Miyerkules, Abril 8, 2009

Pahayag ng PLM sa Araw ng Kababaihan

Pahayag ng Partido Lakas ng Masa sa Araw ng Kababaihan
Marso 8, 2009

Hindi dapat ipapasan sa kababaihan ang krisis pang-ekonomya!
Itigil ang mga tanggalan! Moratoryum sa lay-off!


Napakatinding pinapasan ng mga manggagawa at maralita ang krisis pang-ekonomya ng kapitalistang sistema. Matinding tinamaan ang uring manggagawa at ang maralitang kababaihan. Lumaki ng may 10.7 milyong katao ang bilang ng nawalan ng trabaho mula 2007 hanggang 2008, ang pinakamataas na taunang paglaki mula 1998. Ang mga kababaihan sa partikular ang talagang tinamaan. Ang pagkawala ng trabaho ay lumaki mula 6.3% sa kababaihan kung ikukumpara sa 5.8% ng kalalakihan (ILO, 2009). Iniulat ng ILO na ang pandaigdigang kawalan ng trabaho ay lalaki pa ng 51 milyon sa 2009 at ang mga kababaihan ang matinding tatamaan.

PAGKAWALA NG TRABAHO, PAGBABA NG KITA

Sa Pilipinas, ayon sa ekonomistang si Benjamin Diokno, 11 milyong manggagawa ang maaaring mawalan ng trabaho sa pagtindi ng krisis sa ekonomya nitong 2009. Noong 2008, ayon sa mga mananaliksik ng ILO, may 250,000 manggagawa na sa mga planta ng makina at asembliya ang natanggal sa trabaho. Kung isasama ang mga manggagawa mula sa pabrika ng elektronics at garment & textiles, ang bilang nito’y mahigit pang 300,000 na natanggal ng nakaraang taon, kung saan halos lahat ay noong Oktubre nang tumindi na ang krisis pang-ekonomya. Ang sinasabi ng DOLE na nasa 40,000 manggagawa lamang ang natanggal ay isang kasinungalingan!

Ilan sa mga industriyang matinding tinamaan ay ang garments, textiles at electronics. Nasa 72.3% ng lakas-paggawa sa electronic ay pawang kababaihan at 86.5% naman sa sektor ng garments. Napakatinding tinamaan ang Calabarzon. Mula 7 hanggang 8 sa 10 natanggal sa mga export processing zones (EPZs) ay pawang mga kababaihan. Mga kababaihan din ang mayorya ng may bantang matanggal sa trabaho sa apat na pabrika ng electronics sa Cavite Economic Zone sa Rosario, Cavite. Nagdurusa rin sa pagbawas sa sahod ang mga manggagawang kababaihan sa mga EPZ dahil sa iskemang pagsiksik ng trabaho kada linggo, kung saan pinahihintulutan lamang na magtrabaho ang mga kababaihang manggagawa ng dalawa hanggang tatlong araw bawat linggo.

Samantala, libu-libong OFWs ang nagbabalikan sa bansa dahil nagsarahan ang kanilang mga pabrikang pinagtatrabahuhan. Ilan sa matinding naapektuhan ay ang mga manggagawa sa pabrika sa Taiwan, at mga manggagawang domestic sa Singapore, Hongkong at Macau, na ang mayorya ay mga kababaihan. Nahaharap naman ang mga may trabaho pang manggagawa sa mga atake sa kanilang sahod at kalagayan sa paggawa sa pamamagitan ng pagbabawas sa sahod bilang resulta ng pinaliit na oras-paggawa, pagsuspinde ng pagpapatupad ng mga patakaran sa sahod, kontraktwalisasyon at pagpapagawa sa labas, pati na rin pagbabawas sa overtime at mga pista opisyal.

Napakalinaw ng epekto ng lahat ng ito – ipinapapasan sa mga manggagawa, lalo na sa mga kababaihan, ang tindi ng krisis pang-ekonomya. Ang mga pagkawala ng mga trabahong ito ay kumakatawan sa matinding pag-atake sa pamantayan ng pamumuhay ng uring manggagawa, lalo na ng mga kababaihan.

Sa badyet ng 2009, gagastos ang gobyerno ng P7,391.54 bawat tao para sa pagbabayad-utang habang naglalaan lamang ng P2,050.98 bawat tao para sa edukasyon, P301.52 para sa kalusugan, P57.48 para sa pabahay at P112.80 para sa panlipunang serbisyo. Sa kalagayan ng krisis, ang nasabing badyet ay malinaw na laban sa kababaihan at laban sa mamamayan. Ang mga kabawasang ito ay tatama sa mga manggagawang kababaihan, lalo na sa mga maralitang kababaihan.

PAGBAGSAK NG EDUKASYON NG KABATAANG BABAE AT KALUSUGAN NG KABABAIHAN

Dahil sa walang maayos na pinagkukunan ng ikabubuhay, pinatitigil na ng pamilya ng manggagawa ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Noong 1977 Asian crisis, lumaki ang bilang ng mga batang manggagawa sa Pilipinas, at nabawasan ang bilang ng mga mag-aaral na babae sa lahat ng antas, kumpara sa mga lalaki. Mula 1997 hanggang 1998, lumaki ang bilang ng mga nag-aral na batang lalaki habang lumiit naman sa mga batang babae. Ang mababang sahod at mataas na presyo ng pagkain ay nagtulak para tipirin ang pagkain sa bahay. Minsan di na kumakain ng almusal ang mga ina at asawa para may sapat para sa buong pamilya. Nanganganib naman ang mga buntis at nagpapasusong ina dahil sa di mabuting nutrisyon.

PAGBIGAT NG PASANIN NG KABABAIHAN

Lalong bumigat ang pasanin ng mga kababaihan. Noong krisis-pinansyal sa Asya noong 1997, lumaki ang bilang ng nawalan ng trabaho, ngunit ang lingguhang oras-paggawa ay nabawasan sa kababaihan habang tumaas sa kababaihan. Ito’y dahil sa pagtaas ng bilang ng oras-paggawa na isinagawa ng mga kababaihang nakabase sa bahay na nagtatrabaho ng kontraktwal, kung saan kumukuha pa sila ng ikalawa o kahit ikatlong trabaho ng panahong yaon. Ang paglaki ng oras na ginagamit ng kababaihan sa paggawang binabayaran ay nasa ituktok ng kanilang di-bayad na trabahong pambahay, kung saan walong oras bawat araw ang ginugugol nila sa paglilinis at pag-aayos ng bahay at pag-aalaga ng bata, kumpara sa 2.5 oras na ginugugol ng kalalakihan. May mga paglawak din ng karahasan sa bahay at naliligalig ang pamilya dahil na rin sa mga problemang pangkabuhayan. Noong Asian crisis ng 1997, lumaki ang bilang ng karahasan sa kababaihan, lalo na ang prsotitusyon ng kababaihan at kabataan.

ANG HUWAD NA “STIMULUS PACKAGE” NI GMA

Ang ’solusyon’ ng rehimeng Arroyo ay ang malawakang tulong sa mga mayayaman at pagtindi ng pag-atake at pagsasamantala sa uring manggagawa at maralita. Ang “economic package” na inihahanda nito ay nakakatulong sa mga kapitalista at sa mga korporasyon sa anyo ng pagbawas sa buwis habang nagbibigay ng maliit lamang na “pangkabuhayang proyekto” sa manggagawa sa anyo ng mga “emergency employment opportunities.” Sa inorganisa ng Malakanyang na crisis summit, iminungkahi nito na lumikha lamang ng maiiksing trabaho, tulad ng pagtatanim ng puno, pagwawalis sa kalsada, kabilang pati ang “proyektong pamamahagi ng mga kambing”. Nakakatawa ang mga mungkahing ito kung itatapat sa malawakang pagdurusang nararanasan ng mga manggagawa dahil sa mga tanggalan at pagliit ng sahod. Ito’y isang huwad na stimulus package, isang taktika lamang ng administrasyon para sa pagbili ng boto sa nalalapit na eleksyong 2010.

Iminumungkahi rin ng pamahalaan ang paggamit ng P12.5 Bilyon mula sa pondo ng SSS para sa stimulus package. Muli, pinipiga nito ang dugo ng manggagawa at isa itong garapal na pagtatangkang pagbayarin ang mga manggagawa sa krisis ng sistema. Iminumungkahi rin ng pamahalaan ang P2 Trilyong ’pamumuhunan’ sa mga proyektong imprastruktura, kung saan ang 70% nito ay mapupunta sa sektor ng transportasyon at enerhiya. Kung pagbabatayan ang malawakang katiwalian at pagnanakaw mula sa malalaking proyektong imprastruktura, ito’y isa na namang malaking ambag kay GMA at sa kanyang mga alipores. Sa kabilang banda, magreresulta ang mga proyektong ito sa demolisyon ng malalaking komunidad ng maralita, at magdudulot ng dagdag na pahirap sa mga maralita ng lunsod.

Samantala, nagpapatuloy ang pagsasapribado ng mga pag-aari ng gobyerno. Ito’y pagpapatuloy ng mga patakarang neo-liberal sa anyo ng malalaking regalong korporasyon sa mga mayayaman at pagpapasidhi ng pagsasamantala at pagdurusa ng uring manggagawa at maralita.

ANG ALTERNATIBA NG PLM

Hindi dapat ipapasan sa mga kababaihan ang krisis ng sistema. Iminumungkahi ng PLM ang isang alternatibong makamasang economic package.

> Dapat na magsimula ito sa proteksyon ng trabaho at agarang pagtigil sa tanggalan ng trabaho,

> Tunay na paglikha ng trabaho upang pasiglahin ang pambansang konsumo at pagbalik sa normal na kalagayan ng ekonomya,

> Muling pagsasaayos ng istruktura ng ekonomya upang kumalawa sa mga neo-liberal na patakarang nakaasa sa pag-eksport ng mga produkto.

> Ang plataporma ng PLM ay nananawagan din para sa mga sumusunod na kaugnay na patakaran.

> Ang pagsasabansa ng mga bangko at mga institusyong pinansyal sa ilalim ng popular na kontrol upang tiyakin na ang mga pondo ay magagamit sa panlipunang pag-unlad na nakakalikha ng mga trabaho.

> Ang mga libreta de bangko ay dapat na buksan; ang matamang pamamahala ng bangko ay dapat na mapatibay, at ang pambansang sistema ng pagbabangko ay dapat na gawing mga institusyon ng serbisyo publiko, kung saan ang mga naipon ng mamamayan ay inilalagak at ginagamit sa kapakanan ng marami.

> Ang paglaki ng alokasyon ng badyet para sa gastusing panlipunan. Ang mga prayoridad ay ang seguridad sa trabaho, nakabubuhay na sahod, kalusugan at edukasyon, pabahay, suporta at proteksyon sa mga sektor na impormal.

> Para sa mga OFWs, isang agarang panlipunang pondo, na may kalangkap na pagbibigay ng disenteng trabaho at pamamaraan ng kabuhayan.

> Ang pagtatakwil sa nakakaperwisyong utang at ang agarang moratorium sa pagbabayad ng utang.

> Buwisan ang mayayaman, hindi ang mamamayan. Alisin ang VAT.

> Pagwawakas sa digmaan at mga paggastos sa digmaan sa Mindanao, at ang paglilipat ng gastusin sa digmaan tungo sa paglikha ng trabaho.

> Para sa mga magsasaka at manggagawang agrikultural, pagpapatupad ng repormang agraryo kasama ang programang lupa para sa walang lupa, kakayahang maglabas na perang agrikultural at ayuda, seguridad sa trabaho at kakayahan sa pamilihan.

> Kabayaran para sa mga di bayad na trabaho ng kababaihan sa bahay, tulad ng nakasaad sa saligang batas ng Venezuela.

> Pagtiwalag mula sa IMF, World Bank at ADB.

> Pagpapatupad ng gender budgeting sa pambansang pang-ekonomya, kabilang ang budgeting sa lahat ng ahensya ng gobyerno, upang tiyakin na makikinabang din ang mga kababaihan sa lahat ng patakarang pang-ekonomya.

Tinitiyak ng mga pamamaraang ito ang muling pamamahagi ng yaman mula sa mga elitista tungo sa uring manggagawa’t maralita. Ngunit tanging ang isang gobyerno ng masa, na may sosyalistang oryentasyon, ang may panlipunang pagkukusa upang ipatupad ang ganitong pamamaraan. Dapat na malagot ng ganitong gobyerno ang sistema ng tiwali at maaksayang pamumuno ng mga elitista at maghandang isulong ang tunay na pagbabago ng sistemang panlipunan. Ang ganitong gobyerno ang pinaninindigan ng PLM.

Walang komento: