Linggo, Marso 15, 2026

Pagdalo sa Meet and Greet with National Artist Kidlat Tahimik

‎PAGDALO SA MEET AND GREET WITH NATIONAL ARTIST KIDLAT TAHIMIK
‎Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
‎Nakadalo ako kaninang umaga sa Meet and Greet with KIDLAT Tahimik sa 2nd flr ng Metropolitan Theater (MET) at nagtungo rin sa kanyang exhibit sa ground flr ng MET. Binigyan ko siya ng tatlong aklat ko ng tulâ at salin, nagpa-autograph na rin sa kanya, at nag=selfie na rin sa kanya.

Dumating ako roon ng ikasampu ng umaga, at nag-umpisa na sila. Buti na lang at nakahabol ako. Tinalakay muna ng isang emcee ang kasaysayan ng MET. Kailan ito nagsimula? Sino ang mga iskultor? Ano ang mga batas hinggil sa MET? Kailan itinalagang pambansang tanghalan ang MET? Nang magtanong ang emcee kung may gustong magtanong, nagtaas ako ng kamay. Tanong ko ay ang tungkol sa dalawang iskultura o lilok sa magkabilang gilid ng hagdan sa bungad ng MET, at sinabi niyang sina Adan at Eba.

Matapos iyon ay nagtungo na kami sa ikalawang palapag ng MET, at doon ay nagtalakay si National Artist for Film Kidlat Tahimik hinggil sa kanyang ginagawang mga pangkasaysayang pelikula, tulad ng ipinalabas kaninang short film na pinamagatang "Memories of Overdevelopment: A Film on Progress" na hinggil kay Enrique de Malacca, isang katutubo. Para bang nais palabasin dito na hindi si Magellan ang unang nag-circumnavigate o nakaikot sa buong mundo dahil napatay siya ni Lapulapu kundi si Enrique mula sa Malacca.

Matapos ang may tatlumpung minutong palabas ay nagkaroon ng munting drama monologue si Kidlat Tahimik. Siya pala'y isang Buddhist kaya siya'y maikli ang buhok. Tinalakay rin niya ang ating katutubong konsepto ng kapwa. Lalo na ang kapwa psychology. Ibinilin niyang kung gagawa tayo ng pelikula ay hindi tayo dapat may agiw ng Hollywood sa ating kaisipan, kundi lingunin natin ang ating kasaysayan at ang ating mga kapatid na katutubo.

Nasa kalahating oras din iyon, at alas-onse ng umaga ay bumaba na kami at nagtungo sa exhibit ni Kidlat Tahimik. Malaking bulwagan iyon at puno ng kanyang mga ginawa, tulad ng lilok at pinta. Kinunan ng litrato ang ilang niyang gawa at pumila upang magpapirma kay Kidlat Tahimik at mag-selfie sa kanya.

Binigyan ko siya ng aking tatlong aklat, ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Maganda naman ang kanyang isinulat sa aking munting kwaderno: 

"Kay Bituin, 
Sana ang Indio Genius palagi nasa tula mo. 
Kidlat Tahimik."

Isang makabagbag damdaming sinulat ng ating National Artist hinggil sa aking pagtula. Ang payo niyang iyon ay tagos sa aking puso't isipan.
Alas-dose kinse na ako nakalabas doon at kumain sa turo-turo bago bumalik ng ala-una sa MET upang manood naman ng pelikulang Ekstra na pinagbidahan ni Vilma Santos.

KAY KIDLAT TAHIMIK

tulad ka ng kidlat na tatahi-tahimik
ngunit bituin kang sa sining natititik
ang mga likhang obra mo'y nakasasabik
kayâ sa balikat mo'y may mahinang tapik

isa kang inspirasyon sa maraming tao
sa tulad kong makatang dukha ma'y totoo
ang konsepto ng kapwa'y pinaliwanag mo
na ito'y umugit sa pagka-Pilipino

salamat sa payo mo sa aking pagtulâ
na ang Indio Genius ay lumitaw sa akdâ
susundin ko iyon sa pagtula't pagtudlâ
nang aking mga tula'y basahin ng madlâ

O, Kidlat Tahimik, sa iyo'y nagpupugay
ang naritong taguri'y makatâ ng lumbay
ang ipinayo mo'y isasapusong tunay
upang makata'y maging makatâ ng búhay

03.15.2026

Walang komento: