Biyernes, Agosto 12, 2022

Kwento: Gawing anim na oras kada araw ang trabaho


GAWING ANIM NA ORAS KADA ARAW ANG TRABAHO
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nagkita-kita sa nakatakdang pagpupulong ng kanilang samahan ang ilang lider-maralita. Tinalakay nila ang mga isyu ng kanilang sektor na dapat iparinig sa pamahalaan. Nariyan ang usapin ng pabahay na lagi nilang isinisigaw sa kalsada. Para raw iyon sa mga maralitang walang sariling tahanan. Nakikitira lang kundi man nananahan sa mga danger zones o mga mapanganib na pook tulad ng tabing riles, tabi ng ilog, malapit sa bangin, tambakan ng basura, sa bangketa, o sa gilid ng kalsada. 

Subalit natanong din nila sa isa’t isa bakit naman doon nakatira ang mga maralita - sa mga mapanganib na pook. Saan naman daw titira ang mga maralita? Sa mga paupahang bahay bang disente nga subalit kulang pa sa pagkain ng pamilya ang kinikita ng padre de pamilya? Wala rin silang regular na trabaho kundi dumidiskarte na lamang. Kung magkatrabaho naman, nabibiktima pa sila ng mga ilegal na rekruter, at ng salot at mapagsamantalang iskemang kontraktwalisasyon. Ang iba naman ay nangangamuhan, nagiging katulong sa mga bahay ng mga maykayang pamilya. Ang iba’y nag-aabang ng mga pagpag sa disoras ng gabi upang may maipakain sa pamilya. Ang iba’y nagtitinda ng mga kakanin, o kaya’y tuhog-tuhog na inilalako nila sa kalsada. Maswerte nang kumita ng kahit dalawang daang piso sa maghapon, pwera pa ang puhunan.

“Anong dapat nating gawin? Wala naman tayong maayos na hanapbuhay. Gasgas na sa pandinig ng pamahalaan ang laging isinisigaw nating abotkayang pabahay. Anong mga isyu ang dapat nating ikampanya upang hindi mabansagang hingi lang ng hingi tayong mga maralita?” ang tanong ng lider na si Ka Tuning.

Walang imikan. Mga ilang sandali pa ay nagsalita na si Pareng Dune. “Ang maganda yata, humingi tayo ng trabaho dahil wala tayong mga trabaho. Saka na natin hingin kung regular na trabaho iyon. Kung kontraktwal, may bago tayong isyung isisigaw – gawing regular ang mga manggagawang kontraktwal.”

“Tama. Subalit paano kung sabihin nilang walang bakante para sa atin. Pag-isipan natin ang mga isasagot, mga kasama. Maganda nang alam natin kung ano ang itutugon natin,” ani Kuya Berting.

“Mas magandang imungkahi natin sa pamahalaan na gawing anim na oras lang ang trabaho ng manggagawa, at ang natitirang dalawang oras ay ibigay sa maralita. Ganito iyon. Sa dalawampu’t apat na oras na trabaho ng manggagawa bawat araw sa pabrika, tatlong manggagawang tigwawalong oras ang salitan sa trabaho. May first shift, second shift at third shift sila. Kung gagawing anim na oras ang trabaho sa isang araw, aba’y apat na manggagawa na ang magtatrabaho. Madadagdag ang fourth shift. Ibig sabihin, may nadagdag na manggagawa." mahabang paliwanag ni Mang Tano. 

“Oo nga, ano?” ang sabi ng iba pang mga kasama.

Dagdag pa ni Mang Tano, “Sa ibang bansa nga, anim na oras na ang pagtatrabaho. Ipinaglaban talaga iyon ng mga manggagawa. Kahit ang walong oras na paggawa ay kinamatayan pa ng ilang manggagawa sa Haymarket Square sa Amerika nang magrali sila roon noong Mayo Uno ng 1886, at nakuha nila ang patakarang walong oras na paggawa mula sa labing-anim na oras na paggawa. Makasaysayan ang pakikibakang iyon!” 

“Sang-ayon ako sa panawagang iyan. Subalit tanggalin din ang age limit, upang kahit may edad na ay magkatrabaho,” ani Ka Tuning.

Nagtanong si Pareng Dune, “Paano natin uumpisahan. Mungkahi ko, dahil trabaho para sa mga maralitang walang trabaho ang kahilingan natin, magsagawa tayo ng pagkilos sa harap ng tanggapan ng Kagawaran ng Paggawa. Iyon bang DOLE. Ang alam ko, Employment ‘yung E. Sila yata ‘yung takbuhan ng mga nag-eempleyo para magkatrabaho.”

“Tama ka, Pareng Dune. Ano mga kasama, planuhin na natin at ikasa natin ang kampanyang ito. Sugurin natin ang DOLE at manawagan tayo ng trabaho para sa maralita. Kuha na ng manila paper at isulat na natin ang plano. Kailan natin ito gagawin?” Ani Ka Tuning.

Nagkaisa ang mga maralita at lumakas ang kanilang pag-asa na sila’y pakikinggan ng pamahalaan sa kanilang kahilingan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 1-15, 2022, pahina 18-19.

Biyernes, Agosto 5, 2022

Mga dapat pang saliksiking akda ni Jacinto



MGA DAPAT PANG SALIKSIKING AKDA NI JACINTO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa marker ng Bantayog ni Gat Emilio Jacinto sa Magdalena, Laguna ay ganito ang nasusulat:

EMILIO JACINTO
1875 - 1899

   REBOLUSYONARYO AT BAYANI. ISINILANG SA TONDO, MAYNILA, 15 DISYEMBRE 1875. NAG-ARAL SA KOLEHIYO NG SAN JUAN DE LETRAN AT UNIBERSIDAD NG STO. TOMAS. UMANIB SA KATIPUNAN NA MAY PANGALANG PANDIGMA NA PINGKIAN AT NAGING KALIHIM NG SAMAHAN, 1894. SUMULAT NG "KARTILYA," "KATIPUNAN NANG MGA A.N.B. - SA MAY NASANG MAKISANIB SA KATIPUNANG ITO." ISA SA MGA NAGTATAG NG "KALAYAAN," ANG PAHAYAGAN NG KATIPUNAN, 1896. KASAMANG SUMALAKAY SA SAN JUAN DEL MONTE UPANG KUBKUBIN ANG EL POLVORIN  BILANG PAGSISIMULA NG MALAWAKANG PAGHIHIMAGSIK LABAN SA MGA ESPANYOL, 30 AGOSTO 1896. HINIRANG NI BONIFACIO BILANG PUNONG HUKBO SA HILAGA. PINAMUNUAN ANG LABANAN SA MAIMPIS, MAGDALENA, LAGUNA KUNG SAAN MALUBHA SIYANG NASUGATAN, 27 PEBRERO 1898. MAY AKDA NG "GISING NA, MGA TAGALOG," (1895); "SA BAYANG TINUBUAN" (1896); "A LA PATRIA" (1897); "LIWANAG AT DILIM" AT IBA PA. YUMAO SA STA. CRUZ, LAGUNA, 16 ABRIL 1899.

Nabanggit sa nasabing marker ang mga akdang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan," "A La Patria", "Liwanag at Dilim", at iba pa. Mayroon na akong kopya ng "A La Patria" na tula niya sa Espanyol na isinalin ko sa wikang Filipino noong 2012, at ang "Liwanag at Dilim". Subalit wala pa ako ng kanyang mga akdang "Gising na, mga Tagalog" at "Sa Bayang Tinubuan" na nais kong masaliksik at balang araw ay maisama sa mga saliksik para sa parating na ika-150 kaarawan ni Jacinto sa 2025.

Sa pahina 24 naman ng aklat na "Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto" na tinipon ni Jose P. Santos, anak ni Epifanio delos Santos, ay ito ang nakasulat:

"Sa mga tula niya sa kastila ay walang napahayag kundi ang A La Patria, na gaya ng binanggit ko na sa unang kabanata nito ay itinuturing ng lalong matatalinong manunuri natin na hindi alangan iagapay sa Huling Paalam ni Dr. Rizal. May tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila, isa na riyan ang handog sa kanyang ina at pinamagatang "A Mi Madre."

Bukod sa A la Patria ay may "tatlo o apat na mahuhusay na tula pa siyang sinulat sa wikang kastila" na dapat pang masaliksik, at maisalin din sa wikang Filipino.

Inilathala ng Aklatang Obrero Publishing Collective ang ilan kong saliksik hinggil sa akda ni Jacinto noong 2008 sa tulong ng KAMALAYSAYAN. At muli itong inilathala noong Oktubre 2015, ilang araw bago ako pumalaot sa ibang bansa tungo sa isa na namang Climate Walk (Nobyembre 7, 2015 nang umalis sa bansa patungong Pransya). Dumating ako rito eksaktong araw ng ika-140 kaarawan ni Jacinto, Disyembre 15, 2015.

Ito ang nilalaman ng unang talata ng Paunang Salita na may petsang Oktubre 17, 2015 na sinulat ko para sa ikalawang paglathala ng nasabing aklat:

"Ngayong 2015, dalawang pangyayari ang isinaalang-alang ng inyong lingkod upang muling ilathala ang aklat na ito. Una, namayapa na ang manunulat at gurong si Ginoong Ed Aurelio C. Reyes (Mayo 10, 1953 – Hunyo 30, 2015), na siyang nagyaya akin sa gawaing kasaysayan. Siya ang pasimuno't isa sa tagapagtatag ng KAMALAYSAYAN (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan bilang paghahanda sa Sentenaryo 1896, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Unang nailimbag ang aklat na ito noong Disyembre 2008 sa tulong ni Ginoong Reyes. Ang muling paglathala nito'y bilang pag-alala sa kanya. Ikalawa, nalalapit na ang ika-140 kaarawan ni Gat Emilio Jacinto (Disyembre 15, 1875 - Abril 16, 1899). Ang aklat na ito'y bilang pagpupugay sa kanyang kadakilaan, ambag sa himagsikan at panitikan, at ang mga naiwan niyang aral ay magandang pundasyon sa pagpapakatao't pagtatatag ng bansa."

Bilang paghahanda naman sa ika-150 kaarawan ng bayaning Jacinto sa Disyembre 15, 2025, marami pang akda ni Jacinto ang dapat kong masaliksik mula sa mga nabanggit ko sa itaas. Ito'y ang "Gising na, mga Tagalog," "Sa Bayang Tinubuan", ang nasa wikang Espanyol na "A Mi Madre" at ang "tatlo o apat pang tula sa wikang kastila" na nais ko ring isalin sa wikang Filipino. Mga akdang marapat masaliksik at maipabasa sa mga susunod na salinlahi. Mga akda niyang hindi ko pa nakikita upang mabasa, maisalin sa sariling wika, at mailathala.

Biyernes, Hulyo 29, 2022

Kwento: Agam-agam sa nakaambang historical distortion


AGAM-AGAM SA NAKAAMBANG HISTORICAL DISTORTION
Maiking kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakikinig ako sa usapan at pala-palagay ng marami hinggil sa nakaambang pagbabago sa kasaysayan. Ibig sabihin, pagbibigay ng bagong hugis sa kasaysayan upang pabanguhin ang mabantot na imahe ng namayapang diktador sa mata ng taumbayan, lalo na sa mga GenZ (edad 15-24) at mga talubata (edad 25-35) o yaong tinatawag na millennial (edad 25-39).

Sabi ng isang kakilala, “Hindi na naniniwala ang mga kabataan ngayon sa kung ano ang tunay na nangyari noong martial law. Mas pinaniniwalaan na ng mga kabataan ang history bilang tsismis tulad ng pananaw ng isang Ella Cruz na nag-viral sa socmed.”

Tugon ko naman, “Oo nga, eh.“ At napailing na lang ako.

Sabi pa ng isa, “Iyan na nga ba ang napala natin sa pagtanggap ng mga namuno sa atin sa neoliberalismo. Yaon bang matapos ang Unang Pag-aalsang Edsa, niyakap na ng ating pamahalaan ang globalisasyon. Pumasok tayo sa World Trade Organization (WTO), na siyang pagpalaot natin sa tatlong panganib ng deregulasyon, liberalisasyon at pribatisasyon. Aba’y wala na ngang kontrol ang pamahalaan sa presyo ng pandaigdigang petrolyo, dahil diyan sa Oil Deregulation Law. Dapat nang ibasura ang batas na iyan!”

“Oo nga,” sabi naman ng isang lider ng unyon, “Hindi makontrol ang presyo ng langis subalit kinokontrol ng pamahalaan ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa dahil naman sa pag-iral ng mga Regional Wage Boards, kaya iba-iba ang pasahod sa bawat rehiyon. Kaya rin hindi maregular ang mga manggagawa ay dahil sa mga parasite na manpower agencies na dapat lang buwagin.”

Ika naman ng isa pa, “Wala namang ipinangako ang Edsa sa taumbayan, maliban sa mapatalsik lang ang pamilya ng diktador. Bakit? May nangako bang giginhawa ang buhay natin pag pinatalsik na ang diktador. Hindi ba, wala? Ispontanyong pagkilos iyon ng taumbayan na nagkaisa upang tapusin na ang kanilang pagdurusa sa ilalim ng martial law. Subalit walang nangako ng langit.”

Patuloy lang akong nakikinig sa kanilang usapan. Hanggang mabanggit ko kung ano ba ang dapat nating gawin sa napipintong pagbabago ng ating kasaysayan. Historical revisionism man ito o historical distortion. Natigilan kami ng ilang sandali. Paano nga ba sasagutin ang ganitong tanong, lalo na’t nauukol sa kasaysayan?

Maya-maya ay nagsalita ang isang may katandaan nang lalaki, na noong kabataan niya’y nakasama sa Unang Sigwa. Anya, “Hindi natin dapat payagang basta na lamang baguhin ang mga nakaraang pangyayari, at ituring itong gintong panahon, gayong kayraming mga iwinala, tinortyur, ikinulong at pinaslang noong panahong iyon. Babalewalain lang ba natin ang mga buhay na sinakripisyo ng maraming kababayan alang-alang sa pangarap nilang lipunan?”

“Narito na tayo sa puntong ang anak ng diktador ang nanalong pangulo ng ating bayan. Nanalo siya dahil o marahil sa napaniwala nila o ng mga trolls nila na gintong panahon ang panahon ng diktadura, na may bulto-bultong Tallano gold na pambayad ng utang ng bansa. Subalit alam nating ang mga ito’y  kasinungalingan. Ang maaari nating gawin ay isulat natin ng isulat ang anumang nangyari noong panahon ng karima-rimarim na martial law. Tangan nila ang pambura, subalit patuloy tayong magsulat. Huwag nating hayaang burahin nila ang alaala ng mga martir na nakibaka para sa kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapaniil na diktadura,”

Maganda ang kanyang payo, kaya nagpaalam akong may gabay na tangan sa puso’t diwa upang hindi mabalewala at hindi mabago ang totoong kasaysayan. Hindi tayo papayag na kasinungalingan nila ang mangingibabaw. Maraming salamat.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2022, pahina 18-19

Huwebes, Hulyo 7, 2022

Mga tula sa Unang Daigdigang Digmaan

MGA TULA SA UNANG DAIGDIGANG DIGMAAN
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matindi ang digmaan, madugo, nakamamatay. Kaya ang ilarawan ito ng mga nakaranas mismo ng digmaan, lalo na sa anyong patula o pampanitikan, ay kahanga-hanga, lalo't batid mong sinulat nila iyon habang sila'y nakikipaglaban, tangan ang kanilang baril, nakikipagpalitan ng putok.

Kaya ang dalawang aklat ng tula na nasa akin ay pambihira. Dahil bihira tayong makakita ng mga aklat ng tula hinggil sa Unang Daigdigang Digmaan (hindi  Digmaang Pandaigdig, na ilang beses ko nang sinabing mali ang pagkakasalin). Ang tinutukoy kong mga libro'y ito: Poems of the Great War 1914-1918, may sukat na 4" x 5 1/2", at may 160 pahina, kasama ang 12 pahinang Roman numerals, at inilathala ng Penguin Books noong 1998. Nabili ko ito sa BookSale ng Farmers sa Cubao noong Enero 18, 2018 sa halagang P60.00. Ang isa pa'y ang Some Desperate Glory: The First World War the Poets Knew, ni Max Egremont, may sukat na 5 5/8" x 8 5/8", at may 456 pahina, kasama ang 16 na pahinang Roman numerals, at inilathala ng Farrar, Straus and Goroux sa New York noong 2014, at nabili ko naman sa BookSale sa Shopwise branch sa Cubao noong Disyembre 24, 2020, sa halagang P240.00.

Sa Poems of the Great War 1914-1918 ay may dalawampu't isang makata, at 81 tula. Ito'y sina, at ang bilang ng kanilang tula: Richard Aldington - 2; Edmund Blunden - 8; Rupert Brooke - 1; F. S. Flint - 1; Ford Madox Ford - 1; Robert Graves - 1; Ivor Gurney - 10; Thomas Hardy - 1; John McCrae - 1; Frederic Manning - 1; Charlotte Mew - 1; Alice Meynell - 1; Wilfred Owen - 20; Margaret Postgate Cole - 1; Herbert Read - 1; Edgell Rickword - 1; Isaac Rosenberg - 3; Siegfred Sassoon - 17; Charles Hamilton Sorley - 2; Edward Thomas - 6; at May Wedderburn Cannan - 1.

Ang Some Desperate Glory: The First World War the Poets Knew ay may labing-isang makata, at may 73 tula. Ang mga makatang ito at ang bilang ng kanilang tula sa aklat ay sina: Edmund Blunden - 2; Rupert Brooke - 4; Robert Graves - 1; Julian Grenfell - 2; Ivor Gurney - 11; Robert Nichols - 4; Wilfred Owen - 11; Isaac Rosenberg - 11; Siegfred Sassoon - 9; Charles Sorley - 4; at Thomas Hardy - 14. Ang mga tula rito'y hinati sa panahon o taon ng pagkakasulat, at may mga sanaysay o kwento hinggil sa tula at pangyayari: 1914 - may pitong tula; 1915 - 18 tula; 1916 - 15 tula; 1917 - 19 tula; at 1918 - 14 tula.

Kapansin-pansin sa bilang ng mga tula ang marahil ay masisipag magsulat na makata, o marahil ay mga nagustuhang tula ng patnugot ng aklat. Sa Poems of the Great War 1914-1918, si Ivor Gurney ay may sampu, Wilfred Owen ay may 20, at si Siegfred Sassoon ay may 17  tula. Sa Some Desperate Glory, si Ivor Gurney, Wilfred Owen, at Isaac Rosenberg ay may tiglabing-isang tula, habang si Siegfred Sassoon ay may 9 na tula at si Thomas Hardy naman ay may 14 tula.

Nais kong proyektuhin ito ng pagsasalin o isasalin ko sa wikang Filipino ang kanilang mga tula, na susubukan kong may sukat at tugma ang iba, upang mas madama natin ang kanilang mga katha sa panahon ng digmaan. Marahil isa pang dapat gawin ay saliksikin ang kanilang mga talambuhay, at ano ang kaugnayan nila sa Unang Daigdigang Digmaan. Sila ba'y mga sibilyan lamang o mga kawal na nakibaka sa panahong iyon? Isa ito sa mga nais kong tapusing isalin at mailathala upang mabasa ng ating mga kababayan ang kanilang mga tula sa ating sariling wika.

Kung ating titingnan, ang dalawang aklat ay tumutukoy sa mga likhang tula noong Unang Daigdigang Digmaan mula 1914-1918. Nagsimula ang digmaan noong Hunyo 28 1914 nang pinaslang ng isang nasyunalistang Serbyan si Archduke Franz Ferdinand ng Imperyong Austriya-Hunggariya. Mula rito'y nagdigmaan na ang mga makapangyarihang bansa sa mundo, na noon ay nahahati sa Pwersang Alyado (batay sa Kasunduan ng Imperyong Briton, Imperyong Ruso at Pransya), at ang Pwersang Sentral (mula naman sa Alyansa ng Imperyong Aleman, Austriya-Hunggarya at Italya). Natapos ang digmaan noong 11 Nobyembre 1918, kung saan nagkaroon ng limang tratado sa pagitan ng mga bansang kasali sa digmaan. Umabot umano, ayon sa pananaliksik, ang Unang Daigdigang Digmaan, sa dalawampung milyong namatay at dalawampu't isang milyong sugatan. Kaya isa ito sa napakatinding digmaan sa kasaysayan.

Kaya ang pagsasalin ng mga tula ng mga makatang nakasaksi sa digmaang ito ay naging adhikain na o misyon ng inyong lingkod. At bilang panimula ay aking isinalin ang tulang August 2014 ng isang makatang Ingles, na nasa pahina 128 ng aklat na Some Desperate Glory.

AUGUST 1914
Poem by Isaac Rosenberg

What in our lives is burnt
In the fire of this?
The heart's dear granary?
The much we shall miss?

Three lives hath one life -
Iron, honey, gold.
The gold, the honey gone - 
Left is the hard and cold.

Iron are our lives
Molten rights through our youth.
A burnt space through ripe fields,
A fair mouth's broken tooth.

AGOSTO 1914
Tula ni Isaac Rosenberg
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

Ano sa buhay nati'y nasusunog
Sa naglalagablab na apoy nito?
Na sa puso'y kamalig nating irog?
Kayraming di natin nakakatagpo?

Tatlong buhay yaong may isang buhay -
Ang bakal, pulot-pukyutan, at ginto.
Ang ginto, ang pulot ay nangawala -
Naiwan ang matigas at malamig.

Yaong bakal na yaring ating buhay
Karapata'y lusaw sa pagkabata.
Espasyo'y sunog sa maayang bukid,
Sira ang ngipin ng magandang bibig.

Si Isaac Rosenberg, isang makata't alagad ng sining (artist), ay isinilang sa Bristol, England noong Nobyembre 25, 1890. Kinatha niya ang una niyang tulang On Receiving News of the War noong huling bahagi ng Hunyo 2014. Nalathala rin ang Youth na ikalawang katipunan ng kanyang mga tula. At dahil walang makuhang trabaho bilang artist ay nagpalista siya sa British Army sa katapusan ng Oktubre 1915. Sa edad na 27, siya'y killed in action o namatay sa digmaan noong Abril 1, 2018. (saliksik mula sa Wikipedia)

Sa isang personal niyang liham, inilarawan ni Rosenberg ang pananaw niya sa digmaan: "I never joined the army for patriotic reasons. Nothing can justify war. I suppose we must all fight to get the trouble over." (Hindi ako sumali sa hukbo para lang sa mga kadahilanang patriotiko. Walang makakapagbigay katwiran sa digmaan. Tingin ko'y dapat tayong lumaban lahat upang matapos na ang gulo.)"