Miyerkules, Disyembre 14, 2022

Kwento - Kahalagahan ng Pagkilos

KAHALAGAHAN NG PAGKILOS
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Ay sos, rali na naman. Wala na ba kayong kapaguran diyan? Wala naman kayong kinikita diyan, ah! Pulos kayo reklamo! Bakit hindi kayo magtrabaho at magbanat ng buto?” ang sermon na naman ni Aling Ligaya sa kanyang anak na si Maningning.

“Tumaas na naman kasi ang presyo ng bilihin, at hindi na makasabay ang sahod ng mga manggagawa, Inay! Magkano na ang isang kilong sibuyas ngayon, triple na po sa dating presyo! Nakakaiyak na, inay! Pati ang panggatas ni beybi, apektado! Kailangan na itong tutulan!” ang sagot naman ni Maningning.

“Aber, mapapababa ba ninyo ang presyo niyan? Aba’y kailan pa sa kasaysayan nagbabaan ang mga presyo ng bilihin? Tumigil nga kayo diyan, at alagaan mo na lang ang anak mo? Nagpapakapagod ka lang diyan, masisira pa ang kutis mo sa araw.”

“Sandali lang naman ang pagkilos na ito, Inay. Pagkatapos po nito ay uuwi na ako,” muling sagot ni Maningning.

“Tama naman ang anak mo, Ligaya. Aba’y kung hindi ipinaglaban noon ng mga manggagawa sa Haymarket Square sa Chicago ang walong oras na paggawa mula sa labing-anim o labingwalong oras na paggawa kada araw, aba’y baka hanggang ngayon ay wala pang batas para sa otso-oras na paggawa. Kung wala ang mga protesta ng mamamayan laban sa mga mapaniil na batas o pangit na kalagayan, aba’y walang magagawang batas sa ating bansa. Dati hindi pwedeng magbuo ng unyon, ngayon ay nakalagay na ito sa ating Saligang Batas dahil ipinaglaban ito.” Ito naman ang sinabi ni Mang Igme.

Si Aling Ligaya ay nagtitinda sa palengke, at naghuhulog din sa SSS para raw may makuha sakaling kailanganin. Si Mang Igme naman ay dating manggagawa sa pabrika, na noong pandemya ay nawalan ng trabaho. Si Maningning naman ay manggagawa sa patahian ng pantalon.

Noong isang araw lang ay nabalitaan nilang may panukalang batas sa Kongreso hinggil sa Maharlika Wealth Fund, kung saan kukunin ang pondo ng pamahalaan sa kontribusyon ng mga miyembro ng SSS at GSIS. 

Nagulat si Aling Ligaya, at sinabi niyang bakit pera ng mga kontribyutor sa SSS at GSIS ang pagkukunan ng pondo, gayong maraming mayayaman sa bansa, tulad ng mga pulitiko at bilyonaryo na dapat kunan ng pondo kung magiging maayos lamang ang pagbubuwis. Dapat nga ay mas buwisan ang mayayaman, at hindi ang mga mahihirap.

Kaya nang mabatid ni Aling Ligaya na sasama ang kanyang anak sa rali laban sa bantang pagsasabatas ng Maharlika Wealth Fund, agad siyang nagboluntaryong sumama. Sabi niya sa anak, “Oo lang ako ng oo sa mga nangyayari noon. Subalit kung gagalawin na nila ang mga ipon naming mga kontribyutor sa SSS, aba’y hindi na maaari iyan. Hindi ako sanay sa rali, anak, subalit sa pagkakataong ito, sasama ako sa rali ninyo upang isatinig ang aking nararamdaman, at tutulan ang ganyang panukala.” Ikapito ng Disyembre ay sumama silang mag-ina sa rali sa SSS. 

Pagkauwi sa bahay ay ibinalita na sa telebisyon ang pag-atras ng mga kongresista sa pagsasabatas ng panukalang Maharlika Wealth Fund dahil daw baka magalit ang tao sa gagawin nila.

“Tama ka, anak, kung hindi tayo kikilos ngayon, at oo lang tayo ng oo, aba’y baka nagalaw na nila ang aming pinaghirapang hulugan sa SSS. Salamat at may katulad ninyong sama-samang kumikilos at  tumututol sa mga maling gawain at katiwalian. Mabuhay kayo, anak!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.

Linggo, Disyembre 4, 2022

Bakit 1985, hindi 1986, talaga itinatag ang KPML?

BAKIT 1985, HINDI 1986, TALAGA ITINATAG ANG KPML?
Ilang pagsusuri at ang mungkahing pagwawasto sa kasaysayan ng KPML
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May tatlong petsa sa kasaysayan ng KPML na umabante ng isang taon. Ang lahat ng ito'y dahil sa pagkasaliksik sa talagang petsa ng EO 82 na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino. Ang petsa ng EO 82 ang dahilan ng usaping ito.

Kung hindi dahil dito ay wala sanang problema sa petsa ng pagkakatatag ng KPML. Sinasabi sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML" na isa ang KPML sa dahilan kung bakit naitayo ang PCUP. Narito ang problema. Kung hindi natin itatama ang kasaysayan, tiyak kukuwestyunin din ito ng mga susunod pang henerasyon.

Baybayin muna natin kung ano ang nakasulat na kasaysayan batay sa "Oryentasyon ng KPML":

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

MGA NAKITANG APAT NA DAHILAN NG KAMALIAN SA PETSA

Una, batay sa Oryentasyon ng KPML, naisabatas ang PCUP noong 1987, walang eksaktong petsa. Nasaliksik natin, na ang mismong batas, o Executive Order 82, na nagtatayo ng PCUP, ay naisabatas noong Disyembre 8, 1986, sampung araw bago itatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986. Kung naisabatas na pala ang PCUP, bakit nanawagan pa tayong magkaroon ng PCUP sa kalagitnaan ng 1987. Samakatwid, hindi 1987, kundi 1986, dapat ang nakasulat sa Oryentasyon ng KPML.

Ikalawa, ayon sa Oryentasyon, "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino." Walang eksaktong petsa ang "Noong kalagitaan ng taong 1987" na "naghain ng People's Proposal sa Malacañang". Nahanap natin ang eksaktong petsa nito, na kung tutuusin ay mula sa minutes ng Malacañang. 

Ito ang nakasaad sa ating nasaliksik mula sa https://pcup.gov.ph/index.php/about-pcup/background-history

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”.

Ang "Noong kalagitaan ng taong 1987" ay dapat "Noong kalagitaan ng taong 1986". Kaya kung umabante ng isang taon ang petsa ng dalawang nabanggit na dahilan, at kung itatama natin ito, dapat ang 1987 ay gawin nating 1986.

Ikatlo, kung umabante ng isang taon ang dalawang petsa at ibabalik natin ito sa tama, mula 1987 ay 1986, ibig sabihin ang pangatlong petsa ay mali rin, na dapat ibalik sa tama. Ang "itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986" ay dapat " itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1985"

Hindi ba't lohikal na itama natin ang tatlong year sa tama? Nagkamali sa dalawang unang nabanggit na petsa, kaya yung ikatlong petsa ay mali rin. Lahat ay umabante ng isang taon, kaya iwasto natin ito sa pamamagitan ng pag-urong ng isang taon upang maiwasto ang mga petsa.

Ikaapat, binanggit sa Oryentasyon, "Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita..." Panahon pala ng diktadurang Marcos naitayo ang KPML!

Bakit hindi sinabing "Noong panahon matapos ang pag-aalsang EDSA 1986, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya." Patunay lang ito na isinulat iyon ng naunang nagsulat na panahon ng martial law nang maitatag ang KPML, hindi matapos ang panahon ng diktadurang Marcos. Nasa alaala talaga niya na panahon ng malupit na diktadurang Marcos itinatag ang KPML.

Hanggang Pebrero 1986 ang diktadurang Marcos hanggang mapatalsik ng sambayanan si Marcos noon ding Pebrero 1986. Kaya naitayo ang KPML noong 1985, hindi 1986.

DAGDAG NA PAGSUSURI

Kung maitatama natin ang kasaysayan, hindi tayo makukwestyon ng mga susunod na henerasyon, at hindi nila tayo tatangungin ng "Kung naisabatas pala ang PCUP noong December 8, 1986, at naitayo lang ang KPML sampung araw matapos isabatas ang PCUP, aba'y bakit nanawagan kayo ng pagtatayo ng PCUP noong 1987?"

Dalawang bagay. Tanggalin natin sa kasaysayan ng KPML na isa tayo sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP, para mapanatili ang Disyembre 8, 1986, o panatilihin natin na isa ang KPML sa nanawagang maitayo ang PCUP noong kalagitnaan ng 1986 subalit itama natin ang kasaysayan na naitayo ang KPML noong December 18, 1985.

Matatanggal ba natin sa kasaysayan na isa ang KPML sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP, gayong binanggit mismo sa kasaysayan ng PCUP, na isa ang KPML sa nanawagan ng pagtatayo ng PCUP.

Itinama ng papel na ito ang tatlong umabanteng petsa ng isang taon, at ibinalik natin ito sa tamang year. Iyong dalawang petsang 1987 ay ibinalik natin ng isang year sa 1986, at ang isang petsang 1986 ay ibinalik natin ng isang year sa 1985.

Kaya masasabi talaga nating hindi December 8, 1986 naitatag ang KPML, kundi December 8, 1985.

PAANO NATIN ISUSULAT NGAYON ANG KASAYSAYAN NG KPML?

Ito ang mungkahi naming pagwawasto sa pagkakasulat:

B. BILANG PAMPULITIKANG KUMPEDERASYON

Noong panahon ng diktadurang Marcos, ang pakikibaka ng mga maralita ay kalat-kalat at kanya-kanya. Walang sentralisadong pagkilos kung kaya’t mula sa ganitong kalagayan, itinayo ang KPML bilang isang sentrong organisasyong pampulitika ng maralita, upang pagkaisahin at organisahin ang pakikibaka ng maralita sa isang sentralisadong pagkilos, di lamang sa usapin ng pabahay, kabuhayan, serbisyo at mga karapatan, bagkus hanggang sa pakikibaka laban sa kahirapan.

Tumungo ang pakikibakang ito sa pagkakaroon ng pampulitikang kapangyarihan sa hangaring makamit ang isang ganap na pagbabago tungo sa lipunang may pagkakapantay-pantay.

C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1985 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong Abril 10, 1986 ang KPML ay nakipagdayalogo kay Pangulong Corazon C. Aquino at humiling ng moratorium sa demolisyon, at para sa pagtatatag ng Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA). Noong Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, isa pang alyansa ang nabuo, ang National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), kung saan isa sa nagbuo ay ang KPML, na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang.  Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Itinuloy ng bagong organisasyong ito ang parehong mga isyu na ibinangon sa kanilang martsa noong Abril 10 patungong Malacanang. Sinabi nila, gayunpaman, na nais nilang baguhin ang PAUPA sa PCUP o Presidential Council on Urban Poor.

Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralitang lungsod. Noong Disyembre 8, 1986, inilabas ni Pangulong Aquino ang Executive Order No. 82 na lumikha ng PCUP, sampung araw bago ang unang anibersaryo ng KPML. 

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita.

KONGKLUSYON:

Dahil sa mga inilatag na mga punto, hindi talaga December 18, 1986 naitatag ang KPML, kundi December 18, 1985. Iwinasto natin ang mga petsa upang magtugma ang lahat ng pangyayari sa kasaysayan ng KPML. Kaya sa darating na Disyembre 18, 2022 ay ipagdiriwang natin ang ika-37 taon ng pagkakatatag ng KPML.

Sinulat sa Lungsod Quezon
Disyembre 4, 2022

Martes, Nobyembre 29, 2022

Kwento - Ang Awiting Manggagawa, Awit sa Klima, at Teatro Pabrika

ANG TULANG MANGGAGAWA, AWIT SA KLIMA, AT TEATRO PABRIKA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nang magkita kami ng ilang kasama sa grupong Teatro Pabrika nitong Nobyembre 23 sa unang araw pa lang ng Ikatlong Pambansang Kongreso ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ay ibinalita ko agad sa kanila na sayang at wala sila sa dinaluhan kong kauna-unahang National Poetry Day o Pambansang Araw ng Pagtula na ginanap sa Metropolitan Theatre. Hindi raw naman nila alam, at kung alam nila’y baka hindi sila pumunta dahil walang imbitasyon sa kanila upang kumanta.

Tama naman. Ang National Poetry Day, Nobyembre 22, ay itinaon sa kaarawan ng unang Hari ng Balagtasan na si Jose Corazon de Jesus, na kilala ring Huseng Batute. Narinig ko na kasi nang inawit ng mga taga-Teatro Pabrika ang isang tula ni Batute na pinamagatang Manggagawa. Anong ganda ng kanilang awiting iyon. Makabagbag-damdamin. Narito ang tula:

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral,
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo / kaya ngayo'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka ng buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Sinabi ni Erwin Cuenca na nilagyan nila ng tono ang tulang ito bilang bahagi ng pagsasanay nila noon sa PETA (Philippine Educational Theater Association). Kung mapapansin natin, labing-anim na pantig bawat taludtod, at may sesura o hati sa ikawalo. Sa ikalabindalawang taludtod, ang salitang “kurus” ay iyon mismo ang orihinal, hindi krus, kaya sukat na sukat sa tula. 

Kahit iyon ay Pambansang Araw ng Pagtula, marami rin ang naghandog ng awitin, tulad ng dalawang anak ni Prof. Michael Coroza, na sina Miko at Haraya, na inawit ang dalawang tula ni Huseng Batute.

Maya-maya, tinawag na ang Teatro Pabrika, kasama ang Soulful Band nina Erwin Puhawan, at ang bandang Apolonio Samson, upang awitin ang isang kanta hinggil sa Climate Justice. Pinakita muna ang bersyong Ingles sa tonong “Bella Ciao” na orihinal na awiting Cubano, at inawit naman nila ang bersyong Pinoy nito. Pinakinggan ko ang awit at halos ganito ang liriko. Pasensya na kung hindi ko nakuha lahat.

Tayo nang gumising, mga mata'y imulat
Tayo nang tumulak at kumilos na, ngayon na
Adhika natin, magandang bukas
Ito na ang ating simula, ngayon na, ngayon na
Hustisyang pangklima, ngayon na, ngayon na
Ang ating mundo ay may problema
Solusyon ay iparte, ngayon na, ngayon na
Pagpalain, magandang bukas, ito ang ating simula
Hustisyang pangklima, ngayon na, ngayon na
Walang hustisya para sa klima kung sistema'y di babaguhin, kilos na
Nagnanais ng magandang bukas
Ito ang ating simula, ngayon na, ngayon na

Ilang taon na rin ang nakararaan nang makakita ako ng unang album ng Teatro Pabrika, ang Haranang Bayan, na talagang madarama mo ang pagtimo sa puso’t diwa ng mga awit, lalo na ang Lipunang Makatao. Sana’y magrekrut pa sila ng mga bagong dugo upang magpatuloy ang Teatro Pabrika.

Maraming salamat sa inyo, mga kasama sa Teatro Pabrika, na patuloy pa rin ang paglilingkod sa bayan at sa uring manggagawa, sa inyong mga makabagbag-damdaming awitin. Sana, sa ikalawang National Poetry Day na gaganapin muli sa MET sa 2023 ay maimbitahan kayo upang iparinig sa madla, lalo na sa sektor ng panitikan, tulad ng mga makata, ang pag-awit ninyo ng akdang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus. Naroon din sa aktibidad na iyon, noong 11.22.22 ang dalawang pambansang alagad ng sining para sa panitikan, sina Virgilio S. Almario at Gemino H. Abad.

Magkita-kita tayo sa MET sa Nobyembre 22, 2023 nang marinig ng madla ang pag-awit ninyo ng Manggagawa ni Huseng Batute. Kita-kits!

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2022, pahina 18-19.

Lunes, Nobyembre 14, 2022

Kwento - Redtagging


REDTAGGING
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Hoy, alam n’yo ba na na-redtag daw si Mang Gusting, kaya hindi niya alam ang gagawin. Kaya nagpapahanap ng abogado upang ipagtanggol ang kanyang sarili.” Agad na balita ni Mang Igme.

“Nakupo,” ang tugon ni Aling Ligaya. “Mahirap iyan, alam n’yo naman na pag na-redtag ka ay para na ring may nakatutok na bala sa ulo mo. Pagbibintangan ka nang komunista, at baka likidahin ka na rin ng mga terorista, ‘yun bang mahilig sa tokhang. Lagot siya sa mga asong ulol na naglalaway sa gatilyo. Sana’y mag-ingat si Mang Gusting.” Dating unyonista si Mang Gusting at ngayon ay lider maralita.

“Tama po kayo, pagkat mura na lang ang buhay ngayon. Di ba’t nung nakaraang administrasyon ay libu-libo ang natokhang, na pinatay nang walang kalaban-laban, at sinasabing nanlaban daw kaya pinatay. Hay, naku! Lalo na iyang redtagging na iyan. Nakakatakot!” sabi ni Mang Kulot.

“Kaya anong maipapayo natin kay Mang Gusting?” ani Mang Igme.

“Aba’y kausapin natin si Attorney kung anong dapat gawin. Aba’y nakakaawa naman ang ating kasamahan kung ganyang sa araw-araw na lang ay kinakabahan dahil sa maling paratang sa kanya,” dugtong naman ni Aling Ligaya. “Iyan lang sa ngayon ang ating magagawa.”

Kaya kinausap nila si Mang Gusting upang pumunta kay Attorney. “Ano kaya kung samahan ka namin upang matiyak namin na makakausap mo siya? Aba’y kaligtasan mo na ang nakasalalay dito. Baka isang araw ay matagpuan kang nakahandusay na lang sa kalye at may tama ng bala.” 

“Mga siraulo ang nangre-redtag na iyon. Mga naglalaway sa dugo. Akala’y kabayanihan ang kanilang ginagawa para sa bayan kundi pagiging salot at kawalanghiyaan!” ang himutok ni Mang Gusting.

“Naririyan na iyan,” sabi ng kanyang asawang si Aling Luningning, “di na panahon ng paghihimutok ngayon kundi ng pagtatanggol sa ating karangalan. Harapin natin iyan, mahal ko. Dahil kung di natin haharapin iyan ay baka mamihasa ang mga damuho at marami pang mabiktima!”

Buong puso ang suporta ng kanyang asawa. “Batid natin ang ating mga karapatan. Ang nais nila’y patahimikin ka sa pagtatanggol sa mga karapatang iyan. Mga karapatang matagal nang ipinaglaban ng ating mga ninuno upang lumaya tayo sa kamay ng mga halimaw na dayuhan at tusong mangangalakal. Ngayon ka pa ba susuko? Huwag. Lalaban tayo!”

Kaya nagplano na silang tumungo para makipag-usap kay Attorney upang hingan ng payo. Sinabihan silang kumuha ng ebidensya na ilalabas upang may patunay kung paano siya na-redtag, at iyon ang ipi-presenta sa mungkahing presscon. “Nais nating mabulgar at mapanagot ang mga gumagawa ng ganyang krimen. Isang krimen na ang pananakot na iyan, ang pangre-redtag na iyan, na maaaring magresulta ng hindi magandang pangyayari, o kaya’y kamatayan.” Ito ang payo ni Attorney.

Kaya nang makakuha sila ng footage ng bidyo kung saan binanggit ang pangalan ni Mang Gusting, iyon na ang gagamitin nilang ebidensya upang makasuhan ang mga nangre-redtag sa kanya. “Si Mang Gusting ay kasapi ng armadong grupong CPP-NPA kaya siya’y terorista!” ang sabi sa bidyo.

“Matagal ka nang aktibista, Gusting, mula noong ating kabataan. Alam kong ipinaglalaban lang natin ang malayang karapatan na magpahayag, magsalita, mag-organisa, hustisya sa mga api’t pinagsasamantalahan, tulad din ng ipinaglaban noon ng Katipunan. Kaya alam kong hindi mo isusuko nang basta na lang ang prinsipyo mo sa mga halimaw na nangre-redtag at nais magpatahimik sa iyo. Huwag kang susuko, mahal ko.”

Sa araw ng presscon ay sinabi ni Attorney, “Hindi mali ang maging aktibista. Kaya may aktibista tulad ni Mang Gusting ay dahil may mali.” 

At ipinahayag naman ni Mang Gusting, “Tayo ay nasa isang malayang bansa, na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon ang mga karapatan natin bilang malayang tao, bilang mamamayan, at kahit bilang aktibista, dahil mismong mga demokratikong karapatan natin ay nakaukit sa mga pandaigdigang kasunduan tulad ng Universal Declaration of Human Rights, International Covenant on Civil and Political Rights, at mismong Bill of Rights sa ating Konstitusyon. Walang labag sa ginagawa naming pagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa’t maralita. Wala kaming armas kundi ang aming paninindigan. Hindi kami papayag na sirain lamang ng mga halimaw na iyon ang aming dignidad at karapatang matagal na naming ipinaglalaban. Ang salot na pangre-redtag ang isang patunay kung bakit dapat baguhin na ang bulok na sistema!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2022, pahina 18-19.