang nilathala sa dyaryo. Pinamagatan iyong “Ang Ugat ng Kahirapan”. Una iyong nalathala sa nalathala sa Taliba ng Maralita sa isyu ng Hulyo-Setyembre 2003, na higit labinglimang taon na rin ang nakararaan. Nalathala rin iyon sa pahayagang Obrero ng BMP, bandang 2007 o 2008 (wala na akong sipi niyon), sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Oktubre 2011, at sa muling paglathala ng Taliba nitong Setyembre 2018, sa nakaraang isyu lang.

Ang una ngang Taliba ng Maralita na ginawa ko ay ang isyung Abril-Hunyo 2001, ilang buwan matapos paslangin si Ka Popoy Lagman, na dating pangulo ng BMP. Ang pagtalakay sa kanya ng isang tagasugid na tagahanga ay nalathala sa Philippine Daily Inquirer noong Pebrero  14, 2001, na isinalin ko sa wikang Filipino, at siyang tampok na balita sa isyung iyon. Sa pahina 4 din ng isyung iyon ay isinulat ko naman ang talambuhay ni Ka Popoy Lagman.

Malaking bagay na nakabalik ako sa Taliba ng Maralita, dahil nga wala na akong pinagsusulatang pahayagan sa kasalukuyan, dahil hindi na rin sila nagtuloy. At dito sa Taliba, bilang bagong sekretaryo heneral ng KPML, ay pag-iigihan ko na ang bawat pagsusulat ng sanaysay, pahayag ng KPML, pananaliksik ng mga balita’t batas hinggil sa isyu ng maralita, maikling kwento at tula. Kaya asahan ninyo ang aking pagsisikap upang mapabuti ang ating munting pahayagan ng maralita.

Baka rito sa Taliba ng Maralita ko masulat ang pangarap kong nobelang naiisip kong sulatin, isang nobelang hinggil sa maralita, manggagawa, mga api, at pinagsasamantalahan sa lipunan. Nobelang kakampi ng masa para sa karapatang pantao at panlipunang hustisya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 2018, pahina 18-19.