Lunes, Abril 29, 2024

Kwento - Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?




NASAAN ANG URING MANGGAGAWA SA BANGAYAN NG MGA NAGHAHARING URI?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Tila wasak na ang UniTeam. Nagbabatuhan na sila ng baho. Tila ba sila’y naging UniThives na!” Ani Mang Igme sa isang umpukan ng mga kabarangay sa karinderya ni Aling Ines.

“Bakit mo naman nasabi iyan?” Tanong ni Inggo.

“Mantakin n’yo, ha? Nagpakawala na ng maaanghang na salita ang dating pangulo, dahil marahil malalim na ang epekto sa kanya ng imbestigasyon ng International Criminal Court na hinahayaan lang ng kasalukuyang pangulo. Aba’y tinanggal din ang confidential fund ng bise presidente na anak ng dating pangulo. Ginagamit pa ng isang paksyon ang isyu ng Charter Change, hindi pa dahil ayaw nilang madistrungka ang protectionist provision ng Konstitusyong 1987, kundi kung sino ang dapat tumimon dito. “ Mahabang litanya ni Mang Igme.

Sumabat si Aling Isay, “Halos lahat naman ng kinatawan ng political dynasty ay nagtutulak ng ChaCha. Yaong mga tumututol ay hindi pa dahil mapagmahal sila sa bayan, kundi ang karibal na paksyon ang titimon at makikinabang diyan. Ang tanong lang natin: Nasaan ang uring manggagawa sa bangayan ng mga naghaharing uri?”

Sumagot si Mang Igme, “Aba’y dapat namang makapwesto ang uring manggagawa sa ganyang bangayan. Tayong mga manggagawa ay dapat magkaisa upang tangayin na sa burgesya iyang kapangyarihang pampulitika. Subalit ang ChaCha ay hindi lamang itinutulak ng mga damuhong dinastiya, kundi ng oligarkiya o yung mayayamang indibidwal o pamilyang may kontrol sa ating ekonomya.”

“Masyado nang malalim ang pinag-uusapan ninyo. Hindi na ako makahabol, lalo na sa mga terminong, ano iyon? Oligarka, oligarkya, dinastiya? Yung isa pa, bu-burgisya? Tanong ko pa. Paano naman makakapwesto iyang uring manggagawa kung hindi naman ito nagkakaisa?” Tanong muli ni Inggo.

“Ang mabuti pa, maglunsad tayo ng talakayan hinggil diyan, at upang maiparating din natin sa ating mga kabarangay ang planong kilos-protesta laban sa ChaCha na ang makikinabang lang ay mga mayayaman, iyang tinatawag nating burgesya.” Ani Mang Igme.

“Payag ako. Kailan naman iyan?” Tanong ulit ni Inggo.

“Ayos ba sa inyo, Sabado ng hapon, alauna?” Tanong ni Mang Igme.

"Sige, darating ako." "Ako rin." "Mag-iimbita rin ako ng mga katropa." Iyan ang sunod-sunod na sabi nila na interesado sa paksa.

Dumating ang araw ng Sabado, nagkita-kita  ang mga naimbitahan. Agad na banat ni Mang Igme, "Kuntento na lang ba tayo na maging manonood na lang o tagapakinig na lang sa bangayan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri? Parang telenobela na ang alitan na animo'y inililigaw lang nila tayo sa totoong mga isyu ng bayan. Nasaan na ang uring manggagawa sa mga bangayang iyan? Mayorya ng masang Pilipino ay mga manggagawa. Dapat may gawin sila upang makapwesto sa poder, at hindi magkunot-noo lang sa alitan ng mga naghaharing uri."

"Mukhang napakahaba ng iyong mga hinaing, kasama." Ani Igor. "Dapat talagang pag-usapan iyan, matagal nang pinagsasamantalahan ng mga trapo’t dinastiyang iyan, ng mga  elistista’t oligarkiyang iyan, tayong anakpawis na tingin nila’y mga ekstensyon lang tayo ng makina."

Nagsalita si Ingrid, “Kaylalalim naman ng mga hugot ninyo, na hindi agad maunawaan ng mananahi tulad ko.”

“Kaya nga tayo nagdaos ng ganitong pag-aaral, ay pulong pala, dahil maganda talagang maunawaan natin ang mga iyan.” Ani Isay.

Sumagot si Igme, “Sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon, dapat makapwesto ang uring manggagawa sa unahan ng pakikibaka. Ibig sabihin, huwag na nating tangkilikin ang mga trapo sa halalan. Huwag iboto ang mga pahirap sa bayan. Patuloy lang tayong mag-organisa, bagamat wala na tayo sa unyon, at nasa komunidad ng maralita na tayo, ang mahalaga’y ang tinig at tindig ng manggagawa sa mga isyu ay umalingawngaw. Ano ang tingin sa sahod at tubo? 

Sabi naman ni Igor, “Ito pa ang mahalaga. Ipanalo natin ang mga manggagawang tumatakbo sa halalan, tulad sa Kongreso at Senado. Sakaling manalo sila’y magkaroon naman tayo ng matino sa gobyerno’t ipaglalaban ang ating kapakanan. Hanggang maagaw ng uring manggagawa ang pampulitikang kapangyarihan.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 16-30, 2024, pahina 18-19.

Linggo, Abril 28, 2024

Pinta para sa Kababaihan

PINTA PARA SA KABABAIHAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong aktibidad ang dinaluhan ko nitong Abril 26, 2024, araw ng Biyernes. Una'y lumahok ako, kasama ang grupo kong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) sa raling pinangunahan ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) mula ikasiyam hanggang ikasampu ng umaga. Hinarang kami ng kapulisan sa Morayta. Ang ikalawa'y ang aktibidad ng FDC (Freedom from Debt Coalition) sa CHR (Commission on Human Rights) mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalabindalawa ng tanghali. At ikatlo ay ang rali ng KPML, kasama ang Partido Lakas ng Masa - Urban Poor Committee, ZOTO-GMA, at ang grupong Kadamay mula ikatlo hanggang ikalima ng hapon sa harap ng tanggapan ng NHA (National Housing Authority) at sa DHSUD (Department of Human Settlement and Urban Development).

Ang una at ikatlo ay talagang rali. Kaya isang magandang pahinga mula sa rali ang idinaos na aktibidad ng FDC.

Matapos ang unang rali ay tumuloy agad ako sa Liwasang Diokno ng CHR kung saan idinaos ang Art and Painting activity ng Women's Committee ng FDC. Dumating ako roon sa ganap na ikalabing-isa ng umaga. Bagamat nakapagpinta na ako noon, halimbawa, sa mga pader katuwang ang mga kasama sa Climate Walk ng 2014 at 2023, iyon  ang una kong solong painting. Maraming salamat sa pagbibigay ng pagkakataon. Napaisip nga ako na kung kaya ko palang gumawa ng ganoon ay ituloy ko na sa mga libreng oras ko. Tulad ng pagkatha ng tula at maikling kwento ay hasain ko na rin ang aking sarili sa pagguhit ng larawan at pagpinta sa kambas.

Kasama ko sa litrato rito ang batikang pintor na si kasamang Lito Ringor ng ZOTO, habang kinatawan naman ako sa nasabing aktibidad ng XDI (Ex-Political Detainees Initiative) at KPML bilang kanilang sekretaryo heneral.

Kumatha ako ng tula hinggil dito.

PINTA PARA SA KABABAIHAN

buti't dumalo ako sa aktibidad na iyon
ng Women's Committee ng Freedom from Debt Coalition
paksa'y isyung kababaihan at kanilang misyon
at ako'y lumahok sa pagpipintang nilalayon

matapos ang rali sa Morayta hinggil sa klima 
agad nang naglakbay ng ikasampu ng umaga
upang sa Diokno Hall ng CHR ay pumunta
upang aking madaluhan ang doo'y paanyaya

binigyan ng kambas, pintura't pinsel, napaisip
babae't lalaki'y magkatuwang, aking nalirip,
sa paglaya ng uri, ng bayan, at ng daigdig
at nagpinta akong tila makatang nagpapantig

pinasa ko bagamat iyon lang ang nakayanan
una ko mang pinta'y maipagmamalaki naman
dahil mula iyon sa puso, diwa't karanasan
bilang manunulat at abang makata ng bayan

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa nasabing aktibidad

Ka Apo Chua, Pambansang Alagad ni Balagtas 2024

KA APO CHUA, PAMBANSANG ALAGAD NI BALAGTAS 2024
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam silang tumanggap ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado.

Kayganda ng tema ng nasabing Kongreso ng UMPIL: "Ang Manunulat Bilang Aktibista ng Kapayapaan". 

Isa sa mga nakatanggap dito ang matagal ko nang kakilalang si Ka Apo Chua, dahil siya ang mentor ng Teatro Pabrika, na kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na kinilakhan ko na bilang maglulupa at organisador. Ginawaran si Ka Apo ng nasabing parangal sa kategoryang "Critisism in Filipino". Isa pa sa kakilala kong kasama niyang nagawaran ng parangal ay si Dean Jimmwel C. Naval (Fiction in Filipino) na isa sa aking naging mentor sa Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15, taon 2022, na proyekto ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) ng UP Diliman.

Ang pito pa sa kanilang nakasama sa Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay sina: Antonio A. Aguilar Jr. (Hiligaynon Poetry and Fiction), Generoso B. Alcantara (Essay and Translation), Maria Felisa H. Batacan (Fiction in English), Jim Chiu Hung (Chinese Poetry and Essay), Fatima Lim-Wilson (Poetry in English), Ma. Cecilia Locsin-Nava (Literary History and Translation), at Felice Prudente Sta. Maria (Essay in English). Nagawaran naman ng Gawad Paz Marquez Benitez si Prof. Jerry C. Respeto ng Ateneo, habang pinarangalan ng Gawad Pedro Bukaneg ang The Writer's Bloc, Inc.

Narito ang nakasulat sa libretong inilabas ng UMPIL at binasa ni Prof. Joey Baquiran hinggil kay Prof. Apolonio B. Chua:

"Sa kanyang mga sanaysay at lathalaing nagtatanghal ng malalim na pang-unawa sa kalagayan ng mga manggagawa at manlilikhang-bayan na nadukal sa taos-pusong pakikiisa at matagal na pakikipamuhay sa kanila, at mula sa nagawang malapitang pagsaksi ay nalikom niya ang mga danas at kislap-diwang isinaakda sa mga aklat at panunuring pang-akademya. Napagtagumpayan niyang maipagpatuloy at maisabuhay sa loob at labas ng mga institusyon ang kabang-yaman ng kaalaman sa pamamagitan ng mga publikasyong nagpapatunay ng pananaw-sa-daigdig na makabayan at makatao, nagsusulong ng abanteng pagbabagong taglay ng sektor na tunay na lakas ng lipunang Filipino: ang mga manggagawa at artistang bayan."

Nasaksihan ko rin ang paglulunsad ng UP Press noong 2009 ng labindalawang aklat sa UP Vargas Museum, at isa sa inilunsad doon ang kanyang aklat na "Simulain: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). At doon mismo'y binigyan niya ako ng kopya ng aklat, na hanggang ngayon ay aking iniingatan.

Kumatha ako ng tula para kay Ka Apo Chua:

KA APO CHUA, MAGITING NA GURO, MAPAGPALAYA

Ka Apo Chua, mentor ng grupong Teatro Pabrika
sa pagkilos ng obrero'y matagal nakasama
kaya sa pag-awit ng manggagawa sa kalsada
at mga pagtitipon ay hahanga kang talaga

Ka Apo Chua, matanda na subalit malakas
isang guro sa Unibersidad ng Pilipinas
sa kanyang pagsisikap tungo sa malayang bukas
ginawaran ng Pambansang Alagad ni Balagtas

isang parangal na sa UMPIL ay nasaksihan ko
nang inilunsad ang kanilang Pambansang Kongreso
siyam silang mahuhusay na ginawaran nito
pagpupugay sa kanilang siyam, kami'y saludo

kay Ka Apo Chua, taas-kamaong pagpupugay!
sa mga ambag mo sa obrero't bayan, mabuhay!

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa ika-50 Kongreso ng UMPIL, Abril 27, 2024
UMPIL - Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas

Miyerkules, Abril 17, 2024

Panganay

PANGANAY
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pangalawa ako sa anim na magkakapatid, at panganay sa apat na lalaki. Ako ang junior ni Dad dahil ipinangalan ako sa kanya.

Ang aking nakatatandang kapatid na babae ay nasa US dahil pinetisyon ng anak kaya silang mag-asawa ay naroroon nang mamatay si Dad noong Abril 12. Kaya ako muna ang tumayong panganay sa magkakapatid habang wala si Ate. Bagamat hindi talaga ako ang naging punong abala sa burol kundi ang pangatlo, pang-apat at bunso na nakasama ni Dad sa kanyang huling sandali. Bagamat tumulong din ako at nagbantay sa burol habang tulog ang lahat.

Dala ko ang trabaho kahit sa lamay. Nagtitipa sa kompyuter ng madaling araw habang tinatapos ang nakuha kong kontrata ng translation mula sa isang institusyon. Abril 15 ang ikatlong deadline (34 pahina) at Abril 19 (anim na pahina) ang huling deadline. Kaya nagtatrabaho pa rin kahit nasa lamay.

Tamang-tama namang nakuha na ni Ate ang kanyang green card nito lang Abril 14, na ibinalita agad niya sa aming magkakapatid. Kaya nagpasya na siyang umuwi ng Pilipinas upang makadalo sa libing ni Dad sa Abril 18. Dumating na rin mula Davao ang isa ko pang kapatid na si Greg Vergel, panglima sa magkakapatid, kasama ang kanyang pamilya.

Marahil ako lang ang kaiba sa magkakapatid, dahil ako lang ang naging aktibista. Nagsimula iyon sa pagbabasa at pagpunta-punta sa Popular Bookstore sa Doroteo Jose sa Maynila, noong bandang huling bahagi ng 80s, bago iyon lumipat sa Tomas Morato, malapit sa Boy Scouts Circle, sa Lungsod Quezon.

Hindi kami nagkita ni Ate bago ako lumuwas ng Maynila kahapon, Abril 16, upang daluhan muna ang isang talakayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gaganapin sa Philippine Normal University sa Abril 17, ngayong hapon. Pambihirang pagkakataon iyon na KWF mismo ay nag-email sa akin upang daluhan ko ang kanilang aktibidad sa PNU. Kaya kailangan kong lumuwas ng Maynila at babalik muli sa Balayan sa gabi para sa huling lamay.

Mabuti at nakabalik na si Ate sa Pilipinas, at kumpleto na kaming anim na magkakapatid upang ihatid sa huling hantungan si Dad sa Calaca bukas, Abril 18.

PANGANAY

mula Tate, dumating na si Ate
panganay sa aming magkakapatid
na sa akin ay magandang mensahe
at kumpleto na kaming maghahatid
sa aming Ama sa huling hantungan
na namatay na mula sa ospital
nagsikap para sa kinabukasan
si Dad na aming ikinararangal

si Ate naman ang punong abala
bagamat sa group chat lang nagkausap
si utol Vergel ay di pa nakita
na mula Davao pa'y sadyang lumipad
kasama ang kanyang buong pamilya
na sa Batangas ay di pa napadpad

04.17.2024