Miyerkules, Enero 30, 2019

Kwento - Mandaragat ng Navotas, itinapos sa bundok ng Towerville, walang dagat upang maghanapbuhay doon


MANDARAGAT NG NAVOTAS, ITINAPON SA BUNDOK NG TOWERVILLE, WALANG DAGAT UPANG MAGHANAPBUHAY DOON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang ilang mga mangingisda sa Navotas na nailipat na sa relokasyon sa bundok ng Towerville sa San Francisco Del Monte sa Bulacan, nang minsang mapadalaw si Igor doon dahil sa ilang gawain sa samahan niyang pinaglilingkuran. Nagkita sila nina Inggo, Isko, at Igme.

Bungad ni Inggo, “Alam mo, Igor, kami nina Igme, at ng asawa kong si Isay, hindi na halos kumakain, at sumasala na sa oras pati ang aming mga anak. Hindi kagaya noong nasa Navotas pa kami, kahit paano’y nakakakain kami ng tatlong beses kada araw, lalo na pag may huli, kahit barungbarong lang tirahan namin. Dito sa relokasyon, walang dagat. Wala rito ang kabuhayan. Gutom ang inaabot namin dito. Binigyan ka nga ng bahay ngunit hindi naman makakain. Nagbago ang lahat, Igor.”

“Kung hindi po maganda ang kalagayan ninyo dito sa relokasyon, ano pong balak ninyong gawin?” Tanong ni Igor.

Mabilis namang sumagot si Isko, “Nais naming bumalik sa Navotas at doon ay makipagsapalaran muli. Mangingisda muli kami roon, kasama ng aming pamilya, kaysa mamatay kami sa gutom dito.”

“Di po ba, may sinasabi sa UDHA (Urban Development and Housing Act) na bibigyan daw kayo rito ng kabuhayan sa relokasyon upang kayo’y makapagsimula muli.” Usisa ni Rigor, at sumagot si Igme.

“Mukhang hindi naman totoo iyon. Dahil hanggang ngayon, ilang buwan na kami rito, ay wala namang pangkabuhayan. Maliban sa P18,000 na pabaon paglipat dito na halos paubos na. Aba’y kami pa ang nag-finishing ng bahay na bigay dahil manipis ang pader, na may lamat na. Ang totoo lang dito, dinala kami rito at bahala na kami. Dumating kaming walang kuryente at tubig. Nag-iigib pa kami sa ilog sa ibaba, na ginawa na ring labahan.” Mahabang sabi ni Igme. “Kaysa magutom ang pamilya namin, mangingisda uli kami sa Navotas. Kahit paano, may makukuha pang tahong doon, na  maaaring ibenta at kumita kahit papaano.”

"Kailan po ninyo balak bumalik ng Navotas?” Muli, si Igor.

Napabuntunghininga si Inggo, “Maganda na nga may sarili kaming bahay. Subalit gutom naman ang inaabot namin dito. Sa Sabado ay luluwas kami pabalik sa Navotas at muling makapangisda roon. O kaya’y manguha ng tahong. Baka may mga kaibigan pa tayong makakatulong sa amin. Alam mo naman, Igor, mahirap namang manghingi, dahil walang-wala rin sila. Makikitrabaho lang.”

“Nauunawaan ko po kayo, Mang Inggo. Kumusta po pala ang mga anak ninyo?” Usisa ni Igor.

Si Inggo uli, “Isa pa iyan. Simula nang mapunta kami dito, di na sila nakapag-aral. Grade 6 na sana si Dayunyor ko. Iyan din, nais ko silang makatapos kahit elementarya. Igapang sila sa pangingisda ko sa Navotas. Kahit nga tuyong dilis o tuyong hawot ay nag-uulam din sila. Paborito nila ang tahong.”

Maya-maya, dumating na si isay, kasama ang hipag na si Ines, na asawa ni Igme. Galing sila sa pangunguha ng talbos ng kamote na nadatnan na nilang tanim sa relokasyon. 

“Nandiyan ka pala, Igor? Buti, nadalaw ka.” Ani Isay.

“Oo nga po. Nangungumusta lang po.” Sagot naman ni Igor.

“Mahirap ang buhay dito sa relokasyon.” Nakatungong sabi ni Aling Isay. “May bahay nga, subalit kung hindi ka magtitiyagang magtanim-tanim ay baka mamatay kami sa gutom dito. Di tulad sa Navotas, nakaka-ekstra pa ako sa pagbebenta ng tahong na pinanguha nitong si Inggo at mga kasamahan niya.”

Sumabat si Ines, “Balak na nga naming bumalik sa Navotas, hindi gaya rito, baka magkasakit na nga kami rito. Iyong iba nga naming kasabayang pumunta rito, umalis na. Binenta ang bahay nila upang may maipandagdag sa pagkain nila. Para kasi kaming dagang itinaboy sa malayo at bahala na kami rito. Kaya nagbabalak din kaming bumalik sa pangingisda sa Navotas upang kahit paano ay may makakain kami. Teka, ilaga ko lang muna itong talbos ng kamote, at sabay na tayong kumain. Marami pa tayong pagkukwentuhan,”

Napatanga na lang si Igor at napatango. Naisip niyang bakit ganito ang nangyari? Nasaan ang pangako ng pamahalaan, na sa relokasyon, dapat ay may serbisyong panlipunan, tulad ng tubig at kuryente. At higit sa lahat, may pangkabuhayan sa mga nadala rito upang hindi sila magutom at makapamuhay ng maayos. Nasaan na ang mga iyon?

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 16-31, 2019, pahina 18-19.

Lunes, Enero 14, 2019

Kwento - Pinaglipatang relokasyon sa maralita: From Danger Zone to Death Zone


PINAGLIPATANG RELOKASYON SA MARALITA:
FROM DANGER ZONE TO DEATH ZONE
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang hindi ko malilimutang karanasan ang mapunta sa relokasyon sa Calauan, Laguna ilang buwan matapos ang kaytinding bagyong Ondoy na naganap noong Setyembre 26, 2009. Napapaisip ako sa mga sinasabi ng mga matatandang lider-maralita na nagisnan ko na sa hindi pa noon pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), tulad nina KR o Ka Roger Borromeo, KP o Ka Pedring Fadrigon, at KJ o Ka Joe Managbanag. Madalas kong marinig sa kanila na ang relokasyon ay “From Danger Zone to Death Zone”?

Noong panahon matapos ang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009, ay nakarating ako, bilang staff ng KPML, sa Santolan, Pasig, na talagang lubog sa baha ang mga bahay. Nakausap ang ilang mga unyunista roon na ang unyon ay kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Isa ako sa tinawagan ng BMP upang mag-asikaso sa laban ng mga maralita roong binaha. Hanggang sa mapunta na ang iba sa relokasyon, tulad sa Calauan, Laguna. Ang iba ay nanatili pa sa lugar.

Nakausap ko ang ilang ni-relocate sa Calauan noong panahon ng Halalan 2010. Nakita kong nakatira sila sa isang munting bahay na bigay ng pamahalaan subalit maninipis ang pader at may lamat na. Ayon sa kanila, galing silang Marikina, iba’y sa Pasig at Maynila, dinala sa relokasyon upang doon na manirahan, kasama ng pamilya. 

Subalit ayon sa kanila, may mabuti at masama sa kalagayan nila roon. Mabuti dahil may natirahan na silang bagong bahay, na umano’y hindi binabaha, at baka mapasakanila na. Subalit malayo naman sa hanapbuhay. Kaya madalas, kailangan pa nilang mag-stay-in sa trabaho sa Marikina o sa pabrika sa Pasig, at tuwing Sabado ng gabi o Linggo ng madaling araw na makakauwi sa kanilang tinutuluyan sa Calauan, at aalis ng Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw upang makarating sa trabaho.  Marami silang ganyan doon.

Subalit bakit “From Danger Zone to Death Zone” ang relokasyon? May bahay sila. Subalit noong panahong dumating ako roon, wala silang kuryente at binibili ang tubig. Malayo sa trabaho, malayo sa ospital, paano kung may magkasakit. Malayo sa palengke. Mabuti na lang may diskarte ang ilang nasa relokasyon na magsari-sari store, kaya may nabibilhan ng pangangailangan tulad ng bigas, sardinas, patatas, sibuyas, ang mga tao. Kung sa pinanggalingan ay nakakadiskarte pa ang marami, nakakaekstra sa trabaho, doon ay wala. Bahala ka sa buhay mo.

Kaya marahil ang relokasyon ay itinuring nilang “From Danger Zone to Death Zone”, dahil kagutuman ang madadatnan mo sa relokasyon kung hindi pa maayos ang kalagayan mo roon. O kaya’y kapit sa patalim ang iba. Sabi nga ng isang lider, minsan ang kapalit ng isang kilong bigas at sardinas ay puri. Nakupo! Totoo ba iyon? Kung totoo iyan, aba’y totoo nga ang “From Danger Zone to Death Zone”!

Sa Towerville naman sa Bulacan, ang kwento ng ilang lider, galing sila sa Navotas na ang hanapbuhay ay pangingisda. Tapos itinapon sila sa bundok ng Towerville. Paano ang kabuhayan nila roon kung wala namang dagat doon? Saan sila mangingisda? Nang una nilang dating doon ay talahiban pa. Walang bahay na nakatayo. Literal na itinapon sila roon na parang daga. Kaya upang maitayo ang bahay nila, tinabas nila ang mga malalaking talahib, at doon ay nagtayo na sila ng kanilang mga barungbarong. Doon pa lang ay makikita mo ang sinasaad sa awiting “Bahay” ni Gary Granada. Tagpi-tagpi ang mga dingding at bubong na pinatungan lang ng pampabigat na bato. Paano kung mahulog sa ulo?

Kaya nararapat lang magsuri, magkaisa at maorganisa ang mga maralitang nailipat sa relokasyon. At huwag nilang ipagwalang-bahala ang kanilang abang kalagayan. Sa mga nangyayaring ito, paano at kailan kaya makakawala ang maralita sa mga relokasyong “From Danger Zone to Death Zone”? Tila hindi nasusunod ang nakasulat sa RA 7279 o Urban Development and Housing Act, na pag nilagay sa relokasyon ang maralita, dapat ay may pangkabuhayan, may tubig, may kuryente, o may kumpletong serbisyong panlipunan. 

Tila nilalabag ng pamahalaan ang mismong diwa ng batas. Dapat ang relokasyon ay “From Danger Zone to Safe and Livable Zone”, at kailan ito magaganap? Marahil kung ipaglalaban ng mga maralita ang kanilang karapatang pantao na hindi sila dapat ituring na parang mga dagang basta itinaboy na lang sa malalayong relokasyon, at ipaglaban din nila ang katiyakan sa paninirahan bilang mga taong may dignidad.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 1-15, 2019, pahina 16-17.

Lunes, Disyembre 24, 2018

Kwento - Karapatang pantao, due process, at tokhang

KARAPATANG PANTAO, DUE PROCESS, AT TOKHANG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bang! Bang! May umalingawngaw na namang malakas na putok ng baril. Aba’y may natokhang na naman ba? Iyan ang agad katanungan sa isipan ko, lalo na’t ilang taon na rin nang ilunsad ng pamahalaan ang tokhang, na umano’y pagpapasuko sa mga nagdodroga o adik. Subalit kadalasang napapatay ay mga maralita, at hindi malalaking isda.

Kaya lumahok ako sa pagkilos ng iba’t ibang grupo sa karapatang pantao, tulad na pagkilos ng Philippine Alliancde of Human Rights Advocates (PAHRA) at ng grupong IDefend.

Sa isang pagkilos nitong Disyembre 10, sa ika-71 anibersaryo ng pagkakadeklara ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) o Pandaigdigang Pahayag sa Karapatang Pantao, nagsalita ang ilang inang nawalan ng anak dahil pinaslang na lang ng mga pulis. Sinabi ni Issa sa rali habang tangan ang mikropono:

“Hindi ko nauunawaan noon kung bakit may mga ganitong rali. Subalit ngayon, naiintindihan ko. Ito’y malayang pagpapahayag. Subalit walang kalayaan sa kalagayang marami sa atin ang naghihirap. Tapos ay papatayin pa ng kapulisan ang aking anak na binatilyo. Nasaan ang hustisya! Bakit basta na lang nila binaril ang aking anak? Sana’y tinanong muna at kinausap nila ang aking anak, imbes na barilin na lang nila ng walang awa. At saka ano ang sinasabi nilang may baril ang anak ko? Walang ganyan ang anak ko. Matinong anak si Isidro ko.”

Isa ring nagsalita si Aling Ingrid, “Ang anak kong si Isko ay basta na lang binaril habang kausap ang mga kaibigan at kapitbahay niya doon sa aming sala, Bakit? Nasaan ang wastong proseso ng batas? Nasaan ang sinasabing due process. Kung may droga ang anak ko, sana, hinuli nila at sinampahan ng kaso sa korte. Hindi ang ganyang basta na lang nila babariling parang hayop. Hindi hayop ang anak ko!” Nanggagalaiti niyang sabi sa rali.

Hanggang ako naman ang tinawag bilang sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) at sekretaryo heneral din ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI). Nabigla ako sa pagtawag. Hindi ako namatayan. Subalit bilang lider ng samahan, tumayo ako sa harapan upang magtalumpati. Sabi ko, “Isang taaskamao pong pakikiramay sa lahat ng mga inang naulila dahil sa Giyera Laban sa Droga. Ngayong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, singilin natin ang pamahalaang ito sa kawalan ng paggalang sa buhay, at kawalan ng maayos na proseso ng batas. Sadyang mali na basta na lang kunin ang buhay ng isang tao. Laging sinasabi ng pangulo na sila’y collateral damage. Subalit buhay at karapatan ang pinag-uusapan dito. Hindi na maibabalik ang buhay nila. Dapat may managot sa mga basta na lang pinaslang, at inaakusahan pang nanlaban. Hustisya sa mga namatay!” 

Gumagaralgal ang aking boses. Di ko na rin nakuhang basahin pa ang inihanda kong tula, dahil ako’y sadyang naluluha. Bakit kailangang may mamatay sa gayong paraan? Di ba’t problema sa kaisipan ang pagdodroga? Kaya dapat lunasan ito ng serbisyong medikal? Narinig ko pang ang pagpaslang daw sa mga adik ay kailangan daw upang di sila makagawa ng krimen. Tama ba iyon? Ah, sa isang digmaan ay may tinatawag na preemptive strike sa mga kalaban upang pahinain ang pwersa nito. Maraming katanungang dapat masagot. Maraming buhay na nawala ang sumisigaw ng hustisya. Maraming dapat managot sa mga pangyayaring ito, lalo na ang pangulong nagdeklara ng giyerang ito na nakikitang War on the Poor dahil pawang mahihirap ang mga napaslang.

Hawak ng mga kasamang raliyista ang larawan ng mga batang namatay sa giyera laban sa droga, tulad nina Althea Barbon, 4, namatay noong Setyembre 1, 2016; Danica Mae Garcia, 5, na namatay noong Agosto 23, 2016; Francis Mañosca, 5, na napaslang noong Disyembre 11, 2016; San Niño Batucan, 7, na napaslang noong Disyembre 3, 2016; at marami pang iba. Sa edad nila’y tiyak hindi pa sila nagdodroga ngunit pinaslang ng mga berdugo. Sadyang biktima lang sila. May litrato rin doon si Kian Delos Santos, 17, na napaulat na bago napaslang ay narinig na isinisigaw: “Huwag po! May eksam pa po ako bukas!” 

Nakakatulala ang eksenang iyon sa rali. Kailan ba makakamit ng mga inang namatayan ng anak at asawa ang isinisigaw nilang katarungan? 

Takipsilim na nang tinapos namin ang programa sa pamamagitan ng pagsisindi ng mga kandila sa harap ng mga larawan ng mga walang kalaban-labang biktima ng karumal-dumal na krimen.

Umuwi akong di mapalagay. Subalit pinatibay nito ang prinsipyo ko upang talagang ipaglaban ang karapatang pantao at due process, habang naaalala ang mga sinabi ng mga inang nagtalumpati roon.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Disyembre 2018, pahina 12-13.

Martes, Nobyembre 27, 2018

Kwento - Huseng Batute, Asedillo at ang wikang Filipino


HUSENG BATUTE, ASEDILLO AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa paglalathala nating muli ng pahayagang Taliba ng Maralita bilang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), nais nating kilalanin ang isa sa mga magigiting na makata ng bayan - si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute. Nasa wikang Filipino ang ating pahayagan. Nasa wikang madaling maunawaan ng ating mga kapwa maralita. Kaya yaong mga Pinoy na Ingleserong nangungutya sa wikang Filipino na wikang bakya ay dapat nating tuligsain. Kaya mahalaga ang muling pagkilala, bukod sa makatang si Gat Francisco Balagtas, kay Huseng Batute, na siyang unang Hari ng Balagtasan noong 1925.

Napagkwentuhan nga namin iyan ng lider-maralitang si Mang Isko, na tumutula rin naman. Sabi niya sa akin, “Alam mo, Igor, dapat namang kilalanin din ng pamahalaan ang kahalagahan ni Jose Corazon de Jesus bilang tagapagtanggol ng wikang Filipino. Nabasa mo ba ang tula niya laban sa isang gurong Amerikana? Tinuligsa niya iyon ng patula dahil kinagagalitan nito ang mga estudyanteng nagta-Tagalog.”

“Anong magandang mungkahi mo?” Tanong ko.

“Aba’y sa Nobyembre 22 ay kaarawan niya, maanong magdeklara naman ang pangulo na kilalanin si Huseng Batute sa kanyang kaarawan. O kaya ay kilalanin ang kanyang kaarawan bilang Pambansang Araw ng Pagtula, Tulad ng pag Abril ay sinisimulan ng bayan ang Buwan ng Panitikan sa mismong kaarawan ni Balagtas, Abril 2. Bagamat dapat Abril 1 hanggang Abril 30 ang Buwan ng Panitikan. Ang Abril 1 kasi ay April Fool’s Day. Kaya ang pagsalubong lagi sa Buwan ng Panitikan ay sa kaarawan ng ating dakilang makatang si Balagtas.” Ani Mang Isko.

“Maganda po ang inyong mungkahi. Tulad rin pala iyan ng naging karanasan ni Teodoro Asedillo, na isang guro sa Laguna, bago nakilalang rebelde. Tinuruan niyang maging makabayan ang mga estudyante niya, at pinagalitan siya ng punong gurong Amerikano dahil sa pagtuturo ng wikang Filipino, kaya siya tinanggal.” Sabi ko sa kanya.

“Maalam ka pala sa kasaysayan,” tugon ni Mang Isko. “Baka mas magandang buksan natin sa isang talakayan ang usaping ito. Pagkilala kina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo bilang mga bayani ng wika. Mungkahi kong magpalaganap tayo ng kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Batute, kasabay ng kampanyang pagkilala kina de Jesus at Asedillo bilang mga bayani ng wikang Filipino, na nauna pa kay Manuel L. Quezon, na siyang Ama ng Wikang Pambansa.”

“Sige po.” Tugon ko. “Napanood ko kasi ang pelikulang Asedillo ni Fernando Poe Jr., at nabasa ko ang talambuhay niya sa mga aklatan kaya po alam kong ipinaglaban niya ang ating wikang pambansa. Isusulat ko muna ang borador ng kampanyang lagda para sa dalawa. Tapos po ay magpatawag tayo ng pulong ng samahan. Yayain din natin ang iba pang samahan upang sumama sa kampanyang ito. Magpatawag na po tayo ng pulong sa Sabado.”

“Ayos iyan. Ipatawag mo na.” Sabi ni Mang Isko sa akin, kaya masigla kong ginampanan ang para sa akin ay makasaysayang usapin.

Pagdating ng araw ng Sabado, ikalawa ng hapon, nagsidatingan na ang mga lider at kasapian ng samahan. Sinimulan ko ang usapin.

“Nag-usap kami ni Pangulong Isko upang maglunsad tayo ng isang malawakan at makasaysayang kampanya. Lalo’t marami rin sa inyo ay paminsan-minsang gumagawa ng tula. Una, kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Huseng Batute at gawing bayani ng wikang Filipino sina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo sa pagtatanggol ng ating wika laban sa mga dayo.”

Tumugon si Mang Igme, “Okay iyan. Subalit dapat dalhin natin sa Malakanyang ang panawagang iyan bukod pa sa paggawa ng panukalang batas ng ating mga kongresista at senador. Magandang layunin iyan.”

Si Aling Isay, “Nasaan na ang mga papel para sa kampanyang lagda upang masimulan na natin. Ang galing ng inyong naisip. Kahit matanda na ako’y naaakit muling tumula, at ipagtanggol ang wikang Filipino, lalo na sa nagtanggalng kursong ito sa kolehiyo.

Natapos ang pulong na masigla ang bawat isa, dahil alam nilang para sa bayan at sa kultura at kabayanihan ang kanilang bagong layunin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 2018, pahina 16-17.