Huwebes, Hunyo 29, 2023

Kwento - Ang Larawan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

ANG LARAWAN

“Natuwa ako sa larawang aking nakita. Nakapagmumulat talaga. Magaling ang nagpinta niyon. Para bang tulad din nating aktibistang naghahangad ng pagbabago sa lipunan.” Ito ang sabi ni Igme kay Isay.

“Bakit? Saan ka ba nagpunta? Nakunan mo ba ng litrato sa selpon mo?” Sagot naman ni Isay. “Tingnan ko nga.”

Agad namang ipinakita ni Igme ang larawan sa kanyang asawa.

“Tingnan mo, Isay, hindi ba? Para bang iyan ang itinuro sa atin noon sa Aralin sa Kahirapan (ARAK), at sa Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran (LSK2) noong mga YS pa tayo. Kung paano ba nagpapasasa ang mga bundat na pulitiko at tusong negosyante sa pagsasamantala sa mga maliliit.” Pagpapatuloy ni Igme.

Maya-maya’y dumating ang kapitbahay nilang si Inggo na kolektibo rin nila noong mga estudyante pa sila.

“Ano na naman iyan, Igme. Para bang tungkol sa kasaysayan ang ibinibida mo ngayon, ah,” ani Inggo.

“Oo, pare. Nagandahan ako sa konsepto ng isang iginuhit na larawan na nakapaskil sa pader ng isang pagupitan. Nadaanan ko lang at nilitratuhan ko. Tingnan mo,” ang sabi naman ni Igme.

“Mapagmulat ang mensahe niyan, “sabi ni Inggo. “Matatapos na ang piging ng mga bundat na mayayaman, bukod sa mabulunan sila, ay kung titindig ang mga manggagawa’t maralitang matagal nang inaapi at pinagsasamantalahan ng naghaharing uri. Subalit kung titindig nga sila. Kung hindi sila tatayo, mangangalay lang sila at mapapagod sa pagsisilbi sa mga mayayamang nambabarat pa sa kanilang mga sahod.”

“Ibig sabihin niyan, pare,” sumabad si Isay, “kahit matatanda na tayo, hindi pa rin tapos ang ating gawain ng pagmumulat. Dapat patuloy tayong magmulat, at ipakita sa sambayanan na dapat silang manindigan at sama-samang kumilos kung nais nilang mabago ang kalagayan nila, at mabago ang sistemang umiiral.”

“Ibig sabihin ba niyan, babalik tayo sa kilusan, gayong mayroon na tayong naipanalong relokasyon at may sariling bahay?” Tanong ni Inggo.

“Ano pa nga ba,” si Isay uli. “Nang makita ko ang larawang iyan,  nabuhay muli ang nais kong tumulong upang magmulat at magpakilos. Hindi pa naman natin nakakamit ang lipunang asam natin.”

“Nakakagalit nga ang larawang iyan. Nakatukod ang likod ng mga manggagawa, magsasaka, at karaniwang tao sa hapag kainan ng mayayaman. Para silang mga paa ng lamesa.” Sabi ni Igme. “Inilalarawan lang niyan ang tunay na kalagayan nating mga maliliit. Kung ang larawang iyan ang muling magpapakilos sa atin sa katotohanan ng buhay at pagnanasang makamit ang isang lipunang makatao, lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, aba’y magsikilos muli tayo. Kakausapin ko si Ka Kokoy upang makipagpulong  tayo sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), o sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Ano, sasama ba kayo?”

“Dati akong nasa Sanlakas,” ani Isay, “sasama ako sa plano ninyo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Mayo 29, 2023

Kwento - Karapatang Pantao at Pangangalaga sa Kalikasan, Idagdag sa Panatang Makabayan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

KARAPATANG PANTAO AT PANGANGALAGA SA KALIKASAN, IDAGDAG SA PANATANG MAKABAYAN

“Alam n’yo ba, pare,” sabi ni Inggo, “nagpalabas pala ng Memo Blg. 4 ang DepEd, nito lang Pebrero 14, 2023,  na pirmado ni VP  Sara Duterte, na ang laman, pinalitan lang ang katagang nagdarasal ng nananalangin sa Panatang Makabayan. Iyon lang ang punto ng memo.”

“Ano ba naman iyan?” sagot ni Igme, “kayraming dapat palitan, iyan lang. Ni hindi man lang mailagay ang mga mahahalagang isyu ng lipunan na dapat alam ng mga kabataan habang bata pa sila.”

“Ano naman ang dapat pang idagdag?” ani Igme, habang nakikinig na rin si Aling Isay sa usapan. “E, nung bata pa tayo, mukha namang maayos na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Iniibig ko ang Pilipinas. Ito ang tahanan ng aking lahi. Ako'y kanyang kinukupkop at tinutulungan, upang maging malakas, maligaya at kapaki-pakinabang…”

“Ops, Inggo, hindi na iyan tulad noong bata pa tayo. Binago na ang mga salita sa Panatang Makabayan. Di ko alam kung kailan nila binago.” si Mang Igme, “Gayunpaman, sa mga nagdaang panahon natin ng pakikibaka mula martial law hanggang ngayon, hanggang sa nagkaroon ng malawakang patayan dahil sa War on Drugs sa panahon ng tatay ni Sara, hindi na iginalang ang karapatang pantao, na para bang barya-barya na lang ang buhay. Tapos, tumitindi na rin ang pag-iinit ng mundo dahil sa climate change. Dapat di na umabot sa 1.5 degri ang lalo pang pag-init ng mundo. Iyang dalawang isyung iyan, sa palagay ko, ang dapat maisama sa Panatang Makabayan, ang pagrespeto sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan.”

“Ayos iyan, Igme,” ani Aling Isay, “Sang-ayon ako riyan. Subalit hindi mangyayari iyan sa panahon ni Sara. Bakit? Anak siya ng dating pangulong naging dahilan ng malawakang patayan, na kahit mga bata, tulad nina Danica Mae Garcia, 5, at Althea Berbon, 4, ay napatay din. Subalit maganda ang mungkahi mo.”

“Oo nga, sang-ayon din ako, Igme, sa mungkahi  mo.” Sabi naman ni Inggo, “Ngunit paano mo ba sisimulan iyan? Dapat yata isulat mo iyan. Matatanda na tayo, may maiambag man lang tayo upang isulong pa rin ang karapatang pantao at ang climate emergency na tinalakay sa atin minsan ng mga kasama sa Philippine Movement for Climate Justice.

“Tama kayo, mga kasama, kahit internasyunalista tayo at hindi makabayan, susubukan kong isulat upang maisama sa Panatang Makabayan ang usapin ng paggalang sa karapatang pantao at pangangalaga sa kalikasan. Upang mapatimo na sa murang isipan ng mga bata ang kahalagahan ng mga isyung iyan, lalo’t may kaugnayan iyan sa pangarap nating pagtatayo ng lipunang makatao” ani Igme. “Kaya lalabas sa kabuuan ng Panatang Makabayan ay ito:”

Panatang Makabayan,
Iniibig ko ang Pilipinas,
aking lupang sinilangan
tahanan ng aking lahi;
kinukupkop ako at tinutulungang
maging malakas, masipag at marangal.
Dahil mahal ko ang Pilipinas,
diringgin ko ang payo
ng aking mga magalang,
susundin ko ang tuntunin ng paaralan,
tutuparin ko ang tungkulin
ng mamamayang makabayan
na gumagalang sa karapatang pantao
at nangangalaga sa kalikasan,
naglilingkod, nag-aaral, at nananalangin
nang buong katapatan.
Iaalay ko ang aking buhay,
pangarap, pagsisikap
sa bansang Pilipinas.

“Aba’y mahusay ang pagkakadugtong mo, di lang pagpapalit ng salita kundi pagdagdag ng konsepto,” sabi ni Aling Isay. “bagamat alam nating baka di gawin iyan ng anak ng dating pangulo, dahil sa mga naganap na malawakang pagpaslang noong panahon nito sa pagiging pangulo.”

“Mahalaga ay maitimo sa isipan ng kabataan iyan ngayon,” ani Igme” at baka sa mga susunod pang panahon, ay mailagay na iyan sa Panatang Makabayan, hindi man sa panahon natin ngayon, kundi tatlumpung taon man o limampung taon pa sa hinaharap.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2023, pahina 18-19.

Lunes, Mayo 15, 2023

Paghahanap sa libro ni Pilosopo Tasyo, si VS Almario, at ang nobelang Tasyo ni EA Reyes

PAGHAHANAP SA LIBRO NI PILOSOPO TASYO, SI VIRGILIO ALMARIO, AT ANG NOBELANG TASYO NI ED AURELIO C. REYES
Maikling saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang panibagong dakilang layon na naman ang nadagdag sa aking balikat: ang ipalaganap ang nobelang Tasyo ng namayapang awtor Ed Aurelio "Sir Ding" C. Reyes.

Bunsod ito ng sinulat ni national artist for literature Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Sarì-Sámot sa Filipino Ngayon sa pesbuk, na pinamagatang Ang Libro ni Pilosopo Tasyo. Ito'y nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=698097328988568&set=a.503294381802198

Ayon sa kanya, "Mabuti pa ang mga hiyas ni Simoun at pinakinabangan ng panitikan. Noong 1941, sumulat si Iñigo Ed. Regalado ng isang mahabàng tulang pasalaysay, ang Ibong Walang Pugad, at dinugtungan niya ang mga nobela ni Rizal. Pinalitaw niyang may anak si Elias, at sinisid nitó ang kayamanan ni Simoun, at ginámit sa kawanggawa para tulungan ang mga dukha. Nitong 1969 inilathala naman ni NA Amado V. Hernandez ang nobelang Mga Ibong Mandaragit, at isang gerilya ang sumisid sa kayamanan ni Simoun para gamítin sa kampanya laban sa mga gahaman ng lipunan. Ngunit walâng nagkainspirasyong kupkupin ang mga libro ni Pilosopo Tasio."

Mayroon. May nobelang Tasyo si Sir Ed Aurelio C. Reyes na nalathala pa noong 2009. Mababasa ninyo ang buong nobela, na may labimpitong kabanata sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htm

Hindi sapat ang karampot kong salapi dahil pultaym na tibak upang matustusan ang pagpapalathala ng aklat na Tasyo. Subalit bakit ko tutustusan?

Matagal ko nang kakilala si Sir Ding Reyes, mula pa noong 1995 sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA, at sa paglulunsad ng Seremonya ng Kartilya ng Katipunan na sinamahan ko sa Titus Brandsma sa QC. Nakasama ko siya bilang associate editor ng pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006. Magkasama rin kami sa Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Namayapa siya noong 2015

Kaya nang mabatid ko ang sinabing iyon ni Sir Virgilio S. Almario, na guro ko sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, hinggil sa walang nagpatuloy o nag-usisa man lang hinggil sa librong naiwan ni Pilosopo Tasyo, agad akong dapat magsalita. Dahil ang pananahimik ay pagiging walang pakialam sa kabila ng may alam.

Kung may mga awtor na nagdugtong sa nobela ni Rizal, may awtor ding gumawa ng nobela hinggil sa naiwang sulatin ni Pilosopo Tasyo - si Sir Ed Aurelio C. Reyes, kung saan ang kanyang nobela ay pinamagatang TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?

Marahil, dahil ang kanyang nobelang Tasyo na nakalathala bilang aklat ay kumalat o naibenta lamang sa loob ng kanyang sirkulo, o sa mga kaibigan, o sa kanyang mga estudyante, hindi iyon talaga lumaganap. Hindi iyon talaga nailagay sa mga kilalang tindahan ng aklat. Nakita ko rin ang kopyang ito noong nabubuhay pa siya subalit hindi ako nakabili. Makikita pa sa pabalat ng aklat ang nakasulat sa baybayin. Kilala ko rin si Sir Ding kung saan sa kanya rin ako natuto ng pagbu-bookbinding ng kanyang mga aklat.

Marahil, kung nailathala ito ng mga kilalang publishing house sa bansa, baka nagkaroon ito ng mga book review, dinaluhan ng mahilig sa panitikan at kasaysayan ang paglulunsad nito, at nabatid ito ni Sir Almario.

Ngayong patay na ang may-akda ng Tasyo, marapat naman nating itaguyod ang kanyang nobela sa mga hindi pa nakakaalam, upang maisama rin ito sa mga book review at sa kasaysayan ng mga nobela sa Pilipinas. Sa ngayon, iyan ang aking magagawa sa nobela ng isang mabuting kaibigan - ang itaguyod ang kanyang nobelang Tasyo sa mas nakararaming tao. Hindi man natin ito nailathala bilang aklat ay nakapag-iwan naman siya ng kopya ng buong nobela sa internet. 

Tara, basahin natin ang online version ng labimpitong kabanatang nobelang Tasyo sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htmMaraming salamat.

Linggo, Mayo 14, 2023

Kwento - Sahod vs. Presyo? O Sahod vs. Tubo?

SAHOD VS. PRESYO? O SAHOD VS. TUBO?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit pag sa malalaking kinikita ng mga kapitalista o ng malalaking negosyante, walang nagsasabing tataas ang presyo ng mga bilihin pag tumaas ang kanilang kinikita? Subalit kaunting baryang taas ng sahod ng manggagawa, sinasabing magtataasan na ang presyo ng mga bilihin?” Ito ang bungad na tanong ni Aling Ines kay Mang Igme, habang sila’y naghuhuntahan sa karinderya ni Mang Igor katabi ng opisina ng unyon.

Narinig iyon ni Mang Inggo, isa sa lider ng unyon. “Hindi po totoo na pag tumaas ang sahod ng manggagawa ay tataas din ang presyo ng bilihin. Binobola lang tayo ng mga iyan. Paraan nila iyan nang hindi tayo taasan ng sahod habang limpak ang kita nila sa ating lakas-paggawa.”

Sumabad din si Mang Igme, “Ano ka ba naman, kasamang Ines. Syempre, kapitalista sila. Mga negosyante, malakas ang kapit sa gobyerno, at makapangyarihan. Tama si Inggo. Ang totoo niyan, ang talagang magkatunggali ay sahod at tubo, sahod ng manggagawa, at tubo ng kapitalista. Pag tumaas ang sahod ng manggagawa, bababa ang tubo ng kapitalista. Upang tumaas ang tubo ng kapitalista, dapat mapako sa mababa ang sahod ng manggagawa. Kaya walang epekto sa kapitalista ang presyo ng bilihin, tumaas man o bumaba.”

“Subalit bakit nga ganyan? E, di, ang dapat pala nating hilingin o kaya’y isigaw: Sahod Itaas, Tubo Ibaba! Hindi ba?” Sabi ni Aling Ines.

“Tama ka, Ines!” si Mang Igme uli, “Subalit ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba ay mas makapagmumulat sa mas malawak na mamamayan, dahil iyon ang mas malapit sa kanilang bituka. Baka hindi nila intindihin ang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, baka sabihing panawagan lang iyan sa loob ng pagawaan. Sa ngayon, nananatili pa rin namang wasto, bagamat kapos, ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba.”

Sumagot din si Mang Igor na nakikinig matapos magluto. “Kaya kailangan pa ng mamamayan ang makauring kamalayan, na magagawa lang natin sa pagbibigay ng edukasyong pangmanggagawa, tulad ng Landas ng Uri, Aralin sa Kahirapan, at ang paksang Puhunan at Paggawa. Hangga’t hindi naaabot ng manggagawa ang makauring kamalayan, baka hindi nila maunawaan ang panawagang Sahod Itaas, Tubo Ibaba, o Tubo Kaltasan. Paano ito maiuugnay sa buhay sa lipunan.”

“Sige,” sabi ni Aling Ines. “Magpatawag tayo ng pulong at pag-aaral sa Sabado upang talakayin ang konseptong iyan. Bago iyan sa amin.”

Dumating ang araw ng Sabado, at sa opisina ng unyon ay dumalo ang nasa dalawampung manggagawa. Idinikit nila sa pader ang isang manila paper. Matapos ang kumustahan ay nagsimula na ang talakayan.

Si Mang Igme, "Alam nyo ba na may apat na sikreto ang kapitalismo hinggil sa sahod, subalit apat na katotohanang pilit nilang itinatago sa manggagawa. Una, ang sahod ay presyo. Ikalawa, ang sahod ay kapital. Ikatlo, ang sahod ang pinanggagalingan ng tubo. At ang huli, ang sahod ay galing mismo sa manggagawa. Napakaliit na nga ng naibibigay sa manggagawa, nais pang baratin ng kapitalista upang humamig pa limpak-limpak na tubo. Ang sahod ay hindi lang panggastos ng manggagawa para siya mabuhay. Ito mismo ay gastos ng kapitalista para umandar ang kanyang negosyo at lumago ang kanyang kwarta. Ibig sabihin, ito ang pinakaimportanteng bahagi ng kanyang kapital.”

Nagtanong si Iking, “Ibig po bang sabihin, hindi sapat ang sigaw nating Sahod Itaas, Presyo Ibaba, kundi ang sinabi ni Aling Ines na Sahod Itaas, Tubo Bawasan, kung sa atin palang manggagawa galing ang tubo.”

“Tama ka.” Sagot ni Mang Igme. Mahaba pa ang naging talakayan. Maraming tanong at paliwanag. 

Pinutol ni Mang Inggo ang talakayan, "Kung wala nang mga tanong, iyan muna ang ating tatalakayin. Sunod nating paksa ay bakit kailangan natin ng kamalayang makauri." Sumang-ayon naman ang mga kasama.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2023, pahina 18-19.