Lunes, Disyembre 24, 2018

Kwento - Karapatang pantao, due process, at tokhang

KARAPATANG PANTAO, DUE PROCESS, AT TOKHANG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bang! Bang! May umalingawngaw na namang malakas na putok ng baril. Aba’y may natokhang na naman ba? Iyan ang agad katanungan sa isipan ko, lalo na’t ilang taon na rin nang ilunsad ng pamahalaan ang tokhang, na umano’y pagpapasuko sa mga nagdodroga o adik. Subalit kadalasang napapatay ay mga maralita, at hindi malalaking isda.

Kaya lumahok ako sa pagkilos ng iba’t ibang grupo sa karapatang pantao, tulad na pagkilos ng Philippine Alliancde of Human Rights Advocates (PAHRA) at ng grupong IDefend.

Sa isang pagkilos nitong Disyembre 10, sa ika-71 anibersaryo ng pagkakadeklara ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) o Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao, nagsalita ang ilang inang nawalan ng anak dahil pinaslang na lang ng mga pulis. Sinabi ni Issa sa rali habang tangan ang mikropono:

“Hindi ko nauunawaan noon kung bakit may mga ganitong rali. Subalit ngayon, naiintindihan ko. Ito’y malayang pagpapahayag. Subalit walang kalayaan sa kalagayang marami sa atin ang naghihirap. Tapos ay papatayin pa ng kapulisan ang aking anak na binatilyo. Nasaan ang hustisya! Bakit basta na lang nila binaril ang aking anak? Sana’y tinanong muna at kinausap nila ang aking anak, imbes na barilin na lang nila ng walang awa. At saka ano ang sinasabi nilang may baril ang anak ko? Walang ganyan ang anak ko. Matinong anak si Isidro ko.”

Isa ring nagsalita si Aling Ingrid, “Ang anak kong si Isko ay basta na lang binaril habang kausap ang mga kaibigan at kapitbahay niya doon sa aming sala, Bakit? Nasaan ang wastong proseso ng batas? Nasaan ang sinasabing due process. Kung may droga ang anak ko, sana, hinuli nila at sinampahan ng kaso sa korte. Hindi ang ganyang basta na lang nila babariling parang hayop. Hindi hayop ang anak ko!” Nanggagalaiti niyang sabi sa rali.

Hanggang ako naman ang tinawag bilang sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at sekretaryo heneral din ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI). Nabigla ako sa pagtawag. Hindi ako namatayan. Subalit bilang lider ng samahan, tumayo ako sa harapan upang magtalumpati. Sabi ko, “Isang taaskamao pong pakikiramay sa lahat ng mga inang naulila dahil sa Giyera Laban sa Droga. Ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, singilin natin ang pamahalaang ito sa kawalan ng paggalang sa buhay, at kawalan ng maayos na proseso ng batas. Sadyang mali na basta na lang kunin ang buhay ng isang tao. Laging sinasabi ng pangulo na sila’y collateral damage. Subalit buhay at karapatan ang pinag-uusapan dito. Hindi na maibabalik ang buhay nila. Dapat may managot sa mga basta na lang pinaslang, at inaakusahan pang nanlaban. Hustisya sa mga namatay!” 

Gumagaralgal ang aking boses. Di ko na rin nakuhang basahin pa ang inihanda kong tula, dahil ako’y sadyang naluluha. Bakit kailangang may mamatay sa gayong paraan? Di ba’t problema sa kaisipan ang pagdodroga? Kaya dapat lunasan ito ng serbisyong medikal? Narinig ko pang ang pagpaslang daw sa mga adik ay kailangan daw upang di sila makagawa ng krimen. Tama ba iyon? Ah, sa isang digmaan ay may tinatawag na preemptive strike sa mga kalaban upang pahinain ang pwersa nito. Maraming katanungang dapat masagot. Maraming buhay na nawala ang sumisigaw ng hustisya. Maraming dapat managot sa mga pangyayaring ito, lalo na ang pangulong nagdeklara ng giyerang ito na nakikitang War on the Poor dahil pawang mahihirap ang mga napaslang.

Hawak ng mga kasamang raliyista ang larawan ng mga batang namatay sa giyera laban sa droga, tulad nina Althea Barbon, 4, namatay noong Setyembre 1, 2016; Danica Mae Garcia, 5, na namatay noong Agosto 23, 2016; Francis Mañosca, 5, na napaslang noong Disyembre 11, 2016; San Niño Batucan, 7, na napaslang noong Disyembre 3, 2016; at marami pang iba. Sa edad nila’y tiyak hindi pa sila nagdodroga ngunit pinaslang ng mga berdugo. Sadyang biktima lang sila. May litrato rin doon si Kian Delos Santos, 17, na napaulat na bago napaslang ay narinig na isinisigaw: “Huwag po! May eksam pa po ako bukas!” 

Nakakatulala ang eksenang iyon sa rali. Kailan ba makakamit ng mga inang namatayan ng anak at asawa ang isinisigaw nilang katarungan? 

Takipsilim na nang tinapos namin ang programa sa pamamagitan ng pagsisindi ng mga kandila sa harap ng mga larawan ng mga walang kalaban-labang biktima ng karumal-dumal na krimen.

Umuwi akong di mapalagay. Subalit pinatibay nito ang prinsipyo ko upang talagang ipaglaban ang karapatang pantao at due process, habang naaalala ang mga sinabi ng mga inang nagtalumpati roon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 2018, pahina 12-13.

Walang komento: