Martes, Enero 16, 2024

Ang wastong gamit ng gitling sa panlaping ika

ANG WASTONG GAMIT NG GITLING SA PANLAPING IKA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba ginagamit ang gitling sa panlaping ika? Sa pagkakaalam ko, ginagamitan ng gitling ang ika pag ang kasunod na salita ay numero. 

Ang ika ay panlapi, kaya ikinakabit ito sa salitang-ugat. Kaya bakit lalagyan ng gitling kung naging salita na ang pagkakabitan ng ika? Halimbawa, ikaapat, ikalima, ikaanim. Pag numero na sila, lalagyan na ng gitling, ika-4, ika-5, ika-6.

Nakita ko na naman ang ganitong pagkakamali sa palaisipan sa isang pahayagan ngayong Enero 16, 2024. Sa unang larawan ay makikita sa 4: Pahalang ang Ika-apat na buwan. Dapat ay Ikaapat na buwan. 

Sa aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata VI, Ang Palagitlingan, pahina 58, ay ganito ang nakasulat (tingnan din ang ikalawang larawan):

(m) kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod na hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero, figure). Gaya ng:

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4; kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng: 

ikawalong oras; ikasampu't kalahati; ikalabing-isa
ikadalawampu't walo ng Pebrero; ikalabintatlo ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawa

Sa tungkulin namang pandiwa, ang ika, na nangangahulugan ng maging sanhi, kadahilanan, o bagay na ikinagagawa o ipinangyayari ng sinasabi ng salitang-ugat, ay ikinakabit na rin nang tuluyan o walang gitling, yamang wala nang iba pang anyong sukat pagkamalan. Gaya ng:

ikamatay, ikakilala, ikalungkot, ikaunlad, ikagiginhawa

Kahit naman hindi natin tingnan ang alituntunin sa Balarila ni L.K.Santos, pag alam nating panlapi, ikinakabit natin ito sa salitang-ugat nang hindi nilalagyan ng gitling. Halimbawa, magutom, nagtampo, paglathala, mangahas, makibaka.

Maraming panlapi, hindi lang ika. Nariyan ang ma-, mang-, mag-, na, nang-, nag-, pa-, pang-, pag, at iba pa. Subalit kailan ito lalagyan ng gitling? Walang gitling sa mga salitang-ugat, maliban kung depende sa buka ng bibig, lalo na kung kasunod ng panlaping may katinig sa dulo ang salitang-ugat na nagsisimula sa patinig. Ang mayari ay iba sa may-ari. Ang pangahas ay iba sa pang-ahas. Ang nangalay ay iba sa nang-alay. Ang magisa ay iba sa mag-isa.

Nawa'y naunawaan natin ang tamang paggamit ng gitling sa ika. Payak lang ang panuntunan. Pag numero ang kasunod ng ika, may gitling sa pagitan nila. Ika-7, ika-8, ika-9. Subalit kung salita, hindi na nilalagyan ng gitling. Ikapito, ikawalo, ikasiyam.

Naisipan kong gawan ng tula ang paggamit ng gitling sa ika.

ANG GITLING SA PANLAPING IKA

lalagyan mo ng gitling ang panlaping ika
kung kasunod ay numero, at hindi letra
walang gitling sa ikaapat, ikalima
ngunit meron sa ika-4, ika-5

sa panlaping ika'y ganyan ang panuntunan
bukod sa ika, maraming panlapi riyan
pag-, mag-, nang-, maki-, aba'y kayrami po niyan
wastong paggamit nito'y dapat nating alam

may panlaping depende sa buka ng bibig
kapag ang dulo ng panlapi ay katinig
simula ng salitang-ugat ay patinig
tulad ng pag-asa, pang-uuyam, pag-ibig

alamin ang wastong paggamit ng panlapi
upang sa pagsusulat ay di magkamali
pangit basahin kung salita'y bakli-bakli
imbes kanin at ulam, hapunan mo'y mani

01.16.2024

Ang siyam kong aklat ng maikling kuwento

ANG SIYAM KONG AKLAT NG MAIKLING KUWENTO
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa aking paboritong basahin at pagpalipasan ng oras ay ang pagbabasa ng maikling kwento, lalo na sa magasing Liwayway. Isa rin sa madalas kong isulat, bukod sa sanaysay at tula, ang maikling kwento, tulad ng inilalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML).

Sa munti kong aklatan ay may may siyam na pala akong aklat ng maikling kwento. Sa siyam na iyon, ang apat na aklat ay inilathala ng Ateneo de Manila University Press, at tig-isa naman ang University of the Philippines Press, Pantas Publishing, National Book Store, Bookman, Inc., at Psicom Publishing.

Ang apat na inilathala ng Ateneo ay ang Landas sa Bahaghari at Iba Pang Kuwento ni Benjamin P. Pascual, Alyas Juan de la Cruz at iba pang Kuwento ni Placido R. Parcero Jr., Mga Piling Katha ni Liwayway A. Arceo, at Si Juan Beterano at Iba Pang Kuwento ni Rosario De Guzman-Lingat.

Inilathala naman ng UP Press ang Paglawig ng Panahon: 20 Maiikling Kuwento ni Gloria Villaraza Guzman. National Book Store naman ang naglathala ng Tuhug-Tuhog ni Frank G. Rivera, 25 Maiikling Kuwento ng Pag-ibig at Pakikipagsapalaran ng OFWs. Inilathala naman ng Pantas Publishing ang Mga Kuwento Mula sa Lipunan, 12 Maikling Kuwento, ni Edberto M. Villegas, habang ang Mga Kuwento ni Lolo Imo, na siyang salin mula sa Ingles ng mga kuwento ni Maximo Ramos, ay inilathala naman ng Bookman, Inc. Isinalin nina Ma. Veronica U. Calaguas at Ma. Jessica H. Tolentino. Ang BASAG: Modernong Panitikan ng mga Kuwentistang Wasak na pinamatnugutan ni Juan Bautista ay inilathala naman ng Psicom Publishing.

Kapansin-pansin na hindi gaya ng inilalathala ko sa Taliba na maikling kwento, sa pamagat ng mga aklat ay may u ang kwento, kaya kuwento. Marahil ito ang wastong pagbaybay, subalit nasimulan ko na sa Taliba ang kwento, na marahil ay modernong baybay ng salita.

Bukod sa siyam na aklat na nabanggit ko, may iba pa akong aklat ng kuwento na nasa lalawigan, tulad ng Sa Aking Panahon, 13 Piling Katha (at Isa Pa!) ni Edgardo M. Reyes. Pati na ang aklat na 60-40 at Iba Pang Akda ni Mabini Rey Centenona natatandaan kong ang nagbigay ng Introduksyon sa libro ay si Liwayway Arceo. Tanda kong dito ko nabatid kung ano ang ibig sabihin ng balantukan, sa kuwentong Maghilom Ma'y Balantukan ni Centeno. Ibig sabihin, sugat na naghilom na sa labas, ngunit sariwa pa sa loob, tulad halimbawa ng karanasan sa pag-ibig at paghihiwalay.

Hindi ko na matandaan ang iba pang aklat na nabili ko na nasa lalawigan. Subalit dahil hindi ko hawak at wala sa aking aklatan ang mga iyon ay nabanggit ko na lang. Kung idadagdag pa ang dalawa, aba'y labing-isa pala ang aklat ko ng maikling kuwento.

Ano ba ang nasa maikling kuwento at bakit ko ba nakahiligan ang pagbabasa niyon? Una, lagi kong nababasa ang maikling kuwento sa magasing Liwayway, at sa totoo lang, mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa magbasa ng tula. Buhay na buhay kasi ang mga karakter at akala mo'y kuwento lang sa tabi-tabi kung saan ako naroon.

Ikalawa, nagbabasa ako ng maikling kuwento bilang paraan ko ng paghahasa ng sariling kakayahan, lalo na't may dalawang pahinang espasyong nakalaan sa maikling kuwento sa aming publikasyong Taliba ng Maralita.

Ikatlo, ang pagsusulat ko ng maikling kuwento ay bilang paghahanda sa mas mahaba-habang kuwento o nobela na maraming kabanata. Pangarap ko kasing maging nobelista balang araw. Sa mga susunod pang aakdaing sanaysay, balak kong isa-isahing talakayin ang mga aklat na ito ng maiikling kuwento.

Bagamat mas kinagigiliwan kong magbasa ng maikling kuwento kaysa tula, nais ko namang maghandog ng tula hinggil sa maikling kuwento.

SA PAGKATHA NG MAIKLING KUWENTO

maikling kuwento'y inaakda ko sa Taliba
na munting publikasyon ng samahang maralita
na kinagigiliwan kong isulat, di lang tula
at makabagbag-damdamin kung mabasa ng madla

maikling kuwento'y nakakatulong sa pagmulat
hinggil sa lipunan at mga isyung mabibigat
pinapaksa'y pakikibaka't pagsasabalikat
ng mga layunin laban sa isyung maaalat

di malagay sa Taliba ang maikling kuwento
kapag ang paksa'y di pangmaralita o obrero
sa blog ko na lang ng kuwento inilalagay ko 
nang matipon din at balang araw maisalibro

may nabili't natipon akong libro sa aklatan
hinggil sa maiikling kuwentong kagigiliwan
o marahil kuwentong ikagagalit mo naman
dahil kaytindi ng banghay at pagsasalarawan

maraming salamat sa mga aklat kong nabili
kaya sa pagbasa't pagsulat nito'y nawiwili
uupakan ko sa kuwento ang tuso't salbahe
habang bida naman ang dukha, obrero't babae

01.16.2024

Lunes, Enero 15, 2024

Ang frost o andap

ANG FROST O ANDAP
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang frost ba sa salitang Benguet ay andap? Ito ang nabasa ko sa balita sa pahayagang Abante, Enero 15, 2023, pahina 3. Ang balita ay may pamagat na "Mga Benguet farmer inalerto sa frost".

Ayon sa unang talata ng balita: "Naghahanda na ang mga magsasaka ng Atok, Benguet sa magiging epekto ng 'frost' o 'andap' dahil sa lalong tinatamaang lamig sa Benguet."

Tinanong ko si misis hinggil dito pagkat siya't taga-La Trinidad, Benguet, at ang mga ninuno'y taga-Mountain Province, at halos dalawang taon ding nagtrabaho sa Atok. Subalit hindi niya arok kung ano ang andap, pagkat ang alam din niya, ang andap ay salitang Tagalog, na ibig sabihin ay kutitap o patay-sindi. Nagagamit ko rin ang andap sa pagtula tulad ng aandap-andap ang buhay ng mahihirap.

Si misis ay Igorota subalit ang salita sa Atok, ayon sa kanya, ay Ibaloi. Nakakita na ako ng diksyunaryong Ibaloi, na makapal, subalit natatandaan ko'y nasa isang pinsan ni misis sa Baguio. Marahil pag nagawi uli kami roon ni misis ay titingnan ko muli ang diksyunaryong Ibaloi kung ano ang andap.

Nahanap ko naman sa facebook post ng PTV Cordillera na ginamit ang frost bilang andap, sa kanilang post noong Enero 10, 2021, tatlong taon na ang nakalipas. Ayon sa kanilang ulat: "Naitala ang 'andap' o frost sa Paoay, Atok, Benguet ngayong umaga kasabay pa rin ng pagbaba ng temperatura. Alas kwatro ng madaling araw kanina ay naitala ang 11 degrees celsius na temperatura sa Baguio City na sinundan ng 10.4 degrees celsius kaninang 6:30 ng umaga. Mas mababa naman ang temperatura sa mataas na bahagi ng Benguet."

Ibig sabihin, hindi typo error na ang frost ay andap kundi ito marahil ang native o taal na salita sa Benguet ng frost. Hindi natin ito makita sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), lalo na sa English-Tagalog Dictionary (ETD) ni Leo James English. Ang dalawang iyan kasi ang dalawang diksyunaryong nasa akin kaya sinasangguni ko. Bukod sa iba pang diksyunaryong maliliit na nasa akin. Sa UPDF naman ay may mga entri ng iba't ibang lengguwahe sa bansa, kaya nagbakasakali ako roon. May Ilokano, Kapampangan, Bisaya, Igorot, Meranaw, at iba pa.

Ayon sa ETD, pahina 393, ang frost ay frozen dew: Hamog na nagyelo. Namuong hamog.

Ayon naman sa UPDF, pahina 374, ang frost ay salitang Ingles na nangangahulugang 1: pamumuo o pagtigas dahil sa lamig; 2: lamig ng temperatura na sapat na makapagpayelo; 3: namuong hamog dahil sa lamig.

Ayon pa sa UPDF, pahina 53, ang andap ay 1: liwanag na malamlam, kukurap-kurap o patay-sindi; 2: {Sinaunang Tagalog] pagkurap ng mga mata. Sa kasunod na entri, ang andap din ay "takot". Kaya pala, may naririnig ako noong bata pa ako, pag sinabing "andap ka sa kanya, ano?", iyon pala'y takot ka sa kanya kaya iniiwasan mo siya.

Mas malinaw ang paliwanag sa www.cordillera.com sa kanilang post noong Enero ng taon 2020: Frost or 'andap' in local language is a yearly occurrence in the months of January or February. It usually occurred due to a cold temperature brought by the northeast monsoon or 'amihan'.

Kaya nang mabatid kong may lokal na salita sa frost, at ito nga ang andap (na marahil nga'y salitang Ibaloi), aba'y may magagamit na akong wikang katumbas ng frost para sa tula. Mahirap ding gamitin dahil nga may andap sa wikang Tagalog. Baka makalito lang. Subalit ginawan ko pa rin ng tula sa aking notbuk na nais kong ibahagi sa inyo:

ANG FROST O ANDAP

ang salin pala ng frost ay andap sa Atok, Benguet
nabasa sa ulat ni Atok Mayor Franklin Smith

nasa ten degrees Celsius na raw ang temperatura
na baka raw eight degrees Celsius ang ibababa pa

mga magsasaka roo'y pinaalalahanan
ang banta ng lumalamig na klima'y paghandaan

kaya maaga nilang didiligan ang pananim
upang matunaw ang yelo't di malanta ang tanim

sabi ni misis, ang andap ay salitang Ibaloi
kako naman, sana pananim nila'y di maluoy

naisip ko, buhay na kaylamig, aandap-andap
anong gagawin kung walang init na natatanggap

01.15.2024

Kung walang sagot, mali ba ang tanong?

KUNG WALANG SAGOT, MALI BA ANG TANONG?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Enero 14, 2024 isyu ng palaisipang Aritmetik sa pahayagang Pang-Masa, pahina 7, nakita kong walang sagot sa panglima ng walong tanong dito.

Sa instruksyon, ilagay ang product sa unang box o i-multiply. Sa ikalawa at ikatlo ang mga digit. At sa ikaapat ang sum o total.

Sa unang tanong, ito ang sagot: 6 x 13 = 78; 6 + 13 = 19.
Ikalawang tanong: 29 x 3 = 87; 29 + 3 = 32.
Ikatlong tanong: 21 x 4 = 84; 21 + 4 = 25.
Ikaapat na tanong: 18 x 3 = 54; 18 + 3 = 21.
Ikaanim na tanong: 4 x 4 = 16; 4 + 4 = 8.
Ikapitong tanong: 5 x 2 = 10; 5 + 2 = 7.
Ikawalong tanong: 25 x 6 = 150; 25 + 6 = 31.

Subalit hindi ko masagutan ng tama ang ikalimang tanong, kung ano ang dalawang digit, o factor na tatama sa product na 69, at sa sum na 29. Ang maaari lang sa 69 ay 23 x 3, subalit wala nang factor pa ang 23 kundi 23 x 1. 23 x 3 = 69. 23 + 3 = 26. Hindi sila nagtugma.

Sinubukan kong isa-isahin, at isinulat sa papel. Ang sum ng dalawang digit ay 29, kaya kung i-multiple ito, alin ang tatama sa 69?

15 x 14 = 210
16 x 13 = 208
17 x 12 = 204
18 x 11 = 198
19 x 10 = 190
20 x 9 = 180
21 x 8 = 168
22 x 7 = 154
23 x 6 = 138
24 x 5 = 120
25 x 4 = 100
26 x 3 = 78
27 x 2 = 54
28 x 1 = 28
29 x 0 = 0

Wala talagang tamang sagot kung whole number ang dalawang digit. Marahil ay may sagot kung dalawang fraction o dalawang decimal numbers na maaaring maging factor sa product na 69 o sum na 29. Subalit hindi ko na sinubukan dahil sa tagal kong nagsasagot ng Aritmetik ay pawang whole number ang sagot, at hindi fraction at hindi rin decimal. 

Hanapin ko man ang sagot sa kasunod na araw ng pahayagan, baka ang makita nating sagot ay hindi talaga 29 kundi 26 ang tanong. At typo error lang ito.

01.15.2024

P.S. Nakabili ako ng pahayagang Pang-Masa, Enero 15, 2024, p.7, at nakita nating typo error ang nakasulat. Tama ang factoring na 23 x 3 = 69, subalit mali ang sum, dahil nakasulat doon sa "Sagot sa nakaraan" na 23 + 3 = 29, imbes na 26.