Huwebes, Marso 14, 2019

Kwento - Ang 105-Day Expanded Maternity Leave


ANG 105-DAY EXPANDED MATERNITY LEAVE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naikwento ni Isay na naisabatas na rin sa wakas ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law o Batas Republika Blg. 11210 na nilagdaan ng pangulo nitong Pebrero 20. Napag-usapan nila ito nina Ingrid, Ines, at Iska sa karinderya ni Aling Inday isang Sabado ng hapon.

“Alam n'yo ba,” sabi ni Isay, “mula animnapung araw ay sandaan at limang araw na ang maternity leave nating manggagawang kababaihan.”

“Totoo ba 'yan?” Tanong agad ni Ingrid.

“Eto, o, basahin n'yo sa dyaryo. Pirmado na ang Republic Act 12210 na nagpalaki ng araw ng maternity leave.”

“Aba, ayos iyan, ah. Apatnapu't limang araw ang nadagdag.” Sambit naman ni Iska.

“Ano pang laman niyan. Pabasa nga.” Si Ines.

“Ito, basahin mo nang malakas, ha? Para dinig namin.” Iniabot ni Isay kay Ines ang pahayagan.

“Sige, basahin ko ng malakas.” Ani Ines. “Sinasaklaw ng batas na ito ang mga babaeng manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor, kabilang ang mga nasa impormal na ekonomiya, at binibigyan sila ng karapatan sa 105 araw na maternity leave na babayaran batay sa 100 porsiyento ng kanilang arawang kita. Ang batas ay nagbibigay din ng karagdagang 15 araw na may bayad na bakasyon kung ang babaeng manggagawa ay kuwalipikado bilang solo parent sa ilalim ng Solo Parent Welfare Act of 2000, na may opsyong palawigin ng karagdagang 30 araw na walang bayad. Ayos pala ito sa tulad kong solo parent.""

“Ano pa?” Tanong ni Ingrid.

“Ito. Tinataasan ng batas ang benepisyo sa araw-araw na maternity leave mula sa unang 60 araw para sa normal na panganganak, o 72 araw para sa caesarian delivery, sa 105 araw, anuman ang uri ng panganganak. Pag nakunan naman, ang karapatan ay 60 araw ng bayad na maternity leave. Ang batas ay higit pang nagpapalawak ng maternity leave sa bawat pagkakataon ng pagbubuntis, anuman ang dalas, mula sa nakaraang limitasyon ng unang apat na panganganak o nakunan.”

Napasimangot si Inday sa pinag-uusapan at siya’y sumabat. “Ang batas palang iyan ay para sa lang sa mga sumasahod. Paano naman kaming mga maralitang hindi nakaempleyo kundi kumikita lang sa sariling kayod, tulad nitong karinderya ko. Wala naman kaming leave.”

“Iyan, Inday, ang hindi nakalagay dito,” ani Isay. “Baka may ibang batas talaga para sa maralita kaugnay nito. Iyan po ang saliksikin natin.”

“Sabagay, Inday” ani Iska, “pag nanganak naman ang tulad nating maralita, may maternity leave din tayo, hindi nga lang tulad nila, magli-leave sila sa pinapasukang trabaho nang may bayad kasi nga empleyado sila. ‘Yung atin naman bilang vendor o simpleng dumidiskarte, tulad nitong karinderya mo, anumang oras, maaari tayong mag-leave sa pagtitinda. Wala lang bayad tulad nila.” 

“At wala ring batas tulad niyan,” ani Isay.

“Teka, naiiba na ang usapan.” Ani Ingrid, “buntis ako, nais kong malaman paano ba ako makikinabang diyan sa aming kumpanya.”

“Meron dito,” ani Ines, “Eto. Basahin ko. Upang maging karapat-dapat sa nabanggit na mga benepisyo sa maternity leave, ang isang buntis na babaeng manggagawa sa pribadong sektor ay dapat na (i) magbayad ng hindi bababa sa 3 buwang kontribusyon sa loob ng 12 buwan bago ang  panganganak, o kung nakunan, o natapos na ang pagbubuntis; at (ii) abisuhan ang kanyang employer tungkol sa kanyang pagbubuntis at ang posibleng petsa ng kanyang panganganak. Ito pa ang malupit. Ang mga employer na hindi susunod sa mga probisyon ng batas ay magmumulta nang hindi bababa sa 20,000 piso o higit sa 200,000 piso at/o pagkakulong ng hindi bababa sa 6 na taon at 1 araw o higit sa 12 taon, gayundin ang hindi pag-renew ng mga business permit.”

Napabuntong-hininga si Ingrid sabay hipo sa tiyan. “Mabuti na rin iyan, kahit paano mula animnapung araw ay nadagdagan ng apatnapu’t limang araw. Kahit paano, mabuti upang makabalik ang katawan ko sa dati, at mas malusog. At makapagtrabaho muli”

“Ito pa,” ani Ines, “Iba pa ang solo parent sa may-asawa, kasi nakalagay dito, ang isang babaeng manggagawa na may karapatan sa maternity leave ay maaaring maglaan ng hanggang pitong araw ng bayad na bakasyon sa ama ng bata, bilang karagdagan sa mga benepisyong ipinagkaloob sa kanya sa ilalim ng Paternity Leave Act of 1996, kung naaangkop, kasal man siya o hindi sa babaeng manggagawa.”

“Aplikable pala iyan sa amin ng asawa ko,” Ani Ingrid, “di tulad mo na solo parent. May ibang batas pa para sa iyo.”

“Oo nga, eh. Buti nga, may Solo Parent Act na.” Ani Ines.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 1-15, 2019, pahina 14-15.

Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Kwento - Ang mga marginalized o sagigilid

ANG MGA MARGINALIZED O SAGIGILID
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasaliksik ni Ipe, na kasama ni Inggo sa samahang maralita, na may salitang sagigilid nang nabasa niyang muli ang kasaysayan ng ating bansa noong bago dumating ang mga Kastila. Mayroon palang dalawang uri ng alipin - ang aliping namamahay at ang aliping sagigilid.

“Alam mo, Inggo, may katumbas na pala noon pa ang salitang marginalized, tulad sa marginalized sector, sa ating sariling wika. Ito ang sagigilid. Mula sa margin o gilid, ang marginalized ay sagigilid.” Ani Ipe.

“Aba’y ganoon ba, Ipe,” ani Inggo, “ayos iyan upang magamit muli, lalo na’t nakikita nating tila nababoy na ang partylist system. Pinasok na ng mga hindi naman galing sa marginalized sector ang partylist system. Tulad ni Miko Arro na first nominee ng Guardia partylist ngunit hindi naman gwardya, kundi artista. May isa pang mayaman na first nominee ng party list ng Magbabalut. Aba’y talagang nawala na sa tunay na diwa ang party list system, na imbes mula sa hanay talaga ng mga mahihirap at maliliit  ay mula pa  sa mga trapong pulitiko.”

“Ibig sabhin niyan, Inggo” ani Ipe, “halos nawala na talaga ang esensya ng labindalawang saray o sektor ng sagigilid sa partylist. Buti na lang may partylist pa na kumakatawan sa mga magsasaka,  kabataan, manggagawa, kababaihan, at iba pang aping saray ng lipunan. Ang tanong na lang, maipapanalo ba sila?”

Malayo-layo roon si Igme habang nakaupo sa karinderya ni Aling Isay, subalit dinig niya ang pinag-uusapan. Maya-maya’y sumabat siya, “Iyung tinatawag n’yong sagigilid ay marginalized pala. Alam n’yo ba, na inaral ko rin iyan noon, kaya lang mga alipin sila. May tinatawag ngang aliping namamahay at aliping sagigilid.”

“Kung natatandaan mo,” ani Inggo, “pakipaliwanag muli.”

Kaya agad nagpaliwanag si Igme, “Ayon sa pagkakatanda ko, ang aliping namamahay ay yaong karaniwang taong nakatira sa kanilang sariling bahay, na maaaring magkaroon ng ari-arian ngunit hindi lupa, at may karapatang magpakasal at magpamana ng mga ari-arian sa kanilang mga anak. Kabaligtaran naman nito ang aliping sagigilid sapagkat sila ang pinakamababang uri ng aliping nakatira sa bahay ng amo, walang ari-arian o kalayaan, maaaring ipagbili, at hindi makakapag-asawa nang walang pahintulot, di gaya ng isang modernong alipin o kasambahay.”

“Salamat sa paliwanag mo,” ani Ipe, “Ganyan din naman ang mga modernong sagigilid. Walang ari-arian, kundi lakas-paggawa, na kanilang ibinebenta kapalit ng sahod. Sila ang nagbebenta ngunit ang bumibili pa ang nagtatakda ng presyo. Di ito gaya sa palengke na ang nagbebenta ang nagtatakda ng presyo, hindi ang bumibili.”

Nagpatuloy si Igme, “Kahit nga iyong salitang timawa, ngayon ay kawawa. Subalit noon, ang timawa ay yaong mga hindi alipin, kundi mga taong malaya. Ibig sabihin lang, umuunlad at nag-iiba-iba ang mga salita. Tulad ng margin sa papel, iyon ang gilid. Kaya ang marginalized na mula sa margin, iyon ang sagigilid na salitang mula sa gilid. Kaya nga, dapat na ating gamitin ang salitang sagigilid bilang katumbas ng marginalized, at hindi mardyinalisado, na parang itlog na malasado. Para rin iyang salitang iskwater na ngayon ay ginawang ISF o informal settler families.”

Sumagot si Inggo, “Maganda ang paliwanag mo. Subalit paano natin iyan maipapalaganap, lalo na’t pinag-uusapan natin iyang partylist system? Ang mungkahi ko, gamitin natin ang ating panulat. Maglabas tayo ng aklat ng mga sanaysay, puna, kwento at tula, na maaari nating pamagatang ‘Ang mga kasalukuyang sagigilid: Ang partylist system sa ating panahon.’ Ano sa palagay n’yo?”

“Ayos ka ring mag-isip, ah. Bagamat may katagalan iyan, aba’y atin nang simulan. Ang kakayahan ko’y magsulat ng polyeto, kaya isusulat ko na iyan.” Ani Ipe, “Ikaw naman, magaling kang tumula. Itula mo na. Si Igme naman ang pag-upak sa binaboy na partylist system, na maaari niyang isulat sa mga letter-to-the-editor. Subukan din nating sumulat sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) upang magamit din nila ang luma ngunit taal na salita natin sa marginalized.”

“Okay,” sabi ni Igme, “Sisimulan ko na ang ating paninindigan laban sa pagbaboy ng burgesya sa partylist at paggamit natin ng sagigilid bilang tiyak na salin ng marginalized. Gumagabi na. Maraming salamat.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 16-28, 2019, pahina 14-15.

Huwebes, Pebrero 14, 2019

Kwento - Apat na obligasyon ng bawat pamahalaan sa karapatan sa paninirahan


APAT NA OBLIGASYON NG BAWAT PAMAHALAAN SA KARAPATAN SA PANINIRAHAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano nga ba ang karapatan sa paninirahan? Isa ito sa mga isyung nakaharap ko nang maging staff ako ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) noong 2001. At ngayong nahalal na ako bilang sekretaryo heneral ng KPML nitong Setyembre 2018, mas lumaki ang responsabilidad ko upang ituro sa mga kapwa maralita kung ano nga ba ang karapatan sa paninirahan.

Napakahalaga para sa bawat tao o bawat pamilya na magkaroon ng sapat na paninirahan. Paninirahang hindi siya maiirita, kundi tahanang siya o sila'y masaya. Ngunit sa maralita, lalo na sa mga lugar ng iskwater, maraming demolisyon ang nagaganap; maraming maralita ang nawawalan ng tahanan. Ngunit kasalanan ba ng mga maralita na tumira sila sa barung-barong, gayong dahil sa kahirapan ay yaon lamang ang kanilang kaya? Katunayan, ilan sa mga labanang nasaksihan ko ay ang demolisyon sa Sitio Mendez, North Triangle at sa Brgy. Mariana, na pawang nasa Lungsod Quezon. Taon 2013, ayon sa pagkakatanda ko, nang mademolis sina Ka Sandy sa kanilang lugar sa Mariana. Subalit nalipat na sila sa kung saan may kapayapaan ang kanilang isip. Taon 1997 nang sina Ka Linda ng Sitio Mendez ay nademolis at muling nakabalik sa kanilang lugar matapos ang higit isang buwan sa Quezon City Hall matapos idemolis.

May mga ilan akong natutunan na nais kong ibahagi, di lang sa kanila o sa kapwa dukha, kundi sa malawak na mamamayan. Ayon sa aking mga pananaliksik, sa ilalim ng International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) ng United Nations, may APAT NA OBLIGASYON ang bawat gobyerno hinggil sa karapatan para sa sapat na pabahay:

1.To recognize - PAGKILALA - obligasyon ng Estado na kilalanin ang karapatan sa pabahay ng sinuman at tiyaking walang anumang batas o patakarang sasagka sa karapatang ito;

2. To respect - PAGGALANG - tungkulin ng Estado na igalang ang karapatan sa sapat na pabahay, kaya dapat nitong iwasan ang pagsasagawa o pananawagan ng sapilitang pagpapaalis o pagtanggal ng mga tao sa kanilang mga tinitirhan;

3. To protect - PAGPROTEKTA - tungkulin ng Estado na protektahan ang karapatan sa pabahay ng buong populasyon, kaya dapat nitong tiyakin na anumang posibleng paglabag sa mga karapatang ito na gagawin ng ikatlong partido (third party) tulad ng mga landlord at developer ay maiiwasan;

4. To fulfill - PAGGAMPAN - ang obligasyon ng Estado na magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ay positibo at may pakikialam, kaya pumapasok dito ang tungkulin ng Estado hinggil sa isyu ng pampublikong gastusin (public expenditure), regulasyon ng gobyerno sa ekonomya at pamilihan sa lupa (land market), mga probisyon sa pampublikong serbisyo at kaugnay na imprastruktura, paggamit ng lahat ng available resources, at iba pang positibong obligasyong lilitaw para positibong magampanan ang tungkulin sa karapatan sa pabahay ng lahat.

Kailangang kabisado natin ang mga ito lalo na sa pagtalakay nito sa mga taga-gobyerno at sa mga samahang maralita. Lalo na’t marami sa maralitang dinemolis at dinala sa relokasyon ang hindi naman talaga nabibigyan ng sapat na pabahay, ayon sa negosasyon sa kanila bago sila idemolis, bagamat marami talaga sa kanila ang sapilitang tinanggalan ng bahay. Bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay. Ang matindi pa ay ang pagiging negosyo ng pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita. Madalas batay sa market value ang presyo ng pabahay, habang hindi pinag-uusapan ang capacity to pay ng maralita.

Sinabihan nga ako ni Ka Pedring, “Ipalaganap natin ang karapatan sa paninirahan at ipamahagi natin ito sa mga erya ng KPML at sa labas ng ating pinamumunuan. Hindi man naipapabatid sa atin ng pamahalaan ang ating mga karapatan sa paninirahan, tayo ang magbabahagi nito sa pamahalaan at sa ating kapwa maralita.”

Sumang-ayon naman kami sa National Executive Committee (NEC) na mahalagang maipalaganap ang karapatan sa paninirahan. Ah, dadagdagan ko pa ang pananaliksik hinggil dito lalo na’t marami palang pandagdigang kasunduan hinggil sa ating karapatan sa pabahay.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Pebrero 1-15, 2019, pahina 14-15.

Miyerkules, Enero 30, 2019

Kwento - Mandaragat ng Navotas, itinapos sa bundok ng Towerville, walang dagat upang maghanapbuhay doon


MANDARAGAT NG NAVOTAS, ITINAPON SA BUNDOK NG TOWERVILLE, WALANG DAGAT UPANG MAGHANAPBUHAY DOON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang ilang mga mangingisda sa Navotas na nailipat na sa relokasyon sa bundok ng Towerville sa San Francisco Del Monte sa Bulacan, nang minsang mapadalaw si Igor doon dahil sa ilang gawain sa samahan niyang pinaglilingkuran. Nagkita sila nina Inggo, Isko, at Igme.

Bungad ni Inggo, “Alam mo, Igor, kami nina Igme, at ng asawa kong si Isay, hindi na halos kumakain, at sumasala na sa oras pati ang aming mga anak. Hindi kagaya noong nasa Navotas pa kami, kahit paano’y nakakakain kami ng tatlong beses kada araw, lalo na pag may huli, kahit barungbarong lang tirahan namin. Dito sa relokasyon, walang dagat. Wala rito ang kabuhayan. Gutom ang inaabot namin dito. Binigyan ka nga ng bahay ngunit hindi naman makakain. Nagbago ang lahat, Igor.”

“Kung hindi po maganda ang kalagayan ninyo dito sa relokasyon, ano pong balak ninyong gawin?” Tanong ni Igor.

Mabilis namang sumagot si Isko, “Nais naming bumalik sa Navotas at doon ay makipagsapalaran muli. Mangingisda muli kami roon, kasama ng aming pamilya, kaysa mamatay kami sa gutom dito.”

“Di po ba, may sinasabi sa UDHA (Urban Development and Housing Act) na bibigyan daw kayo rito ng kabuhayan sa relokasyon upang kayo’y makapagsimula muli.” Usisa ni Rigor, at sumagot si Igme.

“Mukhang hindi naman totoo iyon. Dahil hanggang ngayon, ilang buwan na kami rito, ay wala namang pangkabuhayan. Maliban sa P18,000 na pabaon paglipat dito na halos paubos na. Aba’y kami pa ang nag-finishing ng bahay na bigay dahil manipis ang pader, na may lamat na. Ang totoo lang dito, dinala kami rito at bahala na kami. Dumating kaming walang kuryente at tubig. Nag-iigib pa kami sa ilog sa ibaba, na ginawa na ring labahan.” Mahabang sabi ni Igme. “Kaysa magutom ang pamilya namin, mangingisda uli kami sa Navotas. Kahit paano, may makukuha pang tahong doon, na  maaaring ibenta at kumita kahit papaano.”

"Kailan po ninyo balak bumalik ng Navotas?” Muli, si Igor.

Napabuntunghininga si Inggo, “Maganda na nga may sarili kaming bahay. Subalit gutom naman ang inaabot namin dito. Sa Sabado ay luluwas kami pabalik sa Navotas at muling makapangisda roon. O kaya’y manguha ng tahong. Baka may mga kaibigan pa tayong makakatulong sa amin. Alam mo naman, Igor, mahirap namang manghingi, dahil walang-wala rin sila. Makikitrabaho lang.”

“Nauunawaan ko po kayo, Mang Inggo. Kumusta po pala ang mga anak ninyo?” Usisa ni Igor.

Si Inggo uli, “Isa pa iyan. Simula nang mapunta kami dito, di na sila nakapag-aral. Grade 6 na sana si Dayunyor ko. Iyan din, nais ko silang makatapos kahit elementarya. Igapang sila sa pangingisda ko sa Navotas. Kahit nga tuyong dilis o tuyong hawot ay nag-uulam din sila. Paborito nila ang tahong.”

Maya-maya, dumating na si isay, kasama ang hipag na si Ines, na asawa ni Igme. Galing sila sa pangunguha ng talbos ng kamote na nadatnan na nilang tanim sa relokasyon. 

“Nandiyan ka pala, Igor? Buti, nadalaw ka.” Ani Isay.

“Oo nga po. Nangungumusta lang po.” Sagot naman ni Igor.

“Mahirap ang buhay dito sa relokasyon.” Nakatungong sabi ni Aling Isay. “May bahay nga, subalit kung hindi ka magtitiyagang magtanim-tanim ay baka mamatay kami sa gutom dito. Di tulad sa Navotas, nakaka-ekstra pa ako sa pagbebenta ng tahong na pinanguha nitong si Inggo at mga kasamahan niya.”

Sumabat si Ines, “Balak na nga naming bumalik sa Navotas, hindi gaya rito, baka magkasakit na nga kami rito. Iyong iba nga naming kasabayang pumunta rito, umalis na. Binenta ang bahay nila upang may maipandagdag sa pagkain nila. Para kasi kaming dagang itinaboy sa malayo at bahala na kami rito. Kaya nagbabalak din kaming bumalik sa pangingisda sa Navotas upang kahit paano ay may makakain kami. Teka, ilaga ko lang muna itong talbos ng kamote, at sabay na tayong kumain. Marami pa tayong pagkukwentuhan,”

Napatanga na lang si Igor at napatango. Naisip niyang bakit ganito ang nangyari? Nasaan ang pangako ng pamahalaan, na sa relokasyon, dapat ay may serbisyong panlipunan, tulad ng tubig at kuryente. At higit sa lahat, may pangkabuhayan sa mga nadala rito upang hindi sila magutom at makapamuhay ng maayos. Nasaan na ang mga iyon?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 16-31, 2019, pahina 18-19.