Miyerkules, Setyembre 14, 2022

Kwento: Magrarali ang maralita sa DOLE


MAGRARALI ANG MARALITA SA DOLE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napagkaisahan ng mga maralitang magsagawa ng pagkilos sa harap ng Kagawaran ng Paggawa. Inanyayahan nila ang iba pang lider-maralita upang pag-usapan ang pagkilos.

Dumating si Aling Ligaya sa pulong. Ang agad niyang tanong: “Bakit sa DOLE? Hindi ba’t isyu ng maralita ay pabahay? Hindi ba’t sa matagal na panahon ay pabahay ang ating panawagan? Kaya bakit sa kagawarang iyan tayo magrarali?”

“Tama ka, Ligaya.” Ang sabad ni Mang Bitoy, “Lumaki na akong nasa barungbarong nakatira, at sumasama sa mga pagkilos na pabahay ang isinisigaw. Bakit ngayon, sa DOLE? Hindi naman tayo manggagawa.

Agad naman siyang sinagot ni Aling Luningning, “Iyan nga ang punto, eh. Alam nyo, Ligaya, Bitoy, ang isyu ng maralita kaya siya tinawag na maralita ay hindi lamang pabahay, kundi ang karalitaan, kahirapan, pagdaralita, karukhaan. Karamihan sa ating mga maralita ay walang trabaho. Kaya heto sina Mang Igme na nagmungkahi ng malaking pagkilos sa DOLE para ipanawagan ang Trabaho Para sa Maralita.”

“Dagdag pa riyan, Ligaya,” si Mang Igme, “sabi ng pamahalaan na kulang daw ang trabaho. Kaya ang nakikita nating solusyon diyan, gawing anim na oras na lang ang otso oras na paggawa upang ang natitirang oras ay ibigay sa maralita. Kung sa loob ng 24 oras sa isang araw ay may tatlong manggagawang tigwawalong oras ang trabaho, na legal ayon sa batas, aba, kung magiging anim na oras ang paggawa sa isang araw, sa loob ng 24 oras, may apat na manggagawa na ang nagtatrabaho. Yung nadagdag sa labor force sa bawat araw ay ang maralitang nabigyan ng trabaho.”

“Oo nga, ano,” pagsang-ayon naman ni Aling Ligaya. “Tama po kayo, mga kasama. Bakit hindi natin kaagad naisip iyan? Ibig lang sabihin, kung hindi kaya ng gobyerno makapagbigay ng solusyon, tayong mga maralita ang magsasabi ng solusyon sa kanila. Kung kulang ang trabaho sa paggawang otso oras kada araw, aba’y gawing anim na oras kada araw ang trabaho upang ibigay ang anim na oras pa para sa maralita. Nauunawaan ko na.”

“Sige, paano ang gagawin natin? Kunin muna ang manila paper at pentel pen para maisulat ang ating plano.” Ani Mang Igme.

Kaya sa isang malapad na tabla ay idinikit nila ang isang manila paper upang pagsulatan ng gagawin nilang plano ng pagkilos.

“Ang pangkalahatang layunin ng ating pagkilos,” isinulat ni Mang Igme sa manila paper, “ay maikampanya natin ang ating mga hinaing na magkaroon ng trabaho ang mga maralita. Ang mga isusulat nating islogan sa mga plakard ay:  Trabaho Para sa Walang Trabahong Maralita! Gawing Anim na Oras ang Otso Oras na Paggawa! Palagay ko ang dalawang islogan na iyan ay sapat na. Mga tigsasampung plakard bawat islogan. Ayos ba, mga kasama? Bago ang pagtatakda ng petsa, ilan sa inyo ang nais lumahok?”

Maraming nagtaasan ng kamay, nasa higit dalawampung katao.

“Ilan pa ang maaari ninyong pasamahin para mas marami tayo? Sa ngayon ay may badyet tayo para sa dalawang dyip.” Si Mang Igme pa rin.

“Hindi ba nakakatakot sumama sa rali?” Ani Inggo, na binatilyong sa murang edad ay nagtratrabaho na bilang magbabasura.

“Aba’y karapatan natin ang ating ipinaglalaban dito, kaya bakit ka matatakot, at kasama mo naman kami.” Agad na sabi ni Aling Tikya na dati ring unyonista sa pabrika nila bago iyon nagsara.

Nagtanong muli si Aling Ligaya, “Pwede ba nating imbitahan ang mga unyong kakilala natin upang samahan tayo sa ating pagkilos?”

“Aba’y maganda ang mungkahi mo, Ligaya. Hayo’t anyayahan natin silang samahan tayo.” Agad na pagsang-ayon ni Mang Kulas na isa ring lider sa kanilang purok. “Dagdag pa riyan ay isama natin sila sa ating mabubuong nego panel upang sakaling maharang tayo sa DOLE ay may kasama tayong mga manggagawa.”

“Ikaw na, Ligaya, ang magsabi sa unyon ng mga manggagawa. Sana’y hindi nila tayo tanggihan sa munti nating kahilingan.” Sabi ni Mang Igme. “Kailan ang mungkahi ninyong araw? Sinong gagawa ng panawagan sa midya? Sinong magsusulat ng ating pahayag? Baka ihanda muna natin ang polyeto na magpapaliwanag sa ating mga kapwa maralita kung bakit sa DOLE tayo magrarali.”

“Sige po, akuin ko na po ang pagsusulat,” Sabi ng dalagang si Juday.

“Aba’y maaasahan talaga ang mga kababaihan pagdating sa pagkilos nating maralita.” Pagmamalaki ni Aling Luningning sa kanyang anak.

Natapos ang pulong na may kislap ng pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2022, pahina 18-19

Miyerkules, Agosto 17, 2022

Kwento: Limitahan ang ekta-ektaryang pag-aari


LIMITAHAN ANG EKTA-EKTARYANG PAG-AARI
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

May isang mayamang di man niya sabihin ay nagiging gipit ang mga mahihirap. Nakabili at napatituluhan niya ang nasa limang libong ektaryang lupa dahil na rin sa kayamanan niya at sa koneksyon niya sa pamahalaan. Magaling siyang mangangalakal. Tuso at magaling magmaniobra basta pagdating sa salapi.

Tila baga dinidiyos niya ang pera. Kaya pati ang relasyon niya sa kanyang kapwa ay nadungisan dahil sa ugali niyang pangmamata sa hindi niya kauri. Ligal naman daw niyang pinatituluhan ang kanyang lupain sa isang malayong lalawigan, at natamaan doon ang mga lupaing katutubo at mga sakahan. Kaya ang mga magsasakang dating may sinasakang lupa nang libre, ngayon ay nangangamuhan na sa kanya. Ang mga katutubo naman ay itinataboy sa kanilang lupang ninuno.

"Anong nangyari?" Sabi ng isang guro na anak ng isang magsasaka roon.

"May titulo kasi siya ng lupa na patunay na nabili niya ang lupaing iyon na nakapangalan na sa kanya," Sabi naman ng isang taga-pamahalaan, "kaya wala na tayong magagawa sa kanyang paghahari-harian sa kanyang lupain. Kanya iyon, e. Nakapangalan na sa kanya."

Patuloy pa ring bumibili ng ibang lupain ang nasabing mayaman. Tila ba hindi na nakuntento sa kinikita ng kanyang lupain. Nais pang sagpangin ang iba pang lupang kinatitirikan ng tahanan ng mga karaniwang tao. Nais niyang patayuan ng mga industriya, di pa upang magkatrabaho ang mga tao, kundi para ipagyabang ang dami ng kanyang ari-arian. Nang sa gayon ay igalang siya ng iba.

Naalala ko tuloy ang nakasulat sa Liwanag at Dilim ng bayaning si Gat Emilio Jacinto. Ang sabi roon: “Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa't marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.”

“Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’t maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.”

“Ekta-ektarya na ang kanyang lupain. Hindi naman niya kailangan iyon. Tumatanda na siya. Aanhin naman niya iyon. Ang mga anak naman niya ay may sariling pamilya na at malayo sa kanya,” ayon sa magsasakang si Mang Igme, “Matagal na kaming nakatira sa lupaing ito, sapul pagkabata ay naririto na kami. Nagisnan na rin ng aking mga ninuno. At ngayon, nawala lahat ng karapatang iyon dahil lang nabili ng taong iyon at ipinangalan sa kanya ang lupang mula pa sa aming mga ninuno.”

Ganyan din ang sinasabi ng mga katutubo sa lugar. Kanila ang lupa. Naalala pa nila ang sinabi minsan ng bayaning pangat na si Macli-ing Dulag, “Bakit ninyo aangkinin ang lupang mas matagal pa sa inyo?”

Sa isang pagpupulong ng mga magsasaka, katutubo at maralitang naninirahan sa pook na iyon, napag-usapan nila ang kanilang kalagayan.

Nagmungkahi si Mang Kulas, isang lider-maralita, “Dapat tayong magmungkahi sa pamahalaan. Gawing batas na dapat limitahan ang pag-aari ng isang tao o korporasyon, upang huwag magalaw ang mga lupang ninuno, mga bukirin, at mga tahanan natin. Dapat hanggang isang libong ektarya lang ang pag-aaring lupa ng isang tao. Iyan ang mungkahi ko.”

“Dapat limang daang ektarya lang,” sabad naman ni Aling Tikay.

“Hanggang sandaang ektarya lang, masyado na sila,” ani Mang Hulo.

“Subalit paano natin sisimulan?” tanong ni Mang Ogor, “Dapat nang maisulat iyan at mapadala sa pamahalaan. May kakampi ba tayo sa Sangguniang Bayan, sa Kongreso, sa Senado? Dapat talaga limitahan ang pagmamay-ari ng isang indibidwal o korporasyon upang hindi nila magalaw ang ating mga lupang kinatitirikan ng ating bahay at mga kabuhayan. Sang-ayon ba kayo, mga kababayan.”

Ayon kay Tune, “May kakampi tayo sa Sangguniang Bayan. Tingin ko, pag lumakas ang ating pagkakaisa ay maipapanalo ang ating kahilingan.”

Dahil doon, nagkaisa silang magbuo ng isang drafting committee na magsusulat ng ihahaing petisyon o batas, nagkaisa silang planuhin na ang mga susunod na gagawin, sinong kakausapin, at ilulunsad nilang pagkilos.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Agosto 16-31, 2022, p. 18-19.

Linggo, Agosto 14, 2022

Mga Kwento nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual

MGA KWENTO NINA PLACIDO PARCERO JR. AT BENJAMIN PASCUAL
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Magkasabay kong binili ang dalawang aklat ng kwento nang minsang mapagawi ako sa Solidaridad Bookshop sa Ermita sa Maynila. Pebrero 11, 2022, nang makita ko ang kalipunan ng mga tula nina Placido Parcero Jr. at Benjamin Pascual. 

Dumaan kasi ako sa bahay nina Ka Tek, ang bise-presidente ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan halal akong sekretaryo heneral, sa bandang San Andres. Kaya napagpasyahan kong dumako muna sa Solidaridad Bookshop bago umuwi upang malaman kung ano ba ang mayroong bagong aklat pampanitikan doon. Hanggang makita ko ang "Alyas Juan Dela Cruz at Iba Pang Kwento" ni Placido R. Parcero Jr., na nagkakahalaga ng P230.00, na nasa 184 pahina ang mismong mga kwento, maliban pa sa 36 pahinang nasa Roman numeral. Katabi lang ng aklat na iyon ang "Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kwento" ni Benjamin P. Pascual, na nagkakahalaga naman ng P245.00, at umaabot ng 215 pahina ang mismong teksto ng mga kwento, habang nasa 19 pahina ang naka-Roman numeral.

Buti na lang at may salapi ako nang mga panahong iyon. Kaya nabili ko ang dalawang aklat, P475.00, kaya may 25.00 pang sukli para pamasahe sa buong P500.00.

Ang dalawang aklat ay kapwa inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at parehong 5" x 7" ang sukat ng aklat. Taon 2003 nalathala ang kay Pascual habang taon 2007 naman ang aklat ni Parcero. May labimpitong kwento si Parcero sa kanyang aklat, habang may dalawampu't isang kwento naman si Pascual. Sino ba ang mga manunulat na ito?

Ito ang nakasulat sa kani-kanilang aklat: 

"Si Placido R. Parcero Jr. ay isinilang sa Imus, Cavite. Nagtapos siya ng B.S. in Civil Engineering sa Mapua Institute of Technology noong 1962, at nagtrabaho bilang inhinyero bago nagbuhos ng panahon sa pagsusulat. Nalathala sa mga magasing popular ang kaniyang mga kwento. Nakasulat na rin siya ng apat na makapal na nobela, at isinerye sa Liwayway. Nagwagi siya ng unang gantimpala sa timpalak Palanca noong 2000, at ikatlong gantimpala sa timpalak sa maikling kwento ng Liwayway noong 1969.

"Unang nakilala bilang matinik na kwentista si Benjamin P. Pascual bago sineryoso ang pagiging nobelista. Nagsimula siyang sumulat noong dekada 1950, sumubok mag-ambag sa komiks, hanggang hiranging maging staffer ng Liwayway. Nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ang kanyang mga kwentong "Landas sa Bahaghari" (1965) at "Di Ko Masilip ang Langit" (1981). Nagtamo naman ng grand prize sa Cultural Center of the Philippines ang nobelang Utos ng Hari noong 1975. Makalipas ang ilang dekadang dibdibang pagsusulat ni Pascual, kinilala nhg Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1994 ang natatanging ambag niya sa pagsusulat ng maikling kwento, dula, at nobela. Yumao siya noong 11 Disyembre 2002.

Wow! May "apat na makapal na nobela" pala si Parcero, na "isinerye sa Liwayway". Naisaaklat kaya ang mga nobela niyang iyon? Hindi ko pa iyon nakikita. Si Benjamin Pascual ang may mga nobela pang makikita sa mga tindahan ng aklat.

Magugustuhan mo naman ang kwentong "Di Ko Masilip ang Langit" ni Pascual, na nanalo ng Palanca. Isang manggagawa sa konstruksyon ang pangunahing tauhan dito. Ang kanyang kwento, sila ang gumawa ng ospital na iyon. Sila ang mga manggagawang naghukay sa lupa, naglagay ng pundasyon, nagsemento, naglagay ng mga tiles, hanggang ilang palapag na gusali, hanggang mayari talaga ang ospital na iyon. Hanggang isang araw, ipinasok niya ang manganganak niyang misis sa ospital na iyon. Hindi sila pinapasok dahil wala silang pambayad o deposit. Ang nangyari, nakunan ang kanyang misis, nalaglag ang ulo ng bata sa semento, patay.

Nakakakonsensya na kung sino pa ang gumawa ng ospital na iyon, silang mga manggagawa, ang hindi nakinabang sa benepisyong dapat ibigay ng ospital. Halos mabaliw ang pangunahing tauhan sa pagkukwento niya ng buong pangyayari.

Ang kwentong "Ang Manggagawa" naman ni Parcero ay pagkukwentuhan naman ng ilang manggagawa sa konstruksyon hinggil sa kani-kanilang buhay habang nag-iinuman matapos ang maghapong pagtatrabaho. Nahulog pa si Piryo mula sa mataas na andamyo, subalit tuloy pa rin ang trabaho. Kwento ng porman, sa dami ng kanyang nakasama sa trabaho, iilan lang ang umangat sa buhay.

Magaganda rin ang mga pamagat ng kwento. Halimbawa na lang sa mga kwento ni Parcero: "May Nakahimlay na Pangarap sa Pasong Santol," "Isang Boteng Hinyebra at Isang Pangarap," "Mga Pusong Bato," "Namamasko ang mga Gunita," at "Saan Patungo ang Kariton ni Coring." Ito naman ang kay Pascual: "Kwento ng Dalawang Pangit," "Paalam kay Kaibigang Bote," "Ang Pusa Mo at ang Puso Ko," "Chedeng," at "May Buwan sa Pamarawan."

Pawang hinggil sa buhay ng karaniwang tao ang mga ikinukwento ng dalawang magagaling na manunulat na ito, tungkol sa buhay sa konstruksyon, buhay-maralita, at karaniwang mga pangyayari sa araw-araw. Ang kanilang mga kwento ay masasabing bulawan o gintong panitikan ng kanilang panahon. Doon ay mahahango natin ang mga pangyayari sa kanilang panahon na maaari natin maiugnay sa ating panahon. Bakasakaling may maikintal sa ating aral o gabay, o marahil maiwan sa ating diwa ang pilat ng nakaraan. Halina't basahin natin ang mga handog sa ating kwento nina Parcero at Pascual. 

Agosto 14, 2022

Salin ng "Old Man and the Sea" ni Ernest Hemingway

SALIN NG "OLD MAN AND THE SEA" NI ERNEST HEMINGWAY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naisalin na pala ni Ginoong Jesus Manuel Santiago ang akdang "The Old Man and the Sea" ni Nobel prize winner Ernest Hemingway, na isang manunulat na Amerikano. Si Ka Jess ay hindi lang pala mang-aawit kundi translator o tagasalin din pala. Para ring pinagtiyap ang tagasalin at ang bida sa akda. Santiago ang apelyido ni Ka Jess, at Santiago rin ang pangalan ng pangunahing tauhan sa akda.

Nabili ko ang isinalin niyang aklat sa The Bookshop ng UP Hotel sa Diliman sa halagang P150.00 nito lang Hulyo 12, 2022. Ang aklat ay may sukat na 5 1/2" at 7 5/8" at may 100 pahina, ang 94 dito ay ang mismong teksto ng salin.

Pinagpaplanuhan ko sana itong isalin subalit naisalin na pala. At mabuti't aking nakita ang aklat na ito. Kung hindi ko pa nakita ito ay hindi ko pa malalaman na may nagsalin na pala nito. Tanong ko tuloy sa aking sarili, alin pa kayang akda ang hindi pa naisasalin? Ito'y upang hindi na magdoble-doble ang gawain. Bagamat hindi naman sayang dahil may sarili kang bersyon ng pagsasalin.

Ang nasabing aklat ay proyekto ng Aklat Bahandi, na ang logo ay makikita sa gawing taas-kaliwa ng pabalat ng aklat. Ayon sa aklat:

"AKLAT BAHANDI (KAYAMANAN)

Serye ng isina-Filipinong mga klasikang akda sa dayuhang wika at mga wika ng Pilipinas. Sa wikang Bisaya nagsimula ang "bahandi," ibig sabihi'y kayamanan. Tunay na ikayayaman ng ating kultura ang pagkakaroon ng salin sa wikang pambansa ng mga itinuturing na mahalagang panitikan ng daigdig at ng bansa. Inililimbag sa serye ang mga aklat na nagtataguyod sa pag-unlad ng pambansang panitikan mula sa ambag ng panitikan ng daigdig at mga rehiyon sa Pilipinas."

Gayunman, nakakailang ang ilang salin kung hindi mo makikita ang orihinal, at kung hindi mo alam ang kultura ng pinagmulan ng akda. May agam-agam ka tuloy kung tumpak ba ang pagsasalin. Tingnan ang pahina 2-3 nito kung saan nag-uusap ang bata at matanda:

"Santiago," sabi sa kanya ng bata habang umaahon sila sa pampang na pinagpunduhan ng Bangka.

"Pwede ba ulit akong sumama sa iyo. Kumita kami ng kaunti."

Ang matanda ang nagturo sa batang mangisda at napamahal na siya sa bata.

"Hindi," sabi ng matanda. "Nasa maswerte kang Bangka. Doon ka lang."

"Pero alalahanin mong noo'y walumpu't pitong araw tayong walang huli at pagkaraa'y araw-araw tayong nakahuli ng malalaki sa loob ng tatlong linggo."

"Natatandaan ko," sabi ng matanda. "Alam kong umalis ka hindi dahil nagdududa ka."

"Si Papa ang nagpaalis sa akin. Bata ako at dapat ko siyang sundin."

"Alam ko," sabi ng matanda. "Talagang ganyan."

"Kulang siya ng tiwala."

"Hindi," sabi ng matanda. "Pero meron tayo. Di ba?"

"Oo," sabi ng bata. "Pwede ba kitang ilibre ng beer sa Teresa at saka natin iuwi ang mga gamit."

"Bakit hindi?" sabi ng matanda. "Kapwa tayo mangingisda."

Sa pagbabasa pa lang sa pambungad na kabanata, naisip ko kung ano ba talaga ang salin ng "bata" sa orihinal na Ingles. Youth ba o child? Kung youth, tiyak isasalin iyon na "binata" o kaya'y "binatilyo" at kung child ay tama lang isalin na "bata". Subalit nagsabi ang bata kung pwede niyang ilibre ng beer ang matanda? Sa ating kultura, hindi pa pwedeng uminom ng beer ang bata. Pati na ang pagbili ng beer ng bata. Subalit kung ililibre lang niya ng beer ang matanda, ibig sabihin ba, matanda lang ang iinom ng beer at nanlibre lang ang bata? Medyo malabo.

O marahil, depende sa kultura ng lugar na iyon na pinapayagan nang bumili ng beer ang bata.

Gayunpaman, mas nais kong pagtuunan ng pansin ang ilang mahahalagang punto sa pambungad na pananalita na pinamagatang "Aklatang Bayan" sa ikatlong dahon ng aklat (pahina VI, bagamat walang nakasulat na gayon):

"Pinagtibay at ipinatupad sa UP noong 1989 ang isang Patakarang Pangwika na nagtatakda na Filipino ang maging pangunahing midyum ng pagtuturo. Hindi lamang ito pagtalima sa mga probisyong pangwika sa Konstitusyon. Pagkilala rin ito sa katunayan na sariling wika ang higit na mabisang kasangkapan ng edukasyon; at ang edukasyon na ginagamitan ng wikang naiintindihan ng nakararami ay paghawan ng landas tungo sa katarungang panlipunan."

"Ngunit hindi sapat ang isang Patakarang Pangwika para palaganapin ang wikang Filipino sa akademya. Kailangan ang mga kagamitang panturo, lalo na ang mga textbuk sa Filipino na magagamit ng mga guro at mag-aaral. Isinilang ang proyektong Aklatang Bayan para isulat at maglimbag sa wikang Filipino ng mga aklat sa iba't ibang disiplina."

"Ang pagsulat ng mga teksbuk ay nilahukan ng mga guro at iskolar sa iba't ibang disiplina gayundin ang mga manunulat at eksperto sa wikang Filipino. Sinusuportahan naman ang paglilimbag ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST), ilang maaasahang lider pampolitika ng bansa, at iba pang indibidwal na may pagmamalasakit sa pambansang wika."

"Mula nang simulan ang proyekto noong 1994, humigit-kumulang na may isang daang titulo na sa Aklatang Bayan. Hindi lamang ang dami ng mga nailimbag na libro ang ipinagkakapuri nito kundi ang kahusayan ng mga ito. Tumanggap ang ilan sa mga libro ng mga parangal at pagkilala mula sa iba't ibang samahan at institusyon. Noong 1997, pinarangalan ang Sentro ng Wikang Filipino bilang Publisher of the Year sa National Book Awards ng Manila Critic Circle."

"Inaasahan na sa pamamagitan ng Aklatang Bayan, mas mabisang maipupunla ang karununungan sa mga kabataang mag-aaral, gayundin ang komitment na maipalaganap ang gayong karunungan sa sambayanang Filipino. Tunay na alay ito ng UP sa bayan!"

At ito ang mas nakaengganyo sa akin: "Mula nang simulan ang proyekto noong 1994, humigit-kumulang na may isang daang titulo na sa Aklatang Bayan." Ano-ano kaya ang mga titulong naisalin na ng Aklatang Bayan? Dapat madali itong makita o available pag hinanap sa internet. Kung noong 1994 ay nasa isang daan na ito, ngayong 2022 ba ay nasa limang daan na ito o higit nang isang libo?

Dahil may ilang klasikong akda ang nais kong isalin sa wikang Filipino. Na gagawin kong proyekto bilang manunulat na buong buhay kong isasalin. Subalit kung naisalin na pala nila, aba'y doble-doble pala ang trabaho. Naisalin na nila, tapos isasalin ko pa dahil hindi natin alam na naisalin na pala iyon. Baka mapagbintangan pa tayong inaangkin ang dating isinalin na pala. Ang ganansya na lang ay may sarili akong bersyon ng salin.

Kaya ano ang dapat gawin? Aba'y hanapin sa talaan ng Aklatang Bayan, na dahil binabanggit ang "pinarangalan ang Sentro ng Wikang Filipino bilang Publisher of the Year" at Tunay na alay ito ng UP sa bayan!" sa pambungad na pananalita, ang Aklatang Bayan ay nasa SWP ng UP. Marahil, gagawa ako ng liham sa Direktor ng SWP upang malaman kung anu-ano na ba ang mga naisalin na nilang aklat sa wikang Filipino. Kailangan ko itong bigyan ng panahon.

Pansinin kaya nila ang aking liham? Sino ba ako para magsalin ng akda, gayong hindi naman ako propesor o mula sa akademya? Bagamat may mga naisalin na akong ilang akda, na ang pagsasalin ay naging tungkulin ko na dahil kailangang isalin ang ilang dokumento, pahayag, at paninindigan ng samahan o organisasyon. Nakapagsalin na rin ako ng mga tulang banyaga.

Ah, pagbabakasakali. Oo, magbabakasakali ako upang maituloy ko ang proyekto kong pagsasalin kung wala sa talaan nila ang klasikong akdang nais kong isalin. Dapatwat, syempre, sa ngayon, hindi ko sasabihin sa kanila kung ano ang balak kong isalin. Sana, makakuha ako ng talaan ng mga naisalin nang akdang banyaga sa wikang Filipino. Nais mo bang tumulong? Ngayon pa lang, nagpapasalamat na ako.

Agosto 14, 2022