PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
ANG PROPAGANDISTA BILANG MAKATA,
ANG MAKATA BILANG PROPAGANDISTA.
Bata pa lang ako’y hilig ko na ang pagsusulat ng tula. Lalo noong hayskul na may nagpapagawa pa ng tula sa akin para sa kanilang nililigawan. Noong nasa ibang bansa ako para sa anim-na-buwang-scholarship sa electronics, lumiliham ako sa aking magulang, kapatid at mga kaklase ng patula.
Ang aking pulitika ay idinadaan ko sa tula. Kaya madalas, tinatawag akong tumula sa mga rali. Naging aktibista ako mula 1993 hanggang sa kasalukuyan.Apat na taon ako noon sa isang publikasyong pangkampus: dalawang taon bilang staffwriter at dalawang taon bilang features and literary editor (1993-1997). Nagpultaym na ako sa kalagitnaan ng 1997 at di natapos ang kolehiyo sa kursong BS Math. Mula Kalipunan ng Malayang Kabataan (Kamalayan) ay na-deploy ako sa grupong Sanlakas noong 1996. Inasikaso ko rito ang dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng Sanlakas noong 1998 at 1999. Nakapagsulat din ako ng mga polyeto bilang staff ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) mula nang ma-deploy ako rito noong 2001 hanggang 2008. Sa akin itinalaga ang pag-aasikaso sa Taliba ng Maralita, opisyal na publkasyon ng KPML. Naging manunulat din sa magasing Tambuli (1996-1999) at dyaryong Obrero (2003-2010) ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).
Nakapaglathala na rin ako ng aking mga libro, tulad ng Macario Sakay, Bayani, na sa tulong ng history group na Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan) ay inilunsad sa UP Manila noong Setyembre 13, 2007, kasabay ng ika-100 taon ng pagkabitay kina Sakay at Lucio de Vega; ang aklat na Ka Popoy, Working Class Hero, na sa tulong ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ay inilunsad sa UP Bahay ng Alumni noong Pebrero 6, 2009, na ikawalong anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy; ang pamphlet na Ningas-Bao; at ang salin ng mga sulatin ni Che Guevara.
Masasabi kong naging bahagi ng kilusang propaganda ng mga maralita at manggagawa. Kaya madalas akong nakikita ng aking mga kasama sa kahabaan ng Daang Molave na may magkakapit opis na 40 printing press dahil halos sa mga printing press ako na nakababad. Minsan, nagpapa-riso, minsan naman, nagpapa-imprenta, minsan, nagpapa-CTP (computer-to-plate) nang mauso na ang CTP (dati ay manu-mano ang paglalapat sa plato ng mga artikulo). Minsan ako pa ang bibili ng mga papel sa Emerald, o kaya sa may Nara. Mas malaki kasi ang tipid pag ako na ang mag-aasikaso ng printing, dahil ang 35% ay nababawas na. Halimbawa, pag pinasok mo ang dyaryo mo sa isang printing press sa halagang P10,000 per isang libong kopya (minimum na ipinagagawa), P6,500 lang ang gastos mo pag ikaw ang nag-asikaso. Kaya ang P3,500 ay mapupunta sa iyo, kumbaga, tingi-tingi. Ikaw ang bibili ng papel at maghahatid sa printing press, babayaran mo lang ay running, ikaw ang magpapa-cut at magtitiklop. Ganoon.
Binabasa ko rin kahit naka-computer-to-plate na dahil baka may makita pa akong typo error. Naaalala ko nga ‘yung pangungusap na “agad namang niyakap ni Ka Roger ang isang dinemolis na nanay”, na kung hindi mo napansin agad, nakasulat pala ay “agad naming niyakap ni Ka Roger”, kung saan kasama ang nagsulat (ako iyon), kaya pinabura ko sa plate ang “ming” sa “naming” kaya naging “agad na niyakap”.
Malasimuot ang gawaing propaganda kaya dapat maalam ka, hindi lang batay sa karanasan, kundi pati sa teknolohiya.
Ang ibig sabihin ng propaganda ay pagpapalaganap. Mula ito sa Sacra Congregatio de Propaganda Fide (o Sacred Congregation for the Propagation of the Faith). Ito'y isang kagawaran ng Roman Curia ng Simbahang Katoliko na itinatag ni Papa Gregory XV noong 1622 upang tiyakin ang pandaigdigang gawaing misyonero at nakapailalim ang mga misyon sa ilalim ng direktang kontrol ng papa.
Hindi maaaring pulos polemic o rethoric lang kundi dapat suportado iyon ng mga datos. Kaya mahalaga ang pananaliksik sa gawain ng propagandista. Dapat palabasa ka, nakikinig ng balita sa radyo, nanonood ng ulat sa telebisyon, nagsasaliksik ng mga datos sa mga mapagkakatiwalaang sanggunian, tulad ng Ibon Foundation, pahayagang Inquirer, at ibang nagbibigay ng mahahalagang impormasyon, na nakaka-apekto sa bayan.
Dapat mapagmasid at malakas ang loob ng propagandista upang durugin ang mga paliwanag na madalas ay kiling sa naghaharing uri. Dapat mapatagos ng propagandista ang tindig at prinsipyo ng uring manggagawa sa kamalayan ng masa.
Bilang propagandista, pinapalaganap namin ang prinsipyo at pangarap ng uring manggagawa tungo sa pagbalikwas sa bulok na sistema ng lipunan, lalo na ang kapitalismo at ang pinakamataas na yugto nito - ang imperyalismo - sa layuning itayo ang isang pandaigdigang lipunang may pagkakapantay-pantay at hindi sumasamba sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Dahil ang ugat ng laksa-laksang kahirapan sa daigdig ay pribadong pag-aari. Kaya dapat lang itong gawing pag-aari ng buong lipunan upang ang lahat, lalo ang mga dukha at manggagawa, kababaihan, at iba pang aping sektor ng lipunan, ay makinabang.
Bilang makata, nalathala rin ang aking mga akda at tula sa pahayagang Obrero ng BMP, Maypagasa ng Sanlakas, Taliba ng Maralita ng KPML, at magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Tumutulong na ako sa pagpa-imprenta ay kasama pa ako sa pangkat ng mga manunulat.
Tinitingnan ko rin kung nasa tamang linya ba ang mga sulatin. Kung wala sa linya, kinakausap namin ng iba pang editor ang nagsulat upang baguhin o iwasto ang kanyang sulatin. Hindi naman kasi kami nagsusulat ng pansarili namin, kundi bilang bahagi ng kilusang mapagpalaya ay nagpo-propaganda kami upang ipabatid sa madla ang aming paninindigan sa mga isyung nakakaapekto sa sambayanan.
Salamat sa pagbabasa ng mga tula’t akdang naririto.
Bilang propagandista, isusulat ko at itutula ang niyakap na prinsipyo, lalo na ang aming pangarap na lipunang patas at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Hindi para sa sarili ang aming gawain kundi para sa kapwa, sa madla, sa bayan, sa bansa, sa uring manggagawa, sa daigdig.
- sinulat, Mayo 3, 2010 (World Press Freedom Day)

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento