Miyerkules, Mayo 29, 2024

Kwento - Hindi Haka-Haka ang Kahirapan

MAIKLING KWENTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

HINDI HAKA-HAKA ANG KAHIRAPAN

Nabalita sa mga komunidad ng maralita ang sinabi ni Larry Gadon, ang itinalaga ni BBM bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation o PAPA, na haka-haka lang daw ang kahirapan. Katwiran niya, hindi totoong naghihirap ang mga Pilipino, dahil malaki raw ang ibinaba ng poverty rate sa bansa, mula sa 24.7% ay naging 23.4% na lamang.

Inihalimbawa ni Gadon, kaya niya nasabing haka-haka ang sinasabing naghihirap daw ang mga Pilipino ay ang pagdagsa ng mga tao sa mall, at lagi raw puno ang mga fastfoods. Napakarami rin daw ng mga sasakyan sa kalsada. Dahil sa dami ng sasakyan, kaya nagtatrapik. Kaya sabi ni Gadon, maganda raw ang ekonomiya. Kaya haka-haka lang daw ng marami ang tungkol sa kahirapan. Hindi raw totoong may naghihirap.

Napag-usapan iyon sa maraming komunidad ng maralita. Tulad ng napag-usapan ng mga maralita sa Navotas. Ani Mang Igme, “Malala na ang kahirapan sa bansa ay mas malala pa itong si Gadon. Kung wala nang mahihirap sa bansa ay dapat na siyang umalis sa pwesto dahil ano pang silbi ng kanyang opisina kung wala na palang naghihirap?”

Sumagot din si Aling Isay, “Aba’y hindi siya bumababa sa komunidad at nasa de-erkon lang siyang opisina. Hindi ba niya nakikita ang mga nakatira sa ilalim ng tulay na tinatawag na bat people, at mga walang bahay na nakatira lang sa mga kariton? Habang hindi niya sinasabing may naghihintay na mga maralita sa mga tirang pagkain ng mga kostumer sa fastfood tulad ng Jollibee at McDo upang gawing pagpag. O yaong lulutuin muli ng maralita ang tinapong pagkain upang kanilang kainin. Iyan ba ang haka-haka lang ang kahirapan? ”

Pati si Mang Inggo ay napatanong, “Anong batayan niya kundi ang datos na hindi natin nararamdaman. Bumaba raw ang poverty rate mula  24.7% sa 23.4% subalit baka ang mga numerong ito’y haka-haka lamang, dahil di natin alam paano nila ito sinukat kaya di natin ramdam.”

Nagmungkahi naman si Aling Ising, “Mabuti pa’y maglakad-lakad siya sa komunidad ng maralita. Baka lagi na lang siyang nakakotse at di sumasakay ng dyip. Baka nga kaya hindi siya makatapak sa mga lugar ng iskwater ay nandidiri siya sa ating mga mahihirap. Bumaba siya upang makita talaga niya ang totoong kalagayan nating mga mahihirap!”

“Maganda ang mungkahi ni Aling Ising,” ani Mang Igme, “Bakit hindi natin siya hamuning bumaba sa mga tinatawag na slum area upang makita niya ang totoong kalagayan ng mga maralita.”

“Paano?” Tanong ni Aling Isay.

“Kausapin natin sina Ka Kokoy ng samahang KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod upang ralihan si Larry Gadon, at hamunin siyang bumaba sa ating mga lugar.”

“Bakit pa? Sisikat lang iyon! Sinupalpal na nga iyan ni Ka Luke Espiritu sa debate, papatulan pa natin?” Sabi naman ni Mang Inggo.

“Oo nga.” Susog ni Aling Isay.

“Nais kasi nating ilantad pa siyang lalo, na ang tulad niya’y hindi dapat malagay sa pwesto sa gobyerno. Pupuntahan ko muna si Ka Kokoy bukas din.” Ani Mang Igme.

Kinabukasan, pagtungo ni Mang Igme sa pwesto ni Ka Kokoy sa palengke ay pinag-usapan nila ito. Nabatid ni Mang Igme, na nagpadala na si Ka Kokoy ng pahayag sa midya na hindi totoo ang sinasabi ni Gadon na wala nang mahihirap. Iba pa kung maglulunsad sila ng pagkilos, tulad ng rali sa harap ng tanggapan ni Gadon.

Napag-usapan nilang magkaroon muna ng talakayan at pag-aaral sa iba’t ibang lugar bago maglunsad ng pagkilos, tulad ng ARAK (Aralin sa Kahirapan) LSK2 (Lunas sa Kahirapan, Landas sa Kaunlaran), at iba pang isyu ng maralita, tulad ng karapatan sa pabahay. 

Gayunman, nais pa rin ni Mang Igme na maikasa ang isang pagkilos upang tuligsain ang sinabi ni Gadon. Kaya napapayag si Ka Kokoy sa kanyang suhestiyon. Matapos ang pag-uusap, nagtakda na sila ng pagkilos sa Miyerkules sa harap ng tanggapan ni Gadon.

Dumating ang araw ng Miyerkules, nasa limampung maralita ang lumahok sa pagkilos. Nagsalita si Mang Igme gamit ang megaphone.

“Sekretaryo Gadon, hinahamon ka naming pumunta sa lugar ng mga iskwater upang makita mo ang totoong kalagayan ng mahihirap!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 16-31, 2024, pahina 18-19.

Biyernes, Mayo 17, 2024

Ang dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula"

ANG DALAWANG EDISYON NG AKLAT NA "JOSE CORAZON DE JESUS: MGA PILING TULA"
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mayroon na akong dalawang edisyon ng aklat na "Jose Corazon de Jesus" Mga Piling Tula" na ang pagitan ng pagbili ko sa mga ito ay dalawampung taon at apat na buwan. Ang editor ng mga nasabing aklat ay si National Artist for Literature Virgilio S. Almario.

Ang unang edisyon, na may paunang salita ng namayapa nang dating Senador Blas F. Ople, ay nabili ko sa halagang P250.00 sa National Book Store sa Gotesco Grand Central sa Lungsod ng Caloocan noong Disyembre 23, 2003. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na kalahating pulgada, at binubuo ng 252 pahina, 200 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 52 pahina ang naka-Roman numeral.

Ang ikalawang edisyon naman ay nabili ko sa halagang P350.00 noong Abril 17, 2024, sa Gimenez Gallery ng UP Diliman, habang inilulunsad doon ang 50th UMPIL National Writers Congress at ika-37 Gawad Pambansang alagad ni Balagtas. May sukat itong 5 3/4 x 8 3/4, may kapal na 7/8 pulgada, at binubuo ng 270 pahina, 260 pahina ang nasa Hindu-Arabic numeral habang 10 naman ang bumubuo sa pahinang pampamagat, karapatang-sipi at talaan ng nilalaman.

Sa pabalat ng unang edisyon ay tatlo ang litrato ni de Jesus, habang isang litrato na lang sa binagong edisyon.

Sa unang edisyon, ang pambungad ni Almario, na may pamagat na "Mga Kuwintas ng Bituin at Luha: Isang Pagbabalik sa Buhay at Tula ni Jose Corazon de Jesus" ay nagsimula sa pahina xiii at nagtapos sa pahina l, o pahina 13 hanggang 50. Kaya 38 pahina iyon (50 - 13) + 1 = 38.

Sa ikalawang edisyon, nagkaroon ng mga dagdag o inapdeyt ni Almario ang pambungad, subalit umabot na lamang iyon ng 33 pahina, dahil mas maliit ang sukat ng font nito kumpara sa unang edisyon. Nakalagay din sa dulo niyon:

Unang bersiyon: 9 Oktubre 1984
Binago: 22 Oktubre 2022

Gayunpaman, napansin ko sa ikalawang edisyon na may ilang natanggal na tula mula sa unang edisyon.

Suriin natin ang talaan ng nilalaman. Hinati sa apat na kabanata ang mga tula, na nilagyan ng pamagat:

Ibong Asul - 32 tula sa unang edisyon; 29 tula sa ikalawang edisyon; 3 tula ang nawala

Ang Pamana - 38 tula sa unang edisyon; 32 tula sa ikalawang edisyon; 6 na tula ang nawala

Sa Siyudad ng Ilaw - 32 tula sa unang edisyon; 24 tula sa ikalawang edisyon; 8 tula ang nawala

Bayan Ko - 29 tula sa unang edisyon; 27 tula sa ikalawang edisyon; 2 tula ang nawala

Kung isasama ang pambungad na tulang Paghahandog na nasa una't ikalawang edisyon, na hindi kasama sa mga nabanggit na kabanata, ang unang edisyon ay binubuo ng 132 tula, habang ang ikalawang edisyon ay binubuo na lamang ng 113 tula, at 19 na tula ang tinnggal sa ikalawang edisyon.

Kaya maganda pa ring mayroon ako ng unang edisyon dahil mababasa ko pa rin ang nawalang 19 na tula sa ikalawang edisyon.

Kumatha ako ng munting tula hinggil dito:

ANG AKLAT NG MGA TULA NI HUSENG BATUTE

mayroon na akong / dalawang edisyon
ng aklat ng tula / ni Jose Corazon
de Jesus, tunay na / naging inspirasyon
sa tugma't sukat na / dito natitipon

ngunit una'y tila / iba sa ikalwa
pagkat labingsiyam / na tula'y wala na
siya namang aking / ipinagtataka
na tulang nawala'y / wala ring kapara

gayunman, saludo / pa rin kay Sir Rio
siyang nagsaliksik / at nagtipon nito
nagkaroon tayo / ng nasabing libro
mga tulang ginto / bagamat di puro

tanging masasabi'y / maraming salamat
mga tula rito'y / nakapagmumulat
tulang Manggagawa'y / inspirasyong sukat
na paborito kong / agad nadalumat

05.17.2024

"Babae na" o "Babaeng", "Dalagita na" o "Dalagitang"?

"BABAE NA" O "BABAENG", "DALAGITA NA" O "DALAGITANG"?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahayagang Pilipino Star Ngayon (PSN) na may petsang Mayo 17, 2024, may dalawang pamagat ng balita o artikulong nakakuha ng aking atensyon. Ang una ay may pamagat na "Babae na maraming pinaretoke para gumanda, tumunog sa airport scanner ang mga 'turnilyo' sa kanyang mukha", pahina 5. Ang ikalawa ay may pamagat na "Dalagita na nais kumalas sa nobyo, pinatay" na nasa pahina 9..

Hindi ko na tatalakayin ang nilalaman ng balita, kundi ang paggamit ng sumulat sa pang-angkop na "na" at "ng".

Parang hindi Pinoy o marahil ay gumamit ng google translate o artificial intelligence (AI) ang nagsalin ng pamagat ng unang artikulo. Makiikita mo agad ito sa "Babae na" na dapat ay "Babaeng" kung Pinoy talaga ang sumulat. Mas maayos na pamagat ay "Babaeng maraming pinaretoke para gumanda..." O mas mainam pa, "Babaeng maraming pinaretoke upang gumanda..."

Marahil ay Pinoy naman ang nagsulat ng ikalawang artikulo dahil ang lunan ng pinangyarihan ng balita ay Tanauan City sa Batangas, subalit parang isinalin din lang ang balitang marahil ang orihinal ay nasa wikang Ingles. Dahil kung Pinoy talaga ang manunulat nito, dapat ang pamagat ay "Dalagang nais kumalas sa nobyo, pinatay."

Sa google translate ay hindi niya kayang magsalin ng "Babaeng... at "Dalagang..." dahil nga verbatim o word by word ito nagsasalin, kaya masasabi mong Barok ang pagkakasalin.

Magandang sangguniin natin ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata IX. Ang mga Pang-angkop, pahina 105-107. 

(a) Kapag ang unang salita'y nagtatapos sa katinig, maliban sa n, anyong "na" ang ginagamit, at isinusulat nang hiwalay.

masipag na tao
pag-ibig na nabigo
sumusulat na madalas

(b) Kapag ang huling titik ng unang salita ay patinig, anyong "ng" ang ikinakabit sa hulihan ng tinurang salita. Halimbawa:

masayang mukha (hindi masaya na mukha)
ugaling pangit (hindi ugali na pangit)
tayong mga Pilipino (hindi tayo na mga Pilipino)

(K) Kapag titik n ang huling titik, anyong g ang ikinakabit.

mahinahong magsalita (hindi mahinahon na magsalita)
bayang magiliw (hindi bayan na magiliw)
kabuhayang maralita (hindi kabuhayan na maralita)

Kaya nga ang pamagat ng dalawang artikulo ay hindi maayos, dahil dapat mas ginamit ang "Babaeng..." imbes na "babae na..." at "Dalagitang..." at hindi "Dalagita na..."

May sinabi pa si LKS hinggil dito, sa pahina 107, "Subalit ang mga kalayaang ito ay karaniwang di nagpapakilala ng kalinisan ng pananalita; kaya't hangga't maiiwasan ay di dapat gamitin ng nagsasalita, sumusulat o tumutula, kundi kung totoo na lamang kailangan o siyang nababagay kaysa sa himig ng pagsasalita."

Kumatha ako ng tula hinggil sa usaping ito"

HINGGIL SA PAMAGAT NG BALITA

may napuna akong dalawang barok na titulo
sa iisang diyaryo, lalo sa paggamit nito
ng "na" imbes idikit ang "ng" sa unang salita
tulad ng "babae na" imbes "babaeng" na tama

dapat inaaral ng mismong mga nagsusulat
ang balarila natin lalo't kita sa pamagat
kung barok o hindi, kung salin iyon mula google
o isinalin ng A.I., dapat ito'y mapigil

bagamat wikang pambansa'y tuluyang umuunlad
ay huwag hayaan ang mga barok na palakad
tulad ng gamit ng "kina" na ginagawang "kila"
huwag magsawang punahin ang maling nakikita

05.17.2024

* mga litrato'y kuha ng may-akda

Lunes, Mayo 13, 2024

Xanadu

XANADU
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May awitin noon si Olivia Newton-John na ang pamagat ay Xanadu. Pamilyar pa ako hanggang ngayon sa tono ng nasabing awit.

Hanggang sa mabili ko sa Fully Booked ang aklat na Khubilai Khan, Lord of Xanadu, Emperor of China, na inakda ni Jonathan Clements.

Binalikan ko ang liriko ng awit. Narito ang ilang talata:

A place where nobody dared to go
The love that we came to know
They call it Xanadu (it takes your breath and it'll leave you blind)
And now, open your eyes and see
What we have made is real
We are in Xanadu (you dream of it, we offer you)
A million lights are dancing and there you are, a shooting star
An everlasting world and you're here with me, eternally
Xanadu, Xanadu
(Now we are here) in Xanadu

Isinalin ko ito sa wikang Filipino:

Isang lugar kung saan walang nangahas pumunta
Ang pag-ibig na ating nabatid
Tinatawag nila iyong Xanadu (tangay nito ang iyong hininga't iiwan kang bulag)
At ngayon, buksan mo ang iyong mga mata at tingnan
Kung ginawa natin ay totoo
Tayo'y nasa Xanadu (pinangarap mo ito, iniaalok namin sa iyo)
Isang milyong ilaw ang sumasayaw at narito ka, isang bulalakaw
Isang mundong walang hanggan at narito ka sa piling ko, magpakailanman
Xanadu, Xanadu
(Narito na tayo ngayon) sa Xanadu

Tila baga ang Xanadu na tinutukoy sa awit ay isang paraiso ng pag-ibig na walang nangahas magpunta dahil marahil malayo sa tunay na daigdig. O kaya'y isang lungsod ng mga ilaw na nasa kalawakan.

Subalit ang apo ni Genghis Khan, pinuno ng Mongolia noon, na si Khubilai Khan, ayon sa aklat na nabili ko, ay Lord of Xanadu, Emperor of China, o Panginoon ng Xanadu, Emperador ng Tsina. Nasa loob ba ng Tsina ang Xanadu, o nasa katabing lugar nitong Mongolia?

Naging duguan ba ang lupa ng Xanadu dahil sa pananakop nina Genghis Khan, at sumunod ay ang kanyang apong si Khubilai Khan? Sa awit, ang Xanadu ay isang lugar na hindi mapuntahan. Marahil, dahil ba isa na itong malawak na sementeryo na kayraming pinaslang ang hukbong pinamunuan ni Khubilai Khan? Ano ang itsura ng Xanadu ni Khubilai Khan?

Ayon sa Wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Xanadu), Xanadu may refer to: Shangdu, the summer capital of Yuan dynasty ruled by Khubilai Khaan, grandson of Genghis Khaan.
- a metaphor for opulence or an idyllic place, based upon Samuel Taylor Coleridge's description of Shangdu in his poem Kubla Khan

(Ang Xanadu ay maaaring tungkol sa: Shangdu, ang summer capital ng Yuan dynasty na pinamumunuan ni Khubilai Khaan, apo ni Genghis Khaan.
- isang metapora para sa karangyaan o isang lugar na may kaaya-ayang pamumuhay, batay sa paglalarawan ni Samuel Taylor Coleridge sa Shangdu sa kanyang tulang Kubla Khan

Ayon muli sa Wikipedia (https://en.wikipedia.org/wiki/Shangdu): Ang Xanadu o Shangdu ay matatagpuan sa kasalukuyang Zhenglan Banner, sa loob ng Mongolia. Noong Hunyo 2012, ginawa itong World Heritage Site para sa makasaysayang kahalagahan nito at para sa kakaibang paghahalo ng kulturang Mongolyano at Tsino.

Inilarawan din ito ng makatang si Samuel Taylor Coleridge sa kanyang tulang Kubla Khan, na ang unang talata ay ito:

In Xanadu did Kubla Khan
A stately pleasure-dome decree:
Where Alph, the sacred river, ran
Through caverns measureless to man
Down to a sunless sea.
So twice five miles of fertile ground
With walls and towers were girdled round;
And here were gardens bright with sinuous rills
Where blossom'd many an incense-bearing tree;
And here were forests ancient as the hills,
Enfolding sunny spots of greenery.

Balak kong isalin sa wikang Filipino ang buong tula ni Coleridge na nasa limampu't apat na taludtod. Subalit hindi pa magawa ngayon. Gayunpaman, nakahilera na ito sa aking mga planong tulang salin.

Sa ngayon, nais ko munang kumatha ng tula hinggil sa Xanadu:

XANADU

isang awiting narinig noon
inawit ni Olivia Newton-John
nakahahalinang dinggin iyon
pagkat mapapaindak ka roon

ang Xanadu'y isang lugar pala
tawag din ay Shangdu sa Mongolia
doon si Kubla Khan nakilala
at si Genghis Khan ay lolo niya

nakabili nga ako ng libro
naakit na ako ng titulo
ang "Khubilai Khan, Lord of Xanadu"
aba'y Xanadu, pamilyar ako

babasahin ko ang talambuhay
ni Khubilai Khan, at magninilay
ang Xanadu ba kung malalakbay
ay mapuntahan ko kayang tunay?

05.13.2024