Huwebes, Marso 27, 2008

Bakit Yari sa Papel ang Maso?

Narito ang talakayang hinggil sa iba't ibang isyu ng bayan.

Marahil ay may mga magtatanong kung bakit ang blog na ito'y pinamagatang "Masong Papel".

Una po, alam nating napakarami ng manggagawa sa ating bansa, ngunit iilan lamang dito, wala pang sampung porsyento, ang organisado. Watak-watak pa yung mga organisado.

Ang manggagawa ang siyang bumubuhay sa bansa. Kung wala sila, wala lahat. Ngunit bakit sila pa, na siyang gumagawa ng ekonomya ng bansa, ang walang lakas? Sa usapin ng eleksyon, halimbawa, meron bang labor power? O kung meron man, bakit hindi nila maipanalo ang mayoryang kinatawan ng manggagawa sa eleksyon, gayong kakaunti lamang ang mga kapitalistang tumatakbo ay yaon pa ang nananalo?

Ang maso ng manggagawa, kapag ipinukpok sa ulo ng kapitalista, ay tiyak na puputok ang ulo ng kapitalista at maaari pang mamatay. Ngunit ang masong yari sa papel, kahit gaano man ito ipukpok sa kapitalista, ay tatawanan lang sila.

Masong papel. Napakarami ng manggagawa. Sapat para baguhin ang lipunan. Ngunit hindi pa niya kaya ngayong itayo ang kanyang sariling pamahalaan. Matagal na panahon pa na ang masong papel ay maging masong bakal na babago sa kalakaran ng sistema ng lipunan tungo sa isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Masong papel. Kaunti lang kung bibilangin ang nagpapasasa sa yaman ng buong lipunan. Marami pa rin ang nagugutom, walang bahay, pinagsasamantalahan. Hangga't nananatiling masong papel ang simbolo ng nagaganap ngayon sa bansa, wala pa ring pagbabago.

Nasa pag-uusap at pagkakaisa ng layunin ang ikalalakas ng uring manggagawa. Halina't pag-usapan natin ang iba't ibang isyu ng manggagawa, at paano tayo makakatulong sa pagmumulat at pagpapalakas sa kanila.

Panahon na upang tuluy-tuloy na mag-organisa ang uring manggagawa at tiyakin niyang magampanan niya ng mahusay ang kanyang istorikal na papel bilang hukbong mapagpalaya.

Walang komento: