Huwebes, Marso 27, 2008

Walisin ang mga di lehitimong utang

(Nais ko lang bigyang daan sa blog na ito ang ipinalabas na pahayag ng People Against Illegitimate Debt noong nakaraang taon. Salamat. – greg)

Walisin ang mga di lehitimong utang

Ang modernong kasaysayan ng ating bansa ay panahon ng malalang pagkalubog sa utang -- mula sa otomatikong pagbabayad-utang ni Marcos, sa polisiya ni Aquino na “kilalanin ang mga utang”, na ginaya rin nina Ramos at Estrada hanggang sa di mapantayang pangungutang at pagbabayad-utang ni Gloria Macapagal Arroyo. Pasang-krus ng bawat henerasyong Pilipino ang utang na di naman atin.

Nagpapatuloy ang walang-habas at walang kwentang pangungutang. Mula sa $26 bilyon utang na iniwan ng diktadurang Marcos, ang utang ngayon ng gubyerno sa ilalim ng adik-sa-utang na si Gloria ay umaabot na sa P3.78 trilyon o $ 81.6 bilyon. Walang nakikitang senyales na ito ay mapipigil sa paglaki. Noong nakaraang taon lamang ang ibinayad sa utang, kapwa sa prinsipal at tubo, ay P 834.374 bilyon. Ito ay 53.78 ng kabuuang pambansang gastos. Sa laki ng ibinabayad sa utang, lalong lumiliit ang napakaliit na ngang badyet para sa mga napakaimportanteng serbisyo sosyal kagaya ng edukasyon at kalusugan. Ang pagbabayad utang ay maituturing na langit at gloria ng iresponsableng paggastos ng gubyerno sa pera ng bayan.

Ang problema sa utang ay pasang-krus ng kasalukuyang henerasyon. Sa oras na ito, bawat Pilipino, sanggol hanggang sa pinakamatanda, ay may pasang P 44,000 utang na di naman atin at di natin pinakinabangan. Dagdag pa, ang bawat isa sa atin ay pinagbabayad ng P 7,000 kada taon para bayaran ang utang – isang obligasyong ipapasa sa susunod na henerasyon. Di maaliwalas kundi madilim na bukas ng pagkakautang at kahirapan ang ihinahanda ng gubyerno sa susunod na henerasyon.

Matagal nang nilalabanan ng mga social movements at non-government organizations ang utang na ito. Pero ang mga diskurso kung paano lulutasin ang problema sa utang ay laging pinangingibabawan ng mga talakayan sa sustainability, manageability at effects. Habang kami ay naniniwala na importante ang ganitong mga perspektiba, naniniwala rin kaming di dapat malimita rito ang pag-unawa sapagkat ang problema ng utang ay naging mas kumplikado at problematiko.

Kailangan nang paunlarin ang taktika sa pakikipaglaban. Importante ritong magkalinawan kung paano natin inuunawa ang problema ng utang.

Ang kumplikadong problema ng utang ay kailangang silipin ang mga proseso at transaksyon ng mga kontrata ng utang; ang katangian ng mga partidong nagkasundo; saan at paano ginastos ang inutang; epekto ng mga proyektong tinustusan ng utang, mga polisiyang tinustusan ng utang; at ang mga sirkumstansya nang maganap ang pangungutang.

Gayundin, ang mga utang ay dapat nating intindihin sa mas malawak na kontekstong istorikal, pulitikal, ekonomik at ekolohikal para malaman kung paano ito ginamit bilang instrumento ng paghahari at laban sa kagalingan at kapakanan ng mamamayan. Sa gayon, malalaman natin ang mga di kanaisnais at di-makatwirang utang o di lehitimong utang.

Di lehitimo ang mga utang na ipinapapasan sa atin ng internasyunal na institusyong pampinansya at mga bansa sa Norte. Ito ang mga utang na tumustos sa mga proyektong kontra-mamamayan; inutang ng despotikong rehimen upang patagalin ang paghahari nito; o utang na pumigil sa tunay na kaunlarang sosyal, ekonomikal at ekolohikal.

Kami ay naniniwalang ang karamihan ng binabayaran nating utang ay di lehitimo. Samantala, ang gubyerno ay patuloy na kumikilala at binabayaran ang mga utang na ito na ibayong ikakahirap ng ating mamamayan.

Mula sa maanomalyang Bataan NuclearPower Plant (BNPP), saksi tayo sa mga bagong mamamahalin ngunit di kailangang proyektong ginagawang gatasan. Halimbawa rito ang Austrian Medical Waste Project, World Bank funded Textbook Project, Chinese funded North Luzon Railways Project, German funded Philippine Merchant Maritime Academy Modernization Program, World Bank Small Coconut Farmers Development Program, Telepono sa Barangay Project at ang pinakabago ay ang kinanselang ZTE National Broadband Network Project at ang “suspendidong” Cyber Education Project

Sinasaid ng mga utang na ito ang pambansang kabang-yaman. Ninananakaw ng mga utang na ito ang pondong dapat sana ay nakalaan parasa serbisyo publiko gaya ng edukasyon, kalusugan at pabahay.

Pero sasabihin natin, tayo ay bayad na. Ang kabayarang sosyal, ekonomikal, pulitikal at ekolohikal ng mga obligasyong ito ay sobra-saobra nang kabayaran sa mga utang na ito na hindi naman natin utang. Kung tutuusin, at tahasan nating sasabihin, ang mga nagpautang ang may utang sa atin. Ito’y dahil ginamit ang mga pautang sa mga krimen, malakihang pagnanakaw ng mga nasa poder at pagsasamantala sa ating ekonomya at sa ating bayan.

Dahil dito, dapat nang buuin ang isang malawak at malakas na pormasyon ng iba-ibang social movements, civil society leaders, people’s organizations, komunidad, personalidad at ng publiko para maisulong ang isang popular na kilusan laban sa di lehitimong mga utang.

Ang kilusang ito ay mangunguna di lamang sa pagtataas ng kamalayan ng publiko tungkol sa isyu ng “utang” kundi para isulong ang iba-ibang independyenteng pagsisikap upang itulak ang gubyerno at ang mga internasyunal na institusyong pampinansya para magpatupad ng mga patakaran, batas at aksyon na tutungo sa kanselasyon ng mga di lehitimong utang. Ang kilusang ito ay tatawaging PAID – People Against Illigitimate Debt.

Oras na para umalpas sa mahabang panahon ng pagkalubog sa utang. Tayo’y magsama-sama at buong tapang na harapin ang laban upang walisin ang di lehitimong mga utang tungo sa isang makatarungan, malaya at masaganang bukas.

PAID

October 9, 2007

University of the Philippines

Padre Faura St., Manila

Walang komento: