Martes, Setyembre 14, 2021

Kwento - Mataas na upa, sa iskwater tumira


MATAAS NA UPA, SA ISKWATER TUMIRA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baguhan lang sa Maynila si Igme. Galing siyang lalawigan at lumuwas lang ng Maynila upang maghanap ng trabaho. Nakahanap naman ng trabaho si Igme. Hindi sa pabrika kundi bilang magbabasura. Iyon bang kumukuha ng basura sa bahay-bahay at inilalagay sa trak.

Gaano lang ang sinasahod ni Igme sa isang buwan. Sapat lang sa pagkain, na minsan ay kulang pa nga. Paano na ang pambayad sa upa sa bahay? Noong una ay nakipisan muna siya sa pamilya ng kanyang pinsan noong bagong salta pa lang siya sa lungsod. Subalit tila kinaiinisan na siya ng asawa ng kanyang pinsan kaya nagpasya siyang mangupahan na lang. Kaytataas ng mga upa ng kwarto. Kaya nag-bed spacer muna siya. Kahit paano ay kaya pa niya ang upa. Hanggang manligaw si Igme sa isang may di gaanong kagandahang dilag na nagtitinda ng gulay sa palengke. Nagkaibigan sila hanggang sila’y ikasal. Hindi na mag-isa si Igme sa kanyang kama, at di na bed-space, kundi kwarto na ang kanyang inupahan bilang mag-asawa. Mahal na ang upa. Hanggang sa abutan sila ng pandemya. Nawalan sila ng trabaho nang mag-lockdown.

Nang lumuwag na ang lockdown, nagbalik siya sa pagtatrabaho bilang basurero, habang ang buntis niyang asawa ay hindi na makapag-tinda sa palengke. Subalit tumutulong sa asawa sa pamamagitan ng paglalabada. Hindi naman maganda ang kinikita nilang dalawa, kaya napilitan si Igme na maghanap ng mauupahang mas mura hanggang mayaya siya ng kanyang mga katrabaho na magtayo ng barungbarong na pansamantala nilang matitirahan sa malapit sa tambakan ng basura. 

Doon muna sila pansamantalang nagtirik ng tirahan kasama ang kanyang mga katrabaho. Doon sa tabi ng tapunan ng basura ay libre silang makatira dahil walang upa, walang maniningil sa kanila. Kaya doon sila nagtayo ng kanilang paraiso - isang munting barungbarong.

Libre ang paninirahan. Walang upa. Libre rin ang magkasakit dahil nasa tabi ng basurahan. Marahil ay ganyan ang kapalaran ni Igme at ng iba pang mahihirap na tulad niya. Ayaw nila ng hirap, tulad ng marami sa atin. Nais nila ng ginhawa, tulad ng marami sa atin.  Subalit dahil sa mahal na upa ng kahit maliit na kwarto na hindi kaya ng kanilang sinasahod, napilitan silang tumira sa iskwater, sa tabi pa ng tambakan ng basura. Naalala ko tuloy ang awitin ni Gary Granada na may pamagat na “Bahay.” Tila ganuon ang nangyari kina Igme. Nagtayo ng tagpi-tagping barungbarong na pinatungan ng bato.

Hanggang magkasarilinan ang mag-asawa at nagkausap.

“Hanggang kailan ba tayo titira rito, Igme?” tanong ni Teresa. “Dito ba natin palalakihin ang ating mga magiging anak?”

Nakatunganga sa kawalan si Igme. Hindi niya mawari ang kanyang kapalaran. Ang nasabi na lang niya sa kanyang asawa na aalis din sila doon kung makakaluwag-luwag na sila. Naisip niyang umuwi sa lalawigan, ngunit anong trabaho ang madadatnan niya roon kundi magsaka na mas mabigat na trabaho kaysa pagtatapon ng basura.

“Kailan ba tayo makakaluwag-luwag? Kakarampot lang naman ang sinasahod mo, kontraktwal ka pa. Hindi pa sigurado kung kailan ka mareregular sa trabaho mo?” ungkat muli ng kanyang asawa.

“Hindi ko alam, Teresa. Basta ang alam ko, aalis tayo rito. Ayoko rin namang itira ka rito. Basta makaluwag-luwag tayo, hahanap ako ng mas maayos-ayos na kwartong uupahan natin. Basta hindi mahal o mataas ang presyo. Baka mapunta na lang sa upa ang sahod ko at hindi na tayo makakain.” Ito na lang ang malungkot na nasabi ni Igme.

“Makakaraos din tayo.” Muling sabi ni Igme sa kanyang asawa. Tila baga pagbibigay ng pag-asa sa walang kapaga-pag-asang kinabukasan.

“Tara, mahal ko, matulog muna tayo. Mag-aalas-dose na pala ng hatinggabi,” ang nasabi na lang ni Igme habang nakatitig sa kawalan.

Umalingawngaw sa di kalayuan ang isang mahinang awitin sa radyo. Tila ba batid ni Gary Granada ang kanilang sinapit. Hanggang unti-unting nakatulugan ni Igme ang pakikinig.

“Isang araw, ako'y nadalaw sa bahay-tambakan
Labinlimang mag-anak ang doo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barong-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansiyon, halos walang nakatira

Sa init ng tabla't karton, sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan, bakit ang tawag sa ganito ay bahay?

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan, ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam

Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
At ang pinagpala sa mundo, ang diyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito ay bahay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.

Lunes, Hunyo 14, 2021

Kwento: Bakit may kahirapan?

BAKIT MAY KAHIRAPAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Bakit may kahirapan?” Isa ang tanong na iyan sa ayaw tugunan ng nasa kapangyarihan o kaya’y ayaw nilang pag-usapan. Mas nais lang nilang maglimos kaysa malaman ang ugat ng kahirapan. Natatandaan ko pa ang sinabi ni Bishop Helder Camara ng Brazil, "When I give food to the poor, they call me a saint. When I ask why the poor have no food, they call me a communist. (Kapag nagbibigay ako ng pagkain sa mahihirap, tinatawag nila akong santo. Kapag tinatanong ko kung bakit walang pagkain ang mga mahihirap, tinatawag nila akong komunista.)"

Kaya nang minsang magkaroon ng pag-aaral ng mga maralita hinggil sa ugat ng kahirapan, ibinungad agad ng tagapagpadaloy ang sinabing ito ni Obispo Camara. “Balido ang sinabi ni Obispo Camara, may tumututol ba rito?” Walang nagtaas ng kamay, pawang nag-iisip.

Hanggang sa tumayo si Mang Igme, isang lider-maralita sa Tondo, “Kayganda ng sinabi ng Obispo. Talagang mapapaisip tayo. Pag nagbigay ka ng pagkain sa dukha, banal ka, subalit pag tinanong mo ang dukha bakit sila mahirap, aba’y masama ka na! Komunista agad ang tingin sa iyo! Aba’y magaling kung komunista ka pala pagkat palatanong ka, at hindi tango nang tango na lang sa kung anong dikta sa iyo.”

“Aba’y maganda ang iyong tinuran, Manong Igme,” sabi naman ni Mang Inggo. “Natandaan ko tuloy ang kwento ng binatang si Archimedes Trajano, na biktima ng marsyalo! Alam n’yo ba ang kwento niya. Aba’y nang tinanong lang niya noon sa isang talakayan si Imee Marcos kung bakit siya ang pangulo ng Kabataang Barangay, aba’y nairita si Imee, at ang kanyang mga tao ay biglang dinaluhong si Archimedes. Itinapon pa raw sa bintana kaya namatay. Aba’y masama pala magtanong kung kaharap mo ay may kapangyarihan!”

“Kaya nga dapat baguhin ang bulok na sistema. Ito ang panawagan namin noon pa, upang maitayo natin ang isang lipunang makatao,  walang pagsasamantala ng tao sa tao, walang pang-aapi, kundi lipunang kumikilala sa dignidad ng bawat tao kahit pa siya’y maralita. Subalit bago natin iyon magawa nang sama-sama, dapat ay nauunawaan natin bakit nga ba may kahirapan. Magtanong kayo dahil diyan magiging mabunga ang ating talakayan.” Sabad ni Mang Kulas, ang tagapadaloy.

“Alam n’yo, noong ako’y bata pa, nagisnan ko nang mahirap ang buhay nina Itay at Inay. Hindi nila ako napag-aral noon, subalit kahit paano naman ay nakaabot ako ng Gred Wan.” Sabi ni Isko.

“Ang ganda pa naman po ng pangalan ninyo, Mang Isko, Parang iskolar ng bayan. Subalit iyan ba ang dahilan bakit kayo mahirap, gayong may karunungan kayong di basta nakukuha sa pag-aaral sa eskwelahan. Karunungang mula karanasan. Ang sinabi ninyo’y di ugat na kahirapan. Dii lang po kayo nabigyan ng pagkakataong makapag-aral.” Ani Kulas.

Nagtaas ng kamay si Iking, “Sabi po ng iba, katamaran daw po ang ugat ng kahirapan. Kaya lang po, hindi ko maubos-maisip na tama nga iyon, dahil si Tatang naman ay kaysipag sa bukid. Maagang gumigising upang mag-araro at magtanim, ngunit kami’y mahirap pa rin. Si Kuya Atoy naman ay kay-agang pumasok sa pabrika at hindi lumiliban sa trabaho ngunit mahirap pa rin kami.”

“Tama ka, Iking, ang katamaran ay hindi ugat ng kahirapan.”

“Populasyon po ba?” Tanong ni Aling Telay, “Pag maraming anak ay naghihirap. Pag kaunti ang anak ay kaunti lang ang pakakainin. O kaya kapalaran na talaga naming maging mahirap.”

“Pag naniwala kang ang populasyon at kapalaran ang ugat ng kahirapan, aba’y hindi na pala uunlad ang may maraming anak, kahit anong sipag pa ang kanyang gagawin.” Ani Kulas.

“Ang totoong ugat ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng isang tao o grupo ng mga pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon tulad ng pabrika, makina at mga lupain. Tulad sa lugar natin, ang nag-aari ng lupa ay si Don Ogag, na imbes na tayo ang makinabang sa ating pinagpaguran, ibibigay pa natin ang mayorya ng pinagpawisan natin sa kanya, dahil lang sa pribilehiyo niyang siya ang may-ari. Upang mawala ang kahirapan dapat mawala ang ganyang konsepto ng pribadong pag-aari upang makinabang ang lahat sa kanilang pinagpaguran. Tanggalin sa kamay ng iilan ang pag-aaring yamang kinamkam nila upang ang lahat naman ay makinabang.”

Tatango-tango lahat ng naroon. Naunawaan na nilang ang pribadong pag-aari pala ng mga pabrika, makina’t lupain ang ugat ng kahirapan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Biyernes, Mayo 14, 2021

Kwento - Pagbaka sa Kontraktwalisasyon


PAGBAKA SA KONTRAKTWALISASYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nakakainis talaga. Nagtatrabaho ka sa kumpanya tapos dahil kontraktwal ka, hindi ka ituturing na manggagawa ng kumpanya! Hay, naku, grabe na talaga ang pagkasalot ng salot na kontraktwalisasyon.” Gigil na sabi ni Inggo habang pigil ang kamaong nakakuyom.

“Sinabi mo pa. Problema talaga natin iyan sa kumpanya.” Pagsang-ayon ni Isko. Nag-uusap sila habang nakaupo sa karinderya ni Aling Iska.

Napamulagat naman ang nakikinig na si Aling Iska, “Ano na naman ba iyang pinag-uusapan ninyo? Buti nga, may trabaho kayo. Kahit ba kontraktwal ay may naiuuwi naman kayo sa pamilya ninyo, ah.”

“Hindi mo nauunawaan, Iska. Ang kontraktwalisasyon, kaya salot, ay iskema ng mga kapitalista upang bawasan o matanggalan ng mga benepisyo ang mga manggagawa. Imbes na dapat maregular na sa trabaho ang manggagawa ay hindi ginagawang regular.” Sagot agad ni Inggo. “Ang kontraktwal, kumbaga, ay pansamantalang trabaho, na bago sumapit ang ikaanim na buwan ay tatanggalin na lang sila sa trabaho, kahit gaano ka pa kahusay. Iniiwasan talaga ng kumpanya na maging regular ang mga manggagawa. Meron namang ilang taon na sa kumpanya, tulad ko, limang taon na subalit kontraktwal pa rin. Walang kasiguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal.”

“Ang nais namin ay maging regular na manggagawa naman kami sa kumpanyang matagal na naming pinaglilingkuran.” Sabi naman ni Isko.

“Paano mangyayari iyan? Hihilingin ba ninyo sa kapitalista o sa manedsment n’yo na gawin kayong regular? Aba’y paano kung hindi kayo pakinggan? Pag nagprotesta kayo, baka tanggalin naman kayo sa trabaho.” Sabad muli ni Aling Iska. “Baka magandang humingi kayo ng tulong sa unyon, at baka naman makatulong ang mga regular na manggagawa sa inyong mga kontraktwal.”

“Magandang ideya iyan, Iska.” Sabi ni Inggo. “Dapat makatulong nga sa problema natin ang mga regular na kamanggagawa natin, di ba?”

“Diyan natin simulan. Kausapin natin ang pangulo ng unyon na si Ka Igme, at tanungin hinggil sa ating suliranin.” Sabi ni Isko. Kinabukasan, bago ang simula ng trabaho ay kinausap na nina Inggo at Isko si Ka Igme hinggil sa kanilang kalagayan.

“Limang taon na akong kontraktwal, habang si Isko naman ay apat na taon na. Anim na buwan lang ay dapat regular na kami, di ba? Kayong mga regular, paano ba ninyo kami matutulungan. Aba, ayaw naman naming habambuhay kaming kontraktwal at wala kaming kasiguruhan sa trabaho. Bukod sa mababa na ang sahod, wala pa kaming benepisyo, di tulad ninyong mga regular.” Ani Inggo kay Ka Igme.

“Tama ka, Inggo. Panahon na talagang mag-usap tayo. Salamat sa inisyatiba ninyo. Dapat talagang magsama ang mga regular at kontraktwal upang labanan iyang salot na kontraktwalisasyon. Ngunit dapat magsimula muna tayo sa isang pulong-pag-aaral upang suriin natin at pag-aralan kung bakit nga ba may kontraktwalisasyon, at ano ang mga dahilan niyan.” Ang agad tugon ng pangulo ng unyon.

“Aba’y talagang dapat naming malaman, mapag-aralan at maunawaan kung bakit nga ba sa tagal naming nagtatrabaho sa kumpanyang ito ay kontraktwal pa rin kami. Sige, kailan iyan upang sabihan ko ang ibang kontraktwal para sa pag-aaral nang maipaglaban namin, kung kinakailangan, na magkilos-protesta kami, o sa anumang paraan upang maparating namin sa kinauukulan na gawin kaming mga regular na manggagawa.” Sabi ni Inggo, habang tatango-tango si Isko.

Mungkahi ni Ka Igme ay sa susunod na Linggo, kung kaya ng mga kontraktwal, dahil walang pasok iyon. Isakripisyo muna ang araw ng pamilya upang mag-aral hinggil sa usaping kontraktwalisasyon. 

“O, paano, magkita-kita tayo sa Linggo.” Sabi ni Ka Igme. At agad nagtanguan ang dalawa na nangakong kakausapin nila ang kanilang mga kapwa manggagawang kontraktwal upang dumalo sa pag-aaral at talakayan.  Dama nila, iyon na ang simula ng kakaharapin nilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Huwebes, Abril 29, 2021

Kwento: Ayuda


AYUDA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr. 

Panahon iyon ng pandemya. Hindi makalabas ang mga tao. Kaya ang magkakapitbahay sa isang looban ay doon lang nagkakakwentuhan. Bawal lumabas ng looban, maliban sa mga tagabili ng makakain. Kung may pambili, o kung kukuha ng ayuda.

"Grabe na ang nangyayaring ito sa atin, ano? Aba’y hindi na tayo makapagtrabaho." Angal ni Mang Inggo. "Kailan ba tayo magkakaayuda? O sasagpangin na naman ng mga pulitiko ang mga ayudang para sa tao? O pipiliin lang ang kakampi nila’t ipamimigay lang ang ayuda sa tao nila?"

Napatingin si Mang Kulas, at agad nagpaliwanag. "Alam mo, pare, ayon sa right to good o karapatan sa pagkain, may dalawang dahilan lang daw upang mamigay ng pagkain ang pamahalaan sa kanyang mga mamamayan - pag may digmaan o pag may kalamidad. At ang pandemya ay nasa kategorya ng kalamidad, kaya dapat lang mamigay ng ayuda ang pamahalaan sa mamamayang di makalabas dahil sa lockdown."

Ipinaliwanag naman ni Mang Kulot, na isang manggagawang talaga namang palabasa, "Alam n'yo, ayon sa World Health Organization o WHO noon pang 2010, na pag sinabing pandemya, ito ang pandaigdigang paglaganap ng isang bagong sakit. Sa nakaraang sandaang taon, tatlong pandemya na ang nagdulot ng pinakamataas na bilang ng mga namatay. Nariyan ang Spanish Flu noong 1918-1920. Nasa tantiya'y 500 milyon katao ang nagkasakit nito at mga 50 milyon naman ang namatay. Ang tinaguriang H1N1 na virus ang dahilan ng pandemyang ito. Nariyan din ang AIDS o Acquired Immunodeficiency Syndrome mula pa 1981 hanggang sa kasalukuyan. Ang HIV o human immunodeficiency virus ang dahilan ng AIDS. Mula noong 1981, tantiyang nasa 35 milyon na ang namatay sa AIDS.”

"Grabe pala, ano?" Sabi ni Mang Igme.

Nagpatuloy si Mang Kulot, "Nariyan din ang Asian Flu mula 1956 hanggang 1958 kung saan dalawang milyon ang tinatantyang namatay. Nagmula naman ito sa H2N2 na virus. At ngayon nga ay itong COVID-19."

"Ang tanong, nakatanggap na ba kayo ng ayuda?" sabat ni Inggo. “Ika nga ni Kulas, karapatan natin ang magkaayuda lalo na’t nasa ganito tayong kalagayan. Lockdown, hindi makalabas, hindi makapagtrabaho, hindi makadiskarte, gutom ang pamilya.”

Balik na tanong ni Mang Pekto, “Nakalista ba kayo sa barangay?”

“Iyon lang. Di lang natin alam kung nakalista tayo sa barangay. Lalo na't hindi ko ibinoto ang mga nakaupo ngayon diyan.” Ani Igme. “Aba’y pulitika pa rin yata kahit sa ayuda, kahit nagugutom na ang pamilya ng masa. Hay, naku!”

Maya-maya’t may kumatok sa looban. Trabahador sa barangay. May ayuda raw. Kung sino daw ang nakalistang kukuha sa barangay ang siyang kukuha ng ayuda dahil bawal daw ang siksikan doon. Ibinilin pang magsuot ng facemask, face shueld, at mag-social distancing.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko.” Agad na himutok ni Igme.

“Papuntahin na natin si Kulas, siya naman ang itinalaga nating kukuha ng anumang ayuda. At pag nakuha na niya, e di, hatiin natin.” Ani Inggo.

“Bakit hindi nila ibahay-bahay, upang makakuha talaga ang bawat pamilya? Kahit na yaong hindi bumoto sa kanila? Baka pag nalamang di tayo bumoto sa kanila ay di nila tayo bigyan nhg ayuda?” Si Igme uli.

“Bakit? Ipapaalam mo ba? Saka ka na maghimutok, puntahan ko muna.” Ani Mang Kulas, “May limang pamilya tayo rito sa looban. Ako lang ang pupunta dahil kada looban ay isang kukuha. Dapat nga bawat pamilya, may kinatawan. Sige, puntahan ko muna.” Ikasiyam pa lang iyon ng umaga, at tumungo na si Kulas sa barangay.

Hindi naman talaga mahaba ang pila sa barangay, subalit dahil sa social distancing na isang metro sa bawat nakapila roon, nagmukhang mahaba ang pila.

Dumating si Mang Kulas nang mag-aalas-dose na ng tanghali. Tamang-tama sa pananghalian, may dala siyang limang kilong bigas, isang dosenang delata, asukal, kape, at noodles.

Bati agad ni Inggo, “Aba’y para pala tayong nasunugan sa klase ng ayudang bigay nila. Akala ko pera ang bigay nila. Pangkalamidad pala talaga. Pero mabuti na rin iyan, kaysa wala.”

“Paano magkakasya iyan kung paghahatian nating lima, e, limang pamilya tayo rito.” Ani Igme.

Sumagot si Mang Kulas, “Pumila rin kayo roon, may pangalan pala kayo roon. Pangpamilya ko lang ang ibinigay sa akin.” Kaya nagkatinginan sina Igme, Kulot, Pekto at Inggo. Tila nagpapatotoo sa kasabihang marami ang namamatay sa akala.

“Nakupo, sana pala, naipaliwanag sa atin nang maaga iyan para nakapila rin tayo ng maaga. Paano, aba’y punta na tayo sa barangay, at baka magkaubusan ay wala tayong mapala.” Ani Igme.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2021, pahina 17-18.