Sabado, Setyembre 29, 2018

Kwento - Pagbabalik ng Taliba, pagbabalik sa Taliba


PAGBABALIK NG TALIBA, PAGBABALIK SA TALIBA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Higit isang dekada na rin nang mawala ako bilang staff ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong Marso 2008, at nakabalik lamang sa KPML nang mahalal na sekretaryo heneral nito noong Setyembre 16, 2018.

Kaya nang mahalal ako’y agad kong sinabi kay Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, na muli kaming maglabas ng dyaryo ng KPML, ang Taliba ng Maralita.

“Sige, Greg, ilathala muli natin ang Taliba ng Maralita,” ani Ka Pedring, “ikaw naman ang dating gumagawa niyan. Ikaw na humawak diyan.”

“Okay po, mas maganda po kung may kolum kayo, Ka Pedring.” Sabi ko, na sinang-ayunan naman niya.

Kaya isinama na namin sa plano ang paglalathala ng Taliba. Kung noon ay isang beses kada tatlong buwan, o apat na isyu ng Taliba kada taon, ang balak ko ay isang beses sa isang buwan upang labingdalawang isyu ng Taliba sa loob ng isang taon. Palagay ko’y kaya naman dahil sa dami ng paksang matatalakay at dami ng laban at isyung kinakaharap ang maralita.

Ang kasanayan ko bilang manunulat mula sa kampus o sa kolehiyo bilang editor ng pahayagan ng mag-aaral, hanggang sa paglalabas ng dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas, hanggang sa pagsusulat at pagle-layout ng pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), hanggang sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM), marami na rin akong karanasan bilang isang dyarista. Bukod pa ang hilig sa pagkatha ng maikling kwento at tula, alamat at pabula, at marahil sa mga susunod na panahon ay maging isang ganap na nobelista. Nais kong kumatha ng nobelang ang bida ay ang uring manggagawa. O mas pinatatampok ay ang kolektibong pagkilos ng sambayanan.

Isang maramdaming tagpo para sa akin ang ipahawak sa akin muli ang pagsusulat at paglalathala ng Taliba ng Maralita, dahil natigil na ang paglalathala ng Maypagasa, Obrero at Ang Masa, at tanging ang Taliba ng Maralita na lamang ang aking pinagsusulatan sa ngayon kaya sabi ko sa sarili ko, paghuhusayin ko ang pagsusulat dito.

Isa sa mga maikling kwentong nalathala ko sa Taliba ay ilang ulit nang nilathala sa dyaryo. Pinamagatan iyong “Ang Ugat ng Kahirapan”. Una iyong nalathala sa nalathala sa Taliba ng Maralita sa isyu ng Hulyo-Setyembre 2003, na higit labinglimang taon na rin ang nakararaan. Nalathala rin iyon sa pahayagang Obrero ng BMP, bandang 2007 o 2008 (wala na akong sipi niyon), sa magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM) noong Oktubre 2011, at sa muling paglathala ng Taliba nitong Setyembre 2018, sa nakaraang isyu lang.

Ang una ngang Taliba ng Maralita na ginawa ko ay ang isyung Abril-Hunyo 2001, ilang buwan matapos paslangin si Ka Popoy Lagman, na dating pangulo ng BMP. Ang pagtalakay sa kanya ng isang tagasugid na tagahanga ay nalathala sa Philippine Daily Inquirer noong Pebrero  14, 2001, na isinalin ko sa wikang Filipino, at siyang tampok na balita sa isyung iyon. Sa pahina 4 din ng isyung iyon ay isinulat ko naman ang talambuhay ni Ka Popoy Lagman.

Malaking bagay na nakabalik ako sa Taliba ng Maralita, dahil nga wala na akong pinagsusulatang pahayagan sa kasalukuyan, dahil hindi na rin sila nagtuloy. At dito sa Taliba, bilang bagong sekretaryo heneral ng KPML, ay pag-iigihan ko na ang bawat pagsusulat ng sanaysay, pahayag ng KPML, pananaliksik ng mga balita’t batas hinggil sa isyu ng maralita, maikling kwento at tula. Kaya asahan ninyo ang aking pagsisikap upang mapabuti ang ating munting pahayagan ng maralita.

Baka rito sa Taliba ng Maralita ko masulat ang pangarap kong nobelang naiisip kong sulatin, isang nobelang hinggil sa maralita, manggagawa, mga api, at pinagsasamantalahan sa lipunan. Nobelang kakampi ng masa para sa karapatang pantao at panlipunang hustisya.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Setyembre 2018, pahina 16-17.

Lunes, Oktubre 24, 2011

Hinggil sa pamumuna at pagpuna sa sarili (CSC)

HINGGIL SA PAMUMUNA AT PAGPUNA SA SARILI (CSC)

Ang ating organisasyon, ang Partido Komunista, ang pinakamataas na anyo ng organisasyon sa buong lipunan. Ito ang partido ng proletaryado. Ito ang partido na nagtataguyod at nagsusulong ng mga interes ng uring manggagawa - ang interes na wasakin ang kapitalismo at itayo ang sosyalismo hanggang sa komunismo at mapawi ang pagsasamantala ng tao sa tao.

Ang Partido Komunista ay ginagabayan ng mga prinsipyo at teoryang Marxista-Leninista. Ang pinaka-siyentipiko, pinaka-abante, at pinaka-rebolusyonaryong teorya sa daigdig.

Ang Marxismo-Leninismo ay nakabatay sa siyentipikong katotohanan na inabot na ng sibilisadong tao. Itnataguyod nito ang materyalistang diyalektiko, Marxistang pampulitikang ekonomya at siyentipikong sosyalismo.

Bilang mga elemento ng isang Marxista-Leninistang partido, dapat na naninindigan ang isang komunista sa interes ng proletaryado at rebolusyon. Ang isang komunista ay naniniwala sa proseso ng pagbabago at pag-unlad ng lahat ng bagay.

Ang mga kasapi ng Partido ay dumadaan sa proseso ng pagbabago / pag-unlad sa kanilang pananaw / paninindigan at pamamaraan. Ang kasapian ng Partido ay nagmula sa iba't ibang uri at lugar sa bansa at may dala-dala silang maling kaisipan (indibidwalista o petiburgis, atbp.) mula sa kanilang uring pinagmulan. Sa loob ng Partido at sa direktang pagsabak sa rebolusyonaryong gawain, ang mga di-proletaryadong kaisipan ay tinutunggali ng proletaryadong kaisipan, ng kaisipang Marxista-Leninista.

Ang CSC (criticism and self-criticism o pamumuna at pagpuna sa sarili) ay isang paraan ng pagtunggali sa mga maling kaisipan sa loob ng Partido. Ito ay mandatong pang-ideolohiya upang bakahin at wasakin ang mga mali at hindi proletaryadong kaisipan at paggawa.

Ang Pagsasapraktika Natin ng CSC

Ang CSC ay isang institusyon sa loob ng Partido. Isinasagawa ito ng mga kolektibo "upang gamutin ang sakit at iligtas ang pasyente". Naglalayon ang CSC na bakahin ang liberalismo, indibidwalismo, at iba pang mga maling kaisipan na taglay ng bawat kasama at nang sa gayon ay makapagwasto.

May karapatan ang bawat isa na pumuna / mapuna sa panahon ng pulong. May karapatan ang isang kasapi na punahin ang nakatataas na organo o responsableng kasama.

Ginagawa natin ang CSC sa anyo ng pormal na pulong. Inilulunsad ito pagkatapos ng isang programa at pagtatasa o kaya ay regular na inilulunsad batay sa nakasaad sa programa ng yunit o kolektibo.

Kadalasan ang ginagawa natin ay pinupuna muna ang sarili (nangungumpisal ng kasalanan kaya wala nang maipuna ang mga kasama), tapos ay ang puna ng mga kasama. Pagkatapos nito ay paggawa ng resolusyon (pagsisisi o pangangako ng pagwawasto) sa mga natukoy na kahinaan, kakulangan o kamalian. Kadalasan ang nauunang isinasalang ang kalihim o pinuno.

Sa ating praktika ng CSC, hindi natin nalulubos ang silbi at tuloy hindi nagiging epektibo. Kung minsan pa nga, kahit na nagkaroon na ng CSC ay hindi pa rin nareresolba ang problema. Kaya may mga dapat punahin at iwasto sa ating pagsasapraktika nito.

Ang pagsasapraktika natin ng CSC ay pormalistiko at mababaw kaya walang dinamismo, walang sigla.

Pormalistiko ang pagsasapraktika natin ng CSC. Hinihintay pa natin na ilunsad ang isang pormal na sesyon para punahin ang mga nakikitang kahinaan, kamalian at kakulangan ng isang kasama o isang yunit / kolektibo na kung minsan ay madalang o matagal pa naman (kadalasan ay sa pulong pagtatasa) o kaya naman ay nagiging panghuling adyenda ang CSC.

Dahil dito, ang mga puna sa isang kasama, sa sarili o kolektibo ay parami ng parami at madalas na "puno na ang kasama" o sumambulat na ang problema at mahirap nang lutasn bago pa dumating ang pormal na sesyon ng CSC.

Dahil dito, natatalo ang layuning maiwasto ang mga kamalian at nang hindi na lumala ang problema.

Inilalagay natin sa plano o programa ang CSC bilang isang tungkuling dapat regular na gampanan. Kaya kadalasan, inilulunsad ito pagkatapos ng pagtatasa. Malabnaw ang paghawak natin dito bilang mandato sa pagtulong sa pagpapanibagong hubog ng isang kasama o sandata para maiwasto ang mga kamalian sa pagsasapraktika ng mga rebolusyonaryong prinsipyo.

Mababaw ang punahan. Ang napupuna ay ang mga gilid o panlabas na problema. Hindi ito napapalalim. Hindi nauugat at naiuugnay ang mga natutukoy na kahinaan o kamalian sa mga teorya at prinsipyong Marxista-Leninista ang mga puna. Kadalasan, ang napupuna ay ang mga maliliit na usapin (minor) at hindi ang mga esensyal na usapin (mayor).

Hindi rin nauugat at nalilinaw ang mga konteksto o sirkumstanysang kinapapalooban sa pagsulpot ng problema kung kaya ang mga resolusyon ay mababaw din at hindi nasesentruhan ang tunay na problema, at nang sa gayon ay malinawan at maunawaan ng pinupuna ang mga usaping inihaharap sa kanya.

Iba't ibang Kahinaan sa Pagsasapraktika ng CSC

Sa mga pumupuna naman at maging sa pamumuna, ang napagdidiinan ay ang estilo; malumanay dapat, pili ang mga salita, atbp., kaya ang nangyayari ay dito nagpapakahusay sa pagdedeliber sa pagnanais na huwag maging antagonistiko at ang nangyayari rin ay hindi naman naipapahayag ng epektibo ang mga puna na siyang pinakamahalaga. Nagdidiin sa porma at hindi sa esensya.

May mga pagkakataon naman na ang pagpuna ay parang paninisi at parang gustong durugin ang isang kasama kahit hindi naman mayor ang mga kahinaan o kakulangan. Ito ay hindi nagiging tulong bagkus ay nagpapabagsak at nagpapahina pa nga sa mga kasama.

Pagbubuo ng resolusyon. Kadalasan ay walang nabubuong mga klarado at ispesipikong resolusyon. Kaya ang mga pagkakamali o pagkukulang at maging ang puna ay paulit-ulit na nagaganap. Ang pagwawasto sa mga kamalian at kahinaan o kakulangan ay hindi natatapos sa pagtanggap ng puna. Ito ay dapat na makita sa praktika at hindi na maulit. At kung ito ay maulit ay dapat na magkaroon na ng karapatang aksyong pang-organisasyon.

May praktika rin tayo na hindi o iniiwasan ang pagpuna sa nakatataas na organo o mga nakatataas na mga kadre ng Partido. Kumbaga ay namamanginoon. Na para bagang ang mga nasa nakatataas na organo o mga senior cadres ay hind na maaaring magkamali. At mayroon din naman na nasa mga responsableng posisyon na tatanggap ng mga minor na puna pero hindi tatanggapin ang mga mayor.

May mga kasamang nagrerenda sa pagpuna dahil sa iniisip nila na kung punahin nila ang isang kasama ng matindi ay sila naman ang "masalang". Kaya magaang lang ang puna upang hindi sila punahin (gantihan) ng matindi ng kasama.

May mga kasama naman na tumatalilis sa puna o kaya ay mababaw ang pagtanggap sa puna. Ang pagpuna ay hindi dapat gamitin para sa personalan o gantihan.

Ang Demokratikong Talakayan at Tunggaliang Pang-Ideolohiya

Susi sa pang-ideolohiyang pagpapaunlad ang patuloy at sustenidong paghuhubog sa ideolohiya (ideological remolding), ay ang pag-aaral ng teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo. At ang CSC ay isa lamang paraab ng pagpapanibagong hubog. Hindi ito ang lahat-lahat sa pagpapaunlad ng isang rebolusyonaryong proletryo. Bagamat sa pamamagitan ng CSC ay nahahasa ang mga kasama sa pingkian ng mga ideya at sa gayon ay nakakatulong ito.

Ang pinakamahalaga ay maganap ang tunggaliang pang-ideyolohiya sa lahat ng porma nito; pormal na pag-aaral, pagtatasa, CSC, direktang rebolusyonaryong gawain, atbp., at mula dito ay mahubog ang mga kasama at ang buong Partido.

Ang CSC ay dapat na nakakatulong sa pinakamabilis na paraan upang maiwasto ang mga kamalian, kakulangan at kahinaan. Kung di ito atrasado o mabagal ay hindi makakamit ang layunin nito na makatulong. Ang CSC ay mahalaga upang maagap na makapagwasto at matutuhan ang tama.

Ang isang komunista ay hindi natatakot sa katotohanan. Palagi na ay hinahanap natin ang katotohanan na magsisilbi sa rebolusyonaryong layunin. Ang pagpuna ay pagtulong at hindi pagsira o pagbabagsak sa isang kasama. Sa kabilang bansa, sa mga ayaw magwasto ay kailangang durugin ang mga maling ideya (burgis at petiburgesya).

Sa demokratikong talakayan, sa pamamagitan ng tunggalian ng mga ideya, ay lilitaw ang mga tama at matutukoy ang mga kahinaan at kamalian. Kapag ang mga kasama'y handa nang tanggapin ang totoo at handang magbago ay makakamit ang nais na pagwawasto at pagkakaisa. At malalagay sa tamang direksyon at pagsulong ang lahat ng pagpupunyagi ng mga kasama at ng buong rebolusyonaryong kilusan.

Sa demokratikong talakayan ay dapat na lumahok ang mga kasama. Hindi dapat mahiang ihapag o ihayag ang "laman ng kanilang isip" o ang kanilang mga opinyon o kaya naman ay mag-alala na mali ang kanilang iniisip at baka sila mapagtawanan. O kaya ay nagsasalita lang kung sigurado ang kanilang sasabihin kaya nawawala ang ispontanyidad o pagiging natural ng paglalabas ng mga ideya. Ang gusto nating tukuyin ay ang usapin ng partisipasyon, ang demokratikong partisipasyon ng mga indibidwal na kasama upang marating ang isang antas ng demokratikong pagkakaisa sa mga usapin na inihahapag para desisyunan.

Pero tama naman na talagang dapat na maghanda sa kanilang mga ihahayag. Pinakamahusay nga ay kung may mga panimulang pag-aaral sa mga usapin upang mas mapiga ang mga ideya. Hindi naman maganda ang bara-bara. Subalit hindi ito dapat makabara o mkapigil sa isang kasama upang makalahok sa talakayan.

Sa mga humahawak ng pulong, dapat na isaalang-alang ang opinyon at pagkakataon na magsalita ng mga kasama. Mahalaga na ang lahat ay makapag-ambag o makalahok sa mga talakayan.

Mag mga pagkakataon din naman na talagang nginingisihan o tinatawanan ang mga opinyon ng mga kasama, laluna ang nagmula sa hanay ng masa at hindi artikulante, kaya may mga kasamang nadadala. Ngunit hindi ito ang dapat mamayani sa isang kasama. Ang mas mahalaga ay mailabas niya ang kanyang mga opinyon upang hindi maging dala-dalahin o reserbasyon. Dapat tulungan ang mga kasama na mabuo ang kanilang mga opinyon.

Sa mahaba nating karanasan sa paglulunsad ng CSC, malaki ang naging tulong nito. Ang kailangan lang ay hindi dapat na maging pormalistiko at mababaw ang pagsasagawa niti. Marami tayong malulutas na suliranin at malaking tulong ito sa paghuhubog ng isang kasama upang maging isang tunay na komunista, hindi lamang sa salita kundi sa gawa, hindi lamang sa teorya kundi maging sa praktika. Ang kailangan natin ay isang dinamikong CSC, institusyonalisado sa ganitong batayan.

Linggo, Oktubre 23, 2011

Hinggil sa kolektibismo

HINGGIL SA KOLEKTIBISMO

Lagi na, nilalayon nating marating ang mataas na antas ng kolektibismo. At lagi rin tayong nabibigo sa ating hangarin. Ang bawat kolektibo ay binabagahe ng samutsaring suliranin na dumidiskaril sa mahusay nitong paggana hanggang sa manghina at maparalisa.

Minsan na nating hangarin ang pagkakaroon ng matatag at malakas na kolektibismo at pagpunyagiang marating ito. Sa ganito lamang tayo makapangingibabaw sa mga kahirapan sa pagrerebolusyon. At mababaka at mapapangibabawan ang ating mga indibidwal na kahinaan, kamalian at mga limitasyon.

Gawin nating susi sa pagkakamit ng layunin ang lubos na pag-unawa at pagsapol sa kolektibismo sa kanyang kabuuan para sa kongkretong praktika nito. Nangangahulugan ito ng pag-unawa at pagsapol sa esensya, iba't ibang porma, anggulo, mga paraan at aktwal na dinamismo ng ating praktika.

Mula rito, kamtin natin ang malakas at matatag na kolektibismo na ating nilalayon para sa isang lubos na dinamikong orgnisasyon.

Ang kolektibismo ay ang pag-iisip at pagkilos sa balangkas, konteksto at esensya sa kabuuan. Sa kaso natin ay ang pag-iisip at pagkilos sa balangkas, konteksto at esensya ng buong organisasyon at/o mga sekundaryong kolektibo.

Sa ibang salita ang kolektibismo ay ang pagkakaisa sa pag-iisip sa balangkas at konteksto ng kapakanan at pangangailangan ng ating rebolusyonaryong gawain at interes ng mamamayan at rebolusyon. Ganito, sapagkat ang ating pinagsisimulan at pinagtatapusan ay ang kapakanan at interes ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Kaya, sa balangkas at konteksto ng kolektibismo, ang lahat ng ating galaw ay nararapat na nagsisilbi sa organisasyon, gawain, mamamayan, at rebolusyon. Ang mga ideya ay ating inililitaw at isinusulong sa tanging pag-iisip kapag ito'y napatunayang tama ay ito ang magsisilbi sa kabuuan.

Ayon dito, kailanman ay mali at wala sa lugar na ituring natin ang ating mga ideya bilang ekstensyon ng ating personalidad na kapag inatake o pinasubalian ay ipagdaramdam. Na ang ating mga gawain ay labis na mapersonalisa na kapag nagtagumpay ay ating ipagyayabang at kapag nabigo naman ay ating ipanghihina. Laging isaisip na tayo ay kinatawan lang at kumakatawan sa interes ng organisasyon, mamamayan at rebolusyon. At ang lahat ng ating indibidwal na pagsisikap ay maliit na bahagi ng pagpupunyagi ng organisasyon at mamamayan na maisulong ang rebolusyonaryong pakikibaka tungo sa tagumpay.

Sa ganito, kagyat na makikita na ang indibidwalidmo at liberalismo ay walang lugar dahil lansakang salungat sa kolektibismo. Kailanman ay maisasa-katotohanan ang kolektibismo habang may pag-iisip sa bawat isa o ilan nang pangunguna sa sariling kapakanan (indibidwalista) o kaya naman ay pagpapaubaya / pagpapabaya (liberal).

Ang mataas na antas ng kolektibismo ay nararating lang sa pamamagitan ng masigla at walang sagkang tunggalian. Ibig sabihin ay ang masigla at walang sagkang banggaan ng iba't ibang ideya, nang sa gayon ay mahusay na tumining ang usapin ng tama at mali para sa nagkakaisang pagtataguyod sa tama at pagtatakwil sa mali.

Kung gayon, ang bawat isa ay nararapat na walang pasubaling maghayag at/o maglatag ng kanyang mga ideya/opinyon/palagay sa lahat ng usaping naisasalang. Walang ibang paraan ng pagpapatining ng usapin ng tama o mali kundi ganito. Kailangang makita ang bawat usapin/punto sa kanyang iba't ibang aspeto at anggulo batay sa sirkumstansyang iniiralan nito.

Kaya gawin nating pamalagiang tungkulin ang pagpawi o pangingibabaw sa mga sagkang pumipigil sa masiglang daloy ng mga tunggalian. Pangunahin, tulad ng nabanggit na, nararapat na lubos na mabaka at mapangibabawan ang indibidwalismo at liberalismo. Ang kongkretong manipestasyon ng suhetibismo na siyang ugat ng lahat ng kahinaan.

Sa tunggalian ng mga ideya, ang mga sagkang ito ay masasalamin sa lagi nating nababanggit na pagtatasa - kawalan ng paghahanda / pag-aaral, pag-aalangan / pag-aatubili, pagiging sensitibo, pagkakaroon ng reserbasyon, pagiging sarado, kawalan ng tiyaga, hindi magandang estilo (intimidating), atbp.

Ang masiglang tunggalian ay nararating lamang kung ang bawat isa ay handa. Ibig sabihin ay napag-aralan o alam ang usaping tinatalakay. Kaya nararapat na maging matiyaga tayo sa pag-aaral ng mga usapin hanggang sa mga panteoretiko at pamprinsipyong pamatnubay.

Kaakibat nito ang walang sagkang pagbabahaginan ng mga karanasan at kaalaman. Sa ganito, ang buong magkaka-kolektibo ay pamilyar sa lahat ng usaping saklaw nito at nasa kalagayan para mapag-aralan ito at masiglang makalahok sa mga talakayan / tunggalian kaugnay sa mga usaping ito.

Sa mga kalagayang hindi ganoon kaalam o walang alam ang iba o ilan, magkakaroon ng panahon sa pag-alam bago matalakay ito. O kahit nasa proseso ng talakayan ay patuloy na mag-alam laluna sa mga punto / detalyeng nakikitang mahalaga / mapagpasya para sa pagdedesisyon / kongklusyon.

Mali ang pananaw / aktitud na kapag hindi pamilya / alam ang usapin ay magwawalang-bahala na lang. Mag-alam at masiglang lumahok sa talakayan / tunggalian. Kailangang lagi na ay maksimisado ang kapasidad ng kolektibo. Kung ito ay tatlo o lima o pito, atbp., nararapat na ganito ring bilang ng pag-iisip ang gumagana sa pagresolba sa mga usapin.

Sa mga punto ng pag-iiba at hindi pagkakaunawaan, ang ultimong sukatan ng tama at mali ay ang ating mga saligang pang-ideyolohiyang pamatnubay - ang Marxismo-Leninismo. Ang kawastuhan at kamalian ay susukatin natin ayon sa mga pamprinsipyo at panteoretikang kaalamang itinuturo sa atin nito.

Kung sa kabila nito ay hindi pa rin malutas ang usapin sa iba't ibang kadahilanan (pag-intindi o interpretasyon, atbp.), maaaring ipagpaliban ang pagdedesisyon para sa higit pang malalim na pag-aaral. Kung may kakagyatan naman ang usapin ay papasok na ang pang-organisasyong prinsipyo't patakaran.

Sa mga ganitong sitwasyon, dapat na malinaw sa lahat na ang nangunguna na sa ating konsiderasyon ay ang pag-iwas sa paralisis. Huwag kailanman ipakahulugang ito ay sagka o pagsagka sa minorya. At kahit malutas na ang usapin pabor sa mayorya ay laging bukas sa pag-aaral at sa muling paghahapag nito.

Bawat isa ay responsable sa pagi-establisa at pagpapalakas ng kolektibismo. Bagamat tinitingnan ang pagiging mapagpasya ng papel ng ubod ng pamunuan o ng namumuno sa isang kolektibo, hindi mapapasubalian at maliitin ang papel ng bawat isa sa matagumpay na pagkakamit ng mataas na antas ng kolektibismo.

Pakatandaan na ang lahat, nang walang pagtatangi, ay may pantay-pantay na karapatan. Maging sa pang-organisasyon aspeto nito ng pagboto ay lubos na pantay. Ang tungkulin lang ng namumuno ay iugit ang kolektibo. Tungkulin at responsibilidad ng kolektibo na pangasiwaan ang sarili.

Balewala ang inisyatiba at pagpupunyagi ng namumuno kung hindi gagampan ng kani-kanyang papel at responsibilidad ang bawat isa. Pakatandaan na ang kolektibo ay ang buong grupo / komiteng bumubuo nito. Hindi ang bahagi o baha-bahagi lang nito. Kaya ang kolektibismo ay nararapat na ma-establisa at mapatatag sa buong grupo / komite.

Ang kolektibismo ay isinasagawa at nagkakaanyo, hindi lang sa oras ng pagpupulong. Ito ay isinasapraktika natin sa lahat ng aspeto at panahon ng ating pagkilos. Masasalamin ito sa ating paggalaw ayon sa pinagkaisahang programa, mga patakaran at napapanahong mga konsultasyon.

Integral na bahagi rin nito ang masiglang bahaginan ng karanasan sa pagitan ng magkaka-kolektibo upang kahit hindi tuwiran ay mabuo ang karanasan at kaalaman ng lahat. Sa buong proseso, ito ay nararapat ding masigla ang mga talakayan sa interpretasyon at pagpapatupad ng mga programa at patakaran para sa higit na pagpapakinis ng mga ito.

Ang kolektibismo ay mabisang naghuhubog sa ating mga sarili tungo sa pagiging lubos na proletaryado. Isa sa esensyal na nilalaman ng kolektibismo ay ang walang lubay na pagbaka sa mga labi ng petiburges na katangian / kalikasan ng mga bumubuo ng isang kolektibo.

Natural ito dahil, tulad na nga ng nabanggit, ang petiburges na indibidwalismo at liberalismo ay lansakang salungat (anathema) na kolektibismo. Mahina o hindi mapapalakas at mapapatatag ang kolektibismo habang makabuluhang umiiral ang petiburges na mga katangian at kalikasan sa hanay ng isang kolektibo.

Kaya lubos na maging mulat tayong lahat sa katotohanang ito. Walang humpay nating bakahin sa ating mga sarili at kasama ang indibidwalismo at liberalismo - ang kongkretong manipestasyon ng petiburges na suhetibismo. Walang ibang landas tungo sa isang malusog, malakas at matatag na kolektibismo kundi ito.

Miyerkules, Abril 8, 2009

Pahayag ng PLM sa Araw ng Kababaihan

Pahayag ng Partido Lakas ng Masa sa Araw ng Kababaihan
Marso 8, 2009

Hindi dapat ipapasan sa kababaihan ang krisis pang-ekonomya!
Itigil ang mga tanggalan! Moratoryum sa lay-off!


Napakatinding pinapasan ng mga manggagawa at maralita ang krisis pang-ekonomya ng kapitalistang sistema. Matinding tinamaan ang uring manggagawa at ang maralitang kababaihan. Lumaki ng may 10.7 milyong katao ang bilang ng nawalan ng trabaho mula 2007 hanggang 2008, ang pinakamataas na taunang paglaki mula 1998. Ang mga kababaihan sa partikular ang talagang tinamaan. Ang pagkawala ng trabaho ay lumaki mula 6.3% sa kababaihan kung ikukumpara sa 5.8% ng kalalakihan (ILO, 2009). Iniulat ng ILO na ang pandaigdigang kawalan ng trabaho ay lalaki pa ng 51 milyon sa 2009 at ang mga kababaihan ang matinding tatamaan.

PAGKAWALA NG TRABAHO, PAGBABA NG KITA

Sa Pilipinas, ayon sa ekonomistang si Benjamin Diokno, 11 milyong manggagawa ang maaaring mawalan ng trabaho sa pagtindi ng krisis sa ekonomya nitong 2009. Noong 2008, ayon sa mga mananaliksik ng ILO, may 250,000 manggagawa na sa mga planta ng makina at asembliya ang natanggal sa trabaho. Kung isasama ang mga manggagawa mula sa pabrika ng elektronics at garment & textiles, ang bilang nito’y mahigit pang 300,000 na natanggal ng nakaraang taon, kung saan halos lahat ay noong Oktubre nang tumindi na ang krisis pang-ekonomya. Ang sinasabi ng DOLE na nasa 40,000 manggagawa lamang ang natanggal ay isang kasinungalingan!

Ilan sa mga industriyang matinding tinamaan ay ang garments, textiles at electronics. Nasa 72.3% ng lakas-paggawa sa electronic ay pawang kababaihan at 86.5% naman sa sektor ng garments. Napakatinding tinamaan ang Calabarzon. Mula 7 hanggang 8 sa 10 natanggal sa mga export processing zones (EPZs) ay pawang mga kababaihan. Mga kababaihan din ang mayorya ng may bantang matanggal sa trabaho sa apat na pabrika ng electronics sa Cavite Economic Zone sa Rosario, Cavite. Nagdurusa rin sa pagbawas sa sahod ang mga manggagawang kababaihan sa mga EPZ dahil sa iskemang pagsiksik ng trabaho kada linggo, kung saan pinahihintulutan lamang na magtrabaho ang mga kababaihang manggagawa ng dalawa hanggang tatlong araw bawat linggo.

Samantala, libu-libong OFWs ang nagbabalikan sa bansa dahil nagsarahan ang kanilang mga pabrikang pinagtatrabahuhan. Ilan sa matinding naapektuhan ay ang mga manggagawa sa pabrika sa Taiwan, at mga manggagawang domestic sa Singapore, Hongkong at Macau, na ang mayorya ay mga kababaihan. Nahaharap naman ang mga may trabaho pang manggagawa sa mga atake sa kanilang sahod at kalagayan sa paggawa sa pamamagitan ng pagbabawas sa sahod bilang resulta ng pinaliit na oras-paggawa, pagsuspinde ng pagpapatupad ng mga patakaran sa sahod, kontraktwalisasyon at pagpapagawa sa labas, pati na rin pagbabawas sa overtime at mga pista opisyal.

Napakalinaw ng epekto ng lahat ng ito – ipinapapasan sa mga manggagawa, lalo na sa mga kababaihan, ang tindi ng krisis pang-ekonomya. Ang mga pagkawala ng mga trabahong ito ay kumakatawan sa matinding pag-atake sa pamantayan ng pamumuhay ng uring manggagawa, lalo na ng mga kababaihan.

Sa badyet ng 2009, gagastos ang gobyerno ng P7,391.54 bawat tao para sa pagbabayad-utang habang naglalaan lamang ng P2,050.98 bawat tao para sa edukasyon, P301.52 para sa kalusugan, P57.48 para sa pabahay at P112.80 para sa panlipunang serbisyo. Sa kalagayan ng krisis, ang nasabing badyet ay malinaw na laban sa kababaihan at laban sa mamamayan. Ang mga kabawasang ito ay tatama sa mga manggagawang kababaihan, lalo na sa mga maralitang kababaihan.

PAGBAGSAK NG EDUKASYON NG KABATAANG BABAE AT KALUSUGAN NG KABABAIHAN

Dahil sa walang maayos na pinagkukunan ng ikabubuhay, pinatitigil na ng pamilya ng manggagawa ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Noong 1977 Asian crisis, lumaki ang bilang ng mga batang manggagawa sa Pilipinas, at nabawasan ang bilang ng mga mag-aaral na babae sa lahat ng antas, kumpara sa mga lalaki. Mula 1997 hanggang 1998, lumaki ang bilang ng mga nag-aral na batang lalaki habang lumiit naman sa mga batang babae. Ang mababang sahod at mataas na presyo ng pagkain ay nagtulak para tipirin ang pagkain sa bahay. Minsan di na kumakain ng almusal ang mga ina at asawa para may sapat para sa buong pamilya. Nanganganib naman ang mga buntis at nagpapasusong ina dahil sa di mabuting nutrisyon.

PAGBIGAT NG PASANIN NG KABABAIHAN

Lalong bumigat ang pasanin ng mga kababaihan. Noong krisis-pinansyal sa Asya noong 1997, lumaki ang bilang ng nawalan ng trabaho, ngunit ang lingguhang oras-paggawa ay nabawasan sa kababaihan habang tumaas sa kababaihan. Ito’y dahil sa pagtaas ng bilang ng oras-paggawa na isinagawa ng mga kababaihang nakabase sa bahay na nagtatrabaho ng kontraktwal, kung saan kumukuha pa sila ng ikalawa o kahit ikatlong trabaho ng panahong yaon. Ang paglaki ng oras na ginagamit ng kababaihan sa paggawang binabayaran ay nasa ituktok ng kanilang di-bayad na trabahong pambahay, kung saan walong oras bawat araw ang ginugugol nila sa paglilinis at pag-aayos ng bahay at pag-aalaga ng bata, kumpara sa 2.5 oras na ginugugol ng kalalakihan. May mga paglawak din ng karahasan sa bahay at naliligalig ang pamilya dahil na rin sa mga problemang pangkabuhayan. Noong Asian crisis ng 1997, lumaki ang bilang ng karahasan sa kababaihan, lalo na ang prsotitusyon ng kababaihan at kabataan.

ANG HUWAD NA “STIMULUS PACKAGE” NI GMA

Ang ’solusyon’ ng rehimeng Arroyo ay ang malawakang tulong sa mga mayayaman at pagtindi ng pag-atake at pagsasamantala sa uring manggagawa at maralita. Ang “economic package” na inihahanda nito ay nakakatulong sa mga kapitalista at sa mga korporasyon sa anyo ng pagbawas sa buwis habang nagbibigay ng maliit lamang na “pangkabuhayang proyekto” sa manggagawa sa anyo ng mga “emergency employment opportunities.” Sa inorganisa ng Malakanyang na crisis summit, iminungkahi nito na lumikha lamang ng maiiksing trabaho, tulad ng pagtatanim ng puno, pagwawalis sa kalsada, kabilang pati ang “proyektong pamamahagi ng mga kambing”. Nakakatawa ang mga mungkahing ito kung itatapat sa malawakang pagdurusang nararanasan ng mga manggagawa dahil sa mga tanggalan at pagliit ng sahod. Ito’y isang huwad na stimulus package, isang taktika lamang ng administrasyon para sa pagbili ng boto sa nalalapit na eleksyong 2010.

Iminumungkahi rin ng pamahalaan ang paggamit ng P12.5 Bilyon mula sa pondo ng SSS para sa stimulus package. Muli, pinipiga nito ang dugo ng manggagawa at isa itong garapal na pagtatangkang pagbayarin ang mga manggagawa sa krisis ng sistema. Iminumungkahi rin ng pamahalaan ang P2 Trilyong ’pamumuhunan’ sa mga proyektong imprastruktura, kung saan ang 70% nito ay mapupunta sa sektor ng transportasyon at enerhiya. Kung pagbabatayan ang malawakang katiwalian at pagnanakaw mula sa malalaking proyektong imprastruktura, ito’y isa na namang malaking ambag kay GMA at sa kanyang mga alipores. Sa kabilang banda, magreresulta ang mga proyektong ito sa demolisyon ng malalaking komunidad ng maralita, at magdudulot ng dagdag na pahirap sa mga maralita ng lunsod.

Samantala, nagpapatuloy ang pagsasapribado ng mga pag-aari ng gobyerno. Ito’y pagpapatuloy ng mga patakarang neo-liberal sa anyo ng malalaking regalong korporasyon sa mga mayayaman at pagpapasidhi ng pagsasamantala at pagdurusa ng uring manggagawa at maralita.

ANG ALTERNATIBA NG PLM

Hindi dapat ipapasan sa mga kababaihan ang krisis ng sistema. Iminumungkahi ng PLM ang isang alternatibong makamasang economic package.

> Dapat na magsimula ito sa proteksyon ng trabaho at agarang pagtigil sa tanggalan ng trabaho,

> Tunay na paglikha ng trabaho upang pasiglahin ang pambansang konsumo at pagbalik sa normal na kalagayan ng ekonomya,

> Muling pagsasaayos ng istruktura ng ekonomya upang kumalawa sa mga neo-liberal na patakarang nakaasa sa pag-eksport ng mga produkto.

> Ang plataporma ng PLM ay nananawagan din para sa mga sumusunod na kaugnay na patakaran.

> Ang pagsasabansa ng mga bangko at mga institusyong pinansyal sa ilalim ng popular na kontrol upang tiyakin na ang mga pondo ay magagamit sa panlipunang pag-unlad na nakakalikha ng mga trabaho.

> Ang mga libreta de bangko ay dapat na buksan; ang matamang pamamahala ng bangko ay dapat na mapatibay, at ang pambansang sistema ng pagbabangko ay dapat na gawing mga institusyon ng serbisyo publiko, kung saan ang mga naipon ng mamamayan ay inilalagak at ginagamit sa kapakanan ng marami.

> Ang paglaki ng alokasyon ng badyet para sa gastusing panlipunan. Ang mga prayoridad ay ang seguridad sa trabaho, nakabubuhay na sahod, kalusugan at edukasyon, pabahay, suporta at proteksyon sa mga sektor na impormal.

> Para sa mga OFWs, isang agarang panlipunang pondo, na may kalangkap na pagbibigay ng disenteng trabaho at pamamaraan ng kabuhayan.

> Ang pagtatakwil sa nakakaperwisyong utang at ang agarang moratorium sa pagbabayad ng utang.

> Buwisan ang mayayaman, hindi ang mamamayan. Alisin ang VAT.

> Pagwawakas sa digmaan at mga paggastos sa digmaan sa Mindanao, at ang paglilipat ng gastusin sa digmaan tungo sa paglikha ng trabaho.

> Para sa mga magsasaka at manggagawang agrikultural, pagpapatupad ng repormang agraryo kasama ang programang lupa para sa walang lupa, kakayahang maglabas na perang agrikultural at ayuda, seguridad sa trabaho at kakayahan sa pamilihan.

> Kabayaran para sa mga di bayad na trabaho ng kababaihan sa bahay, tulad ng nakasaad sa saligang batas ng Venezuela.

> Pagtiwalag mula sa IMF, World Bank at ADB.

> Pagpapatupad ng gender budgeting sa pambansang pang-ekonomya, kabilang ang budgeting sa lahat ng ahensya ng gobyerno, upang tiyakin na makikinabang din ang mga kababaihan sa lahat ng patakarang pang-ekonomya.

Tinitiyak ng mga pamamaraang ito ang muling pamamahagi ng yaman mula sa mga elitista tungo sa uring manggagawa’t maralita. Ngunit tanging ang isang gobyerno ng masa, na may sosyalistang oryentasyon, ang may panlipunang pagkukusa upang ipatupad ang ganitong pamamaraan. Dapat na malagot ng ganitong gobyerno ang sistema ng tiwali at maaksayang pamumuno ng mga elitista at maghandang isulong ang tunay na pagbabago ng sistemang panlipunan. Ang ganitong gobyerno ang pinaninindigan ng PLM.