Martes, Marso 3, 2026

Ang tugmaan sa tula kong "Pluma't Kwaderno"

ANG TUGMAAN SA TULÂ KONG "PLUMA'T KWADERNO"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sinubukan kong kumathâ ng tulang may iba't ibang tugmaan. Magkatugmâ ang dalawang magkakasunod na taludtod sa loob ng apat na saknong.

Inihalimbawà ko ang taludturan sa Shakespearean (English) sonnet at sa Petrarchan (Italian) sonnet. Sa Shakespearean ay may tugmaang A-B-A-B, C-D-C-D, E-F-E-F, at G-G, habang sa Petrarchan sonnet naman ay may tugmaang A-B-B-A, A-B-B-A, C-D-E, C-D-E.

Ang dalawang nabanggit ay soneto, o tulang may tugma't sukat at labing-apat na taludtod. Ang aking kinatha'y may labing-anim na taludtod sa apat na saknong.

Ang ginawà kong tugmaan sa tulang "Pluma't kwaderno" ay: A-A-B-B, C-C-D-D, E-E-F-F, at G-G-H-H. Narito ang nasabing tula:

PLUMA'T KWADERNO

palagi akong may dalang
pluma't kwaderno sa bulsa
at sa bag, lalo na't handang
magsulat ang mangangathâ

sa dadaluhan kong pulong
ay ilalabas na iyon
susulat ng katitikan
o mga napag-usapan

at sa paghabi ng kwento
at tulâ, handang totoo
itatala'y nasa isip
upang di iyon mawaglit

dinanas ng aping uri
dahil sa trapong kadiri
sa akda'y pinagbubuti
upang sa bayan magsilbi

Sa unang saknong, ang tugmaan ay A-A-B-B, magkatugmâ ang "dala" at "bulsa, habang magkatugmâ naman ang "handâ" at "mangangathâ". Pansinin, ang huling pantig ng "dala" at "handâ" ay may hulaping "ng". Hindi magkatugmâ ang "dalang" at "handang" na ginamit sa nasabing tulâ dahil hindi kasama sa huling pantig na "la" at "dâ" ang hulaping "ng" sa tugmaan.

Kayâ ang tugmaan ay hindi A-A-A-A kahit kapwa titik "a" ang dulo ng mga salitâ, kundi A-A-B-B dahil ang "dala" at "bulsa" ay walang impit sa dulo ng salitâ, habang ang "handâ" at "mangangathâ" ay may impit. Sa ating katutubong panulaan, hindi magkatugmâ ang salitang may impit at walang impit kahit pareho ang dulong titik, tulad ng "dugô" at "berdugo" ay hindi magkatugmâ.

Sa ikalawang saknong, ang tugmaang C-C-D-D. ay halatâ agad at madaling makita. Ang "pulong" at "iyon" ay magkatugmâ, at kapwa "an" ang dulo ng "katitikan" at "napag-usapan".

Sa ikatlong saknong, sa tugmaang E-E-F-F, ang "kwento" at "totoo" ay magkatugmâ. Ang "isip" at "mawaglit" kahit magkaiba ng dulong pantig na "ip" at "it" ay magkatugmâ, batay sa batas sa katutubong panulaan, na ang katinig na malakas na "B, K, D, G, P, S, T" ay magkatugmâ, habang magkatugmâ naman ang "L, M, N, NG, R, W, Y" na pawang katinig na mahina. Kayâ ang "balag" at "balam" ay hindi magkatugmâ, habang ang "bakas" at "bakat" ay magkatugmâ.

Sa ikaapat na saknong, ang tugmaan ay G-G-H-H, bagamat lahat ng salita ay nagtatapos sa titik "i". Ang salitang "uri" at "kadiri" ay magkatugmâ, at kapwa may impit, habang magkatugmâ rin ang walang impit na salitang "pinagbubuti" at "magsilbi". Hindi magkatugmâ  ang "kadiri" at "magsilbi".

03.03.2026

Sabado, Pebrero 28, 2026

Pagdalo sa "Hugyaw" sa pagtatapos ng Buwan ng Sining

PAGDALO SA "HUGYAW" SA PAGTATAPOS NG BUWAN NG SINING
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bilang panitikero at makatâ, dinaluhan ko ang iba't ibang aktibidad ngayong Pebrero - ang Buwan ng Sining. Mula sa dalawang araw na Pasinayà 2026 mula Pebrero 7-8 hanggang Hugyaw ng Pebrero 27. Bukod sa Buwan ng Panitikan tuwing Abril ay binigyan kong halaga ang Buwan ng Sining.

Sapagkat ang mga makatâ ay hindi lang nasa panitikan kundi ang pagtulâ ay isang sining din mula pa noong unang panahon.

Mula sa isang pagkilos sa panawagang pagpapalaya sa dalawang kasamang dinakip ng mga pulis sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Edsa@40 at napiit sa Mandaluyong, ay nagtungo ako sa Metropolitan Theater upang panoorin ang Hugyaw ng ikaanim ng gabi.

Ang pamagat ng closing program ng Buwan ng Sining ay "Hugyaw: Ugnayan ng Galing, Katotohanan at Giting" na magsisimula ng ikaanim ng gabi, ayon sa programa, Open to the Public at Free Admission. Nakaabot ako roon, mabuti't nag-umpisa iyon ng 6:40 pm at natapos sa ganap na ikawalo ng gabi.

Ang hugyaw ay salitang Bisaya, na ibig sabihin ay "tagumpay sa labanan" (mula sa Diksiyonaryong Adarna, pahina 324. Ito naman ang nakita ko sa google: "Hugyaw is a Cebuano and Hiligaynon (Visayan) word meaning a loud, joyous shout, cheer, or roar of excitement from a crowd. Often associated with festivals, it signifies merry-making, jubilation, and loud celebration. It is frequently used to describe the energetic, festive atmosphere of a parade or fiesta." (Ang Hugyaw ay  salitang Cebuano at Hiligaynon (Visayan) na nangangahulugang malakas, masayang hiyawan, palakpakaan, o dagundong ng pananabik mula sa mga nagsidalo. Madalas itong iniuugnay sa mga kapistahan, nagsasaad ito ng pagsasaya, kagalakan, at malakas na pagdiriwang. Madalas itong ginagamit upang ilarawan ang masigla at masayang kapaligiran ng isang parada o pista."

Binati ng tagapagpadaloy ang presensya ni National Artist for Literature Virgilio S. Almario. Kinilala rin ang gawa ng iba't ibang National Artist, tulad nina Nora Aunor at Fernando Poe Jr (sa Film), Francisco Manosa at Ildefonso Santos Jr. (sa Arkitektura), Ramon Obusan (sa Sayaw), Lucio San Pedro at Levi Celerio (sa musika), at marami pang iba. Doon ay nagtanghal ang iba't ibang grupo tulad ng Wincess Jem, Lucky G., JM Yesures, Shanne Gulle, ang University of Santo Tomas Singers, Bayanihan National Folk Dance Group, Ramon Obusan Folkloric Group, Quartet, Douglas Nierras Powerdance Philippines Foundation Inc., Ballet Philippines, atbp. Pinarangalan naman bilang Ani ng Sining ang UST Singers.

Isinayaw din ang mga katutubong sayaw, tulad ng sayaw ng mga Ifugao, Pandanggo sa Ilaw, Tinikling, Maglalatik (o sayaw gamit ang bao ng niyog), at marami pang iba. Ipinarada rin ng mga nagggagandahang dilag ang iba't ibang katutubong habi tulad ng Pis Yabit ng mga Tausug, T'nalak ng mga T'boli, Tenun ng mga Yakan, Wanno ng mga Ifugao, Batik ng Indonesia, at Thai Silk.

Sa mga tulad ko'y di ko pinalalampas o binabalewala ang ganitong pagdalo sa mga aktibidad bilang pagpapakita ng katapatan sa sining, bukod pa sa may maisusulat. Kahit maraming gawain, kahit laging nasa kalsada at may ipinaglalaban, ay isinisingit ang ganitong gawain. Pangarap ko ring makapaglunsad ng aklat ko ng mga tulâ sa MET, at makapagbigkas din ng tulâ sa bulwagan nito.

Sa Concert at the Park sa Luneta, ilang taon na ang nakararaan ay napakinggan ng namayapa kong misis ang aking pagbigkas ng tulâ sa harap ng maraming taong dumalo roon. Subalit kung makakapagbigkas ako ng tulâ, kung sakali lang, sa MET, hindi na niya iyon mapakikinggan.

Mahalaga ang Buwan ng Sining at ang Buwan ng Panitikan, kaya anumang aktibidad mayroon bilang pagpupugay sa sining at sa panitikan, asahan nang magtutungo ako roon. Basta't kaya ng biyahe, ng katawan, at ng oras (walang kasabay).

HUGYAW

mula sa isang pagkilos ng mga kasama
upang palayain sina Parducho't Odeña
kung saan tula'y binigkas para sa kanila
ay agad akong bumiyahe't sa MET pumunta

dumalo sa pagtatapos ng Buwan ng Sining
tawag ay Hugyaw: saya, artista, awit, giling
"Ugnayan ng Galing, Katotohanan at Giting"
libreng palabas, karaniwang tao'y kapiling

isang matandang sining ang pagkatha ng tulâ
tulad nina Balagtas at Batute, makatâ
sa pagdiriwang ng sining, dinaluhang sadyâ
wala man sa toreng garing kaming mangangathâ

maraming salamat sa sining, ako'y namulat
upang kumilos sa mundong kayraming nagkalat
na basura, kurakot, trapong ahas ang balat
upang pagbalikwasin ang bayang di pa dilat

02.28.2026

Linggo, Pebrero 22, 2026

Tatlong libreto ng tulâ sa tatlong taon

3 LIBRETO NG TUL SA 3 TAON
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mula 2006 ay nakapaglathala na ako ng mga aklat. Una na ang 60-pahinang "Ningas-Bao". At huli kong gawang nasaksihan ni misis na nalathala ay ang 24-pahinang libretong "Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan?" noong Pebrero 2020. Siya ang nagdisenyo ng cover o pabalat ng aklat. Apat na taon pa ang nakalipas bago nakapaglabas muli ng aklat ang inyong lingkod. Ang tema'y hinggil sa mga napapanahong isyu o usapin sa lipunan.

Ang huli kong aklat na ginawa noong nabubuhay pa si misis ay ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino" kung saan ang pagsasalin ng tula sa aklat na ito'y sinimulan noong Oktubre 1, 2024, na sana’y tuloy-tuloy sa buong Oktubre, at abutin ng Nobyembre 29 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People. Bawat araw ay may isang tulang isinalin.

Subalit natigil ito noong Oktubre 23, 2024 dahil si misis ay isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng kanyang tiyan. Nakita na ang kanyang sakit ay venous thrombosis o blood clot. Sinasabi ng mga doktor na rare case daw ang kay misis dahil bihira raw ang kasong blood clot sa bituka. Kahit nasa ospital kami ni misis ay nakikiisa pa rin ako (o kami) sa laban ng mga Palestino upang lumaya sila sa kuko ng mga buhong na sumakop sa kanilang bansa.

Ito ang huling aklat na proyekto namin ni misis bago siya nawala nitong Hunyo 11, 2025. Kaya napaka-espesyal ng aklat na ito sa akin.

Subalit ang aklat na ito'y di nailunsad noong Nobyembre 29, 2024 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People, sapagkat nasa ospital pa kami noong panahong iyon. Nailunsad lang ang aklat sa rali sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Nobyembre 29, 2025 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People.

Sunod na libreto kong nalathala ay ang 40-pahinang "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" na inihanda para sa Disyembre 9 - International Anti-Corruption Day. Dahil sa matinding korapsyon sa ating bansa, kumatha rin ako ng mga tula laban sa mga kurakot. Inilathala ko ito at inilunsad naman sa Multimedia Room ng Commission on Human Rights noong Disyembre 9, 2025.

Sumunod na libretong inilabas ko'y ang 40-pahinang "Tula't Panawagan para sa Hustisyang Panlipunan" para naman sa Pebrero 20 - World Day of Social Justice. Hinggil naman ito sa maraming isyung nananawagan ng katarungan.

Kaya mula 2024 ay taun-taon na akong naglalathala ng mga munti kong aklat ng mga tula.

Batid kong walang pera sa tula, bagamat kaysipag kong kumatha ng tula bawat araw. Kung ang isang tula ko'y P100 at nakakagawa ako ng dalawang tula o higit pa sa isang araw, 2 tula x P100 isang araw equals P200, P200 x 7 araw sa isang linggo equals P1,400, P1,400 sa apat na linggo sa isang buwan equals P5,600 sa isang buwan (28 araw) o P200 x 30 araw equals P6,000 kada buwan. Subalit sinong bibili ng tula sa isang araw? Maliban kung may koneksyon ka sa arawang pahayagang naglalathala ng iyong tula bawat araw. Subalit wala.

Kaya nagpasiya akong ilathala ang aking mga tula bilang munting libro o libreto upang kahit paano ay mapakinabangan ko ang mga tula sa pambili ko ng pang-araw-araw na pangangailangan, tulad ng bigas, isda, gulay, at pamasahe.

ANG MGA MUNTI KONG AKLAT NG MGA TULÂ

paano ba kikita ang biyudo
kundi maglabas ng sariling libro

ng mga tulâ, lalo't na't pultaym
na kumikilos para sa bayan

narito ang nalathala kong aklat
na panlipunan ang tema't pamagat:

"Malayang salin ng mga Tulâ
ng mga Makatang Palestino"

ang sumunod na nagawa ko ngayon
"Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon"

nariyan pa'y "Tula't Panawagan
para sa Hustisyang Panlipunan"

nawa ito'y tangkilikin ng madlâ
nang kumita rin ang abang makatâ

02.22.2026

Sabado, Pebrero 21, 2026

Pagdalo sa Awit at Aksyon Kontra Korapsyon sa QC Circle

PAGDALO SA AWIT AT AKSYON KONTRA KORAPSYON SA QC CIRCLE
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakita ko ang patalastas ng Pamahalaang Lungsod ng Quezon hinggil sa "People Power 40 sa QC: Awit at Aksyon Laban sa Korapsyon: EDSA@40 Kick Off Concert" ng Pebrero 21, 2026 sa ganap na ikaapat ng hapon.

Naisipan kong daluhan iyon dahil walang mapiga sa utak ko upang magsulat. Baka pag naroon ako'y may mga salitang pumukaw sa akin upang kumathâ. Kayâ nagpasya akong magtungo roon at makinig. Dumating ako sa ganap na ikaapat ng hapon. Nasa isang sulok lang ako. Umupo roon nang nag-iisa. Tahimik na nakinig sa konsyerto.

Mag-isa at nakiisa sa pag-alala sa Unang Pag-aalsang Edsa. Sa totoo lang, wala namang pinangako ang Edsa sa bawat isa. Walang isang taong nangako na pag sumama ka sa Edsa ay gaganda na ang búhay mo. Alam ko dahil naroon ako kasama ng mga kaibigan ng aking ama sa simbahan at namigay kami ng pandesal. Si ama'y kabilang sa Holy Name Society kung saan sila ang nagpapa-seminar ng tatlong araw sa Catholic Youth Movement na kinabilangan ko noong 1984.

Kayâ makasaysayan ang Unang Pag-aalsang Edsa pag naroon ka. Kung nagkamali man sa mga taong naluklok, 'yung tao ang nagkamali, hindi ang Edsa. Paano mo sasabihing mali ang pagpapatalsik sa isang diktador na nagpahirap sa nakararaming masang Pilipino? Pag sinabi mong mali ang Edsa, ibig sabihin, mali rin ang mga taong lumahok sa Edsa. Subalit sila ang nais ng pagbabago.

Kung may mali, iyon ay dahil nailagay sa isang paksyon ng elitista ang pagtangan sa pamahalaan. Kung may mali ay hindi ang Edsa, maliban kung maka-Macoy ka.

Walang nangako sa Edsa upang sumama ka. Naniwala lang tayo na may magbabago sa kalagayan natin pag napatalsik ang diktador kaya ang mga tao'y nagkaisa sa Edsa.

Napapanahon din ang tema ng konsyerto: "Awit at Aksyon Kontra Korapsyon" dahil korapsyon ang mayor na isyu ng bayan. Parang nananawagan ng People Power laban sa mga kawatan sa kaban ng bayan, sa mga mandarambong na TONGresman at senaTONG, laban sa mga korap!

Huwag nating kalimutang magalit!

Inawit ni Ice Seguerra ang klasikong "Bayan Ko" na sinulat noong 1928 ng makatang Jose Corazon de Jesus. Naroon din at nagsalitâ si Iza Calsado, na isa sa makabagbag-damdaming nagtalumpati sa rali laban sa korapsyon noong Setyembre 21, 2025. Kinanta naman ni Ebe Dancel ang paborito kong "Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig". Naalala ko tuloy si misis. Kinanta rin ng magkapatid na Elmo at Arkin Magalona ang awitin ng kanilang amang si Francis M na "Kaleidoscope World".

8:54 pm na kumanta ang Morobeats. Una nilang kinanta ang klasikong "Yaman ng taas, galing lahat sa ibaba!" May kanta sila sa West Philippine Sea na ngayon lang nila pinerform. Sila lang hinintay kong kumanta dahil gabi na. Matapos nilang kumanta, umuwi na ako. Nakauwi ako ng 9:49 pm.

PEOPLE POWER LABAN SA MGA KORAP

sa ikaapat na dekada
ng Unang Pag-aalsang Edsa
nagpupugay ako sa masa
ng sambayanang nakiisa

noon upang mapatalsik na
si Macoy at ang diktadura
ang masa'y nabigyang pag-asa
wala mang nangakong talaga

ngunit tayo'y nasa panahong
masahol dahil sa korapsyon
panibagong pagkakataon
upang kumilos pa rin ngayon

upang baguhin ang lipunan!
trapo't dinastiya'y labanan!
bulok na sistema'y wakasan!
ikulong ang mga kawatan!

02.21.2026