Sabado, Abril 29, 2023

Kwento - Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Wala tayong pasok sa Mayo Uno dahil holiday. Mungkahi kong magtungo tayo sa isang beach, mag-party, at bibili ako ng isang buong litson upang ating pulutan. Sang-ayon ba kayo, mga kasama, sa aking mungkahi?” Ito ang tanong ni Ka Mulong habang nanananghalian sa loob ng pabrikang pinapasukan. “Minsan lang naman sa isang taon tayo magsaya at magsama-sama nang nagkakasiyahan.”

Agad na sumagot si Manong Kadyo, “Walang pasok ang Mayo Uno dahil deklarado itong holiday sa bansa, pagkat kinikilala ng pamahalaan ang isang araw na ito ng mga manggagawa. Kaya sa ibang araw na natin idaos ang sinasabi mong party. Dapat makiisa tayo sa pagdiriwang ng Labor Day sa bansa.”

“Ano namang mapapala natin diyan?” Tanong ni Ka Mulong. “Aba’y magpapainit lang tayo sa matinding sikat ng araw. Matindi na ang klima ngayon dahil sa climate change. Ayon sa balita, pumalo na sa 50 degri Celsius ang init ng panahon kaya pinag-iingat tayo. Tapos dadalo tayo riyan sa sinasabi ninyong Mayo Uno? Paano kung ma-heat stroke ako? Sasagutin ba ninyo?”

“Magdala ka ng payong at tubig, magsupot ka ng sumbrero at ng tshirt na may mahabang manggas. Hindi natin maaaring palampasin ang pagdiriwang ng Mayo Uno dahil nakikinabang tayo sa naging tagumpay ng mga manggagawa noon kaya may otso oras na paggawa tayo. Otso oras na paggawa, otro oras na pahinga o tulog, at otso oras sa iba pang gawain.” Sabi ni Lara, manggagawang lider-kababaihan sa pabrika nila.

“Dapat tayong maghanda sa pagkilos sa araw na iyan, kasama ang iba pang mga manggagawa sa iba pang pabrika. Isang napakahalagang araw itong dapat pinaghahandaan ng manggagawa taon-taon: ang makasaysayang Mayo Uno, na itinuturing na Dakilang Araw ng Paggawa.” Ito ang paliwanag ni Ka Igme. “Tama si Lara. Makasaysayan dahil naipagtagumpay ng manggagawa noon ang walong oras na paggawa. Kaya lalahok tayo. Ang sinasabi ni Mulong na party ay sa ibang araw na natin gawin, huwag sa mismong Mayo Uno dahil araw nating mga manggagawa iyon. Ibigay na natin ang araw na iyon para sa ating mga kapwa manggagawa. Lalahok tayo sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa upang ipakita ang ating lakas at pagkakaisa, hindi lang bilang karaniwang empleyado kundi bilang uri - uring manggagawa.”

“Anong ibig mong sabihin ng pagkilos bilang uri? At saka bakit uring manggagawa?” Tanong muli ni Mulong na tila nagugulumihanan.

“Alam mo, Mulong?” Ang sabi ni Ka Igme, “Mahalaga ang pagkilala ng manggagawa sa kanyang mga kamanggagawa bilang kauri dahil iisa tayo ng uring pinanggagalingan, ang uring walang pag-aari kundi tanging ang lakas-paggawa. Hindi tayo kabilang sa uring iilan, tulad ng kapitalista, asendero, o elitista. Kaya tayo manggagawa ay dahil ibinebenta natin ang ating lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng ilang barya o sahod upang mabuhay tayo at ang ating pamilya. Halos lahat ng pakinabang ng manggagawa ngayon ay ipinaglaban ng manggagawa, at hindi naman ito kusang ibinigay sa kanila. Benepisyo’t batas na dapat pang ipaglaban ng manggagawa upang matamasa, tulad ng otso oras na paggawa, sick leave, maternity leave, right to organize, karapatang mag-aklas, health benefits, retirement benefits, collective bargaining at marami pang iba.”

Sumagot din si Lara, “Noong panahon ng martial law na bawal ang magwelga, ipinutok ng mga manggagawa ng La Tondeña ang welga, kung saan naipanalo nilang maregular ang mga nasa 600 kaswal na manggagawa. Ah, talagang sa paglaban nating manggagawa nakukuha ang mga benepisyong kailangan natin dahil hindi ito kusang ibibigay ng mga tuso, dupang, at nagpapakabundat na kapitalista dahil makakabawas ito sa kanilang kinakamal na tubo galing sa dugo’t pawis ng manggagawa.”

“Kumbinsido na ako sa mga sinasabi ninyo. O, sige,” ani Mulong, “Sasama na ako sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Salamat. Ito ang mga detalye ng pagkilos.” Sabi ni Lara.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2023, pahina 18-19.

Martes, Abril 25, 2023

Una kong Poetry Book ng Nobel Prize Winner

UNA KONG POETRY BOOK NG NOBEL PRIZE WINNER
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago umuwi ay dumaan muna ako sa National Bookstore sa Malabon City Square kahapon, Abril 24, pagkagaling sa pulong sa tanggapan ng maralita sa Navotas. At doon ay nakita ko ang aklat na Field Work, Poems, ni Seamus Heaney, Winner ng Nobel Prize in Literature.

Naengganyo ako sa pabalat pa lamang, dahil nakasulat ay Poems sa ilalim ng pamagat na Field Work. Kung walang Poems na nakasulat, baka hindi ko ito pinansin. Nakadagdag pang nakaakit sa akin ang Winner of the Nobel Prize in Literature sa ilalim ng pangalang Seamus Heaney, na hindi ko naman kilala, at ngayon ko rin lang narinig at nabatid.

Hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na iyon, na kahit pamasahe ko na lang ang nasa bulsa ay agad kong binili. Nag-iisa na lang kasi iyon sa iskaparate ng mga aklat. Baka maunahan pa ako ng iba. Ika nga, treasure na ito para sa mga makatang tulad ko, at collector's item para sa aking munting aklatan. May sukat na 5.5" x 8.25" ang nasabing aklat na nabili ko sa halagang P199.00. Inilathala ito ng Farrar - Straus - Giroux (FSG) sa New York.

Nasa dalawampu't siyam na tula ang nalathala sa aklat, na umaabot ng limampu't apat na pahina. Ang kabuuang aklat ay nasa 68 pahina, kasama ang Acknowledgement, Table of Contents, at iba pang aklat ng FSG Classics. Nabanggit din ang pamagat ng iba pang aklat ng tula ni Seamus Heaney, na umaabot ng labingwalo, kabilang ang Field Work, apat na aklat ng kritisismo, dalawang Plays o Dula, at isang Translation o Salin. 

Bagamat may ilang aklat na rin ako ng nobela ng iba pang Winner ng Nobel Prize in Literature, tulad ng Old Man and the Sea ni Ernest Hemingway, na nagawaran ng Nobel Prize in Literature noong 1954, ang Field Work ni Seamus Heaney ang una kong aklat ng tula ng isang Winner ng Nobel Prize in Literature. 

Walang tala hinggil sa talambuhay ni Seamus Heaney, bagamat may tala o blurb sa likurang pabalat ng aklat hinggil sa Field Work: Field Work is the record of four years during which Seamus Heaney left the violence of Belfast to settle in a country cottage with his family in Glanmore, Country Wicklow. Heeding "an early warning system telling me to get back inside my own head," Heaney wrote poems with a new strength and maturity, moving from the political concerns of his landmark volume North to a more personal, contemplative approach to the world and to his own writing. In Field Work he "brings a meditative music to bear upon fumdamental themes of persons and place, the mutuality of ourselves and the world" (Denis Donoghue, The New York Times Book Review).

[Ang Field Work ang tala ng apat na taon kung saan iniwan ni Seamus Heaney ang karahasan ng Belfast upang manirahan sa isang bahay kubo sa kanayunan kasama ang kanyang pamilya sa Glanmore, Country Wicklow. Dininig ang "isang maagang babala sa sistemang nagsasabi sa aking bumalik sa loob ng sarili kong ulo," sumulat si Heaney ng mga tulang may bagong lakas at matyuridad, na kumilos mula sa mga pampulitikang pag-alala sa kanyang tungkong batong tomo ng North patungo sa isang mas personal, mapagnilay na pananaw sa daigdig at sa kanyang sariling sulatin. Sa Field Work kanyang "dinala ang mapagnilay na himig upang maatim ang mga batayang tema ng mga tao at lugar, ang pagdadamayan ng ating sarili at ng daigdig" (Denis Donoghue, The New York Times Book Review).]

Sa bandang ibaba naman ay nakasulat: "Seamus Heaney received the Nobel Prize in Literature in 1995. He lives in Dublin."

Nagsaliksik ako ng kanyang talambuhay, kung sino ba talaga siya, bukod sa pagiging Nobel Prize winner. Ayon sa wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Seamus_Heaney):

Seamus Justin Heaney MRIA (13 April 1939 – 30 August 2013) was an Irish poet, playwright and translator. He received the 1995 Nobel Prize in Literature. Among his best-known works is Death of a Naturalist (1966), his first major published volume. Heaney was and is still recognised as one of the principal contributors to poetry in Ireland during his lifetime. American poet Robert Lowell described him as "the most important Irish poet since Yeats", and many others, including the academic John Sutherland, have said that he was "the greatest poet of our age". Robert Pinsky has stated that "with his wonderful gift of eye and ear Heaney has the gift of the story-teller." Upon his death in 2013, The Independent described him as "probably the best-known poet in the world".

(Si Seamus Justin Heaney MRIA (Abril 13, 1939 - Agosto 30, 2013) ay isang makatang Irish, mandudula at tagasalin. Nagawaran siya ng Nobel Prize in Literature noong 1995. Kabilang sa kanyang pinakakilalang akda ang Death of a Naturalist (1966), ang kanyang unang mayor na nalathalang tomo. Kinilala at kinikilala pa rin si Heaney bilang isa sa pangunahing tagapag-ambag ng tula sa Ireland sa kanyang panahon. Inilarawan siya ng makatang Amerikanong si Robert Lowell bilang "pinakamahalagang makatang Irish mula pa kay Yeats", at marami pang iba, kasama ang akademikong si John Sutherland, na nagsabing siya "ang pinakadakilang makata sa ating panahon". Sinabi ni Robert Pinsky na "sa kanyang kahanga-hangang taglay na mata at tainga ay may talento si Heaney ng pagiging kwentista." Sa kanyang pagkamatay noong 2013, inilarawan siya ng The Independent bilang "marahil ang pinakabantog na makata sa daigdig".)

Ayon naman sa Poetry Foundation (https://www.poetryfoundation.org/poets/seamus-heaney): Seamus Heaney is widely recognized as one of the major poets of the 20th century. A native of Northern Ireland, Heaney was raised in County Derry, and later lived for many years in Dublin. He was the author of over 20 volumes of poetry and criticism, and edited several widely used anthologies. He won the Nobel Prize for Literature in 1995 "for works of lyrical beauty and ethical depth, which exalt everyday miracles and the living past." Heaney taught at Harvard University (1985-2006) and served as the Oxford Professor of Poetry (1989-1994). He died in 2013.

(Si Seamus Heaney ay kinikilala bilang isa sa mga pangunahing makata ng ika-20 siglo. Katutubo sa Hilagang Ireland, lumaki si Heaney sa County Derry, at kalaunan ay nanirahan ng maraming taon sa Dublin. Siya ang may-akda ng mahigit 20 tomo ng tula at kritisismo, at nag-edit ng maraming ginawang antolohiya. Nanalo siya ng Gawad Nobel para sa Panitikan noong 1995 "dahil sa pagkatha ng magagandang liriko at kaasalang malalim kung arukin, na ipinagbubunyi ang araw-araw na mga himala at ang buhay na nakaraan." Nagturo si Heaney sa Harvard University (1985-2006) at nagsilbi bilang Guro ng Pagtula sa Oxford (1989-1994). Namatay siya noong 2013.)

Sinubukan kong isalin sa wikang Filipino ang kanyang sonetong A Drink of Water, na nasa pahina 8 ng Field Work, Poems:

A Drink Of Water
by Seamus Heaney

She came every morning to draw water
Like an old bat staggering up the field:
The pump’s whooping cough, the bucket’s clatter
And slow diminuendo as it filled,
Announced her. I recall
Her grey apron, the pocked white enamel
Of the brimming bucket, and the treble
Creak of her voice like the pump’s handle.
Nights when a full moon lifted past her gable
It fell back through her window and would lie
Into the water set out on the table.
Where I have dipped to drink again, to be
Faithful to the admonishment on her cup,
Remember the Giver fading off the lip.

Isang Inuming Tubig
ni Seamus Heaney

Pag umaga'y pumupunta siya't umiigib ng tubig
Tulad ng matandang paniking pasuray-suray sa bukid:
Ang paglangitngit ng poso, ang kalampag ng timba
Na kaybagal man ay napupuno niya ito,
Inihayag sa kanya. Naalala ko
Ang kanyang abuhing apron, ang binulsang puting enamel
Ng umaapaw na timba, at ang patatlo-tatlong
Impit ng kanyang tinig na parang hawakan ng poso.
Mga gabing pasan ng bilog na buwan ang kanyang kabalyete
Bumagsak ito sa kanyang bintana at titihaya
Sa tubig na nakalagay sa hapag.
Kung saan nalubog ako upang uminom muli, upang maging
Tapat sa paalala sa kanyang tasa,
Alalahanin ang Tagabigay na kumukupas ang labi.

Nakalulugod na natsambahan ko ang isa sa kanyang aklat, na binili ko sa National Bookstore sa Malabon. Marahil para sa akin talaga ang aklat na ito. Maraming salamat po.

Linggo, Abril 16, 2023

Jerbert Briola, Gregorio Y. Zara, at iba pang inhinyero sa bansa

JERBERT BRIOLA, GREGORIO Y. ZARA, AT IBA PANG INHINYERO SA BANSA
Maikling pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming tinalakay na magagaling na nakatapos ng engineering sa artikulong ito: The undervalued Filipino engineer na sinulat ni Isagani De Castro, na nalathala Abril 15, 2023 sa Rappler.com, at matatagpuan sa link o kawing na: https://www.rappler.com/.../opinion-undervalued-filipino.../

Kung ako ang nagsulat nito, isasama ko si Jerbert Briola, kilalang Human Rights Defender (HRD) at isa sa founder ng HR online Ph, at ng taunang Human Rights Pinduteros Award, na graduate ng B.S. Chemical Engineering sa FEATI University. Siya rin ang opisyal na kinatawan ng human rights community sa bansa sa National Preventive Mechanism (NPM) against torture kasama ng CHR (Commission on Human Rights).

Halos kasabayan ko si Jerbert sa FEATI, dahil features literary editor ako ng campus paper na The Featinean noong siya pa ang pangulo ng FEATI University Supreme Student Council (FUSSC).

Unang nabanggit sa nasabing artikulo si Gregorio Y. Zara, mula rin sa FEATI U, at nag-iisang national scientist na inhinyero sa ating bansa. Siya ay naging propesor ng aeronautics sa FEATI, naging head ng Aeronautical Engineering Department at dean ng Engineering and Technology, at naging vice president at acting president ng FEATI. Si Zara ang imbentor ng TV Telephone noong 1956, ilang dekada bago tayo magkaroon ng video call sa ating mga selpon.

Nabanggit din sina Tony Tan Caktiong ng Jollibee, graduate ng chemical engineering sa UST; si Ramon Ang ng San Miguel Corp., graduate ng mechanical engineering sa FEU; si dating President Fidel V. Ramos na civil and military engineer; si Diosdado Banatao, ang sinasabing "Bill Gates" ng Pikipinas, graduate ng electrical engineering sa Mapua Institute of Technology; Edgar Saavedra, CEO ng Megawide, graduate ng civil engineering sa La Salle; at ang mag-amang engineer na si David at Sid Consunji, na nagdisenyo ng CCP, PICC, Folk Arts Theatre at Manila Hotel.

Binanggit din ang mga di kilalang inhinyerong nagtayo ng Banaue Rice Terraces, na kinilalang World Heritage Site ng UNESCO noong 1995.

Ang tanong: Paano nagamit ni Jerbert Briola ang kanyang tinapos bilang chemical engineer upang lalo pang mapatampok ang usapin ng karapatang pantao, bukod sa HR OnlinePh, Human Rights Pinduteros Award, at kinatawan sa NPM against torture? Tulad ng paano ginamit ni Caktiong ang pagiging chemical engineer upang mapalago ang Jollibee?

Tulad ko, paano ko ba ginagamit ang kursong BS Math, bagamat di ako nakatapos dahil maagang nag-pultaym, sa larangan ng pagsusulat, pagtula, at aktibismo?

Masasagot ito pag nakapanayam na si Jerbert Briola para sa isa pang artikulo. Maaang hindi ako. Maaaring ng Rappler pa rin.

Mabuhay ang mga kasamang inhinyero tulad ni Jerbert Briola!

Biyernes, Abril 14, 2023

Kwento - Poor Mindset versus Rich Mindset nga ba?

POOR MINDSET VERSUS RICH MINDSET NGA BA?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabigla ako sa sinabing iyon ng isang matagal nang kakilala. Ang sabi niya, “Kaya naman ganyan ang mga mhihirap na iyan kaya di umaasenso ay dahil sa poor mindset. Kung sila ay may rich mindset, aba’y di sila ganyan. Iyon ngang kapitbahay kong magbobote, noong bata pa ako ay magbobote na, ngayong matanda na ako, magbobote pa rin. Para bang wala silang pangarap, kaya di sila umasenso. Ngayon, pati anak niya ay magbobote na rin.”

Napatunganga ako sa kanyang sinabi. Isa kasi siyang entrepreneur, o yaong may maliit na negosyong pinagkakakitaan. Gayunpaman, batid niyang nasa kilusan ako ng mga maralita, na para bang sinasabi niyang “Bakit iyan ang mga kasama mo? Dapat sumama ka sa mga may rich mindset upang umasenso ka rin.” Subalit hindi niya iyon sinabi sa akin,

Ang tangi kong nasabi sa kanya, “Ako naman ay hindi sang-ayon diyan, dahil kahit nasa maralita man ako, di naman ako poor mindset, bagamat di rin naman ako rich mindset, na ang iniisip lagi ay paano magnenegosyo upang kumita. Ayokong tingnan ang tao sa dalawang iyan, poor mindset versus rich mindset. Dahil kaming mga aktibista, kaya naging aktibista, ay dahil sa good-of-all mindset.”

“Ano naman iyon?” ang agad niyang tanong.

“Pasensya na,” tugon ko, “na hindi ko talaga nabasa ang Rich Dad, Poor Dad, ni Robert Kiyosaki, na marahil ay binasa mo, at batayan mo ng poor mindset at rich mindset. Ang ibig kong sabihin sa good-of-all mindset ay ang kabutihan ng lahat, hindi lang ng iilan, hindi lang ng iisang pamilya, hindi lang ng pag-asenso ng pamilya ko, kundi sabayang pag-unlad ng lahat.”

“Paano naman mangyayari iyon?” ang agad tanong niya.

Agad din naman akong tumugon, “Kaya ako naging aktibista ay dahil sa paniniwalang iyan, good-of-all, kabutihan ng lahat. Dapat walang maiiwan, walang nagsasamantala ng tao sa tao. Sa pananaw ko, iyang rich mindset na sinasabi mo ay pansariling pag-asenso lang, na iyan ay makukuha mo sa sipag at tiyaga. Nagbi-breed iyan ng pagkamakasarili, at nawawala ang pakikipagkapwa sa ngalan ng tubo o malaking kita. Sa good-of-all mindset, laging dignidad ng tao ang una, nakikipagkapwa tao at nagpapakatao. Kaya pangarap namin ay maitayo ang isang lipunang makatao na ang lahat ay nakikinabang. Walang maiiwan sa pag-unlad.”

“Mahirap iyang sinasabi mo. Hindi ko kaya. Bakit ko iisipin ang ibang tao? Sarili nga nila, hindi nila iniisip. Baka nagbi-breed naman ng katamaran iyang gusto niyong good-of-all minset? Matapos magtrabaho ng manggagawa, saan sila madalas pumunta? Hindi ba sa inuman? Imbes na mag-isip pa sila ng mga bagay na makakatulong sa pamilya, sa inuman ang tuloy nila. Tapos pag-uwi ng bahay, matutulog na lang. Pag nagutom siya dahil lasing, maghahanap ng pagkain. Pag walang luto, aba, bugbog-sarado pa si misis.” Ang ganting sagot ng aking kausap.

Sabi ko, “Hindi naman lahat ng manggagawa ay ganyan. Hindi ba’t matapos ang maghapong pagnenegosyo ng mga negosyante, aba’y saan sila pumupunta? Hindi ba’t sa casino? Dahil maraming pera, doon inuubos ang pera nila? Pag kinapos, at ayaw matalo, pati sariling bahay at kotse ay isinasangla, makabawi lang. Subalit huwag na nating palawigin pa sa ganyang patutsadahan ang ating pagtatalo. Ang mahalaga naman ay ang pananaw natin sa ating kapwa tao, mahirap man o mayaman. Tingin ko, bayanihan, damayan, tulungan, at tangkilikan ang buod ng good-of-all mindset. At iyan sana ang mangibabaw na kaisipan. Gayunman, tama ka, hindi lahat ay kaya ang aming ginagawa, dahil ang uunahin nila ay ang kapakanan ng kanilang pamilya. Nauunawaan ko kayo doon. Subalit kung iyan ang magiging dahilan upang mang-api at magsamantala ng tao, aba’y kakampihan talaga namin ang mahihirap at manggagawa na nagsisikap upang mapakain nila ang kanilang pamilya.”

“O, sige,” aniya, “nauunawaan din naman kita. Kaya lang, di talaga iyan ang plano ko. Pag-iisipan ko pa rin lahat ng sinabi mo. Susubukan kong unawain. Kita na lang tayo sa susunod at usap pa tayo. Salamat.”

“Sige,” tugon ko. “Maraming salamat din sa pakikinig.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 1-15, 2023, pahina 18-19.