Lunes, Abril 28, 2025

Diskriminasyon (?) sa unang araw sa ospital

DISKRIMINASYON (?) SA UNANG ARAW SA OSPITAL

Abril 3, 2025 ng umaga nang isinugod namin si misis sa ospital. Hindi na niya maigalaw ang kanyang kanang braso, kamay, hita, binti hanggang paa.

Dinala siya sa Emergency Room. Nagkaroon na pala siya ng stroke, ayon sa mga doktor na tumingin sa kanya. Kaya pala, nasa likod ng kanilang jacket ay nakasulat ang Stroke Team.

Nandito rin kami sa ospital na ito ng 49 na araw noong Oktubre hanggang Disyembre 2024 dahil sa nakitang blood clot sa kanyang bituka. Makakalabas lang kami, ayon sa head ng billing section, pag nabayaran na namin ng buo ang hospital bill, at sa professional fees ng mga doktor ay kung papayag sila. Tumagal kami ng ilang araw pa sa ospital dahil upang mapapirmahan sa 14 doktor niya ang promissory note na magbabayad kami ng professional fee sa Enero 15, 2025, na nagawa naman. P2.1M sa hospital bill, at P900,000 sa professional fee ng mga doktor. Na P3M kung susumahin.

Bandang ikalima o ikaanim ng gabi ng Abril 3, dumating ang taga-inhouse billing ng ospital. Naroon si Mr. M. na head ng billing at si Ms. MA na staff doon. Sinabi nilang walang bakanteng kwarto, tulad ng sinabi ng taga-ER. Subalit kasunod noon ay sinabi niyang dahil walang kwarto, maaari kaming umalis at kumuha ng kwarto sa ibang ospital. Lohikal naman ang sinabi niya, kung hindi kami naospital doon noon.

Sa isip ko lang naman, sa isip ko lang: Noon kasing 49 days namin noong 2024, na-redtag na kami ng dalawang beses sa ospital, at nakalabas lang kami thru promissory note noong Disyembre 10, 2024.

Kaya marahil, naiisip ng mga ito, ito na naman ang dalawang ito na walang kadala-dala. Maraming utang at hindi makabayad sa tamang oras.

Marahil iyan ang nasa isip nila kaya nasabi nilang lumipat kami ng ospital dahil walang kwartong available. Hindi ba diskriminasyon iyan, o wasto lang ang sinabi nila upang hindi kami mahirapan sa pagbabayad?

Hindi lang ako ang kausap, bagamat sa akin nakatingin. Naroon din ang ka-officemate ni misis, at si misis mismo habang nakahiga. Pagkaalis ng mga taga-billing, napag-usapan namin ni misis iyon. Tanong niya, lilipat ba tayo? Na di ko agad nasagot.

Kung gagamitin ang emergency na sasakyan ng ospital tungo sa isang ospital, ayon sa taga-ER, P18,000.

Lumabas muna ako at naiwan ang ka-officemate ni misis na si R upang magbantay dahil isa lang ang pwedeng bantay sa ER.

Maya-maya, tinawag ako ni R na may kakausap sa akin. Si Dr. O na dating doktor ni misis, bakit hindi pa raw kami mag-decide na magpa-admit, maghintay lang ng kwarto. Dahil doktor iyon ni misis, sumang-ayon agad ako, at pumirma ng admission.

Maya-maya, dumating na rin ang kuyang panganay ni misis. Bandang ikasampu ng gabi ng Abril 3, nadala na si misis sa NeuroCritical Care Unit ng ospital. Di kami pwedeng magbantay at dadalaw na lang sa visiting hours.

04.28.2025

Linggo, Abril 6, 2025

Dalawang aklat na pumapaksa sa kalusugan

DALAWANG AKLAT NA PUMAPAKSA SA KALUSUGAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pagkagaling ko sa ospital kanina nang dinalaw ko si misis na nakaratay sa banig ng karamdaman, ako'y lumisan doon bandang tanghaliang tapat.

Mula sa ospital ay sumakay na ako ng dyip puntang Gateway sa Cubao. Naglakad hanggang makarating sa Book Sale sa gilid ng Fiesta Carnival. Pumasok ako doon at agad na bumungad sa akin ang aklat na "40 Days of Hope for Healthcare Heroes" ni Amy K. Sorrells, BSN, RN. Ang RN ay registered nurse.

Naintriga ako sa mga salitang "Healthcare Heroes" lalo na't nasa ospital si misis na pinangangalagaan ng mga doktor at nars.

Isa pang aklat ang nakatawag pansin sa akin dahil sa nakasulat na A. Molotkov Poems, at agad isinama ko sa binili dahil bilang makata, nais kong basahin ang mga tula ng di ko kilalang awtor. Pag-uwi ko na sa bahay, saka ko na napansin ang pamagat, "Future Symptoms". Batid kong ang salitang symptoms ay may kaugnayan sa health o kalusugan.

Sa blurb nga sa likod ng aklat na ito ay nakasulat: In this stirring collection of poetry, A. Molotkov considers a country on the brink of collapse, plagued by virus and violence, haunted by history, asking of himself - and us - "How do I move / with my love / caught in concrete... How do I sing with all / this past / in my lungs?" Muli, tinukoy sa blurb ang dalawang salita: virus at lungs, na tumutukoy sa kalusugan at paghinga ng tao.

Ang "40 Days of Hope for Healthcare Heroes", may sukat na 5" x 7", at naglalaman ng 176 pahina (12 ang naka-Roman numeral), ay nagkakahalaga ng P130 habang ang "Future Symptoms: A. Molotkov Poems", may sukat na 6" x 9", at naglalaman ng 118 pahina, ay nagkakahalaga naman ng P70. Kaya bale P200 silang dalawa.

Marahil nga'y di ko bibilhin ang dalawang libro kung malakas si misis at wala sa ospital. Subalit nahikayat akong bilhin dahil sa kanyang kalagayan, at dahil na rin sa paksa hinggil sa kalusugan. Batid kong marami akong matututunan sa mga aklat na ito.

Nais ko silang basahin dahil sa isa na namang yugto sa buhay naming mag-asawa ang bumalik uli kami sa ospital. At ang mga librong ito'y tila ba nagbibigay sa akin ng pag-asa. Lalo na't noong panahon ng pandemya, maraming bayaning frontliners na dapat saluduhan.

pumapaksa nga sa kalusugan
ang dalawa kong nabiling aklat
na tagos sa puso ko't isipan
na talagang makapagmumulat

noong panahon pa ng pandemya
ang naririto nga'y pinapaksa
nars at doktor, bayani talaga
kinatha pa'y sanaysay at tula

bumulaga nga agad sa akin
sa Book Sale yaong nasabing libro
kaya di nag-atubiling bilhin
dagdag kaalaman pang totoo

"40 Days of Hope for Healthcare Heroes"
at "Future Symptoms: A. Molotkov Poems"
tiyak na maraming makakatas
pag binasa ko sa libreng oras

04.06.2025

Lunes, Marso 24, 2025

Ang pito kong aklat ni Ligaya G. Tiamzon Rubin

 

ANG PITO KONG AKLAT NI LIGAYA G. TIAMZON RUBIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakabili ako ng pitong aklat ng manunulat na si Ligaya Tiamzon-Rubin sa Philippine Book Festival 2025. Ang nakatutuwa rito, tigsisingkwenta pesos ang bawat isa. Kaya P350 lahat ito (P50.00 x 7 = P350.00).

Ikalawa, nakakatuwa dahil anim sa pitong aklat ang tungkol sa Angono, Rizal. Dahil minsan na rin akong tumira at nagbahay sa isang lugar sa Angono, sa Mahabang Parang, nang halos anim na taon.

Baguhang staff pa lang ako ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) nang tumira ako roon, dahil isa sa mga lider ng KPML, si Ka Joel na nasa kalapit na barangay na sakop ng Teresa, Rizal, ay kinupkop ako, at doon na rin nagsimulang mag-organisa ng maralita. Bandang taon 2002 hanggang 2007 ako naroon.

Nawala lang ako sa Angono dahil sa paghihiwalay ng grupong Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ng grupong Partido Manggagawa (PM). Ang KPML, kung saan ako staff, ay pumanig sa BMP, habang ang lider ng KPML na si Ka Joel, ay napunta sa PM.

Kilala ko na noon pa si Ligaya Tiamzon Rubin dahil nagsusulat siya sa magasing Liwayway na hilig kong bilhin dahil sa mga nobela, komiks, maikling kwento at tulang nalalathala rito. Kumbaga, ito lang ang magasing pampanitikan na nalalathala sa wikang Tagalog.

Kaya nang makita ko ang mga aklat ni Rubin sa booth ng UST Publishing House ay binili ko muna ang apat na aklat, at sa ikaapat na araw ang tatlong aklat. Una kong nabili ang Dangal ng Angono Book 1, ang Angono, Rizal Book 4 - Sa Mata ng mga Iskolar ng Bayan, ang Angono, Rizal Book 6 - Pagtatala ng Gunita, at ang Angono, Rizal Book 7 - Doon Po sa Amin. Sa huling araw ng festival ay nabili ko naman ang Angono, Rizal Book 8 - Lahat ay Bida, ang Angono, Rizal Book 19 - Itanghal ang Bayan, at Paano Nagsusulat ang Isang Ina.

Ang bawat aklat ay may sukat na 6" x 9" na may kapal na kalahating dali, at naglalaro sa humigit kumulang 250 pahina bawat libro. Bawat aklat na Angono, Rizal ay katipunan ng akda ng iba't ibang manunulat, na tinipon ni Ligaya Tiamzon-Rubin, kasama ang kanyang mga sinulat.

Habang ang aklat na Paano Nagsusulat ang Isang Ina ay katipunan ng mga sanaysay ni Gng. Rubin. At ang sanaysay na Paano Nagsusulat ang Isang Ina ay nagkamit ng ikalawang gantimpala sa sanaysay sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1981. Naroon din sa aklat na iyon ang isa niyang sanaysay sa Ingles na may pamagat na Turning Back and Moving Forward na nanalo naman ng Third Prize sa Essay sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1980.

Nais kong basahin ang mga sulatin hinggil sa Angono dahil minsan na rin akong naging anak nito.

LIGAYA TIAMZON RUBIN

minsan na rin akong nanahan sa Angono, Rizal
bilang istap ng isang samahan ng maralita
doon ay halos anim na taon akong tumagal
na dahil sa problemang pangsamahan ay nawala

kaya nang sa Philippine Book Festival makita ko
ang mga librong hinggil sa Angono'y binili na
di na ako nagdalawang isip na bilhin ito
lalo't napakamura, limampung piso ang isa

maraming salamat, Ligaya G. Tiamzon Rubin
sa mga sulatin mong pamana sa sambayanan
nang isinaaklat mo ang iba't ibang sulatin
sinulat mo ang tungkol sa lupa mong tinubuan

tunay na inspirasyon ka't mga akda'y kayhusay
tangi kong masasabi'y taospusong pagpupugay!

03.24.2025

Miyerkules, Marso 19, 2025

Aklat ni at kay Lualhati Bautista

AKLAT NI AT KAY LUALHATI BAUTISTA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kilala natin si Lualhati Bautista bilang manunulat ng nobela, tulad ng Gapo, Desaparesidos, Bata, Bata, Paano Ka Ginawa, at Dekada '70. Subalit hindi bilang makata. Kaya nang makita ko ang aklat niyang Alitaptap sa Gabing Madilim (Koleksyon ng mga tula) ay hindi na ako nagdalawang isip na bilhin, kahit pa iyon ay singhalaga ng siyam na kilong bigas na P50 kada kilo. Ang mahalaga'y magkaroon ako ng kanyang aklat, dahil baka di ako mapakali pag hindi iyon nabili.

May aklat din ng pagtalakay sa pagiging nobelista ni Lualhati Bautista ang magaling na awtor na si E. San Juan Jr., kung saan tinalakay niya ang 'mapagpalayang sining ng kababaihan sa Pilipinas'.

Nabili ko ang aklat ng mga tula ni Lualhati Bautista sa booth ng Anvil Publishing sa ikalawang araw ng Philippine Book Festival 2025 sa halagang P450.00. At nabili ko naman sa booth ng UST Publishing House sa ikaapat at huling araw ng nasabing festival ang aklat na Lualhati Bautista Nobelista sa halagang P260.00.

Laking kagalakan para sa akin ang magkaroon ng dalawang aklat pagkat bihira ang ganitong aklat sa maraming book store sa Kalakhang Maynila. Kailangan pa talagang sadyain ang mga ito sa tagapaglathala kung alam mong meron nito. Subalit ako'y walang alam na may ganitong aklat, kaya buti't nakapunta sa nasabing Book Festival.

Ang aklat na Alitaptap sa Gabing Madilim (koleksyon ng mga tula) ni Lualhati Bautista ay naglalaman ng labing-apat na katipunan (hindi kabanata) ng mga tula. May sukat itong 5.5" x 7.5", may kapal na 3/4", at binubuo ng 258 pahina (kung saan 18 pahina ang nasa Roman numeral).

Ayon sa Paunang Salita ni Bautista, noong panahon ng lockdown nang naisipan niyang tipunin ang kanyang mga naipong tula. At ang kinalabasan nga ay ang nasabing aklat. Hindi lamang nasa wikang Filipino ang kanyang tula, marami rin siyang tulang sinulat sa wikang Ingles. Oo, marami.

Ang aklat namang Lualhati Bautista Nobelista ay naglalaman ng pitong kabanata, bukod sa Pagkilala at Pasasalamat, Introduksyon at Pangwakas na Pananalita. May sukat itong 6" x 9", may kapal na 5/8", at binubuo ng 276 pahina (kung saan 14 na pahina ang nasa Roman numeral).

Ang pitong kabanata ay ang mga sumusunod.
I. 'Gapo
II. Dekada '70
III. Bata, Bata... Pa'no Ka Ginawa
IV. Desaparesidos
V. Bulaklak sa City Jail
VI. Sixty in the City
VII. In Sisterhood - Lea at Lualhati, at Sonata

Matagal ko ring babasahin ang dalawang aklat, subalit inuna ko munang basahin, na palagi kong ginagawa, ang Paunang Salita o Introduksyon, dahil mananamnam mo roon ang buod ng buong aklat.

Ang pagninilay ko'y idinaan ko sa munting tula:

LUALHATI 

kilalang nobelista si Lualhati Bautista
may libro nga sa kanya sa pagiging nobelista
ngayon ko lang nalaman na siya pala'y makatâ
nang koleksyon ng kanyang mga tula'y nalathalâ

siya nga'y muog na sa panitikang Pilipino
lalo't wikang ginamit niya'y wikang Filipino
kanyang mga nobela'y umugit sa kaisipan
ng mga henerasyong sa diktadura'y lumaban

naging tinig ng mga api, mga walang boses
naging behikulo ng pagtitimpi't pagtitiis
kaloob-looban ng bayan ay kanyang inalog
hanggang masa'y magising sa mahabang pagkatulog

daghang salamat, Lualhati Bautista, babae
taaskamaong pagpupugay, isa kang bayani

03.19.2025