Lunes, Oktubre 14, 2019

Kwento - Sampung daliri, sampung tao, sampung saging na saba


SAMPUNG DALIRI, SAMPUNG TAO, SAMPUNG SAGING NA SABA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katatapos lang ng paggunita sa ikasampung anibersaryo ng Ondoy at napag-usapan din ang isang bayaning nagbuwis ng buhay para iligtas ang nasa dalawampung katao sa kasagsagan ng Ondoy. Isang pangalang di malilimot si Muelmar Magallanes, isang construction worker na taga-Barangay Bagong Silangan sa Lungsod Quezon.

Kinabukasan, mayroong pag-aaral hinggil sa paksang ARAK o Aralin sa Kahirapan sa tanggapan ng KPML o Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod. Napag-usapan ang pag-aalay ng buhay ni Muelmar upang magligtas ng kapwa niya kababayan.

“Dahil pinag-uusapan natin ay hinggil sa kahirapan, at kahapon ang ikasampung anibersaryo ng Ondoy,” pagsisimula ni Mulong, “bakit ba tayo naghihirap, at bakit ang isang mahirap tulad ni Muelmar, kahit nagsisikap tayo, ay nananatiling mahirap? Pansinin natin ang salitang sampu. Ikasampung anibersaryo ng Ondoy, sampu tayo ngayon dito, may sampu tayong daliri, at may dalang sampung saging na saba si Aling Isay. Ano kaya kung kunin ko ang siyam na saging na saba at paghatian ninyong siyam ang isang saba? Makatarungan ba iyon?”

Sumagot si Igme, “Aba’y kasuwapangan na iyan. Hindi parehas ang hatian! Maling-mali ang ganyang palakad.”

“Paano kung apat lang ang kunin ko, at paghatian ninyong siyam ang anim na saba? E, di may tig-dalawang katlo kayo o 2/3 bawat saging. Aba, mabubusog na kayo niyan.” Tanong muli ni Mulong.

Si Ingrid naman ang sumagot, “Mali pa rin iyan dahil hindi pantay ang hatian. Nilalamangan mo na kami.”

“Paano kung ako ang bumili ng sampung saba at nagbayad ng buo kay Aling Isay, at apat lang ang kinuha ko, ibinigay ko sa inyo ang anim upang paghatian ninyo?”

Medyo napaisip ang mga lumahok sa pagsasanay.

“Ayos na rin iyan, ikaw naman ang bumili.” Ani Inggo.

“Ganyan din sa lipunan,” pagpapatuloy ni Mulong, “halimbawa na lang sa lipunang pyudal. Kung sino ang may-ari ng lupa, sa kanya napupunta ang mas malaking bahagi habang ang mga magsasakang nagsikap maglinang ng lupa, mag-araro, magtanim, magdilig, at mag-ani ay siyang kaunti ang nakukuha. Usapan pa nila’y 70-30 ang hatian.”

“Dahil inaaral natin ang ating kalagayan,” sabi ni Igme, “dapat suriin din natin ang di pagkakapantay sa lipunan. Tama ba? Ibig sabihin, dahil sa pribadong pag-aari, kahit ano ang gustong gawin ng may-ari, wala tayong magagawa. Subalit kung walang sinumang nag-aari ng lupa, gaya noong unang panahon, hindi kakain ang sinumang hindi kumakayod.”

“Tama ka, Igme,” ani Mulong. Tulad din ng sampung saging na saba na hahatiin sa ating sampu. Dapat tayo ay may tig-isang saging. Kaya walang lamangan. Ngunit sa umiiral na sistema ng lipunan ngayon, aba’y pulos lamangan. Palibhasa’y sila ang may-ari ng pabrika ay maaari na nilang isahan tayong mga manggagawa.”

“Ibig sabihin pala,” ani Ingrid, “kahit sampu tayo ngunit dahil isa ang bumili para sa atin, maaari niyang kunin ang lima at hatiin ng siyam ang lima pa. Kaya mahirap talagang maging mahirap. Trato sa iyo ay hindi kapwa. Parang pulubing walang karapatang pumili ng iaabot sa kanya.”

“Mabuti’t inyong nauunawaan kung gaano talaga kalupit ang umiiral na sistema. Kaya nga pag may rali o anumang pagkilos tayo, isinisigaw natin ay ‘Baguhin ang sistema’ o kaya’y ‘Wakasan ang bulok na sistema’ dahil nga sa ganyang abuso sa ating mga karapatan. At ano naman ang ipapalit natin sa bulok na sistema? Dapat isang sistemang pantay ang karapatan ng lahat, at kakain yaong mga manggagawang lumilikha ng ekonomya ng bansa, at nagpapakain sa buong lipunan, gaya ng mga magsasaka. Dapat walang hari, walang reyna, walang monarkiya, walang asendero, walang kapitalista, upang lahat ng tao ay makinabang sa kanilang pinagpaguran. Hindi kakain ang uupo-upo lang at kukuya-kuyakoy lang habang kayod-kalabaw ang mga nagdaralita.”

Sumagot si Isay, “Nauunawaan na namin ang kahalagahan ng pantay na hatian sa lipunan. Dapat nga talagang pairalin ang ganyan. Maraming salamat sa ganitong mga pag-aaral na sana’y marami pang makaalam.”

“Maraming salamat din sa inyong lahat sa pagdalo.” Ani Mulong.

Umuwi silang may kislap na pag-asa sa kanilang mga mata.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Oktubre 1-15, 2019, pahina 18-19.

Walang komento: