Huwebes, Mayo 12, 2022

Salin ng My Desiderata ni Ka Sonny Melencio

Ang Aking Ninanais (My Desiderata)
[Pasintabi kay Max Ehrmann (1872-1945)]
ni Ka Sonny Melencio

Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

* Desiderata - wikang latin sa "desired things"

Mapoot ka sa kabila ng ingay at pagmamadali, at tandaan anong kapayapaan mayroon sa pagtutol.

Hangga’t kakayanin, huwag susuko, makitungo ng maayos sa lahat ng inaapi.

Sabihin mo ng malakas at malinaw ang iyong katotohanan; at makinig sa masa, maging sa api at walang alam; sila’y may kanya-kanyang pakikibaka at kwento.

Iwasan ang maingay at agresibong trapo; nakakainis sila sa lahat. Kung ihahambing mo ang iyong sarili sa iba, ito’y upang matagpuan lamang ang pakikiisa sa kanila, dahil palaging may mas dakila’t mahusay na taong mababahaginan mo n mga pangarap at layunin.

Masiyahan sa iyong mga nakamit pati na rin sa iyong mga balakin. Panatilihing interesado sa kalagayan ng iba, gaano man kabigat at mahirap; tunay itong mapanghahawakan sa nagbabagong kapalaran ng panahon.

Mag-ingat sa iyong mga pampulitikang gawain, lalo’t puno ng panlilinlang at pandarambong sa daigdig. Ngunit hayaan itong nakahiwalay sa iyo sa kung anong makasariling katangian mayroon ito; nagsusumikap ang maraming tao para sa matataas na mithiin at prinsipyo, at saanpaman, ang buhay ay punong-puno ng pakikibaka at kabayanihan.

Maging tao ka sa iyong kapwa. Lalo na’t huwag magkunwang gumigiliw. Ni maging mapang-uyam sa pakikibaka; sapagka't sa harap ng lahat ng kapighatian at kawalang-kasiyahan, magiging kapara ng damo ang tagumpay.

Tanggapin mong mabuti ang payo ng mga mandirigma sa harap mo, isuko ang lahat ng walang kabuluhang bagay ng kabataan. Pangalagaan ang lakas ng iyong diwa upang malabanan ang anumang daratal na kasawian.

Datapwat huwag pahirapan ang iyong sarili sa madilim na akala. Maraming takot ang nagmula sa pagkapagod at pagkamakasarili.

Higit pa sa matinding disiplina, maging magalang sa iyong sarili at sa kapwa. Kayong lahat ay mga anak ng sansinukob, kung ihahambing sa mga puno at mga bituin; lahat kayo’y may karapatang maging naririto. Malinaw man ito sa iyo o hindi, ang lahat ng sangkatauhan at ang buong sansinukob ay dumaratal sa harap mo.

Kaya makiisa sa sambayanan, saan man sila matagpuan. At anuman ang iyong mga pinaghirapan at adhikain, sa mabigat na kaguluhan ng buhay, hanapin ang kapayapaan sa pakikibaka.

Linisin ito sa lahat ng kasamaan, pang-aapi, at karahasan, upang ito‘y maging magandang daigdig. Tumutol, makibaka, at maging masaya.

Mayo 2022
.
.
.
MY DESIDERATA
(Apology to Max Ehrmann)
by Ka Sonny Melencio

Go rage amid the noise and the haste, and remember what peace there is in resisting.

As far as possible, do not surrender, be on good terms with all the oppressed people.

Speak your truth loudly and clearly; and listen to the masses, even to the downtrodden and the ignorant; they all have their struggle and story.

Avoid loud and aggressive trapos; they are vexatious to everyone. If you compare yourself with others, it is only to find solidarity with them, for always there will be greater and better persons to share your dreams and goals.

Enjoy your achievements as well as your plans. Keep interested in others’ situation, however ardous and difficult; it is a real possession in the changing fortunes of time.

Exercise caution in your political affairs, for the world is full of trickery and thievery. But let this not bind you to what selfish virtue there is; many persons strive for high ideals and principles, and everywhere, life is full of struggle and heroism.

Be a human being for others. Especially do not feign affection. Neither be cynical about the struggle; for in the face of all adversity and disenchantment, victory will be as perennial as the grass.

Take kindly the counsel of fighters before you, surrender all trivial things of youth. Nurture your strength of spirit to combat sudden misfortune.

But do not distress yourself with dark imaginings. Many fears are born of fatigue and selfishness. 

Beyond a strong discipline, be gentle with yourself and with others. You are all children of the universe, no less than the trees and the stars; you all have a right to be here. And whether or not it is clear to you, all humanity and the entire universe are unfolding before you.

Therefore be in solidarity with the masses, wherever you face them to be. And whatever your labors and aspirations, in the grueling turmoil of life, find peace in the struggle. 

Cleanse it of all evil, oppression, and violence, so it will be a beautiful world. Resist, struggle, and be happy.

May 2022

Sabado, Abril 9, 2022

Kwento: Labanan ang mga trapo't dinastiya



LABANAN ANG MGA TRAPO’T DINASTIYA
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Kampanyahan na naman para sa pambansang halalan, at mamimili muli ang mga tao kung sino sa mga trapo ang muling magsasamantala sa kanila. Ganyan naman palagi, tuwing eleksyon. Walang mapagpilian ang mga tao kundi iyon at iyon ding apelyido. Pulos mga nagpayaman sa pwesto. Pulos mayayaman, pulos pabor lagi sa kapitalista, pulos suportado ng mga bilyonaryo. Paano na ang mga maralita?

Ang mga mayayamang pulitiko, naaalala lang ang mga maralita pag malapit na ang halalan. Kabilang kasi ang mga maralita sa mga botante kaya nga sinasabing sikat ang mayoryang maralita pag eleksyon dahil lagi silang nililigawan ng mga pulitiko.

Babayaran lang ng limang daang piso bago magbotohan kapalit ng tatlong taon sa lokal at anim na taon sa pambansa. Malaking bagay nga naman sa maralita ang limang daang piso dahil may pambili na sila ng bigas, may maisasaing, may pantawid gutom ang pamilya kahit sa isang araw lang. Oo, kapalit ng isang araw na kaligayahan ay anim na taon namang dusa. Dahil sa panahon lang naman ng eleksyon sila kilala ng kani-kanilang ibinoto. Walang pakialam ang mayayamang trapo sa kanila maliban sa bilang, maliban sa sila’y numero sa bilangan ng balota.

Sabi nga ni Mang Igme, “Botohan na naman! Iboto naman ninyo ang manok ko. Malaki maitutulong nito sa atin balang araw.”

Sabi naman ni Aling Tess, “Itong manok ko ang iboto ninyo, huwag iyan. Mas magaling ito, at madaling malapitan kung kailangan. Subok ko na ito. Sa kanya nga nanggaling ang endorsement para makapunta kami at magamot sa ospital. Siya na iboto natin. Tiyak na may kasangga tayo.”

Ayon naman sa binatang si Ignacio, “Totoo po ba ang Tallano gold? Mababayaran nga ba ang utang ng Pilipinas pag siya ang ibinoto ko?”

“Huwag kang maniwala riyan, hane,” sabad ni Aling Tikya, “pawang peknyus ang mga iyan upang mauto tayo na iboto siya.”

“E, sino po ang dapat iboto? Pare-pareho lang naman sila, di ba? Mga pulitikong magnanakaw sa kaban ng bayan? Anong mapapala natin sa mga iyan? Matagal nang namamayagpag apelyido nila sa pwesto. Pulos pamilyang dinastiya na ang namumuno sa atin. Guminhawa ba ang bayan? Hindi ba’t ganito pa rin tayo, isang kahig, isang tuka. Kaya bakit natin iaasa sa kanila ang ating kinabukasan. Dapat wala nang mga trapo at mga dinastiyang iyan na pinagsasamantalahan lang ang maliliit na gaya natin. Kaya kung may iboboto tayo, dapat iyong mga kauri natin, yung mga nakakaunawa sa atin, sa kalagayan natin, at nakaranas din ng anumang naranasan natin. Kaisa natin sa isip, puso, at bituka. ‘Yung kauri natin. Basta huwag na mga trapo’t dinastiya.” Mahaba ang litanya ni Mang Pilo na ikinatuwa naman ng ilang mga nakausap.

“E, sino nga ba? Kung kauri ba natin, mahirap din ang kandidato. Kauri natin, eh. Kung meron talaga, aba, subukan natin. Magbakasakali tayo? Sino po kaya? Mayroon kayang babangga sa pader?” Banat naman ng binatang si Ignacio.

“Bakit hindi natin subukan ang tumatakbong lider-manggagawa sa pagkapangulo, si Ka Leody De Guzman. Siya ang chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), isa sa pinakamalaking organisasyon ng mga manggagawa sa bansa. Subukan din nating ipanalo sa pagka-Senador si Atty. Luke Espiritu, na presidente naman ng BMP. Si Ka Walden Bello, na pangulo ng Laban ng Masa (LnM), sa pagka-Bise Presidente ng bansa. Matatagal na silang nakikibaka sa lansangan para sa pangarap nating lipunang makatao, at daigdig na masagana, at walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Sila ang mga kauri nating bumabangga sa pader ng mga trapo. Idagdag pa natin sina Roy Cabonegro at David D’Angelo sa Senado,” maagap na sagot ni Mang Pilo.

“Sige po, subukan po natin sila. Sana po, Mang Pilo, makausap din natin sila, kasi itatanong ko kung anong magagawa nila sa mga kontraktwal na manggagawa, tulad ko,” sabat naman ni Arnulfo.

“Aba, isa sa plataporma nina Ka Leody ang pagwawakas sa salot na kontraktwalisasyon. Sabi nga ni Atty. Luke sa debate sa telebisyon na tiyak na napanood ng mga kapitalista, “Manpower agencies are parasites. They should be abolished.” Mga linta raw na sumisipsip sa pawis at dugo ng mga manggagawa iyang manpower agencies, na wala namang ambag sa produksyon. Ang mga ganyang programa ang nais natin, para sa masa, at para sa mga kauri natin. Matagal na tayong pinaglalaruan ng bulok na sistemang ito, na tawag nila ay neoliberal. Kawawa tayo pag mga trapo’t dinastiya na naman ang mga mamumuno sa atin.” Sabi pa ni Mang Pilo.

“Baka pwede, mag-iskedyul tayo ng pulong bayan sa ating lugar na sila ang imbitado. At ito na ang gagawin natin. Abangan lang natin kung kailan natin sila maiiskedyul, mga kasama.” Pagtatapos ni Mang Pilo.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2022, pahina 16-17.

Martes, Marso 29, 2022

Kwento - Rali para sa P750 minimum wage

RALI PARA SA P750 MINIMUM WAGE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa sumali sa rali ng mga manggagawa upang madagdagan ang sahod ng bawat manggagawa bawat araw, hindi lamang dito sa Pambansang Punong Rehiyon o NCR, kundi sa buong bansa. Sa ngayon kasi, iba-iba ang sahod ng manggagawa sa rehiyon. Kausap ko ang isang kasama at ipinaliwanag niya sa mga nagraraling tulad ko bakit nga ba pitumpu't limang daang piso ang dapat maging sahod ng manggagawa. Minimum wage pa lang daw iyon, hindi pa iyon living wage o nakabubuhay na sahod? Ha? Sabi ko. Magkaiba pa pala iyon...

Sabi ng kasama, "Minimum na sweldong P750 sa buong bansa para sa ating kapwa obrero! Di gaya ngayon, umiiral pa ang Regional Wage Board kaya iba ang sahod ng manggagawa sa probinsya. Sa N.C.R. nga, P537 na, habang P300 lang doon sa Cordillera. P420 sa Gitnang Luzon at P400 naman sa CALABARZON. Sa MIMAROPA, P320. Sa Bicol, P310!"

Patuloy niya: "Mas mataas sa BARMM kaysa Bicol ng kinse pesos. Parang Eastern Visayas, three hundred twenty five pesos. Sa Western Visayas ay three hundred ninety five pesos. Sa rehiyon ng Davao, three hundred ninety six pesos. Gayong halos pare-pareho ang presyo ng bigas sa lahat ng rehiyon, kahit presyo ng sardinas. Bakit sweldo'y magkaiba pa, dapat iparehas. Ganito ang nais natin, isang lipunang patas."

Napaisip ako, "Ibig sabihin, dapat buwagin ang Regional Wage Board." At sagot ng kasama, "Kung iyan ang nararapat, dahil matagal nang instrumento iyan ng kapitalista upang pagsamantahan ang mga manggagawa. At mula sa rali, kami'y umuwing dala ang adhikaing ipanalo ang P750 minimum wage across the board. 

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Marso 16-31, 2022, pahina 16.

Linggo, Marso 27, 2022

Libingan at kapak

LIBINGAN AT KAPAK

Talinghaga nina Gat Emilio Jacinto at Huseng Batute animo'y pinagtiyap. Ayon sa bayaning Jacinto sa ikatlong paksa ng kanyang akdang Liwanag at Dilim:

"Tayo'y huwag mainaman sa balat pagkat di kinakain at karaniwang magkalaman ng masaklap. Ang mga libingang marmol ay maputi't makintab sa labas; sa loob, uod at kabulukan."

Ayon naman sa makatang Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute, sa ikalawang saknong ng kanyang tulang pinamagatang "Pagtatanghal" sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 82:

"Ano ang halaga ng ganda ng malas,
di gaya ng tago sa pagkakatanyag,
huwag mong tularan yaong isdang kapak, 
makisap ang labas, sa loob ay burak."

Anong tindi ng pagkakawangki ng kanilang talinghaga, kaya ako'y napaisip, at sa tuwa'y napagawa ng tula:

dalawa kong iniidolo
talinghaga'y halos pareho
bayaning Emilio Jacinto
at makatang Batute ito

sa labas, bagay na maganda
ay hinahangaan tuwina
ngunit huwag tayong padala
pagkat loob ay bulok pala

anong tindi ng pagmamasid
pagsusuri'y kanilang batid
pamanang sa atin ay hatid
upang sa dilim di mabulid

mga gintong palaisipan
para sa ating kababayan
nagmula sa kaibuturan
ng kanilang puso't isipan

taospusong pasasalamat
sa nabanggit na mga aklat
na kung iyong mabubulatlat
may gintong diwang masasalat

- gregoriovbituinjr.
03.27.2022