Lunes, Oktubre 24, 2011

Hinggil sa pamumuna at pagpuna sa sarili (CSC)

HINGGIL SA PAMUMUNA AT PAGPUNA SA SARILI (CSC)

Ang ating organisasyon, ang Partido Komunista, ang pinakamataas na anyo ng organisasyon sa buong lipunan. Ito ang partido ng proletaryado. Ito ang partido na nagtataguyod at nagsusulong ng mga interes ng uring manggagawa - ang interes na wasakin ang kapitalismo at itayo ang sosyalismo hanggang sa komunismo at mapawi ang pagsasamantala ng tao sa tao.

Ang Partido Komunista ay ginagabayan ng mga prinsipyo at teoryang Marxista-Leninista. Ang pinaka-siyentipiko, pinaka-abante, at pinaka-rebolusyonaryong teorya sa daigdig.

Ang Marxismo-Leninismo ay nakabatay sa siyentipikong katotohanan na inabot na ng sibilisadong tao. Itnataguyod nito ang materyalistang diyalektiko, Marxistang pampulitikang ekonomya at siyentipikong sosyalismo.

Bilang mga elemento ng isang Marxista-Leninistang partido, dapat na naninindigan ang isang komunista sa interes ng proletaryado at rebolusyon. Ang isang komunista ay naniniwala sa proseso ng pagbabago at pag-unlad ng lahat ng bagay.

Ang mga kasapi ng Partido ay dumadaan sa proseso ng pagbabago / pag-unlad sa kanilang pananaw / paninindigan at pamamaraan. Ang kasapian ng Partido ay nagmula sa iba't ibang uri at lugar sa bansa at may dala-dala silang maling kaisipan (indibidwalista o petiburgis, atbp.) mula sa kanilang uring pinagmulan. Sa loob ng Partido at sa direktang pagsabak sa rebolusyonaryong gawain, ang mga di-proletaryadong kaisipan ay tinutunggali ng proletaryadong kaisipan, ng kaisipang Marxista-Leninista.

Ang CSC (criticism and self-criticism o pamumuna at pagpuna sa sarili) ay isang paraan ng pagtunggali sa mga maling kaisipan sa loob ng Partido. Ito ay mandatong pang-ideolohiya upang bakahin at wasakin ang mga mali at hindi proletaryadong kaisipan at paggawa.

Ang Pagsasapraktika Natin ng CSC

Ang CSC ay isang institusyon sa loob ng Partido. Isinasagawa ito ng mga kolektibo "upang gamutin ang sakit at iligtas ang pasyente". Naglalayon ang CSC na bakahin ang liberalismo, indibidwalismo, at iba pang mga maling kaisipan na taglay ng bawat kasama at nang sa gayon ay makapagwasto.

May karapatan ang bawat isa na pumuna / mapuna sa panahon ng pulong. May karapatan ang isang kasapi na punahin ang nakatataas na organo o responsableng kasama.

Ginagawa natin ang CSC sa anyo ng pormal na pulong. Inilulunsad ito pagkatapos ng isang programa at pagtatasa o kaya ay regular na inilulunsad batay sa nakasaad sa programa ng yunit o kolektibo.

Kadalasan ang ginagawa natin ay pinupuna muna ang sarili (nangungumpisal ng kasalanan kaya wala nang maipuna ang mga kasama), tapos ay ang puna ng mga kasama. Pagkatapos nito ay paggawa ng resolusyon (pagsisisi o pangangako ng pagwawasto) sa mga natukoy na kahinaan, kakulangan o kamalian. Kadalasan ang nauunang isinasalang ang kalihim o pinuno.

Sa ating praktika ng CSC, hindi natin nalulubos ang silbi at tuloy hindi nagiging epektibo. Kung minsan pa nga, kahit na nagkaroon na ng CSC ay hindi pa rin nareresolba ang problema. Kaya may mga dapat punahin at iwasto sa ating pagsasapraktika nito.

Ang pagsasapraktika natin ng CSC ay pormalistiko at mababaw kaya walang dinamismo, walang sigla.

Pormalistiko ang pagsasapraktika natin ng CSC. Hinihintay pa natin na ilunsad ang isang pormal na sesyon para punahin ang mga nakikitang kahinaan, kamalian at kakulangan ng isang kasama o isang yunit / kolektibo na kung minsan ay madalang o matagal pa naman (kadalasan ay sa pulong pagtatasa) o kaya naman ay nagiging panghuling adyenda ang CSC.

Dahil dito, ang mga puna sa isang kasama, sa sarili o kolektibo ay parami ng parami at madalas na "puno na ang kasama" o sumambulat na ang problema at mahirap nang lutasn bago pa dumating ang pormal na sesyon ng CSC.

Dahil dito, natatalo ang layuning maiwasto ang mga kamalian at nang hindi na lumala ang problema.

Inilalagay natin sa plano o programa ang CSC bilang isang tungkuling dapat regular na gampanan. Kaya kadalasan, inilulunsad ito pagkatapos ng pagtatasa. Malabnaw ang paghawak natin dito bilang mandato sa pagtulong sa pagpapanibagong hubog ng isang kasama o sandata para maiwasto ang mga kamalian sa pagsasapraktika ng mga rebolusyonaryong prinsipyo.

Mababaw ang punahan. Ang napupuna ay ang mga gilid o panlabas na problema. Hindi ito napapalalim. Hindi nauugat at naiuugnay ang mga natutukoy na kahinaan o kamalian sa mga teorya at prinsipyong Marxista-Leninista ang mga puna. Kadalasan, ang napupuna ay ang mga maliliit na usapin (minor) at hindi ang mga esensyal na usapin (mayor).

Hindi rin nauugat at nalilinaw ang mga konteksto o sirkumstanysang kinapapalooban sa pagsulpot ng problema kung kaya ang mga resolusyon ay mababaw din at hindi nasesentruhan ang tunay na problema, at nang sa gayon ay malinawan at maunawaan ng pinupuna ang mga usaping inihaharap sa kanya.

Iba't ibang Kahinaan sa Pagsasapraktika ng CSC

Sa mga pumupuna naman at maging sa pamumuna, ang napagdidiinan ay ang estilo; malumanay dapat, pili ang mga salita, atbp., kaya ang nangyayari ay dito nagpapakahusay sa pagdedeliber sa pagnanais na huwag maging antagonistiko at ang nangyayari rin ay hindi naman naipapahayag ng epektibo ang mga puna na siyang pinakamahalaga. Nagdidiin sa porma at hindi sa esensya.

May mga pagkakataon naman na ang pagpuna ay parang paninisi at parang gustong durugin ang isang kasama kahit hindi naman mayor ang mga kahinaan o kakulangan. Ito ay hindi nagiging tulong bagkus ay nagpapabagsak at nagpapahina pa nga sa mga kasama.

Pagbubuo ng resolusyon. Kadalasan ay walang nabubuong mga klarado at ispesipikong resolusyon. Kaya ang mga pagkakamali o pagkukulang at maging ang puna ay paulit-ulit na nagaganap. Ang pagwawasto sa mga kamalian at kahinaan o kakulangan ay hindi natatapos sa pagtanggap ng puna. Ito ay dapat na makita sa praktika at hindi na maulit. At kung ito ay maulit ay dapat na magkaroon na ng karapatang aksyong pang-organisasyon.

May praktika rin tayo na hindi o iniiwasan ang pagpuna sa nakatataas na organo o mga nakatataas na mga kadre ng Partido. Kumbaga ay namamanginoon. Na para bagang ang mga nasa nakatataas na organo o mga senior cadres ay hind na maaaring magkamali. At mayroon din naman na nasa mga responsableng posisyon na tatanggap ng mga minor na puna pero hindi tatanggapin ang mga mayor.

May mga kasamang nagrerenda sa pagpuna dahil sa iniisip nila na kung punahin nila ang isang kasama ng matindi ay sila naman ang "masalang". Kaya magaang lang ang puna upang hindi sila punahin (gantihan) ng matindi ng kasama.

May mga kasama naman na tumatalilis sa puna o kaya ay mababaw ang pagtanggap sa puna. Ang pagpuna ay hindi dapat gamitin para sa personalan o gantihan.

Ang Demokratikong Talakayan at Tunggaliang Pang-Ideolohiya

Susi sa pang-ideolohiyang pagpapaunlad ang patuloy at sustenidong paghuhubog sa ideolohiya (ideological remolding), ay ang pag-aaral ng teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo. At ang CSC ay isa lamang paraab ng pagpapanibagong hubog. Hindi ito ang lahat-lahat sa pagpapaunlad ng isang rebolusyonaryong proletryo. Bagamat sa pamamagitan ng CSC ay nahahasa ang mga kasama sa pingkian ng mga ideya at sa gayon ay nakakatulong ito.

Ang pinakamahalaga ay maganap ang tunggaliang pang-ideyolohiya sa lahat ng porma nito; pormal na pag-aaral, pagtatasa, CSC, direktang rebolusyonaryong gawain, atbp., at mula dito ay mahubog ang mga kasama at ang buong Partido.

Ang CSC ay dapat na nakakatulong sa pinakamabilis na paraan upang maiwasto ang mga kamalian, kakulangan at kahinaan. Kung di ito atrasado o mabagal ay hindi makakamit ang layunin nito na makatulong. Ang CSC ay mahalaga upang maagap na makapagwasto at matutuhan ang tama.

Ang isang komunista ay hindi natatakot sa katotohanan. Palagi na ay hinahanap natin ang katotohanan na magsisilbi sa rebolusyonaryong layunin. Ang pagpuna ay pagtulong at hindi pagsira o pagbabagsak sa isang kasama. Sa kabilang bansa, sa mga ayaw magwasto ay kailangang durugin ang mga maling ideya (burgis at petiburgesya).

Sa demokratikong talakayan, sa pamamagitan ng tunggalian ng mga ideya, ay lilitaw ang mga tama at matutukoy ang mga kahinaan at kamalian. Kapag ang mga kasama'y handa nang tanggapin ang totoo at handang magbago ay makakamit ang nais na pagwawasto at pagkakaisa. At malalagay sa tamang direksyon at pagsulong ang lahat ng pagpupunyagi ng mga kasama at ng buong rebolusyonaryong kilusan.

Sa demokratikong talakayan ay dapat na lumahok ang mga kasama. Hindi dapat mahiang ihapag o ihayag ang "laman ng kanilang isip" o ang kanilang mga opinyon o kaya naman ay mag-alala na mali ang kanilang iniisip at baka sila mapagtawanan. O kaya ay nagsasalita lang kung sigurado ang kanilang sasabihin kaya nawawala ang ispontanyidad o pagiging natural ng paglalabas ng mga ideya. Ang gusto nating tukuyin ay ang usapin ng partisipasyon, ang demokratikong partisipasyon ng mga indibidwal na kasama upang marating ang isang antas ng demokratikong pagkakaisa sa mga usapin na inihahapag para desisyunan.

Pero tama naman na talagang dapat na maghanda sa kanilang mga ihahayag. Pinakamahusay nga ay kung may mga panimulang pag-aaral sa mga usapin upang mas mapiga ang mga ideya. Hindi naman maganda ang bara-bara. Subalit hindi ito dapat makabara o mkapigil sa isang kasama upang makalahok sa talakayan.

Sa mga humahawak ng pulong, dapat na isaalang-alang ang opinyon at pagkakataon na magsalita ng mga kasama. Mahalaga na ang lahat ay makapag-ambag o makalahok sa mga talakayan.

Mag mga pagkakataon din naman na talagang nginingisihan o tinatawanan ang mga opinyon ng mga kasama, laluna ang nagmula sa hanay ng masa at hindi artikulante, kaya may mga kasamang nadadala. Ngunit hindi ito ang dapat mamayani sa isang kasama. Ang mas mahalaga ay mailabas niya ang kanyang mga opinyon upang hindi maging dala-dalahin o reserbasyon. Dapat tulungan ang mga kasama na mabuo ang kanilang mga opinyon.

Sa mahaba nating karanasan sa paglulunsad ng CSC, malaki ang naging tulong nito. Ang kailangan lang ay hindi dapat na maging pormalistiko at mababaw ang pagsasagawa niti. Marami tayong malulutas na suliranin at malaking tulong ito sa paghuhubog ng isang kasama upang maging isang tunay na komunista, hindi lamang sa salita kundi sa gawa, hindi lamang sa teorya kundi maging sa praktika. Ang kailangan natin ay isang dinamikong CSC, institusyonalisado sa ganitong batayan.

Linggo, Oktubre 23, 2011

Hinggil sa kolektibismo

HINGGIL SA KOLEKTIBISMO

Lagi na, nilalayon nating marating ang mataas na antas ng kolektibismo. At lagi rin tayong nabibigo sa ating hangarin. Ang bawat kolektibo ay binabagahe ng samutsaring suliranin na dumidiskaril sa mahusay nitong paggana hanggang sa manghina at maparalisa.

Minsan na nating hangarin ang pagkakaroon ng matatag at malakas na kolektibismo at pagpunyagiang marating ito. Sa ganito lamang tayo makapangingibabaw sa mga kahirapan sa pagrerebolusyon. At mababaka at mapapangibabawan ang ating mga indibidwal na kahinaan, kamalian at mga limitasyon.

Gawin nating susi sa pagkakamit ng layunin ang lubos na pag-unawa at pagsapol sa kolektibismo sa kanyang kabuuan para sa kongkretong praktika nito. Nangangahulugan ito ng pag-unawa at pagsapol sa esensya, iba't ibang porma, anggulo, mga paraan at aktwal na dinamismo ng ating praktika.

Mula rito, kamtin natin ang malakas at matatag na kolektibismo na ating nilalayon para sa isang lubos na dinamikong orgnisasyon.

Ang kolektibismo ay ang pag-iisip at pagkilos sa balangkas, konteksto at esensya sa kabuuan. Sa kaso natin ay ang pag-iisip at pagkilos sa balangkas, konteksto at esensya ng buong organisasyon at/o mga sekundaryong kolektibo.

Sa ibang salita ang kolektibismo ay ang pagkakaisa sa pag-iisip sa balangkas at konteksto ng kapakanan at pangangailangan ng ating rebolusyonaryong gawain at interes ng mamamayan at rebolusyon. Ganito, sapagkat ang ating pinagsisimulan at pinagtatapusan ay ang kapakanan at interes ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Kaya, sa balangkas at konteksto ng kolektibismo, ang lahat ng ating galaw ay nararapat na nagsisilbi sa organisasyon, gawain, mamamayan, at rebolusyon. Ang mga ideya ay ating inililitaw at isinusulong sa tanging pag-iisip kapag ito'y napatunayang tama ay ito ang magsisilbi sa kabuuan.

Ayon dito, kailanman ay mali at wala sa lugar na ituring natin ang ating mga ideya bilang ekstensyon ng ating personalidad na kapag inatake o pinasubalian ay ipagdaramdam. Na ang ating mga gawain ay labis na mapersonalisa na kapag nagtagumpay ay ating ipagyayabang at kapag nabigo naman ay ating ipanghihina. Laging isaisip na tayo ay kinatawan lang at kumakatawan sa interes ng organisasyon, mamamayan at rebolusyon. At ang lahat ng ating indibidwal na pagsisikap ay maliit na bahagi ng pagpupunyagi ng organisasyon at mamamayan na maisulong ang rebolusyonaryong pakikibaka tungo sa tagumpay.

Sa ganito, kagyat na makikita na ang indibidwalidmo at liberalismo ay walang lugar dahil lansakang salungat sa kolektibismo. Kailanman ay maisasa-katotohanan ang kolektibismo habang may pag-iisip sa bawat isa o ilan nang pangunguna sa sariling kapakanan (indibidwalista) o kaya naman ay pagpapaubaya / pagpapabaya (liberal).

Ang mataas na antas ng kolektibismo ay nararating lang sa pamamagitan ng masigla at walang sagkang tunggalian. Ibig sabihin ay ang masigla at walang sagkang banggaan ng iba't ibang ideya, nang sa gayon ay mahusay na tumining ang usapin ng tama at mali para sa nagkakaisang pagtataguyod sa tama at pagtatakwil sa mali.

Kung gayon, ang bawat isa ay nararapat na walang pasubaling maghayag at/o maglatag ng kanyang mga ideya/opinyon/palagay sa lahat ng usaping naisasalang. Walang ibang paraan ng pagpapatining ng usapin ng tama o mali kundi ganito. Kailangang makita ang bawat usapin/punto sa kanyang iba't ibang aspeto at anggulo batay sa sirkumstansyang iniiralan nito.

Kaya gawin nating pamalagiang tungkulin ang pagpawi o pangingibabaw sa mga sagkang pumipigil sa masiglang daloy ng mga tunggalian. Pangunahin, tulad ng nabanggit na, nararapat na lubos na mabaka at mapangibabawan ang indibidwalismo at liberalismo. Ang kongkretong manipestasyon ng suhetibismo na siyang ugat ng lahat ng kahinaan.

Sa tunggalian ng mga ideya, ang mga sagkang ito ay masasalamin sa lagi nating nababanggit na pagtatasa - kawalan ng paghahanda / pag-aaral, pag-aalangan / pag-aatubili, pagiging sensitibo, pagkakaroon ng reserbasyon, pagiging sarado, kawalan ng tiyaga, hindi magandang estilo (intimidating), atbp.

Ang masiglang tunggalian ay nararating lamang kung ang bawat isa ay handa. Ibig sabihin ay napag-aralan o alam ang usaping tinatalakay. Kaya nararapat na maging matiyaga tayo sa pag-aaral ng mga usapin hanggang sa mga panteoretiko at pamprinsipyong pamatnubay.

Kaakibat nito ang walang sagkang pagbabahaginan ng mga karanasan at kaalaman. Sa ganito, ang buong magkaka-kolektibo ay pamilyar sa lahat ng usaping saklaw nito at nasa kalagayan para mapag-aralan ito at masiglang makalahok sa mga talakayan / tunggalian kaugnay sa mga usaping ito.

Sa mga kalagayang hindi ganoon kaalam o walang alam ang iba o ilan, magkakaroon ng panahon sa pag-alam bago matalakay ito. O kahit nasa proseso ng talakayan ay patuloy na mag-alam laluna sa mga punto / detalyeng nakikitang mahalaga / mapagpasya para sa pagdedesisyon / kongklusyon.

Mali ang pananaw / aktitud na kapag hindi pamilya / alam ang usapin ay magwawalang-bahala na lang. Mag-alam at masiglang lumahok sa talakayan / tunggalian. Kailangang lagi na ay maksimisado ang kapasidad ng kolektibo. Kung ito ay tatlo o lima o pito, atbp., nararapat na ganito ring bilang ng pag-iisip ang gumagana sa pagresolba sa mga usapin.

Sa mga punto ng pag-iiba at hindi pagkakaunawaan, ang ultimong sukatan ng tama at mali ay ang ating mga saligang pang-ideyolohiyang pamatnubay - ang Marxismo-Leninismo. Ang kawastuhan at kamalian ay susukatin natin ayon sa mga pamprinsipyo at panteoretikang kaalamang itinuturo sa atin nito.

Kung sa kabila nito ay hindi pa rin malutas ang usapin sa iba't ibang kadahilanan (pag-intindi o interpretasyon, atbp.), maaaring ipagpaliban ang pagdedesisyon para sa higit pang malalim na pag-aaral. Kung may kakagyatan naman ang usapin ay papasok na ang pang-organisasyong prinsipyo't patakaran.

Sa mga ganitong sitwasyon, dapat na malinaw sa lahat na ang nangunguna na sa ating konsiderasyon ay ang pag-iwas sa paralisis. Huwag kailanman ipakahulugang ito ay sagka o pagsagka sa minorya. At kahit malutas na ang usapin pabor sa mayorya ay laging bukas sa pag-aaral at sa muling paghahapag nito.

Bawat isa ay responsable sa pagi-establisa at pagpapalakas ng kolektibismo. Bagamat tinitingnan ang pagiging mapagpasya ng papel ng ubod ng pamunuan o ng namumuno sa isang kolektibo, hindi mapapasubalian at maliitin ang papel ng bawat isa sa matagumpay na pagkakamit ng mataas na antas ng kolektibismo.

Pakatandaan na ang lahat, nang walang pagtatangi, ay may pantay-pantay na karapatan. Maging sa pang-organisasyon aspeto nito ng pagboto ay lubos na pantay. Ang tungkulin lang ng namumuno ay iugit ang kolektibo. Tungkulin at responsibilidad ng kolektibo na pangasiwaan ang sarili.

Balewala ang inisyatiba at pagpupunyagi ng namumuno kung hindi gagampan ng kani-kanyang papel at responsibilidad ang bawat isa. Pakatandaan na ang kolektibo ay ang buong grupo / komiteng bumubuo nito. Hindi ang bahagi o baha-bahagi lang nito. Kaya ang kolektibismo ay nararapat na ma-establisa at mapatatag sa buong grupo / komite.

Ang kolektibismo ay isinasagawa at nagkakaanyo, hindi lang sa oras ng pagpupulong. Ito ay isinasapraktika natin sa lahat ng aspeto at panahon ng ating pagkilos. Masasalamin ito sa ating paggalaw ayon sa pinagkaisahang programa, mga patakaran at napapanahong mga konsultasyon.

Integral na bahagi rin nito ang masiglang bahaginan ng karanasan sa pagitan ng magkaka-kolektibo upang kahit hindi tuwiran ay mabuo ang karanasan at kaalaman ng lahat. Sa buong proseso, ito ay nararapat ding masigla ang mga talakayan sa interpretasyon at pagpapatupad ng mga programa at patakaran para sa higit na pagpapakinis ng mga ito.

Ang kolektibismo ay mabisang naghuhubog sa ating mga sarili tungo sa pagiging lubos na proletaryado. Isa sa esensyal na nilalaman ng kolektibismo ay ang walang lubay na pagbaka sa mga labi ng petiburges na katangian / kalikasan ng mga bumubuo ng isang kolektibo.

Natural ito dahil, tulad na nga ng nabanggit, ang petiburges na indibidwalismo at liberalismo ay lansakang salungat (anathema) na kolektibismo. Mahina o hindi mapapalakas at mapapatatag ang kolektibismo habang makabuluhang umiiral ang petiburges na mga katangian at kalikasan sa hanay ng isang kolektibo.

Kaya lubos na maging mulat tayong lahat sa katotohanang ito. Walang humpay nating bakahin sa ating mga sarili at kasama ang indibidwalismo at liberalismo - ang kongkretong manipestasyon ng petiburges na suhetibismo. Walang ibang landas tungo sa isang malusog, malakas at matatag na kolektibismo kundi ito.