PAMBUNGAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
PAGKATHA’T PAKIKIBAKA PARA SA HUSTISYANG PANLIPUNAN
Tuwing Pebrero 20 ay inaalala sa iba’t ibang panig ng daigdig ang World Day of Social Justice (Pandaigdigang Araw para sa Katarungang Panlipunan). Sa pamamagitan ng Resolusyon A/RES/62/10 ay pinagtibay ito ng United Nations General Assembly (UNGA) sa ika-62 sesyon nito noong Nobyembre 26, 2007.
Bilang makata’t aktibistang pulitikal na nakikibaka para sa karapatang pantao at katarungang panlipunan, naging bahagi na ng buhay ko ang samutsaring isyu ng manggagawa, maralita, kababaihan, vendor, kabataan, magsasaka, mangingisda, at iba pang nasa sektor ng sagigilid o nasa laylayan. Higit na rin akong tatlong dekadang nakikibaka, mula pa bilang manunulat sa pahayagang pangkampus, hanggang magpultaym. Nakahiligan ko na ang pagtula at pagsusulat ng mga sanaysay at maiikling kwento hinggil sa mga isyung panlipunan. Ika nga, kahit wala ako sa toreng garing ay patuloy akong nagsusulat sapagkat buhay ko na ang pagkatha, lalo na di lamang pagtalakay sa isyu, kundi pananawagan ng hustisya para sa mga pinagsasamantalahan at inaapi, at panawagang baguhin na ang bulok na sistema at maitayo ang isang lipunang patas, parehas at makatao, at sistemang walang pagsasamantala ng tao sa tao.
Kaya mahalaga sa aking matipon ang mga tulang naririto upang patuloy na ikampanya ang hustisyang panlipunan at paggalang sa karapatang pantao. Sa ganyang pagtingin, ikinakampanya kong kilalanin din at maglunsad ng malawakang pagkilos ang mamamayan tuwing Pebrero 20 bitbit ang mga isyu ng inhustisya at manawagan ng hustisya para sa lahat. Sa ating Saligang Batas ng 1987, ang pamagat ng Artikulo XIII ay Social Justice and Human Rights (Katarungang Panlipunan at mga Karapatang Pantao). Ibig sabihin ay magkaugnay ang dalawang ito. Subalit karaniwang nagrarali o kumikilos ang maraming tao upang gunitain ang Disyembre 10 taun-taon dahil ito’y Universal Human Rights Day (Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao). Subalit walâ pang malawakang pagkilos upang kilalanin talaga ang napakahalagang araw ng World Day of Social Justice tuwing Pebrero 20.
Katarungan. Hustisya. Justice. Ang una’y wikang Filipino, mula sa salitang ugat na tarong sa salitang Bisaya. Ikalawa’y ang isina-Filipinong Justicia ng Espanyol. Ang ikatlo’y salitang Ingles. Subalit mas magaan, para sa akin, ang gamitin ang hustisya pagkat mas ito ang madaling maunawaan ng masa at karaniwang isinisigaw nila sa kalsada (sa pagkilos tulad ng rali).
Sa ating bansâ, may programa ng Social Justice si dating Pangulong Manuel Luis Quezon. Ayon sa pananaliksik, layon ng programang ito na bawasan ang kahirapan at tugunan ang lumalalang kaguluhan sa lipunan, sa pamamagitan ng interbensyon ng gobyerno. Kabilang sa mga pangunahing hakbang ang pagpapatupad ng minimum na sahod, pagtatatag ng 8-oras na araw ng trabaho, paglikhâ ng isang Hukuman ng Ugnayang Pang-industriya para sa mga hindi pagkakaunawaan sa paggawâ, at marami pang iba. Kaya nga kasama sa libretong ito ang panawagan ng hustisya sa iba’t ibang saray ng lipunan. Kaya hindi lang indibidwal na paghingi ng katarungan kundi hustisya laban sa bulok na sistema ng lipunan.
Malawak ang usaping hustisyang panlipunan, subalit tinipon ko sa munting aklat na ito ang mga isyung nagawan ko ng tulâ, lalo’t mga isyu ng iwinalâ (desaparesido), tinokhang, walang prosesong pagpaslang sa tao, na parang tumitiris ng ipis, hustisya para sa kababaihan, obrero, maralitâ, vendor, kabataan, atbp.
Tunay na di sapat na matalakay ang malawak na isyung ito sa munting libreto ng mga tulâ. Subalit sinubukan ng makatâ ang anumang kaya niyang maitulâ. Ang mga akdang naririto (mga tulâ at isang maikling kwento) ay mulâ sa mahabang karanasan ng pakikibaka para sa karapatang pantao at hustisyang panlipunan. Ang lahat ng pagsisikap na ito’y inihahandog ng makatâ para sa lahat ng nananawagan ng hustisya.
Pebrero 1, 2026, Lungsod ng Maynila
Taospusong pasasalamat ay Sir Egay Cabalitan sa pagpapaunlak niyang magbigay ng Paunang Salita sa aklat kong ito. Muli, maraminag salamat!
PAUNANG SALITA
Edgardo Cabalitan Jr.
Secretary General
Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA)
Ang aklat na hawak ninyo—“Tula’t Panawagan para sa Hustisyang Panlipunan”—ay hindi lamang kalipunan ng mga tula at sanaysay. Ito ay patunay na ang panulat, kapag inugat sa karanasan ng sambayanan, ay nagiging sandata; at ang tula, kapag isinulat mula sa paninindigan, ay nagiging panawagan.
Nakilala ko si Gregorio “Greg” Bituin Jr. hindi lamang bilang isang makata at manunulat, kundi bilang kapwa kabataang aktibista ng dekada ’90—isang henerasyong hinubog ng pag-igting ng mga tunggalian matapos ang diktadura, ng patuloy na kahirapan, at ng panibagong anyo ng panunupil sa ilalim ng huwad na demokrasya. Sa panahong iyon, ang pagiging kabataan ay hindi hiwalay sa pagiging mapag-usisa, mapanuri, at mapangahas. Si Greg ay isa sa mga nanindigan sa hanay na iyon—bitbit ang panulat, ang tula, at ang malinaw na paninindigang sosyalista.
Sa kanyang mga akda, malinaw na ang tula ay hindi hiwalay sa politika, at ang politika ay hindi maaaring ihiwalay sa buhay ng ordinaryong mamamayan. Ang mga tula at sanaysay sa koleksiyong ito ay sumasalamin sa mga karanasan ng manggagawa, maralita, kabataan, at iba pang inaapi—mga tinig na madalas itinutulak sa gilid ng kasaysayan. Hindi ito mga tulang naghahangad lamang ng aliw o estetika; bagkus, ito ay mga tulang nagtatanong, humahamon, at humihingi ng pananagutan.
Mahalaga ring ilagay sa konteksto ang mga akdang ito. Ang mga ito ay isinilang sa gitna ng nagpapatuloy na krisis sa karapatang pantao sa Pilipinas—mula sa kawalan ng lupa at disenteng trabaho, hanggang sa karahasan ng estado at kultura ng impunity. Sa ganitong kalagayan, ang pagsusulat ni Greg ay nagiging anyo ng pakikibaka: laban sa katahimikan, laban sa paglimot, at laban sa sistemang patuloy na lumilikha ng inhustisya.
Bakit mahalaga ang koleksiyong ito sa kasalukuyan? Sapagkat ang mga isyung tinatalakay nito ay nananatiling buhay—at sa maraming pagkakataon, lalong lumalala. Sa panahong sinusubukang baguhin o burahin ang kasaysayan, ang ganitong mga akda ay nagsisilbing paalala na ang hustisyang panlipunan ay hindi kusang ibinibigay; ito ay ipinaglalaban. Ang mga tula ni Greg ay nagsisilbing tulay sa pagitan ng nakaraan at kasalukuyan, at paanyaya sa susunod na henerasyon na ipagpatuloy ang pakikibaka.
Sa mga mambabasa, hinihikayat ko kayong basahin ang aklat na ito hindi lamang bilang panitikan, kundi bilang panawagan. Hayaan ninyong gambalain kayo ng mga salita, pukawin ang inyong konsensya, at hamunin ang inyong pananaw. Sapagkat sa huli, ang tunay na sukatan ng ganitong mga akda ay hindi kung gaano kaganda ang mga taludtod, kundi kung paano nito binabago ang ating pag-unawa at pagkilos bilang bahagi ng lipunan.
Ang “Tula’t Panawagan para sa Hustisyang Panlipunan” ay ambag ni Gregorio Bituin Jr. sa patuloy na laban para sa dignidad, karapatan, at katarungan. Isang ambag na karapat-dapat basahin, balik-balikan, at ipasaa.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento